Doktrina at mga Tipan 2021
Mga Ideya para Mapagbuti ang Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Inyong Pamilya


“Mga Ideya para Mapagbuti ang Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Inyong Pamilya,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Mga Ideya para Mapagbuti ang Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Inyong Pamilya,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

mga pamilyang nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Mga Ideya para Mapagbuti ang Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Inyong Pamilya

Ang regular na pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya ay isang napakabisang paraan para matulungan ang inyong pamilya na matutuhan ang ebanghelyo. Mas mahalaga ang palagiang pagsisikap ninyong magbasa bilang pamilya kaysa kung gaano karami at gaano katagal kayong magbasa. Kapag ginawa ninyong mahalagang bahagi ng inyong buhay-pamilya ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan, matutulungan mo ang mga miyembro ng inyong pamilya na maging mas malapit sa isa’t isa at kay Jesucristo at isalig ang kanilang patotoo sa Kanyang salita.

Isiping gamitin ang sumusunod na mga tanong:

  • Paano mo mahihikayat ang mga miyembro ng pamilya na pag-aralan ang mga banal na kasulatan sa kanilang sarili?

  • Ano ang magagawa mo para hikayatin ang mga miyembro ng pamilya na ibahagi ang kanilang natututuhan?

  • Paano mo mabibigyang-diin ang mga alituntuning natututuhan mo sa Doktrina at mga Tipan sa araw-araw na mga sandali ng pagtuturo?

Alalahanin na ang tahanan ang pinakamagandang lugar para sa pag-aaral ng ebanghelyo. Maaari mong matutuhan at ituro ang ebanghelyo sa tahanan sa mga paraang hindi posible sa isang klase sa Simbahan. Maging malikhain sa pag-iisip ng mga paraan para matulungan ang inyong pamilya na matuto mula sa mga banal na kasulatan.

Mga Ideya para sa Aktibidad

Isiping gamitin ang ilan sa sumusunod na mga ideya para mapahusay ang pag-aaral ng banal na kasulatan ng inyong pamilya:

Gumamit ng musika.

Kantahin ang mga awit na nagpapatibay sa mga alituntuning itinuturo sa mga banal na kasulatan. Isang mungkahing himno o awiting pambata ang nakalista sa bawat lingguhang outline. Maaari kang magtanong tungkol sa mga salita o pariralang nasa mga titik ng awitin. Bukod sa pag-awit, maaaring gumawa ang iyong pamilya ng mga kilos na babagay sa mga awitin o makinig sa mga awitin bilang background music habang ginagawa nila ang iba pang mga aktibidad.

Magbahagi ng makabuluhang mga talata sa mga banal na kasulatan

Bigyan ng oras ang mga miyembro ng pamilya na ibahagi ang mga talatang naging makabuluhan sa kanilang personal na pag-aaral.

Gamitin ang sarili ninyong mga salita

Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na ibuod sa sarili nilang mga salita ang natututuhan nila mula sa mga talatang pinag-aaralan ninyo.

Iangkop ang mga banal na kasulatan sa iyong buhay

Matapos basahin ang isang talata sa banal na kasulatan, hilingin sa mga miyembro ng pamilya na magbahagi ng mga paraan na angkop ang talata sa buhay nila.

Magtanong

Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na magtanong tungkol sa ebanghelyo, at pagkatapos ay mag-ukol ng oras para maghanap ng mga talatang makatutulong na masagot ang tanong.

Magdispley ng isang talata sa banal na kasulatan

Pumili ng isang talatang makabuluhan sa iyo, at idispley ito kung saan madalas itong makikita ng mga miyembro ng pamilya. Anyayahan ang iba pang mga miyembro ng pamilya na maghalinhinan sa pagpili ng talatang ididispley.

Gumawa ng listahan ng mga talata ng banal na kasulatan

Bilang pamilya, pumili ng ilang talata na gusto ninyong talakayin sa darating na linggo.

Isaulo ang mga talata

Pumili ng isang talatang makabuluhan sa inyong pamilya, at anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na isaulo ito sa pamamagitan ng pag-uulit dito araw-araw o paglalaro ng memorization game.

Magbahagi ng mga object lesson

Maghanap ng mga bagay na may kaugnayan sa mga kabanata at talatang binabasa ninyo bilang pamilya. Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na pag-usapan kung paano nauugnay ang bawat bagay sa mga turo sa mga banal na kasulatan.

Pumili ng isang paksa

Sabihin sa mga miyembro ng pamilya na maghalinhinan sa pagpili ng isang paksa na sama-samang pag-aaralan ng pamilya. Gamitin ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan para makahanap ng mga talata tungkol sa paksa.

Magdrowing ng isang larawan

Basahin ang ilang talata bilang pamilya, at pagkatapos ay bigyan ng oras ang mga kapamilya na magdrowing ng isang bagay na nauugnay sa binasa ninyo. Mag-ukol ng oras sa pagtalakay sa mga drowing ng isa’t isa.

Isadula ang isang kuwento

Matapos basahin ang isang kuwento, anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na isadula ito. Pagkatapos, pag-usapan kung paano nauugnay ang kuwento sa mga bagay na nararanasan ninyo bilang indibiduwal at bilang pamilya.

Pagtuturo sa mga Bata

Kung may mga batang musmos sa inyong pamilya, narito ang ilang aktibidad na makatutulong sa kanila na matuto:

Umawit

Ang mga Himno at mga awit mula sa Aklat ng mga Awit Pambata ay mabisang nagtuturo ng mga doktrina. Bawat outline sa resource na ito ay kinabibilangan ng isang mungkahing awitin. Maaari mong gamitin ang indeks ng mga paksa sa likod ng Aklat ng mga Awit Pambata para mahanap ang mga awiting nauugnay sa mga alituntunin ng ebanghelyo na itinuturo mo. Tulungan ang iyong mga anak na iugnay ang mga mensahe ng mga awitin sa buhay nila.

Pakinggan o isadula ang isang kuwento

Mahilig makinig ang mga batang musmos sa mga kuwento—mula sa mga banal na kasulatan, mula sa iyong buhay, mula sa kasaysayan ng Simbahan, o mula sa mga magasin ng Simbahan. Humanap ng mga paraan para maisali sila sa pagkukuwento. Maaari nilang hawakan ang mga larawan o bagay, idrowing ang naririnig nila, isadula ang kuwento, o maaari din silang tumulong sa pagkukuwento. Tulungan ang iyong mga anak na matukoy ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa mga ikinukuwento mo.

Magbasa ng isang talata sa banal na kasulatan

Maaaring hindi pa ganoon kagaling bumasa ang mas maliliit na bata, ngunit maaari mo silang palahukin sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaaring kailanganin mong pagtuunan ang isang talata, pinakamahalagang kataga, o salita.

Tingnan ang isang larawan o manood ng video

Magtanong tungkol sa isang larawan o video na may kaugnayan sa isang alituntunin ng ebanghelyo na tinatalakay mo. Halimbawa, maaari mong itanong, “Ano ang nangyayari sa larawan na ito? Ano ang nadarama mo?” Ang Gospel Library app, ang Gospel Media Library sa ChurchofJesusChrist.org, at children.ChurchofJesusChrist.org ay magagandang paghanapan ng mga larawan at video.

Lumikha

Ang mga bata ay makabubuo, makapagdodrowing o makapagkukulay ng isang bagay na may kinalaman sa kuwento o alituntunin na natututuhan nila.

Makibahagi sa mga object lesson

Ang isang simpleng object lesson ay maaaring makatulong na magpaunawa sa iyong mga anak ng isang alituntunin ng ebanghelyo na mahirap unawain. Kapag gumagamit ng mga object lesson, humanap ng mga paraan para makasali ang iyong mga anak. Mas marami silang matututuhan sa pakikisalamuha kaysa sa panonood lamang ng isang demonstrasyon.

Magdula-dulaan

Kapag isinasadula ng mga bata ang isang sitwasyong malamang na maranasan nila sa totoong buhay, mas higit nilang mauunawaan kung paano naaangkop ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa kanilang buhay.

Ulitin ang mga aktibidad

Maaaring kailangang marinig ng mga bata ang mga konsepto nang maraming beses para maunawaan ang mga ito. Halimbawa, maaari kang magbahagi ng isang kuwento nang ilang beses sa banal na kasulatan sa iba’t ibang paraan—pagbabasa mula sa mga banal na kasulatan, pagbubuod sa sarili mong mga salita, hayaang tumulong ang iyong mga anak sa pagkukuwento, anyayahan silang isadula ang kuwento, at kung anu-ano pa.

Gumawa ng koneksyon sa kanilang mga mithiin sa personal na pag-unlad

Ang pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya ay maaaring magbigay ng inspirasyon para magtakda ng mga mithiin ang mga bata at kabataan para sa kanilang pag-unlad sa espirituwal, pisikal, intelektuwal, at pakikipagkapwa (tingnan sa Lucas 2:52).

pamilya na nakangiti

Pagtuturo sa mga Kabataan

Kung may mga kabataan sa inyong pamilya, narito ang ilang aktibidad na makatutulong sa kanila na matuto:

Anyayahan silang magturo

Karaniwang mas matututo tayo kapag itinuturo natin ang isang bagay kaysa naririnig lamang natin ang tungkol dito. Bigyan ng mga oportunidad ang inyong kabataan na mamuno sa mga talakayan ng pamilya tungkol sa mga banal na kasulatan.

Gumawa ng mga koneksyon sa seminary

Sa taong ito ay pinag-aaralan ng mga estudyante sa seminary ang Doktrina at mga Tipan. Kung ang inyong mga kabataan ay dumadalo sa seminary, sabihin sa kanila na ibahagi ang natututuhan nila roon.

Ihalintulad ang mga banal na kasulatan

Kung minsan nahihirapan ang mga kabataan na makita kung paano nauugnay ang mga doktrina at alituntunin sa mga banal na kasulatan sa kanilang buhay. Tulungan silang makita kung paano nauugnay ang mga kuwento at turo sa mga banal na kasulatan sa mga sitwasyon na kinahaharap nila sa tahanan, sa paaralan, o sa kanilang mga kaibigan.

Magtanong ng mga bagay na naghihikayat ng pagninilay

Maraming kabataan ang maayos na tumutugon sa mga tanong na nagpapahintulot sa kanila na ipahayag ang kanilang iniisip at nadarama tungkol sa mga banal na kasulatan sa halip na pag-uulit-ulit lang ang sinasabi ng mga banal na kasulatan. Halimbawa, maaari mong itanong, “Ano ang maaaring itinuturo ng Panginoon sa inyo sa mga talatang ito?” o “Sa palagay ninyo, bakit ang paghahayag na ito ay makabuluhan sa mga Banal noong 1830s?”

Gumawa ng koneksyon sa kanilang mga mithiin sa personal na pag-unlad

Ang pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya ay maaaring magbigay ng inspirasyon para magtakda ng mga mithiin ang mga bata at kabataan para sa kanilang pag-unlad sa espirituwal, pisikal, intelektuwal, at pakikipagkapwa (tingnan sa Lucas 2:52).

Maging bukas sa kanilang mga tanong

Ang isang tanong mula sa kabataan ay isang mahalagang pagkakataon upang ibahagi ang katotohanan at hangaring maunawaan ang isang paksa na talagang nais niya. Huwag matakot sa mga tanong o huwag balewalain ang mga ito, kahit parang wala itong kaugnayan sa paksa ng talakayan. Ayos lang kung hindi mo alam ang lahat ng sagot. Ang tahanan ang pinakamagandang lugar para sama-samang maghanap ng mga sagot.

Hikayatin silang ibahagi ang kanilang mga pananaw.

Ang mga kabataan ay mayroong natatanging mga pananaw at ideya na maiaambag sa pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya. Ipaalam sa kanila na interesado ka sa kung ano ang itinuturo ng Espiritu sa kanila tungkol sa mga banal na kasulatan. Maaari mo ring hilingin sa kanila na magbahagi ng mga ideya mula sa kanilang personal na pag-aaral.

Matutong umangkop

Kung mayroong isang kabataan na hindi handang makibahagi sa pag-aaral ng banal na kasulatan, hanapin ang iba pang paraan para makipag-ugnayan sa kanya. Halimbawa, natural mo bang mababanggit ang tungkol sa ebanghelyo sa inyong pag-uusap o makapagbabahagi ng makabuluhang talata sa paraan na tila hindi nangangaral o nagyayabang? Ang pag-aaral ng banal na kasulatan ay hindi kailangang maging pareho sa bawat pamilya. Ang ilang bata ay maaaring tumugon nang mas mainam sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan nang isa-isa. Maging madasalin at sundin ang mga panghihikayat ng Espiritu.

Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ipinapangako ko na habang masigasig ninyong ginagawang sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo ang inyong tahanan, paglipas ng ilang panahon ang inyong mga araw ng Sabbath ay tunay na magiging kaluguran. Ang inyong mga anak ay magiging sabik na matutuhan at ipamuhay ang mga turo ng Tagapagligtas, at ang impluwensya ng kalaban sa inyong buhay at inyong tahanan ay mababawasan. Ang pagbabago sa inyong pamilya ay magiging malaki at mapapanatili” (“Pagiging Ulirang mga Banal sa mga Huling Araw,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 113).