“Marso 1–7. Doktrina at mga Tipan 20–22: ‘Ang Pagsikat ng Simbahan ni Cristo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Marso 1–7. Doktrina at mga Tipan 20–22,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021
Marso 1–7
Doktrina at mga Tipan 20–22
“Ang Pagsikat ng Simbahan ni Cristo”
Habang pinag-aaralan mo ang Doktrina at mga Tipan 20–22 sa linggong ito, maaari kang makaisip ng mga ideya sa pagtuturo. Makakahanap ka ng mga karagdagang ideya sa pagtuturo sa outline na ito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Ipakita ang larawan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, at hilingin sa mga bata na ibahagi kung ano ang nalalaman nila tungkol sa pagtatatag ng Simbahan. Para sa tulong, tingnan sa “Kabanata 9: Ang Totoong Simbahan ni Jesucristo” (Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 40–42).
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Ang Simbahan ni Jesucristo ay naipanumbalik na.
Noong Abril 6, 1830, nagtipon sina Joseph Smith at Oliver Cowdery kasama ng iba pa para itatag ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na maunawaan ang kahalagahan ng pangyayaring ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Gamitin ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 21 o Kabanata 9 ng Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan para maikuwento nang maikli sa mga bata kung ano ang nangyari sa araw na itinatag ang Simbahan.
-
Sabihin sa mga bata kung bakit nagpapasalamat ka na mayroon tayong Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ipaliwanag na ang pagiging miyembro ng Simbahan ay naghahanda sa atin na muling makapiling ang Diyos. Tulungan silang ulitin nang ilang beses ang pangungusap na “Kabilang ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw” o kantahin ang “Ang Simbahan ni Jesucristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 48).
Doktrina at mga Tipan 20:37, 71–74
Ako ay naghahandang mabinyagan.
Ang mga batang tinuturuan mo ay naghahandang mabinyagan. Tulungan silang maunawaan ang ibig sabihin ng mabinyagan at kung ano ang maaari nilang gawin para maging handa.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipakita ang larawan ng isang batang binibinyagan (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 104), at hilingin sa mga bata na sabihin ang mga bagay na napansin nila. Basahin o ibuod ang Doktrina at mga Tipan 20:71–74, at tulungan ang mga bata na makita kung paano tumutugma sa larawan ang mga tagubilin sa mga talatang ito. Magpatotoo na dapat nating tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas at magpabinyag sa paraang iniuutos Niya.
-
Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 20:37. Ano ang natututuhan natin mula sa talatang ito tungkol sa mga taong gustong magpabinyag? Magpakita ng mga larawan ng mga paraan na makapaghahanda ang mga bata para sa pagpapabinyag, tulad ng paglilingkod sa iba at pagdarasal.
-
Kumanta ng isang awit tungkol sa binyag, tulad ng “Sa Aking Pagkabinyag” (Aklat ng mga Awit Pambata, 53 ). Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang nadarama nila tungkol sa pagpapabinyag.
Doktrina at mga Tipan 20:75–79
Ang sakramento ay tumutulong sa akin na alalahanin si Jesucristo.
Paano mo matutulungan ang mga bata na mas maunawaan kung bakit tayo tumatanggap ng sakramento tuwing Linggo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 20:77 sa mga bata. Hilingin sa kanila na tumayo kapag narinig nila kung ano ang dapat nating tandaan kapag kumakain tayo ng tinapay ng sakramento. Gawin din iyon sa talata 79. (Maaari mong ipaliwanag na tubig ang iniinom natin sa halip na alak.) Paano natin maipapakita na naaalaala natin si Jesus?
-
Ikuwento sa mga bata ang isang pagkakataon na nangako ka at tinupad ito. Anyayahan sila na magkuwento ng kanilang sariling karanasan na katulad nito. Ipaliwanag na kapag tumatanggap tayo ng sakramento, tayo ay nangangako. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 20:77 na binibigyang-diin ang mga pangakong ginawa natin na “lagi siyang alalahanin” at “susundin ang kanyang mga kautusan.” Anyayahan ang mga bata na magkuwento ng isang pangyayari na naalala nila ang Tagapagligtas o sinunod ang isang kautusan.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Ang Simbahan ni Jesucristo ay naipanumbalik na.
Bilang pagsunod sa utos ng Panginoon, itinatag nina Joseph Smith, Oliver Cowdery, at ng iba pa ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo noong Abril 6, 1830. Mag-isip ng mga paraan para matulungan ang mga bata na makita kung paano napagpala ng pangyayaring ito ang kanilang buhay.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipaalala sa mga bata ang ilan sa mahahalagang pangyayari na natutuhan nila—tulad ng panunumbalik ng priesthood at pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Bakit kailangang mangyari ang mga bagay na ito bago itatag ang Simbahan?
-
Magpakita ng mga larawan ng mga bagay na ginagawa natin sa Simbahan na inilarawan sa bahagi 20, tulad ng pag-aaral tungkol sa Diyos at kay Jesucristo, paglilingkod, nagbibinyag, at pagtanggap ng sakramento. Tulungan ang mga bata na itugma ang mga larawang ito sa mga banal na kasulatan na naglalarawan sa mga ito, tulad ng Doktrina at mga Tipan 20:17–21, 47, 70, 72–74, 75–79, at heading ng bahagi 21. Ano ang mga pagpapalang nasa atin dahil sa pagiging miyembro natin ng Simbahan?
-
Sama-samang kantahin ang “Ang Simbahan ni Jesucristo,” (Aklat ng mga Awit Pambata, 48).
Doktrina at mga Tipan 20:37, 77, 79
Noong ako ay binyagan, nangako ako na susundin ko si Jesucristo.
Marami sa mga bata sa iyong klase ay nabinyagan na. Ipaalala sa kanila ang mga tipan na ginawa nila na “taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Jesucristo” (Doktrina at mga Tipan 20:37).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang ilang bata na dumating na handang ibahagi ang kanilang nadama o naranasan noong binyagan sila. Marahil ay makapagdadala sila ng isang larawan noong sila ay binyagan para ipakita sa klase. Bakit nila piniling magpabinyag? Ano ang mga pagpapalang natanggap nila dahil nagpabinyag sila at tinanggap ang Espiritu Santo?
-
Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 20:77, at hilingin sa mga bata na tukuyin ang mga pangakong ginagawa natin sa oras ng sakramento. Upang matulungan ang mga bata na maunawaan na may mga bagay na maaaring gawin araw-araw para “laging alalahanin” si Jesucristo, anyayahan ang isang bata na iarte ang isang bagay na magagawa niya para maalaala ang Tagapagligtas. Hilingin sa iba na hulaan kung ano ang kanyang inaarte o ginagawa. Ayon sa talata 77, paano tayo pinagpapala kapag lagi nating inaalala ang Tagapagligtas?
-
Tulungan ang mga bata na ikumpara ang Doktrina at mga Tipan 20:37 sa talata 77 para mahanap ang isang parirala na parehong binanggit sa mga ito. Magpakita sa mga bata ng isang bagay na may nakalagay na pangalan (tulad ng pangalan ng brand o pangalan ng isang tao). Ano ang sinasabi sa atin ng pangalan tungkol sa item o bagay na ito? Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 20:37 para matuklasan kung kaninong pangalan ang tinaglay natin sa ating sarili noong tayo ay bininyagan. Ano ang ibig sabihin ng tataglayin ang pangalan ni Jesucristo sa ating sarili? Dahil nasa atin ang pangalang ito, paano tayo dapat mag-isip at kumilos?
Ako ay pinagpapala kapag sumusunod ako sa propeta.
Paano mo matutulungan ang mga bata na matanggap ang mga pagpapalang ipinangako sa mga talatang ito para sa mga taong sumusunod sa propeta?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat sa pisara ang Mga Kautusan at Mga Pagpapala. Anyayahan ang mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 21:4–6, na hinahanap ang mga kautusan na ibinigay ng Panginoon at ang mga pagpapalang ipinangako Niya. Anyayahan sila na isulat sa pisara ang mga nahanap nila.
-
Magpakita ng larawan ng kasalukuyang propeta, at anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang bagay na natutuhan o narinig nila mula sa kanya kamakailan. Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 21:5. Anyayahan ang mga bata na magsulat o magdrowing ng isang bagay na magagawa nila para sundin ang propeta. Magpatotoo na kapag sinusunod natin ang propeta, sinusunod natin ang Tagapagligtas.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na maglista ng mga dahilan kung bakit sila nagpapasalamat para sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. Hikayatin sila na ibahagi sa isang kapamilya o kaibigan ang mga inilista nila.