“Marso 8–14. Doktrina at mga Tipan 23–26: ‘Palakasin ang Simbahan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Marso 8–14. Doktrina at mga Tipan 23–26,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021
Marso 8–14
Doktrina at mga Tipan 23–26
“Palakasin ang Simbahan”
Habang naghahanda kang magturo, isaalang-alang ang mga ideya para sa mga aktibidad sa mga bahaging “Mas Maliliit na Bata” at “Mas Nakatatandang mga Bata.”
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Ipakita ang isang larawan ni Emma Smith (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa kanya, kabilang na ang mga bagay na natutuhan nila sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 25 nitong nakaraang linggo. Ang “Kabanata 13: Sina Joseph at Emma” (Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 51–55) ay makatutulong sa iyo.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Doktrina at mga Tipan 23:6; 26:1
Nais ng Diyos na manalangin at matuto ako mula sa mga banal na kasulatan araw-araw.
Pinayuhan ng Panginoon ang mga naunang lider at mga kaibigan ng Simbahan na manalangin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 23:6) at pag-aralan ang mga banal na kasulatan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 26:1). Paano mo matutulungan ang mga bata na gawing bahagi ng kanilang buhay ang panalangin at ang mga banal na kasulatan?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin sa mga bata ang Doktrina at mga Tipan 23:6, simula sa “kailangan kang manalangin.” Tulungan silang tukuyin ang iba’t ibang paraan at lugar na sinabi ng Panginoon na dapat tayong manalangin. Anyayahan sila na magdrowing ng larawan ng kanilang sarili na nananalangin sa isa sa mga paraan o lugar na iyon.
-
Kung kailangan, ipaliwanag sa mga bata kung paano manalangin. Makatutulong ang isang awit tungkol sa panalangin.
-
Basahin sa mga bata ang “Ilaan ninyo ang inyong panahon sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan” (Doktrina at mga Tipan 26:1). Sabihin sa kanila kung bakit mo pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan. Tulungan silang mag-isip ng mga paraan para matuto sila sa mga banal na kasulatan, kahit hindi pa sila nakakapagbasa.
-
Sama-samang kantahin ang “Babasahin, Uunawain, at Mananalangin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 66) o isa pang awit tungkol sa panalangin at pag-aaral ng banal na kasulatan. Tulungan ang mga bata na matuklasan ang mga biyayang ipinangako sa awit. Sabihin sa kanila ang tungkol sa mga espirituwal na damdamin na nadama mo habang nananalangin at nagbabasa ka ng mga banal na kasulatan.
Doktrina at mga Tipan 25:11–12
Gustung-gusto ni Jesus ang “awitin ng puso.”
Sinabi ng Panginoon na ang sagradong musika ay “[nakalu]lugod sa akin.” Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang pag-awit ay hindi lamang isang masayang aktibidad kundi isang paraan para sambahin Siya.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang bawat bata na ibahagi ang kanyang paboritong himno o awit sa Simbahan, at sama-samang kantahin ang ilan sa mga ito. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 25:12 sa mga bata, at anyayahan sila na isipin kung ano ang mararamdaman ng Ama sa Langit at ni Jesus kapag naririnig Nila na kinakanta natin ang mga awiting ito.
-
Ituro sa mga bata ang isang awit tungkol sa pagkanta, tulad ng “Umawit Ka” (Aklat ng mga Awit Pambata, 124), o isang awit tungkol kay Jesucristo, tulad ng “Isinugo, Kanyang Anak” (Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21). Anyayahan sila na kantahin ito kasama ng kanilang pamilya sa linggong ito.
Doktrina at mga Tipan 25:13, 15
Makapaghahanda ako na gumawa ng mga sagradong tipan.
Naghahanda ang mga batang tinuturuan mo na gawin ang kanilang unang tipan sa Ama sa Langit kapag sila ay nabinyagan. Paano mo sila matutulungan na maunawaan kung gaano kahalaga ang ating mga tipan?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 25:13 sa mga bata. Ipaliwanag na ang salitang “tuparin” sa talatang ito ay nangangahugang humawak nang mahigpit sa isang bagay. Upang matulungan silang makaunawa, magpasa sa mga bata ng isang bagay na solido, tulad ng isang malaking bato (o kahit na isang bakal), at anyayahan ang mga bata na hawakan nang mahigpit ang bagay na iyon hanggang sa abot ng kanilang makakaya. Ipaliwanag na ang pagkapit nang mahigpit sa ating mga tipan ay nangangahulugang pagtupad sa mga pangako na ginagawa natin sa Ama sa Langit at hindi pagbitiw (o hindi pagsuko).
-
Gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para ituro sa mga bata ang mga pagkakataon na nakikipagtipan tayo sa Ama sa Langit. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 25:15, at ipaliwanag na ang “putong ng kabutihan” ay kumakatawan sa pagpapalang makabalik sa piling ng Diyos, ang ating Hari sa Langit.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Doktrina at mga Tipan 23:3–7; 25:7
Nais ni Jesus na palakasin ko ang mga nakapaligid sa akin.
Noong katatatag pa lamang ng Simbahan, hindi pa marami ang mga miyembro. Iniutos ng Panginoon sa mga Banal na patatagin ang Simbahan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebanghelyo at pagpapalakas sa isa’t isa. Magagawa rin natin ito ngayon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na hanapin ang mga salitang “panghihikayat” at “manghikayat” sa Doktrina at mga Tipan 23:3–7; 25:7. Tulungan silang maibigay ang kahulugan ng mga salitang ito. Paano nakapagpapalakas sa isang tao ang panghihikayat sa kanya? Anyayahan ang mga bata na isadula ang “panghihikayat” ng isang tao na ginagawa nang may pagmamahal.
-
Paano natin magagawa nang mas mabuti ang gawaing palakasin ang iba pang mga miyembro ng Simbahan? Upang mailarawan ang alituntuning ito, bigyan ang isang bata ng isang gawain na nangangailangan ng maraming tao na tutulong. Pagkatapos ay hilingin sa ibang bata na tumulong, at talakayin kung paano naging mas madali ang gawain. Magbahagi ng isang karanasan kung saan napalakas ka ng paglilingkod ng kapwa mo miyembro ng Simbahan.
Maiaahon ako ng Tagapagligtas “mula sa [aking] mga pagdurusa.”
Si Joseph Smith ay dumanas ng maraming pagsubok, ngunit siya ay “[n]aging matiisin sa mga paghihirap” dahil nangako ang Panginoon na palagi Niyang sasamahan siya.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na ilista sa pisara ang ilan sa mga paghihirap o pagsubok na naranasan ni Joseph Smith at ng iba pang naunang mga Banal (tingnan sa “Kabanata 11: Higit na Maraming Tao ang Sumapi sa Simbahan,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 46–47, o sa katumbas na video nito sa ChurchofJesusChrist.org). Pagkatapos ay anyayahan sila na tuklasin kung ano ang sinabi ng Panginoon kay Joseph sa Doktrina at mga Tipan 24:1, 8 tungkol sa kanyang mga paghihirap. Paano tayo makahihingi ng tulong sa Tagapagligtas kapag tayo ay nakararanas ng paghihirap?
-
Upang maituro sa mga bata na kung minsan ay kailangan nating maging “matiisin sa [ating] mga paghihirap,” sabihin sa kanila na mag-isip ng isang bagay na gustung-gusto nila pero kailangan nilang maghintay para makamtan ito. Bakit iniuutos sa atin ng Panginoon na maging matiisin tayo sa mahihirap na pahahon ng ating buhay? Paano Niya ipinaalam sa atin na Siya ay “makakasama [natin]” sa ating mga paghihirap?
1:0
Maaari kong “tuparin ang mga tipan” na aking ginawa.
Di-nagtagal matapos mabinyagan si Emma Smith, sinabi ng Panginoon sa kanya, “Tuparin ang mga tipan na iyong ginawa.” Isipin kung paano mapagpapala ng payo na ito ang mga batang tinuturuan mo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 25:13, at itanong sa mga bata kung ano ang kahulugan sa talatang ito ng “tuparin [o kapitan ng mahigpit] ang mga tipan” na ginagawa natin. Upang mailarawan ito, magpasa ng mga bagay na mahigpit ang pagkakakapit sa isa’t isa at sabihin sa mga bata na subukang paghiwalayin ang mga ito. Bakit ang salitang “tuparin [o kapitan nang mahigpit]” ay naaakmang salita para ilarawan ang dapat nating madama sa ating mga tipan?
-
Kung kailangan, rebyuhin sa mga bata ang mga tipang ginagawa natin sa ating binyag (tingnan sa Mosias 18:8–10; Doktrina at mga Tipan 20:37). Ano ang ibig sabihin ng “tuparin [o kapitan nang mahigpit]” ang mga tipang ito?
-
Sama-samang rebyuhin ang ilan sa nalalaman ninyo tungkol sa buhay ni Emma Smith (tingnan sa “Kabanata 13: Sina Joseph at Emma” [Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 51–55], o sa katumbas na video nito sa ChurchofJesusChrist.org). Bigyan ang bawat bata ng isa o dalawang talata mula sa bahagi 25, at anyayahan sila na ibahagi kung paano maaaring nakatulong ang mga payo at ipinagagawa ng Panginoon sa kanya para “[matupad niya] ang mga tipan” na ginawa niya. Paano natin matutularan ang kanyang halimbawa?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na pumili ng isang paboritong talata na tinalakay ninyo nang sama-sama, isulat ang mga reperensya, at ibahagi ito sa isang kapamilya o kaibigan.