Doktrina at mga Tipan 2021
Marso 8–14. Doktrina at mga Tipan 23–26: “Palakasin ang Simbahan”


“Marso 8–14. Doktrina at mga Tipan 23–26: ‘Palakasin ang Simbahan’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Marso 8–14. Doktrina at mga Tipan 23–26,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

Emma Smith

Marso 8–14

Doktrina at mga Tipan 23–26

“Palakasin ang Simbahan”

Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 23–26, itala ang mga impresyong natatanggap mo mula sa Espiritu Santo. Paano mo iaangkop ang payo sa mga paghahayag na ito para mapalakas ang sarili mong pagkadisipulo pati na rin ang Simbahan?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Pagkatapos maorganisa ang Simbahan, naharap ang mga Banal sa isang bagong hamon—na ipalaganap ang ebanghelyo at palakasin ang mga sumapi na sa Simbahan, habang patuloy na tumitindi ang pang-uusig. Nasaksihan mismo ni Emma Smith ang pang-uusig. Noong Hunyo 1830, ninais ni Emma at ng mga miyembro ng pamilya Knight na magpabinyag. Ngunit tinangka ng mga kaaway ng Simbahan na putulin ang sana’y naging isang sagradong karanasan. Sinira muna nila ang dam na ginawa para magkaroon ng sapat na lalim ng tubig para sa mga pagbibinyag. Bagama’t nakumpuni ang dam, nagtipun-tipon ang mga mang-uusig para sumigaw ng mga pagbabanta at kutyain ang mga binibinyagan. Pagkatapos, nang ikukumpirma na ni Joseph ang mga bagong miyembro, dinakip siya dahil sa panggugulo sa komunidad sa pangangaral tungkol sa Aklat ni Mormon. Tila walang patutunguhan ang kapapanumbalik na Simbahan ng Panginoon. Ngunit sa gitna ng kawalang-katiyakan at kaguluhang ito, nagbigay ang Panginoon ng mahahalagang payo at panghihikayat, na kumakatawan sa Kanyang “tinig sa lahat” (Doktrina at mga Tipan 25:16).

Tingnan din sa Mga Banal, 1:102–3, 107–116.

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Doktrina at mga Tipan 23–26

Makakatulong akong palakasin ang Simbahan ng Panginoon.

Ngayon, halos 200 taon pagkatapos maorganisa ang ipinanumbalik na Simbahan, patuloy pa rin ang pangangailangan “na palakasin ang simbahan” (Doktrina at mga Tipan 23:3–5). At ang gawaing ito ay hindi lamang para kina Joseph Smith, Oliver Cowdery, o sa kasalukuyang mga lider natin sa Simbahan—ito ay para sa ating lahat. Sa buong pag-aaral mo ng Doktrina at mga Tipan 23–26, pagnilayan ang payo na ibinigay ng Panginoon sa mga naunang miyembro ng Simbahan para tulungan silang palakasin ang Simbahan. Ano sa palagay mo ang nais ng Panginoon na gawin mo para makalahok sa pagsisikap na ito?

Doktrina at mga Tipan 24

Maiaahon ako ng Tagapagligtas “mula sa [aking] mga pagdurusa.”

Ang pamumuno sa Simbahan noong panahon ng matinding pag-uusig ay malamang na naging mabigat na pasanin para kay Joseph Smith. Hanapin ang mga salita ng panghihikayat ng Panginoon sa kanya sa Doktrina at mga Tipan 24.

Ano ang ipinahihiwatig sa iyo ng sumusunod na mga talata sa banal na kasulatan kung paano ka maiaahon ng Tagapagligtas mula sa iyong mga pagdurusa?

Doktrina at mga Tipan 24:1–3 

Doktrina at mga Tipan 24:8 

Doktrina at mga Tipan 121:7–8 

Isaias 40:28–31 

Mosias 24:14–15 

Paano ka naiahon ni Jesucristo mula sa iyong mga pagdurusa? Ano ang magagawa mo para patuloy na makahingi ng tulong sa Kanya sa mahihirap na panahon?

pinagagaling ni Jesucristo ang mga tao

He Healed Many of Diverse Diseases [Pinagaling Niya ang Marami sa Iba’t ibang Karamdaman], ni J. Kirk Richards

Doktrina at mga Tipan 25

Si Emma Smith ay “isang hinirang na babae.”

Nang magpakasal si Emma Hale kay Joseph Smith, malamang ay alam niya na magsasakripisyo siya. Sinalungat niya ang kagustuhan ng kanyang ama at ipinagpalit ang komportableng buhay para sa isang buhay na walang katiyakan. Maaaring naisip niya kung ano ang inaasahan sa kanya ng Panginoon sa gawain ng Pagpapanumbalik. Hanapin ang mga sagot na ibinigay ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 25. Pansinin ang mga salita ng Panginoon sa talata 16—may nakikita ka bang anumang bagay sa bahaging ito na sa palagay mo ay Kanyang “tinig sa [iyo]”?

Tingnan din ang “An Elect Lady” (video, ChurchofJesusChrist.org); “Thou Art an Elect Lady,” Revelations in Context, 33–39; Joy D. Jones, “Isang Natatanging Dakilang Tungkulin,” Liahona, Mayo 2020, 15–18.

Doktrina at mga Tipan 26:2

Ano ang pangkalahatang pagsang-ayon?

Kapag tumatanggap ang mga miyembro ng mga calling o ordinasyon sa priesthood sa Simbahan, may pagkakataon tayo na pormal na sang-ayunan sila sa pamamagitan ng pagtataas ng ating mga kamay bilang pagpapakita ng suporta. Ang alituntunin ng pagpapakita ng suporta at pagsang-ayon sa publiko ay tinatawag na pangkalahatang pagsang-ayon. Tulad ng itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley, “Ang paraan ng pagsang-ayon ay higit pa sa nakagawiang pagtataas ng kamay. Ito ay isang tapat na pangakong sang-ayunan, suportahan, at tulungan ang mga napili” (“This Work Is Concerned with People,” Ensign, Mayo 1995, 51).

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Doktrina at mga Tipan 23:6.Bakit nais ng Panginoon na manalangin tayo “sa [ating] mag-anak, at sa [ating] mga kaibigan, at sa lahat ng dako”? Ano ang itinuturo sa atin ng awit na “Dito ay May Pag-ibig” (Aklat ng mga Awit Pambata, 102)—o isa pang awit tungkol sa panalangin—tungkol sa kapangyarihan ng panalangin?

Tingnan din sa 2 Nephi 32:8–9; 3 Nephi 18:18–23.

Doktrina at mga Tipan 24:8.Makakatulong ba sa inyong pamilya na pag-usapan kung ano ang kahulugan ng “maging matiisin sa mga paghihirap”? Kung may maliliit kayong anak, maaaring masayang ulitin ang eksperimentong inilarawan ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf sa “Patuloy na Magtiyaga” (Liahona, Mayo 2010, 56; tingnan din ang video sa ChurchofJesusChrist.org). Ano ang itinuturo sa atin ng Doktrina at mga Tipan 24:8 tungkol sa pagtitiis? Paano tayo tinutulungan ng Panginoon na maging matiisin sa ating mga paghihirap?

Doktrina at mga Tipan 25:11–12.Marahil ay maaari ninyong kantahin ang paboritong himno o awit ng bawat miyembro ng pamilya at pag-usapan kung bakit ito ang kanyang “awitin ng puso.” Paano katulad ng “isang panalangin sa [Diyos]” ang mga awit na ito?

Doktrina at mga Tipan 26:2.Maaaring makatulong na hanapin ang “Pangkalahatang Pagsang-ayon” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Paano natin ipinapakita ang pagsuporta natin sa ating mga lider?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Umawit Ka,” Aklat ng mga Awit Pambata, 124( tingnan sa “Mga Ideya para Mapagbuti ang Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Inyong Pamilya”).

icon ng mga tinig ng pagpapanumbalik

Mga Tinig ng Pagpapanumbalik

Emma Hale Smith

Ang mga salita ng Panginoon kay Emma Smith na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 25 ay naghahayag ng nadama Niya tungkol kay Emma at sa mga maiaambag nito sa Kanyang gawain. Ngunit sino ba si Emma? Ano ang alam natin tungkol sa kanyang pagkatao, kanyang mga relasyon, kanyang mga kalakasan? Ang isang paraan para makilala ang “hinirang na babae” na ito (Doktrina at mga Tipan 25:3) ay ang basahin ang sinabi ng mga tao na personal na nakakakilala sa kanya.

Emma Smith

Emma Smith, ni Lee Greene Richards

Joseph Smith Jr., kanyang asawa

Joseph Smith

“Hindi masambit na saya, at matinding galak ang nag-umapaw sa aking dibdib, nang hawakan ko sa kamay, nang gabing iyon, ang pinakamamahal kong si Emma—siya na aking asawa, maging ang asawa ng aking kabataan; at ang pinili ng aking puso. Maraming pumapasok sa aking isipan nang pagmuni-munihin ko sandali ang maraming pangyayaring kinailangan naming pagdaanan. Ang mga kapaguran, paghihirap, kalungkutan, at pagdurusa, at ang mga kagalakan at kaaliwan paminsan-minsan ay nangyari at nagpala sa aming buhay. Ah! naalala ko sa sandaling iyon ang lahat ng mabuti at masamang nangyari, Narito pa rin siya, anuman ang pagsubok, hindi nawawalan ng pag-asa, matatag, at hindi natitinag, ang hindi nagbabago, at mapagmahal na si Emma!”1

Lucy Mack Smith, kanyang biyenang babae

Lucy Mack Smith

“Bata pa siya noon, at, dahil likas na masigasig, buong puso niya ay nakalaan sa gawain ng Panginoon, at lubos ang kanyang katapatan sa simbahan at sa kapakanan ng katotohanan. Anuman ang gawin niya, ginagawa niya ito nang buong sigasig at hindi inisip ang makasariling tanong na ‘Mas makikinabang ba ako rito kaysa sa iba?’ Kung isinusugo ang mga elder para mangaral, siya ang unang nagboboluntaryong tumulong sa mga isusuot nila para sa paglalakbay, anumang pagsubok ang pinagdaraanan niya mismo.”2

“Wala pa akong nakitang babae sa buong buhay ko, na makatitiis ng bawat uri ng pagod at hirap, buwan-buwan, at taun-taon, nang taglay ang hindi nagbabagong tapang, sigasig, at pagtitiis, na nagawa niya [palagi]; sapagkat alam ko ang … kailangan niyang tiisin; na nagtiis siya ng kawalang-katiyakan; nagtiis ng mga paghihirap, at nilabanan ang poot ng tao at mga diyablo, hanggang sa madaig niya ang mga pagsubok na [maaaring] nakapagpasuko na sana sa halos sinumang babae.”3

Joseph Smith Sr., kanyang biyenang lalaki

Ang patriarchal blessing ni Emma, na ibinigay ni Joseph Smith Sr., na naglilingkod noon bilang patriarch ng Simbahan:

“Emma, aking manugang, ikaw ay pinagpala ng Panginoon, dahil sa iyong katapatan at pagiging totoo: ikaw ay pagpapalain kasama ng iyong asawa, at magagalak sa kaluwalhatiang mapapasakanya: Ang iyong kaluluwa ay nagdadalamhati dahil sa kasamaan ng mga tao sa paghahangad na sirain ang iyong kabiyak, at buong kaluluwa mong ipinagdarasal ang kanyang kaligtasan; magalak, sapagkat narinig ng Panginoon mong Diyos ang iyong pagsamo.

“Ikaw ay nagdadalamhati dahil sa katigasan ng puso ng pamilya ng iyong ama, at inaasam mo ang kanilang kaligtasan. Pakikinggan ng Panginoon ang iyong mga pagsamo; at sa kanyang mga paghatol ay papangyayarihin niyang makita ng ilan sa kanila ang kanilang kahangalan at magsisisi sila sa kanilang mga kasalanan; ngunit sa pamamagitan ng paghihirap sila ay maliligtas. Hahaba ang buhay mo; oo, ililigtas ka ng Panginoon hanggang sa ikaw ay masiyahan, sapagkat makikita mo ang iyong Manunubos. Ang iyong puso ay magagalak sa dakilang gawain ng Panginoon, at walang sinumang makakaagaw sa iyong kagalakan.

“Iyong maaalala ang dakilang pagpapakababa ng iyong Diyos sa pagpapahintulot sa iyo na samahan ang aking anak nang ipagkatiwala sa kanya ng anghel ang talaan ng mga Nephita. Nakadama ka ng labis na kalungkutan dahil kinuha na ng Panginoon sa iyo ang tatlo sa inyong mga anak: dahil dito hindi ka masisisi, dahil nalalaman niya ang iyong dalisay na mga hangarin na magkaroon ng mga anak, upang ang pangalan ng aking anak ay mapagpala. At ngayon, masdan, sinasabi ko sa iyo, na sabi ng Panginoon, kung ikaw ay maniniwala, ikaw ay pagpapalain pa sa bagay na ito at ikaw ay magkakaroon ng iba pang mga anak, na ikagagalak at ikasisiya ng iyong kaluluwa, at ikatutuwa ng iyong mga kaibigan.

“Ikaw ay bibiyayaan ng pang-unawa, at magkakaroon ng kakayahang turuan ang iba pang kababaihan. Ituro sa iyong pamilya ang kabutihan, at sa iyong mga musmos na anak ang landas ng buhay, at babantayan ka ng mga banal na anghel: at ikaw ay maliligtas sa kaharian ng Diyos; maging gayon nga. Amen.”4

si Emma Smith kasama ang kanyang mga anak

Si Emma Smith kasama ang kanyang mga anak. Time to Laugh [Oras para Magtawanan], ni Liz Lemon Swindle

si Emma Smith na nagsusulat

Emma’s Hymns [Mga Himno ni Emma], ni Liz Lemon Swindle