Doktrina at mga Tipan 2021
Abril 19–25. Doktrina at mga Tipan 41–44: “Batas Ko upang Pamahalaan ang Aking Simbahan”


“Abril 19–25. Doktrina at mga Tipan 41–44: ‘Batas Ko upang Pamahalaan ang Aking Simbahan’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Abril 19–25. Doktrina at mga Tipan 41–44,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

Jesucristo

Abril 19–25

Doktrina at mga Tipan 41–44

“Batas Ko upang Pamahalaan ang Aking Simbahan”

“Kung kayo ay hihingi,” pangako ng Panginoon, “kayo ay makatatanggap ng paghahayag sa paghahayag, ng kaalaman sa kaalaman” (Doktrina at mga Tipan 42:61). Ano ang mga itatanong mo para makatanggap ng paghahayag na kailangan mo?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ang mabilis na paglago ng Simbahan noong 1830 at 1831—lalo na ang pagdating ng maraming bagong convert sa Kirtland, Ohio—ay nagpasaya at nagpasigla sa mga Banal. Ngunit nagkaroon din ito ng ilang problema. Paano mo pagkakaisahin ang mabilis na pagdami ng mga mananampalataya, lalo na kung dala pa nila ang doktrina at mga gawing nagmula sa dati nilang relihiyon? Halimbawa, nang dumating si Joseph Smith sa Kirtland noong mga unang araw ng Pebrero 1831, nakakita siya ng mga bagong miyembro na pinaghahatian ang isang ari-arian sa tapat na pagsisikap na tularan ang mga Kristiyano sa Bagong Tipan (tingnan sa Mga Gawa 4:32–37). Gumawa ng ilang mahalagang pagtatama at paglilinaw ang Panginoon dito at sa iba pang mga paksa, una sa lahat sa pamamagitan ng isang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 42, na tinawag Niyang “batas ko upang pamahalaan ang aking simbahan” (talata 59). Sa paghahayag na ito, nalalaman natin ang mga katotohanang mahalaga sa pagtatatag ng Simbahan ng Panginoon sa mga huling araw, kabilang na ang isang mahalagang pangako na naglilinaw na palaging may iba pang matututuhan: “Kung kayo ay hihingi, kayo ay makatatanggap ng paghahayag sa paghahayag, ng kaalaman sa kaalaman” (Doktrina at mga Tipan 42:61).

Tingnan din sa Mga Banal, kabanata 1:114–19.

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Doktrina at mga Tipan 41

“Siya na tumatanggap ng aking batas at ginagawa ito, siya ay aking tagasunod.”

Sa mga unang araw ng 1831, nagsimulang magtipon ang mga Banal sa Ohio, sabik na matanggap ang batas na naipangako ng Diyos na ihahayag doon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:32). Ngunit itinuro muna ng Panginoon kung paano dapat maghanda ang Kanyang mga disipulo na matanggap ang Kanyang batas. Anong mga alituntunin ang nakita mo sa mga talata 1–5 na makakatulong sa mga Banal na matanggap ang batas ng Diyos? Paano makakatulong sa iyo ang mga alituntuning ito na makatanggap ng tagubilin mula sa Kanya?

Doktrina at mga Tipan 42

Ang mga batas ng Diyos ang namamahala sa Kanyang Simbahan at maaaring mamahala sa ating buhay.

Itinuring ng mga Banal ang paghahayag na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 42:1–72 na isa sa pinakamahahalagang natanggap ng Propeta. Kabilang ito sa unang inilathala, lumabas sa dalawang pahayagan sa Ohio, at nakilala lamang bilang “ang batas.” Marami na sa mga alituntunin sa bahaging ito ang naihayag ng Panginoon noon. Bagama’t hindi kasama sa bahaging ito ang lahat ng kautusang ninais ng Panginoon na sundin ng Kanyang mga Banal, mabuting pagnilayan kung bakit mahalagang ulitin ang mga alituntuning ito sa kapapanumbalik na Simbahan.

Makakatulong sa iyo na basahin ang bahagi 42 sa mas maliliit na bahagi tulad ng mga sumusunod at tukuyin ang mga alituntuning itinuturo sa bawat isa. Sa paggawa mo nito, isipin kung paano maaaring makatulong ang batas na ito para gabayan ang Simbahan na gabayan din ang iyong personal na buhay.

Mga talata 4–9, 11–17, 56–58 

Mga talata 18–29 

Mga talata 30–31 

Mga talata 40–42 

Mga talata 43–52 

Tingnan din sa 3 Nephi 15:9.

Doktrina at mga Tipan 42:30–42

Paano “[ini]laan ng [mga Banal ang kanilang] mga ari-arian” para suportahan ang mga maralita?

Ang isang mahalagang bahagi ng batas na inihayag sa bahagi 42 ay ang nakilala bilang batas ng paglalaan at pangangasiwa. Itinuro ng batas na ito sa mga Banal, tulad ng mga alagad ni Cristo noong araw, kung paano magkaroon ng “pagkakapantay-pantay sa lahat ng bagay” (Mga Gawa 2:44; 4 Nephi 1:3), na “walang maralita sa kanila” (Moises 7:18). Inilaan ng mga Banal ang kanilang ari-arian sa pagbibigay nito sa Panginoon, sa pamamagitan ng bishop (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:30–31). Ibinalik ng bishop sa kanila ang kailangan nila (tingnan sa talata 32)—karaniwan ay ang nailaan nila at higit pa. Ibinigay ng mga miyembro ang labis na ari-arian nila para tulungan ang mga maralita (tingnan sa mga talata 33–34). Ang batas na ito ay malaking pagpapala sa mga Banal, lalo na sa mga tao na iniwan na ang lahat para pumunta sa Ohio. Maraming Banal ang nagbigay ng malalaking donasyon.

Bagama’t ginagawa natin ito ngayon sa ibang paraan, sinusunod pa rin ng mga Banal sa mga Huling Araw ang batas ng paglalaan. Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 42:30–42, pagnilayan kung paano mo mailalaan ang naibigay sa iyo ng Diyos para itayo ang Kanyang kaharian at pagpalain ang mga nangangailangan.

Tingnan din sa Linda K. Burton, “Ako’y Taga Ibang Bayan,” Ensign o Liahona, Mayo 2016, 13–15.

Si Cristo at ang Mayamang Binatang Pinuno

Si Cristo at ang Mayamang Binatang Pinuno, ni Heinrich Hofmann

Doktrina at mga Tipan 42:61, 65–68; 43:1–16

Ang Diyos ay nagbibigay ng paghahayag para gabayan ang Kanyang Simbahan.

Kunwari ay nakikipag-usap ka sa isang bagong miyembro ng Simbahan na sabik na malaman na ginagabayan ang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag. Paano mo maaaring gamitin ang Doktrina at mga Tipan 43:1–16 para ipaliwanag sa kanya ang huwaran ng Panginoon sa paggabay sa Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang propeta? Paano mo maaaring gamitin ang Doktrina at mga Tipan 42:61, 65–68 para magturo tungkol sa pagtanggap ng personal na paghahayag?

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Doktrina at mga Tipan 41:1–5.Ano ang ilang halimbawa ng mga batas sibil, at paano tayo nakikinabang sa mga batas na iyon? Paano tayo napagpapala ng mga batas o utos ng Ama sa Langit? Maaaring idrowing ng mga miyembro ng pamilya ang kanilang sarili na sumusunod sa mga batas ng Diyos.

Doktrina at mga Tipan 42:45, 88.Ano ang makakatulong sa inyong pamilya na “mamuhay nang magkakasama sa pag-ibig”? (tingnan din sa Mosias 4:14–15). Isiping sumulat o magsabi ng magagandang bagay tungkol sa isa’t isa o kumanta ng isang himno tungkol sa pagmamahalan sa pamilya, tulad ng “Pag-ibig sa Tahanan” (Mga Himno, blg. 183).

Doktrina at mga Tipan 42:61.Maaari mo sigurong basahin ang talatang ito habang magkakasama ninyong binubuo ang isang puzzle. Gamitin ang puzzle para ituro kung paano inihahayag ng Diyos ang Kanyang mga hiwaga—“[na]ng paghahayag sa paghahayag, [na]ng kaalaman sa kaalaman.” Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng pamilya kung paano naghayag ng katotohanan ang Diyos sa kanila nang paunti-unti.

Doktrina at mga Tipan 43:25.Marahil ay may isang bagay na maaaring gamitin ng inyong pamilya upang makalikha ng mga tunog ng kulog para magpasimula ng isang talakayan tungkol sa talata 25. Paano naging “tinig ng mga kulog” ang tinig ng Panginoon? Magkakasamang saliksikin ang talata para sa mga paraan na maaari tayong sabihan ng Panginoon na magsisi. Paano tayo mas makatutugon sa tinig ng Panginoon?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awit: “Nais Kong Ipamuhay ang Ebanghelyo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 72; tingnan sa “Mga Ideya para Mapagbuti ang Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Inyong Pamilya.”

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ipadama ang pagmamahal sa tahanan. Ang damdamin at pakikitungo ng mga miyembro ng pamilya sa isa’t isa ay makakaimpluwensya nang malaki sa nadarama sa inyong tahanan. Tulungan ang lahat ng miyembro ng pamilya na gawin ang kanilang bahagi sa pagtatatag ng isang tahanang may pagmamahalan at paggalang upang panatag na madama ng lahat na maibabahagi nila ang kanilang mga karanasan, tanong, at patotoo. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 15.)

nangangaral si Joseph Smith

Nangangaral si Joseph Smith sa Nauvoo, ni Sam Lawlor