“Marso 1–7. Doktrina at mga Tipan 20–22: ‘Ang Pagsikat ng Simbahan ni Cristo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Marso 1–7. Doktrina at mga Tipan 20–22,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021
Marso 1–7
Doktrina at mga Tipan 20–22
“Ang Pagsikat ng Simbahan ni Cristo”
Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 20–22, maging handang tanggapin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Isiping itala ang mga ito para masangguni mo kalaunan.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Tapos na ngayon ang pagsasalin ni Propetang Joseph Smith ng Aklat ni Mormon. Ngunit ang gawain ng Panunumbalik ay kasisimula pa lamang. Malinaw mula sa naunang mga paghahayag na bukod pa sa panunumbalik ng doktrina at awtoridad ng priesthood, nais ng Panginoon na magpanumbalik ng isang pormal na organisasyon—ang Kanyang Simbahan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 10:53; 18:5). Kaya noong Abril 6, 1830, mahigit 40 mananampalataya ang nagsiksikan sa bahay na yari sa troso ng pamilya Whitmer sa Fayette, New York, upang saksihan ang pag-oorganisa ng Simbahan ni Jesucristo.
Gayunpaman, iniisip pa rin ng ilang tao, bakit kailangan ang isang organisadong Simbahan? Ang sagot ay matatagpuan, kahit bahagya, sa mga paghahayag na may kaugnayan sa unang pulong ng Simbahan noong 1830. Dito, inilarawan ang mga pagpapala na hindi posibleng matamo kung hindi “binuo nang wasto at itinatag” sa mga huling araw ang totoong Simbahan ni Jesucristo (Doktrina at mga Tipan 20:1).
Tingnan din sa Mga Banal, kabanata 8, at sa “Build Up My Church,” Revelations in Context, 29–32.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nakasalig sa totoong doktrina.
Ang bahagi 20 ay ipinabatid bilang isang “paghahayag hinggil sa samahan at pamahalaan ng Simbahan” (section heading). Ngunit bago binalangkas ang mga patakaran ng Simbahan, katungkulan sa priesthood, at mga pamamaraan sa pagsasagawa ng mga ordenansa, nagsimula ang paghahayag na ito sa pagtuturo ng pangunahing dokrina. Habang binabasa mo ang unang 36 na talata ng paghahayag na ito, itanong sa sarili mo kung bakit iyon nagkagayon. Maaari ka ring gumawa ng listahan ng mga katotohanan ng ebanghelyo na nahanap mo. Narito ang ilang halimbawa:
-
Ang Aklat ni Mormon at ang papel nito sa Panunumbalik (mga talata 8–12)
-
Ang katangian ng Diyos (mga talata 17–19)
-
Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo (mga talata 20–27)
Bakit mahalagang bigyan-diin ang mga katotohanang ito habang itinatatag ang Simbahan?
Doktrina at mga Tipan 20:37, 75–79
Ang mga sagradong ordenansa ay mahalagang bahagi ng ipinanumbalik na Simbahan.
Nang maorganisa ang Simbahan, itinuro ng Panginoon sa Kanyang mga Banal ang tungkol sa mga sagradong ordenansa, kabilang na ang binyag at ang sakramento. Habang binabasa mo ang mga tagubilin “hinggil sa paraan ng pagbibinyag” sa talata 37, isipin ang sarili mong binyag. Naramdaman mo na ba ang anuman sa mga damdaming inilarawan sa talatang ito? Nararamdaman mo ba ang mga ito ngayon? Pagnilayan kung ano ang magagawa mo para manatiling matatag ang iyong “matibay na hangaring paglingkuran [si Jesucristo] hanggang wakas.”
Habang nagbabasa ka tungkol sa sakramento sa Doktrina at mga Tipan 20:75–79, subuking basahin ang mga sagradong panalanging ito mula sa pananaw ng isang tao na ngayon lang ito narinig. Anong mga kaalaman ang natanggap mo tungkol sa sakramento? tungkol sa iyong sarili? Paano maaaring makaapekto ang mga kaalamang ito sa paraan ng paghahanda mong tumanggap ng sakramento sa linggong ito?
Doktrina at mga Tipan 20:38–60
Pinagpapala ng paglilingkod ng priesthood ang mga miyembro ng Simbahan at kanilang pamilya.
Kung may humiling sa iyo na banggitin ang mga tungkulin ng isang priesthood holder, ano ang sasabihin mo? Basahin ang Doktrina at mga Tipan 20:38–60, na naglalahad ng mga tungkulin ng iba’t ibang katungkulan sa priesthood. Mayroon bang anumang bagay sa mga talatang ito na nagpapabago sa iniisip mo tungkol sa mga tungkulin ng priesthood at kung paano ginagawa ng Tagapagligtas ang Kanyang gawain? Paano ka napagpala ng gawaing inilarawan sa mga talatang ito?
Para malaman kung paano ginagamit ng kababaihan ang awtoridad ng priesthood sa gawain ng Simbahan, tingnan sa Dallin H. Oaks, “Ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 49–52.
Ang Simbahan ni Jesucristo ay pinamumunuan ng isang buhay na propeta.
Ano ang natututuhan mo mula sa Doktrina at mga Tipan 21:4–9 tungkol sa mga salita ng mga propeta ng Panginoon? Isipin ang mga pangakong inilarawan sa talata 6 para sa mga taong tumatanggap sa mga salita ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang propeta. Ano ang kahulugan ng mga pangakong ito sa iyo?
Paano mo matatanggap ang salita ng buhay na propeta “na parang mula sa sariling bibig [ng Diyos]”? (talata 5). Anong payo ang naibigay ng propeta sa ngayon na maaaring humantong sa mga pagpapalang ipinangako sa talata 6?
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
-
Doktrina at mga Tipan 20.Ano ang sasabihin natin kapag may nagtanong sa atin kung bakit kailangan natin ang Simbahan? Anong mga sagot ang makikita natin sa Doktrina at mga Tipan 20? Tingnan din sa D. Todd Christofferson, “Bakit Kailangan ang Simbahan,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 108–11.
-
Doktrina at mga Tipan 20:69.Ano ang ibig sabihin ng “[lumakad] nang may kabanalan sa harapan ng Panginoon”? Maaaring masaya para sa mga miyembro ng pamilya na idrowing o isulat sa mga piraso ng papel ang ilang bagay na maaaring makatulong sa kanila na mamuhay nang may kabanalan o ang mga bagay na maaaring gumambala sa kanila sa paggawa nito. Pagkatapos ay maaari na silang gumawa ng isang landas gamit ang mga papel at subuking lumakad dito, na tumatapak lamang sa mga drowing na maghahatid sa kanila kay Cristo.
-
Doktrina at mga Tipan 20:37, 71–74.Kung may kapamilya kayo na hindi pa nabibinyagan, maaaring humantong ang mga talatang ito sa isang talakayan kung paano maghanda para sa binyag (tingnan sa talata 37) at kung paano isinasagawa ang mga pagbibinyag (tingnan sa mga talata 71–74). Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng pamilya ang mga larawan o alaala ng kanilang binyag.
-
Doktrina at mga Tipan 20:75–79.Paano maaaring gamitin ng inyong pamilya ang mga talatang ito para mapaghandaan ang makabuluhan at mapitagang mga karanasan sa sakramento? Ang mga talatang ito ay maaaring magmungkahi ng mga bagay na maaari mong pagnilayan sa oras ng sakramento, at maaaring maghanap o magdrowing ng mga bagay na iyon ang mga miyembro ng pamilya. Kung naaangkop, maaari mong dalhin ang mga larawang iyon sa susunod ninyong sacrament meeting bilang paalala kung ano ang dapat isipin sa oras ng sakramento.
-
Doktrina at mga Tipan 21:4–7.Isiping anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na maghanap ng mga salita at parirala sa mga talata 4–5 na nagtuturo sa atin tungkol sa pagsunod sa propeta ng Panginoon. Ano ang ibig sabihin ng tanggapin ang mga salita ng propeta nang may pagtitiis? nang may pananampalataya? Kailan natin natanggap ang mga pagpapalang ipinangako sa talata 6?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awit: “Ang Simbahan ni Jesucristo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 48.