“Pebrero 22–28. Doktrina at mga Tipan 18–19: ‘Ang Kahalagahan ng mga Kaluluwa ay Dakila,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Pebrero 22–28. Doktrina at mga Tipan 18–19,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021
Pebrero 22–28
Doktrina at mga Tipan 18–19
“Ang Kahalagahan ng mga Kaluluwa ay Dakila”
Hilingin sa Ama sa Langit na tulungan kang hanapin ang mga alituntunin sa Doktrina at mga Tipan 18–19 na magiging lalong makabuluhan sa mga bata.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 18:2, at ipaliwanag na tinulungan ng Espiritu si Oliver Cowdery na malaman na totoo ang mga banal na kasulatan. Ikuwento sa mga bata ang isang karanasan kung saan pinatotohanan ng Espiritu sa iyo na ang mga banal na kasulatan ay totoo. Bigyan sila ng pagkakataon na magbahagi ng mga karanasan kung saan nadama nila na totoo ang mga banal na kasulatan.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Doktrina at mga Tipan 18:10–12
Bawat isa sa atin ay napakahalaga sa Diyos.
Kapag nalalaman ng mga bata na mahal sila ng Ama sa Langit—at ang lahat ng Kanyang mga anak—sila ay mas may kumpiyansa sa sarili at mas mabait sa iba.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na sabayan ka sa pag-ulit nang ilang beses ng Doktrina at mga Tipan 18:10. Ipaliwanag na ang “mga kaluluwa” ay tumutukoy sa lahat ng anak ng Diyos. Ulitin ninyo ng mga bata ang talata 10, na pinapalitan sa pagkakataong ito ang salitang “mga kaluluwa” ng pangalan ng mga bata. (Tingnan din ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito.)
-
Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na itinuturing ng mga tao na mahalaga. Pagkatapos ay bigyan ng pagkakataon ang mga bata na magsalitan sa pagtingin sa salamin, at habang ginagawa nila ito, sabihin sa bawat bata na siya ay anak ng Diyos at napakahalaga. Magpatotoo na para sa Ama sa Langit, sila ay mas mahalaga kaysa sa lahat ng bagay na naisip nila kanina.
Doktrina at mga Tipan 18:13–16.
Ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay nagbibigay sa akin ng kagalakan.
Paano mo hihikayatin ang mga bata na anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo at maranasan ang malaking kagalakan?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sabihin sa mga bata ang tungkol sa isang bagay na nagbibigay sa iyo ng kagalakan. Bigyan ng pagkakataon ang bawat bata na sabihin sa iyo ang tungkol sa isang bagay na nagbibigay sa kanya ng kagalakan. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 18:13, 16. Ano ang nagbibigay ng kagalakan sa Panginoon? Ano ang sinabi Niya na magbibigay sa atin ng kagalakan?
-
Sama-samang kantahin ang isang awit tungkol sa gawaing misyonero, tulad ng “Nais Ko nang Maging Misyonero” (Aklat ng mga Awit Pambata, 90), at tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan para maibahagi nila ang ebanghelyo sa iba at pati na rin sa kanilang sariling tahanan. Ikuwento ang isang pagkakataon na ibinahagi mo ang ebanghelyo, at bigyan ng pagkakataon ang mga bata na ibahagi ang kanilang mga karanasan.
Doktrina at mga Tipan 19:18–19, 23–24
Sinunod ni Jesucristo ang Ama sa Langit, kahit mahirap itong gawin.
Ang kahandaan ng Tagapagligtas na “lagukin ang mapait na saro at [hindi] manliit” (talata 18) ay isang halimbawa sa ating lahat ng pagsunod sa kalooban ng Ama sa Langit. Pag-isipan kung paano mo mahihikayat ang mga bata na tularan ang Kanyang halimbawa.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipakita ang larawan ni Jesucristo na nagdurusa sa Getsemani (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Hilingin sa mga bata na sabihin sa iyo ang nalalaman nila tungkol sa nangyayari sa larawang ito. Ibuod sa sarili mong mga salita ang sinabi ng Tagapagligtas sa Doktrina at mga Tipan 19:18–19 tungkol sa Kanyang pagdurusa. Bigyang-diin na ang pagdurusa para sa ating mga kasalanan ang pinakamahirap na bagay na ginawa ni Jesus, ngunit dahil mahal Niya ang Kanyang Ama at tayong lahat, sinunod Niya ang kalooban ng Diyos. Paano natin masusunod ang Ama sa Langit?
-
Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga simpleng aksiyon na akma sa mga parirala sa Doktrina at mga Tipan 19:23. Basahin ang talata nang ilang beses habang ginagawa ng mga bata ang mga simpleng aksiyon. Tulungan silang mag-isip ng mga paraan na matututo tayo kay Cristo at makikinig sa Kanyang mga salita.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Doktrina at mga Tipan 18:10–12
Bawat isa sa atin ay napakahalaga sa Diyos.
Maraming tao ang nahihirapan dahil sa mababang pagpapahalaga sa sarili; ang iba ay hindi mabait sa mga taong naiiba sa kanila. Ang makapangyarihang mensahe ng Doktrina at mga Tipan 18:10 ay maaaring magpabago sa pagtingin natin sa ating sarili at sa mga tao na nasa ating paligid.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa bawat bata na isulat ang kanyang pangalan sa isang piraso ng papel at ipasa nang paikot sa klase ang mga papel. Anyayahan sila na isulat sa bawat papel na natatanggap nila ang isang bagay na gusto nila tungkol sa taong iyon. Hikayatin sila na maging mabait at maingat sa kanilang mga isusulat. Pagkatapos ay tulungan ang mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 18:10–12, at anyayahan silang ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa nadarama ng Diyos para sa atin. Ipaliwanag na tayong lahat ay mahalaga sa Diyos dahil tayo ay Kanyang mga anak.
-
Magpakita sa mga bata ng isang bagay na napakahalaga sa iyo. Paano natin tinatrato ang mga bagay na mahalaga sa atin? Hilingin sa isang bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 18:10. Paano natin maipapakita sa ibang tao na “ang kahalagahan ng [kanilang] mga kaluluwa ay dakila” sa ating paningin?
Doktrina at mga Tipan 19:16–19
Si Jesucristo ay nagdusa para sa akin.
Ano ang gagawin mo para magkaroon ng pagpipitagan sa loob ng iyong klase para makapagpatotoo ang Espiritu Santo sa mga bata na si Jesucristo ay nagdusa para sa kanilang mga kasalanan?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ikuwento ang pagdurusa ni Jesucristo para sa ating mga kasalanan (tingnan sa “Kabanata 51: Nagdusa si Jesus sa Halamanan ng Getsemani,” Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 129–32, o sa katumbas na video nito sa ChurchofJesusChrist.org). Anyayahan ang mga bata na muling isalaysay ang kuwento gamit ang sarili nilang mga salita, at pagkatapos ay anyayahan sila na basahin kung paano inilarawan ng Tagapagligtas ang karanasan sa Doktrina at mga Tipan 19:16–19. Ano ang natututuhan natin mula sa Kanyang paglalarawan?
-
Anyayahan ang mga bata na ipikit ang kanilang mga mata habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 19:16–19 at pag-isipan ang nadarama nila tungkol sa Tagapagligtas. Tulungan ang mga bata na maghanap sa Mga Himno o Aklat ng mga Awit Pambata ng mga awit na tumutulong sa kanila na ipahayag ang kanilang nadarama tungkol kay Jesucristo (tingnan ang mga indeks ng mga paksa sa mga aklat na ito). Anyayahan ang mga bata na kantahin ang pinili nilang mga awitin at ibahagi ang kanilang mga patotoo.
-
Tulungan ang mga bata na makabisado ang ikatlong saligan ng pananampalataya.
Doktrina at mga Tipan 19:26, 34–35, 38
Ang mga pagpapala ng Diyos ay higit pa kaysa sa mga kayamanan ng mundo.
Mahal ang paglilimbag ng Aklat ni Mormon, at hindi ito kayang bayaran ni Joseph Smith. Iniutos ng Panginoon kay Martin Harris na “ibahagi ang kapiraso ng [kanyang] ari-arian,” ang kanyang masaganang bukid, para bayaran ang manlilimbag (talata 34). Tumanggap tayo ng malalaking pagpapala dahil sa mga sakripisyo ni Martin at ng marami pang iba.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat sa pisara ang mga tanong na tulad ng mga sumusunod para matulungan ang mga bata na maunawaan ang Doktrina at mga Tipan 19:26, 34–35, 38: Ano ang iniutos ng Panginoon kay Martin Harris? Bakit Niya iniutos ito? Ano ang ipinangako Niya na kapalit nito? Anyayahan ang mga bata na magpartner-partner at hanapin ang mga sagot sa mga talatang ito. Tanungin sila kung ano ang maaaring maramdaman nila kung sila si Martin Harris.
-
Magpakita sa mga bata ng kopya ng Aklat ni Mormon, at sabihin sa kanila ang isang bagay na gustung-gusto mo rito. Anyayahan silang ibahagi ang nadarama nila tungkol dito. Magsalita nang kaunti tungkol sa sakripisyo ni Martin Harris para mailimbag ang Aklat ni Mormon (Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 33). Ano ang sinabi ng Panginoon kay Martin sa Doktrina at mga Tipan 19:38 na maaaring nakatulong sa kanya na maging tapat at masunurin? Tulungan ang mga bata na mag-isip ng isang bagay na maisasakripisyo nila para masunod ang Diyos o makatulong sa Kanyang gawain.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng isang taong maaaring matulungan ng natutuhan nila sa Doktrina at mga Tipan 18 o 19—halimbawa, na tayong lahat ay napakahalaga sa Diyos. Hikayatin sila na magplano kung paano nila ibabahagi sa tao na iyon ang natutuhan nila.