“Pebrero 8–14. Doktrina at mga Tipan 12–13; Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–75: ‘Sa Inyo na Aking Kapwa Tagapaglingkod’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Pebrero 8–14. Doktrina at mga Tipan 12–13; Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–75,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021
Pebrero 8–14
Doktrina at mga Tipan 12–13; Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–75
“Sa Inyo na Aking Kapwa Tagapaglingkod”
Tumanggap sina Joseph Smith at Oliver Cowdery ng karagdagang kaalaman nang manalangin sila tungkol sa mga katotohanang natutuhan nila sa mga banal na kasulatan (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:68). Paano mo susundan ang kanilang halimbawa?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Karamihan sa mga tao sa buong mundo ay malamang na hindi pa narinig ang lugar na tinatawag na Harmony, Pennsylvania. Ngunit madalas ay pumipili ang Panginoon ng mga tagong lugar para sa pinakamahahalagang pangyayari sa Kanyang kaharian. Sa isang kakahuyan malapit sa Harmony noong Mayo 15, 1829, nagpakita si Juan Bautista bilang isang nabuhay na mag-uling nilalang kina Joseph Smith at Oliver Cowdery. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa kanilang ulo at ipinagkaloob ang Aaronic Priesthood sa kanila, na tinatawag sila na “aking kapwa tagapaglingkod” (Doktrina at mga Tipan 13:1).
Ang maituring na kapwa tagapaglingkod ni Juan Bautista, na siyang nagbinyag sa Tagapagligtas at naghanda ng daan para sa Kanyang pagparito (tingnan sa Mateo 3:1–6, 13–17), ay nakapagpapakumbabang karanasan, at marahil ay nakakamangha rin sa dalawang binatang ito na mahigit beinte anyos pa lamang. Noong panahong iyon, hindi kilala sina Joseph at Oliver, tulad ng Harmony. Ngunit ang paglilingkod sa gawain ng Diyos noon pa man ay tungkol sa kung paano tayo naglilingkod, hindi tungkol sa kung sino ang nakakapansin. Gaano man kaliit o hindi kapansin-pansin ang iyong kontribusyon kung minsan, isa ka ring kapwa tagapaglingkod sa dakilang gawain ng Panginoon.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Nais ng Panginoon na tumulong akong maitatag ang kapakanan ng Sion.
Nakilala ni Joseph Knight Sr. at ng kanyang asawang si Polly si Joseph Smith nang magsimula itong magtrabaho, noong siya’y 20-taong gulang, sa kanilang sakahan sa Colesville, New York. Inilarawan siya ni Joseph Knight bilang pinakamasipag niyang manggagawa. Naniwala siya sa patotoo ni Joseph Smith tungkol sa mga laminang ginto at isinama si Polly para bumisita kay Joseph Smith habang isinasalin ng huli ang Aklat ni Mormon sa kanyang tahanan sa Harmony, Pennsylvania. Agad naniwala si Polly. Sa buong buhay nila, nanatiling tapat sina Joseph at Polly sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Mahigit 60 miyembro ng pamilya Knight ang sumapi at tumulong na maitatag ang Simbahan sa New York, Ohio, Missouri, Nauvoo, at kalaunan ay sa Salt Lake City.
Ginustong malaman ni Joseph Knight kung paano siya makakatulong sa gawain ng Panginoon. Ang sagot ng Panginoon (ngayon ay Doktrina at mga Tipan 12) ay angkop sa “mga yaong nagnanais na dalhin at itatag ang gawaing ito” (talata 7)—pati ikaw. Ano ang ibig sabihin sa iyo ng “ipahayag at itatag ang kapakanan ng Sion”? (talata 6). Paano ka natutulungan ng mga alituntunin at katangian sa mga talata 7–9 na magawa ito?
Tingnan din sa “The Knight and Whitmer Families,” Revelations in Context, 20–24.
Ang Aaronic Priesthood ay ipinanumbalik ni Juan Bautista.
Sa isang pangungusap lamang, inihayag ni Juan Bautista ang maraming katotohanan tungkol sa Aaronic Priesthood. Isiping ilista ang lahat ng matututuhan mo mula sa bahaging ito (pati na mula sa section heading). Maaaring makatulong sa iyo na pag-aralan ang ilan sa mga pariralang nakita mo. Narito ang ilang ideya para makapagsimula ka:
-
“Mga susi ng paglilingkod ng mga anghel”: 2 Nephi 32:2–3; Moroni 7:29–32; Jeffrey R. Holland, “Ang Ministeryo ng mga Anghel,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 29–31; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Anghel, mga,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org
-
“Mga susi … ng ebanghelyo ng pagsisisi”: 3 Nephi 27:16–22; Doktrina at mga Tipan 84:26–27; Dale G. Renlund, “Ang Priesthood at ang Nagbabayad-salang Kapangyarihan ng Tagapagligtas,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 64–67
-
“Mga anak na lalaki ni Levi”: Mga Bilang 3:5–13; Doktrina at mga Tipan 84:31–34; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagkasaserdoteng Aaron,” “Levi,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org
Anong mga pagpapala na ang natanggap mo sa pamamagitan ng mga ordenansa ng Aaronic Priesthood?
Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–75
Ang mga ordenansa ang daan upang matanggap ko ang kapangyarihan ng Diyos.
Itinuro ni Sister Carole M. Stephens, dating tagapayo sa Relief Society General Presidency: “Ang mga ordenansa at tipan na ito ng priesthood ang daan upang matanggap ang kabuuan ng mga pagpapalang ipinangako sa atin ng Diyos, na ginawang posible ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Sinasakbitan ng mga ito ang mga anak ng Diyos ng kapangyarihan, ng kapangyarihan ng Diyos, at binibigyan tayo ng pagkakataong tumanggap ng buhay na walang-hanggan” (“Alam Ba Natin Kung Ano ang Mayroon Tayo?” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 12).
Habang binabasa mo ang Joseph Smith—Kasaysayan 1: 66–75, pati na ang tala sa katapusan ng talata 71, isipin kung ano ang naghikayat kina Joseph at Oliver na magtanong tungkol sa binyag, at pansinin ang mga pagpapalang dumating sa kanila pagkatapos makibahagi sa mga ordenansa ng priesthood. Isiping basahin ang mga journal entry na maaaring naisulat mo matapos tanggapin ang mga ordenansa o itala ang mga alaala mo tungkol sa mga kaganapang iyon. Anong mga pagpapala ang natanggap mo sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood?
Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 84:20–22; Mga Banal, kabanata 7.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
-
Doktrina at mga Tipan 12:8.Bakit kailangan ang mga katangiang nakasaad sa talatang ito kapag ginagawa natin ang gawain ng Panginoon?
-
Doktrina at mga Tipan 13.Ano ang maaaring magpalakas sa pananampalataya ng inyong pamilya sa panunumbalik ng Aaronic Priesthood? Ang artwork na kasama sa outline na ito ay maaaring makatulong sa inyong pamilya na ilarawan sa isipan ang panunumbalik ng Aaronic Priesthood. Matutuwa ba silang idrowing ang kaganapan, batay sa nabasa nila sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:68–74? Maaari din nilang ibahagi ang kanilang mga patotoo tungkol sa kapangyarihan ng priesthood sa kanilang buhay.
-
Joseph Smith—Kasaysayan 1:68.Paano natin matutularan ang halimbawa nina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa paghahanap ng mga sagot sa ating mga tanong? Marahil habang sama-sama kayong nagbabasa, maaari ninyong ugaliing huminto sandali at magtanong kung may gustong magtanong tungkol sa binabasa nila.
-
Joseph Smith—Kasaysayan 1:71, tala.Ano ang hinahangaan ng mga miyembro ng inyong pamilya tungkol sa mga salita ni Oliver Cowdery? Ano ang ilan sa “mga araw na hindi ma[li]limutan” ng inyong pamilya?
-
Joseph Smith—Kasaysayan 1:73–74.Ano ang epekto ng Espiritu Santo kina Joseph at Oliver? Kailan nakatulong ang Espiritu na maunawaan ng inyong pamilya ang mga banal na kasulatan at magalak sa Panginoon?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awit: “Ang Pagkasaserdote ay Naipanumbalik,” Aklat ng mga Awit Pambata, 60.