Doktrina at mga Tipan 2021
Marso 22–28. Doktrina at mga Tipan 29: “Titipunin ni Jesucristo ang Kanyang mga Tao”


“Marso 22–28. Doktrina at mga Tipan 29: ‘Titipunin ni Jesucristo ang Kanyang mga Tao,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Marso 22–28. Doktrina at mga Tipan 29,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary

si Jesus na nakatayo sa harap ng mga taong nakaluhod

Ang Bawat Tuhod ay Magsisiluhod, ni J. Kirk Richards

Marso 22–28

Doktrina at mga Tipan 29

Titipunin ni Jesucristo ang Kanyang mga Tao

Kilala mo ang mga batang tinuturuan mo, at maraming katotohanan sa Doktrina at mga Tipan 29 na maaaring magpala sa kanila. Sundin ang inspirasyon ng Espiritu habang pinag-aaralan mo ang bahagi 29, at irekord ang mga impresyon tungkol sa paraan kung paano mo ituturo sa mga bata ang mga katotohanang ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Maaari mong anyayahan ang ilang bata na ibahagi ang ilan sa mga paraan na natututuhan nila ang ebanghelyo sa tahanan—nang mag-isa o kasama ang kanilang pamilya. Anyayahan ang isa o mas marami pang mga bata na ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa isang bagay na natutuhan nila sa tahanan sa linggong ito.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Doktrina at mga Tipan 29:1–2

Titipunin ni Jesucristo ang Kanyang mga tao bago ang Kanyang muling pagparito.

Natitipon tayo ng Tagapagligtas kapag tinatanggap natin at sinusunod ang Kanyang mga turo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Pakulayan sa mga bata ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito.

    NaN:NaN
  • Pagkatapos basahin ang Doktrina at mga Tipan 29:1–2, isadula ang analohiya ng pagtipon ni Cristo sa Kanyang mga tao na “tulad ng isang inahing manok na nagtitipon ng kanyang mga sisiw.” Sabihin mo sa isang bata na magkunwaring inahing manok at pumili ng isang sulok sa silid kung saan maaari siyang tumayo. Kapag siya ay “tumitilaok,” sabihin sa lahat ng bata na magtipon sa paligid niya. Maaaring maghalinhinan ang mga bata sa pagganap bilang inahing manok. Itaas ang isang larawan ng Tagapagligtas at anyayahan ang mga bata na magtipon sa paligid Niya. Ibahagi sa mga bata kung paano tayo tinutulungan ni Jesus kapag nagtitipon tayo sa Kanya.

    inahing manok at mga sisiw

    Ilang Beses, ni Liz Lemon Swindle

Doktrina at mga Tipan 29:2–11

Makapaghahanda ako na harapin ang Tagapagligtas.

Balang-araw, makakasama ng bawat isa sa atin si Jesucristo. Bagama’t maaaring matagal pa ang araw na iyon, maaari pa ring mag-isip ang mga bata tungkol sa magaganap dito at paano sila maghahanda para dito.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita ang larawan ng Ikalawang Pagparito (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 66), at tulungan ang isang bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 29:11. Tulungan ang mga bata na pansinin ang mga parirala sa mga banal na kasulatan na naglalarawan sa nakikita nila sa larawan. Ibahagi sa mga bata ang nadarama mo tungkol sa muling pagparito ni Jesucristo sa lupa.

  • Kasama ang buong klase, kantahin ninyo ang isang awit tungkol sa Ikalawang Pagparito, tulad ng “Sa Kanyang Pagbabalik” (Aklat ng mga Awit Pambata, 46–47). Magpakita sa mga bata ng mga larawan ng mga bagay na magagawa nila para makapaghanda sa pagharap sa Tagapagligtas at makapiling Siya magpakailanman (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo para sa ilang ideya). Tulungan silang maghanap sa Doktrina at mga Tipan 29:2–10 ng iba pang mga paraan para makapaghanda.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Doktrina at mga Tipan 29

Naghanda ang Ama sa Langit ng plano ng kaligtasan para sa akin.

Kapag mas maraming nalalaman ang isang bata tungkol sa plano ng kaligtasan ng Diyos, mas lalo siyang sasampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo para masunod ang planong iyon. Anong mga bahagi ng plano ang nadama mo na dapat mong pagtuunan ng pansin?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa ilang bata na magbahagi ng halimbawa tungkol sa paggawa nila ng plano, tulad ng para sa paglalakbay o para gawin ang isang gawain. Maaari ka ring magbahagi ng mga halimbawa ng mga plano, tulad ng isang iskedyul na may nakasulat na mga aktibidad o mga instruksyon sa paggawa ng isang bagay. Bakit nakatutulong ang mga plano? Ibahagi sa mga bata na ang Ama sa Langit ay may plano na magtutulot sa atin na maging katulad Niya.

  • Upang matulungan ang mga bata na maunawaan ang plano ng Diyos, gumawa ng mga karatula na may nakasulat na: premortal na buhay, ang Paglikha, ang Pagkahulog, buhay sa lupa, at ang Ikalawang Pagparito. Matapos ipaliwanag ang bawat isa sa nakasulat sa karatula (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:9–45), ibigay ang mga karatula sa iba’t ibang bata, at hilingin sa kanila na tumayo nang nakahanay ayon sa pagkakasunud-sunod upang ipakita kung kailan naganap ang bawat pangyayari sa plano ng Ama sa Langit. Maaaring magbahagi ang bawat bata ng nalalaman niya tungkol sa hawak niyang karatula. Tulungan ang mga bata na maunawaan kung paano tumutulong sa atin ang kaalaman sa plano ng Ama sa Langit para tayo maging higit na katulad Niya at ng Tagapagligtas.

  • Gamitin ang isa o higit pa sa mga aktibidad sa ibaba upang ituro ang mga katotohanan tungkol sa plano at kung paano naaangkop ang mga ito sa atin. Maaari mong hilingin sa ilang bata na dumating na handang tumulong sa iyo sa pagtuturo.

    • Kalayaang Pumili. Tulungan ang mga bata na maunawaan na binigyan tayo ng Ama sa Langit ng kaloob na kalayaan—ang kalayaang pumili—at pananagutin Niya tayo sa ating mga pinili o ipinasiya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:39–40). Gumawa ng dalawang karatula para sa bawat bata: isang kumakatawan sa pagpili ng mabuti (halimbawa, isang nakangiting mukha) at isang kumakatawan sa pagpili ng masama (halimbawa, isang nakasimangot na mukha). Magbahagi ng mga halimbawa ng tamang pagpili at maling pagpili, at hilingin sa mga bata na itaas ang tamang karatula. Hilingin sa mga bata na magbanggit ng mga pagpapalang dumarating kapag sinusunod natin si Jesucristo. Bakit tayo hinahayaan ng Ama sa Langit na pumili o magpasiya para sa ating sarili?

    • Ang mga kautusan. Anyayahan ang mga bata na ilista sa pisara ang ilan sa mga kautusan. (Para sa mga halimbawa, maaari nilang saliksikin ang Exodo 20:3–17 at ang Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, 103–15.) Bakit tayo binibigyan ng Ama sa Langit ng mga kautusan? Ano ang nalaman natin sa Doktrina at mga Tipan 29:35 tungkol sa mga kautusan ng Ama sa Langit?

    • Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Tulungan ang mga bata na maunawaan na naghanda ang Ama sa Langit ng paraan para mapatawad tayo kapag nakagagawa tayo ng mga maling pagpili. Hilingin sa bawat bata na basahin ang isa sa mga talata sa Doktrina at mga Tipan 29:1, 42–43 at ibahagi kung ano ang itinuturo nito tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Umisip ng isang malikhaing paraan para maanyayahan ang mga bata na ibahagi ang nalaman nila, tulad ng ayon sa pagkakasunud-sunod ng kanilang kaarawan, o mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamatangkad, at marami pang iba.

Doktrina at mga Tipan 29:1–2

Titipunin ni Jesucristo ang Kanyang mga tao bago ang Kanyang muling pagparito.

Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na kapanabikan ang pagtulong sa pagtitipon ng Israel?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 29:1–2 at alamin kung saan inihambing ng Panginoon ang Kanyang sarili. Ano ang maiisip ng mga bata kapag nabasa nila ang paghahambing na ito? Ano ang sinabi ng Panginoon na dapat nating gawin para matipon Niya?

  • Ang isang paraan para asamin at ikatuwa ng mga bata ang pagtitipon ay sa pamamagitan ng pagkukuwento tungkol sa isang tao na sumapi sa Simbahan. Halimbawa, sino ang nagpakilala ng inyong pamilya sa Simbahan? Maaari mong hilingin sa mga bata na alamin ilang araw bago magklase ang tungkol sa mga unang miyembro ng Simbahan sa kanilang pamilya at ibahagi ang kanyang kuwento sa klase.

  • Anyayahan ang mga bata na ilista ang mga paraan na makatutulong sila sa mga tao para matipon sa Tagapagligtas. Halimbawa, maaari nilang anyayahan ang mga kaibigan o kapamilya sa isang aktibidad sa Primary o home evening kasama ng kanilang pamilya.

  • Nakasaad sa ikasampung saligan ng pananampalataya ang tungkol sa pagtitipon ng Israel. Mayroon ba sa mga bata na kabisado ang saligang ito ng pananampalataya? Kung mayroon, anyayahan sila na bigkasin ito sa klase. Kung wala, tulungan silang magtakda ng mithiin na isaulo ito.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na isulat ang isang katotohanang natutuhan nila sa klase. Humingi ng ilang ideya kung ano ang gagawin nila para maibahagi ang katotohanang ito sa kanilang pamilya.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maging mapagmasid. Maging mapagmasid kung paano tumutugon sa mga aktibidad sa pag-aaral ang mga bata sa iyong klase. Kung hindi na sila mapalagay o naiinip na, maaaring oras na para gawin ang ibang aktibidad o maglakad-lakad. Kung napansin mo na nakikibahagi sa klase at natututo ang mga bata, hindi mo kailangang tapusin kaagad ang aktibidad.