“Marso 22–28. Doktrina at mga Tipan 29: ‘Titipunin ni Jesucristo ang Kanyang mga Tao’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Marso 22–28. Doktrina at mga Tipan 29,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021
Marso 22–28
Doktrina at mga Tipan 29
Titipunin ni Jesucristo ang Kanyang mga Tao
Ang isa sa mga layunin ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay ang matutuhan ang doktrina, o mga katotohanan ng ebanghelyo na mahalaga sa ating kaligtasan. Habang pinag-aaralan mo ang Doktrina at mga Tipan 29 ngayong linggo, hanapin ang mga doktrinal na kaalaman na makahulugan sa iyo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Bagama’t naorganisa ang Simbahan ni Jesucristo noong 1830, marami pa ring katotohanan ng ebanghelyo ang ihahayag, at may mga katanungan ang ilang naunang miyembro ng Simbahan. Nabasa nila ang mga propesiya sa Aklat ni Mormon tungkol sa pagtitipon ng Israel at pagtatayo ng Sion (tingnan sa 3 Nephi 21). Paano mangyayari iyon? Ang mga paghahayag na sinabi ni Hiram Page na natanggap niya ay tumalakay sa paksang iyon, na lalo lang nagpatindi sa pag-uusisa ng mga miyembro (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 28). Nagtanong ang ibang mga tao tungkol sa Pagkahulog nina Adan at Eva at sa espirituwal na kamatayan. Malugod na pinakinggan ng Panginoon ang mga tanong na ito noong 1830: “Anuman ang inyong hihilingin nang may pananampalataya,” sabi Niya sa mga Banal, “na nagkakaisa sa panalangin alinsunod sa aking utos, kayo ay makatatanggap” (Doktrina at mga Tipan 29:6). At malugod Niyang pinakikinggan ang mga tanong natin ngayon; hinihintay lamang Niyang magtanong tayo sa Kanya sa panalangin. Sa katunayan, tulad ng ipinapakita sa paghahayag na sagana sa doktrina sa Doktrina at mga Tipan 29, kung minsan ay tumutugon Siya sa pamamagitan ng pagbabahagi ng katotohanan at kaalaman na una sa lahat ay higit pa sa itinanong natin.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Ang Ama sa Langit ay naghanda ng perpektong plano para sa ating kadakilaan.
Ang Doktrina at mga Tipan 29 ay nagtuturo ng maraming katotohanan tungkol sa plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak. Habang nagbabasa ka, hanapin ang mga katotohanang natutuhan mo tungkol sa sumusunod na mga bahagi ng plano:
-
Premortal na buhay (tingnan sa mga talata 36–37)
-
Paglikha (tingnan sa mga talata 31–33)
-
Ang Pagkahulog nina Adan at Eva (tingnan sa mga talata 40–41)
-
Mortal na buhay (tingnan sa mga talata 39, 42–45)
-
Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa mga talata 1, 42–43, 46–50)
-
Ang Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa mga talata 13, 26)
-
Ang Huling Paghuhukom (tingnan sa mga talata 12–13, 27–30)
Ano ang mga bagong kaalamang natamo mo? Paano magiging iba ang buhay mo kung hindi mo nalaman ang mga katotohanang ito?
Mapag-aaralan mo ang iba pa tungkol sa plano ng Ama sa Langit sa “Ang Plano ng Kaligtasan” (Preach My Gospel: A Guide to Missionary Service, rev. ed. [2018], ChurchofJesusChrist.org/manual/missionary).
Titipunin ni Jesucristo ang Kanyang mga tao bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito.
Binanggit ni Jesucristo na ang pagtitipon ng Kanyang mga tao ay “tulad ng isang inahing manok na nagtitipon ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak” (Doktrina at mga Tipan 29:2). Ano ang itinuturo sa iyo ng imaheng ito tungkol sa hangarin ng Tagapagligtas na matipon ka? Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 29:1–8, maghanap ng mga kaalaman tungkol sa dahilan kung bakit tayo nagtitipon, sino ang magtitipon, at paano tayo makakatulong na tipunin ang “mga hinirang” (talata 7).
Sa ating panahon, ang ibig sabihin ng pagtitipon sa Sion ay magsama-sama sa mga stake ng Sion sa buong mundo. Paano tayo tinutulungan ng pagtitipon bilang mga Banal na “maging handa sa lahat ng bagay” para sa mga paghihirap na darating bago ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas? (talata 8; tingnan din sa mga talata 14–28).
Tingnan din sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10; Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018, ChurchofJesusChrist.org).
Doktrina at mga Tipan 29:31–35
“Lahat ng bagay sa akin ay espirituwal.”
Paano naging espirituwal ang lahat ng kautusan? Ano ang itinuturo sa iyo ng pagkaalam na lahat ng kautusan ay espirituwal tungkol sa layunin ng mga kautusan? Maaari kang maglista ng ilang kautusan at isipin ang mga espirituwal na alituntuning nauugnay sa bawat isa.
Ano ang maaaring magbago kung maghahanap ka ng espirituwal na kahulugan o layunin sa iyong mga gawain sa araw-araw, maging sa mga gawain na tila temporal o makamundo?
Tingnan din sa Mga Taga Roma 8:6; 1 Nephi 15:30–32.
Doktrina at mga Tipan 29:36–50
Tinutubos tayo ni Jesucristo mula sa Pagkahulog.
Ang paghahayag na ito ay nagsisimula sa pagpapakilala ng Panginoon sa Kanyang sarili bilang ating Manunubos, na “nagbayad-sala para sa [ating] mga kasalanan” (talata 1). Ipinaliliwanag sa paghahayag ang ilan sa mga dahilan kung bakit kailangan natin ng Manunubos. Isipin kung paano mo gagamitin ang mga talata 36–50 para ipaliwanag kung bakit kailangan natin ang pagtubos sa pamamagitan ng Tagapagligtas na si Jesucristo. Sa maraming relihiyon, ang Pagkahulog ay itinuturing na isang trahedya; ano ang nakikita mo sa mga talatang ito na nagtuturo ng mga positibong resulta ng Pagkahulog? (Tingnan din sa I Mga Corinto 15:22; 2 Nephi 2:6–8, 15–29; Mosias 3:1–19; Moises 5:9–12.)
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
-
Doktrina at mga Tipan 29.Maaari mong gamitin ang mga larawan sa bandang dulo ng outline na ito na kasama ng Doktrina at mga Tipan 29 para ituro sa inyong pamilya ang plano ng kaligtasan. Halimbawa, maaaring matutuhan ng mga miyembro ng pamilya ang iba’t ibang bahagi ng plano sa pamamagitan ng pagbasa at pagtalakay sa iminumungkahing mga talata. Maaari silang makakita ng mga karagdagang katotohanan sa Gospel Topics (topics.ChurchofJesusChrist.org) o sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Isulat ang natutuhan ninyo. Bakit tayo nagpapasalamat na malaman ang plano ng kaligtasan? Paano nakakaimpluwensya sa ating pang-araw-araw na buhay ang pagkaalam tungkol dito?
-
Doktrina at mga Tipan 29:2, 7–8.Ano ang ibig sabihin ng matipon ng Tagapagligtas? Paano natin Siya matutulungang tipunin ang mga hinirang?
-
Doktrina at mga Tipan 29:3–5.Ano ang natutuhan natin tungkol sa Tagapagligtas sa mga talatang ito na tumutulong sa atin na “pasiglahin ang [ating] mga puso at magalak”? (talata 5).
-
Doktrina at mga Tipan 29:34–35.Ang pagbasa sa mga talatang ito ay maaaring magbigay ng pagkakataon sa inyong pamilya na pag-usapan ang mga espirituwal na dahilan sa likod ng ilan sa mga kautusan o payo ng propeta na sinisikap ninyong masunod. Halimbawa, bakit nais ng Panginoon na basahin natin ang mga banal na kasulatan bilang isang pamilya? Anong mga espirituwal na pakinabang ang nakita natin sa pagsunod sa mga kautusan?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awit: “Israel, Diyos ay Tumatawag,” Mga Himno, blg. 6.