Doktrina at mga Tipan 2021
Marso 15–21. Doktrina at mga Tipan 27–28: “Lahat ng Bagay ay Kailangang Maisagawa nang May Kaayusan”


“Marso 15–21. Doktrina at mga Tipan 27–28: ‘Lahat ng Bagay ay Kailangang Maisagawa nang May Kaayusan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Marso 15–21. Doktrina at mga Tipan 27–28,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021

Joseph Smith

Marso 15–21

Doktrina at mga Tipan 27–28

“Lahat ng Bagay ay Kailangang Maisagawa nang May Kaayusan”

Ang mga katotohanang itinuro sa Doktrina at mga Tipan 27–28 ay makapagpapalakas ng patotoo ng mga batang tinuturuan mo. Habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng mga bata, aling mga katotohanan ang nadama mong dapat pagtuunan ng pansin sa klase?

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Magpakita ng larawan ni Propetang Joseph Smith at ng larawan ng kasalukuyang propeta. Anyayahan ang mga bata na pangalanan ang mga taong nasa mga larawan at magbahagi ng mga bagay na ginagawa ng mga propeta.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Doktrina at mga Tipan 27:1–2

Ang sakramento ay tumutulong sa akin na maalaala si Jesucristo.

Ang mga batang musmos ay may kakayahang matutuhan ang kahalagahan ng sakramento at makahanap ng mga paraan para maalaala ang Tagapagligtas sa oras ng sagradong ordenansang ito.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita sa mga bata ang larawan na nagbibigay si Jesus ng sakramento sa Kanyang mga Apostol (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 54). Ano kaya ang mangyayari kapag tumanggap tayo ng sakramento na kasama ng Tagapagligtas? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 27:5). Basahin ang Doktrina at mga Tipan 27:2, simula sa “inaalaala sa Ama,” at hilingin sa mga bata na pakinggan kung ano ang nais ng Tagapagligtas na alalahanin natin kapag tumatanggap tayo ng sakramento.

  • Magpakita sa mga bata ng kaunting tinapay at tubig at isang larawan ng Tagapagligtas. Ipahawak sa mga bata ang larawan habang itinuturo mo sa kanila na ang sakramento ay tumutulong sa atin na maalaala si Jesucristo.

  • Tulungan ang mga bata na makapag-isip ng mga bagay na magagawa nila para maalaala si Jesus sa oras ng sakramento. Ano ang ginagawa ng kanilang pamilya para matulungan ang isa’t isa na maging mapitagan? Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng isang larawan na maaari nilang tingnan sa oras ng sakramento na makatutulong sa kanila na maalaala ang Tagapagligtas.

Doktrina at mga Tipan 27:15–18

Pinoprotektahan ako ng baluti ng Diyos.

Mag-isip ng mga paraan para matulungan ang mga batang tinuturuan mo na maunawaan na ang pagsunod sa mga kautusan ay katulad ng pagsusuot ng baluti ng Diyos.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita sa mga bata ang larawan ng baluti (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Sa pagbabasa mo ng Doktrina at mga Tipan 27:15–18, tulungan ang mga bata na hanapin ang mga piraso ng baluti sa larawan. Sabihin sa mga bata kung paano nakatulong sa iyo ang baluti ng Diyos para “mapaglabanan ang araw ng kasamaan” (talata 15).

  • Ang outline para sa Mga Taga Efeso sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 ay may pahina ng aktibidad tungkol sa baluti ng Diyos. Gupitin ang mga piraso ng baluti, at sabihin sa mga bata na ilagay ang mga ito sa isa sa mga larawan habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 27:15–18. Tulungan ang mga bata na maunawaan ang mga bagay na magagawa nila para maisuot ang baluti ng Diyos, tulad ng pagdarasal, pagpili ng tama, paglilingkod sa iba, at marami pang iba.

    mga batang naglalaro

    Maaari kong isuot ang baluti ng Diyos.

Doktrina at mga Tipan 28:2, 6–7

Ang propeta ang namumuno sa Simbahan.

Alam ba ng mga batang tinuturuan mo kung bakit mayroon tayong mga propeta? Gamitin ang Doktrina at mga Tipan 28 para tulungan silang malaman na ang propeta ang tanging tao na maaaring mamuno sa Simbahan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin o isalaysay ang ulat ni Hiram Page gamit ang iyong sariling mga salita (tingnan sa “Kabanata 14: Ang Propeta at ang mga Paghahayag para sa Simbahan,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 56–57). Magpatotoo na pinili ng Ama sa Langit at ni Jesucristo si Joseph Smith na mamuno sa Simbahan sa kanyang panahon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 28:2). Magpatotoo na ang kasalukuyang propeta ay tinawag para tulungan ang Panginoon na pamunuan ang Kanyang Simbahan sa ating panahon.

  • Hilingin sa mga bata na maglaro ng “sundin ang lider”—isang bata ang tatayo sa harap ng silid, at gagayahin ng iba pang mga bata ang anumang gagawin niya. Maaaring humantong ito sa isang talakayan kung bakit sinusunod natin ang propeta. Maaari kang magpakita ng larawan ni Jesucristo at bigyang-diin na sinusunod natin ang propeta dahil sinusunod niya ang Tagapagligtas at sinasabi ang mga salita ng Tagapagligtas.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Doktrina at mga Tipan 27:1–2

Ang sakramento ay tumutulong sa akin na maalaala si Jesucristo.

Paano nakatutulong sa mga batang tinuturuan mo ang pag-aaral ng tungkol sa mga alituntunin sa Doktrina at mga Tipan 27:1–2 para magkaroon sila mas makabuluhang karanasan sa pagtanggap ng sakramento?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na isulat ang mga bagay na sa tingin nila ay gusto ng Tagapagligtas na malaman nila tungkol sa sakramento. Kung kinakailangan, maaari nilang basahin ang “Sakramento” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Hayaan silang ibahagi ang ilan sa mga bagay na isinulat nila, at hilingin sa kanila na dagdagan ang kanilang listahan pagkatapos basahin ang Doktrina at mga Tipan 27:1–2. Paano makakaapekto ang mga bagay na nasa listahan nila sa paraan ng pagtanggap nila ng sakramento tuwing Linggo?

  • Tulungan ang mga bata na pag-isipan kung ano ang ibig sabihin ng makibahagi sa sakramento na “ang mga mata ay nakatuon sa [kaluwalhatian ng Diyos]” (talata 2). Talakayin ang mga tanong na gaya ng mga sumusunod: Ano ang ilang nakagagambala sa ating mga mata o mga isipan na maaari nating mapagtuunan ng pansin sa oras ng sakramento? Ano ang magagawa natin para maituon ang ating pansin sa Tagapagligtas habang tumatanggap tayo ng sakramento? Paano tayo matutulungan nito para masunod natin Siya araw-araw?

Doktrina at mga Tipan 27:15–18

Ang baluti ng Diyos ay tumutulong sa akin na mapaglabanan ang kasamaan.

Mahaharap ang mga batang tinuturuan mo sa maraming masasamang impluwensya sa buong buhay nila. Nais ng Ama sa Langit na tulungan sila na mapaglabanan ang kasamaan. Ano ang maaari mong gawin para mahikayat sila na magsuot ng baluti ng Diyos?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 27:15–18 at idrowing ang mga piraso ng baluti na binanggit (kung kailangan, maaari nilang tingnan ang larawan na nasa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Ano ang itinuturo sa atin ng mga salitang naglalarawan sa bawat piraso ng baluti tungkol sa kinakailangan natin para mapaglabanan ang kasamaan sa paligid natin (halimbawa, kabutihan, pananampalataya, kaligtasan, at iba pa)?

  • Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na magagawa nila para mapaglabanan ang mga tuksong nakapaligid sa kanila. Hilingin sa kanila na tapusin ang pangungusap na “Isinusuot natin ang baluti ng Diyos araw-araw sa pamamagitan ng …” sa pamamagitan ng pagdurugtong ng sarili nilang mga ideya. Tulungan silang makita kung paano nakatutulong ang kanilang mga pagsisikap na lumapit kay Cristo para maisuot nila ang baluti ng Diyos.

Doktrina at mga Tipan 28:1–7, 15

Ginagabayan ako ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Ang Doktrina at mga Tipan 28:1–7, 15 ay makatutulong sa mga batang tinuturuan mo na maunawaan na maaaring magabayan ng Espiritu Santo ang bawat isa, ngunit ang paghahayag para sa Simbahan ay palaging ibibigay sa pamamagitan ng propeta.

Mga Posibleng Aktibidad

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na itanong sa kanilang mga magulang kung maaari silang magturo ng isang home evening lesson tungkol sa isang bagay na natutuhan nila sa klase.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gumamit ng musika. Ang mga awit sa Primary at mga himno ay makatutulong sa mga bata sa lahat ng edad para maunawaan at maisaisip ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa paraang madaling tandaan. Mapapanatili rin nitong aktibong nakikilahok ang mga bata sa pag-aaral.