“Marso 15–21. Doktrina at mga Tipan 27–28: ‘Lahat ng Bagay ay Kailangang Maisagawa nang May Kaayusan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Marso 15–21. Doktrina at mga Tipan 27–28,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021
Marso 15–21
Doktrina at mga Tipan 27–28
Lahat ng Bagay ay Kailangang Maisagawa nang May Kaayusan”
Sinabi ni Elder D. Todd Christofferson na kapag nag-aaral kayo ng mga banal na kasulatan at nagtatala ng mga impresyon, “bibigyan ninyo ng puwang sa inyong puso ang salita ng Diyos, at kakausapin Niya kayo” (“Kapag Ikaw ay Nagbalik-loob,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 11).
Itala ang Iyong mga Impresyon
Ang paghahayag ay medyo bagong konsepto pa rin para sa mga Banal habang patuloy na nahahayag ang Panunumbalik. Alam ng mga naunang miyembro ng Simbahan na maaaring tumanggap ng paghahayag si Propetang Joseph Smith para sa Simbahan, ngunit gayon din ba ang iba? Naging mapanuri ang mga tanong na tulad nito, nang maniwala si Hiram Page, isa sa Walong Saksi sa mga laminang ginto, na nakatanggap siya ng mga paghahayag para sa Simbahan. Maraming matatapat na Banal ang naniwala na nagmula sa Diyos ang mga paghahayag na ito. Tumugon ang Panginoon sa pagtuturo na sa Kanyang Simbahan “lahat ng bagay ay kailangang maisagawa nang may kaayusan” (Doktrina at mga Tipan 28:13), na ibig sabihin ay isa lamang ang “itatalagang tatanggap ng mga kautusan at paghahayag” para sa buong Simbahan (Doktrina at mga Tipan 28:2). Gayunpaman, maaaring tumanggap ng personal na paghahayag ang iba para sa kanilang bahagi sa gawain ng Panginoon. Sa katunayan, ang mga salita ng Panginoon kay Oliver Cowdery ay isang paalala sa ating lahat: “Ipagkakaloob sa iyo … kung ano ang iyong gagawin” (Doktrina at mga Tipan 28:15).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Dapat kong tanggapin ang sakramento nang may matang nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos.
Nabinyagan sina Sally Knight at Emma Smith noong Hunyo 1830, ngunit ang kanilang kumpirmasyon ay hinadlangan ng mga taong nanggugulo. Dalawang buwan pagkaraan, bumisita si Sally at ang kanyang asawang si Newel kina Emma at Joseph, at napagpasiyahan na isagawa na ang mga kumpirmasyon at sama-samang tatanggap ng sakramento ang grupo. Habang daan para bumili ng alak para sa sakramento, pinigilan si Joseph ng isang anghel. Ano ang itinuro sa kanya ng anghel tungkol sa sakramento? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 27:1–4).
Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito kung paano nais ng Tagapagligtas na isagawa ang sakramento? Ano ang nahihikayat kang gawin dahil sa natutuhan mo?
Doktrina at mga Tipan 27:15–18
Tutulungan ako ng baluti ng Diyos na labanan ang kasamaan.
Sabi ni Pangulong M. Russell Ballard: “Iisa lang ang magagawa nating malaki at marangal na bagay para espirituwal na masandatahan ang ating sarili. Ang tunay na espirituwal na kapangyarihan ay nasa maraming maliliit na gawain na pinagsama-sama upang maging espirituwal na muog na nagpoprotekta at sumasangga laban sa lahat ng kasamaan” (“Be Strong in the Lord,” Ensign, Hulyo 2004, 8).
Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 27:15–18, maaari kang gumawa ng isang chart na katulad ng nasa ibaba. Ano ang ginagawa mo para maisuot ang bawat bahagi ng baluti ng Diyos?
Bahagi ng baluti |
Bahagi ng katawan na pinoprotektahan |
Maaaring katawanin ng bahaging iyon ng katawan |
---|---|---|
Baluti sa dibdib ng kabutihan |
Puso |
Mga hangarin at pagmamahal natin |
Turbante ng kaligtasan |
Ulo o isipan |
Tingnan din sa Mga Taga Efeso 6:11–18; 2 Nephi 1:23.
Ang buhay na propeta ang tagapagsalita ng Diyos para sa Kanyang Simbahan.
Isipin kung ano ang mangyayari kung maaaring tumanggap ang sinuman ng mga kautusan at paghahayag para sa buong Simbahan. Nang sabihin ni Hiram Page na tumanggap siya ng gayong paghahayag, nagkaroon ng kalituhan sa mga miyembro ng Simbahan. Sa Doktrina at mga Tipan 28, inihayag ng Panginoon ang isang kaayusan para sa paghahayag sa Kanyang Simbahan. Ano ang natututuhan mo sa bahaging ito tungkol sa partikular na tungkulin ng Pangulo ng Simbahan? Ano ang natututuhan mo sa mga salita ng Panginoon kay Oliver Cowdery sa talata 3? Ano ang natutuhan mo sa bahaging ito kung paano ka magagabayan ng Diyos?
Tingnan din sa Dallin H. Oaks, “Dalawang Linya ng Pakikipag-ugnayan,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 83–86.
Bakit mahalaga ang misyon ni Oliver Cowdery sa mga Lamanita?
Ang isang layunin ng Aklat ni Mormon ay “upang ang mga Lamanita ay magkaroon ng kaalaman tungkol sa kanilang mga ama, at upang kanilang malaman ang mga pangako ng Panginoon” (Doktrina at mga Tipan 3:20). Naaayon ito sa mga pangakong ginawa ng Panginoon sa maraming propeta sa Aklat ni Mormon (tingnan, halimbawa, sa, 1 Nephi 13:34–41; Enos 1:11–18; Helaman 15:12–13). Itinuring ng mga naunang miyembro ng Simbahan ang mga American Indian na mga inapo ng mga tao sa Aklat ni Mormon. (Ang opisyal na pahayag ng Simbahan ngayon ay na ang mga Lamanita “ang mga pangunahing ninuno ng mga American Indian” [pambungad sa Aklat ni Mormon].)
Ano ang itinuturo sa iyo ng misyong ito tungkol sa Panginoon at sa Kanyang gawain?
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
-
Doktrina at mga Tipan 27:1–2.Paano natin mas maaalala ang sakripisyo ng Tagapagligtas para sa atin kapag nakikibahagi tayo ng sakramento?
-
Doktrina at mga Tipan 27:5–14.Ano ang nalaman natin tungkol sa mga propeta sa mga talatang ito? Maaari kayong maghanap ng impormasyon tungkol sa kanila sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Anong mga pagpapala na ang naibigay sa atin sa pamamagitan ng mga susing hawak nila? Para sa iba pang impormasyon tungkol sa ilan sa mga susing ito, tingnan sa Mateo 16:16–19; Doktrina at mga Tipan 110:11–16.
-
Doktrina at mga Tipan 27:15–18.Marahil ay matutuwa ang inyong pamilya na isadula ang isang kunwa-kunwariang labanan habang nakasuot ng karagdagang pananamit na kumakatawan sa baluti ng Diyos, gaya ng mga sumbrero, tsaleko, apron, o sapatos. Paano tayo napoprotektahan ng baluti sa digmaan? Talakayin ang ilan sa masasamang impluwensyang nararanasan ng inyong pamilya at ang mga bagay na magagawa ninyo para maisuot ang espirituwal na baluti.
-
Doktrina at mga Tipan 28:2–7.Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa tungkulin ng isang propeta? Maaari sigurong rebyuhin ng mga miyembro ng pamilya ang mga nakaraang mensahe ng ating buhay na propeta at ibahagi kung paano tumutulong sa atin ang kanyang payo na masunod si Jesucristo.
-
Doktrina at mga Tipan 28:11.Kapag nais nating ituwid ang isang tao, bakit mahalagang gawin ito nang “siya at ikaw lamang”?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awit: “Halina, Tinig ng Propeta’y Dinggin,” Mga Himno, blg. 14.