Doktrina at mga Tipan 2021
Agosto 2–8. Doktrina at mga Tipan 85–87: “Tumayo Kayo sa mga Banal na Lugar”


“Agosto 2–8. Doktrina at mga Tipan 85–87: ‘Tumayo Kayo sa mga Banal na Lugar,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Agosto 2–8. Doktrina at mga Tipan 85–87,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021

pamilyang naglalakad sa templo

Agosto 2–8

Doktrina at mga Tipan 85–87

“Tumayo Kayo sa mga Banal na Lugar”

Dahil limitado ang panahon mo sa mga bata, humingi ng espirituwal na patnubay para malaman kung anong mga alituntunin mula sa mga banal na kasulatan ang dapat mong bigyang-diin. Magtiwala sa mga pahiwatig na natatanggap mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ipakita sa mga bata ang ilang larawan o pahina ng aktibidad na ginamit ninyo sa nakaraang mga lesson, at anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang naaalala nilang natutuhan nila sa klase o sa tahanan.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Doktrina at mga Tipan 85:6

Ang Espiritu ay nagsasalita sa “marahan at banayad na tinig.”

Sinabi ni Elder Richard G. Scott, “Kung wala kayong ibang nagawa sa inyong mga estudyante kundi ang tulungan silang kilalanin at sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu, pagpapalain ninyo ang kanilang buhay sa paraang hindi masusukat at magpakailanman” (“To Learn and to Teach More Effectively” [Brigham Young University Education Week devotional, Ago. 21, 2007], 5, speeches.byu.edu).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin sa mga bata kung paano inilarawan ni Joseph Smith ang Espiritu: “Oo, gayon ang wika ng marahan at banayad na tinig” (Doktrina at mga Tipan 85:6). Sabihin sa mga bata na magbanggit ng ilang maliliit na bagay (magpakita ng mga larawan kung kailangan nila ng tulong). Anyayahan silang yumukyok sa lupa hangga’t kaya nila para maging maliit. Tulungan silang mag-isip kung paano nagiging banayad ang tinig, at sabihin sa kanila na mag-ensayo na makinig at magsalita sa banayad na tinig. Ikuwento ang mga pagkakataon na nagsalita ang Espiritu sa iyo gamit ang isang marahan at banayad na tinig.

  • Turuan ang mga bata ng isang awit tungkol sa Espiritu Santo, tulad ng “Ang Espiritu Santo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 56). Anyayahan silang kantahin ito nang pabulong. Ano ang itinuturo ng awiting ito tungkol sa Espiritu Santo? Tulungan ang mga bata na matukoy kung kailan nila maaaring nadama ang Kanyang impluwensya (gaya ng habang nananalangin, kumakanta ng mga himno, o tumutulong sa iba).

Doktrina at mga Tipan 86:11

Maaari akong maging parang ilaw sa iba.

Ang bahagi 86 ay naglalarawan ng mahalagang gawaing nais ipagawa ng Panginoon sa Kanyang mga lingkod sa mga huling araw. Ang isang paraan na makakatulong ang mga bata sa gawaing ito ay sa pamamagitan ng pagiging isang ilaw sa mga tao sa kanilang paligid.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin sa mga bata ang sumusunod na parirala mula sa Doktrina at mga Tipan 86:11: “Pinagpala kayo kung kayo ay mananatili sa aking kabutihan, isang ilaw sa mga Gentil [o mga tao na walang ebanghelyo].” Paano tayo pinagpapala ng ilaw? Ano ang nangyayari kung wala tayong ilaw? Paano tayo magiging isang ilaw sa ibang mga taong walang alam tungkol sa ebanghelyo? Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na maibabahagi natin ang kabutihan ni Jesus sa iba.

  • Hilingin sa mga bata na isipin na kunwari ay sinusubukan ng isang kaibigan na lumakad sa dilim (patayin ang ilaw kung makakatulong ito). Bakit mahirap maglakad sa dilim? Ano ang magagawa natin para tulungan ang ating kaibigan? Ipaliwanag na kapag sinusundan natin ang Tagapagligtas, katulad iyon ng pagsisindi ng ilaw para maipakita sa iba ang daan.

  • Kadalasan ay may mga kuwento sa mga magasing Liahona at Kaibigan tungkol sa mga bata na naging mabubuting halimbawa. Maghanap ng isa na maibabahagi sa mga bata para mahikayat silang maging mabubuting halimbawa rin.

Doktrina at mga Tipan 87

Ang ating tahanan ay maaaring maging “mga banal na lugar.”

Walang perpektong tahanan, ngunit may mga bagay na magagawa nating lahat para gawing mga banal na lugar ng kapayapaan ang ating tahanan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipaliwanag sa mga bata na nag-alala si Joseph Smith tungkol sa mga bagay na nangyayari noon sa mundo. Ibuod ang heading sa bahagi 87, o basahin ang “Kabanata 30: Isang Paghahayag Tungkol sa Digmaan” (Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 117–18; tingnan din ang video sa ChurchofJesusChrist.org). Hilingin sa mga bata na pakinggan ang mga bagay na maaaring ipinag-alala ni Joseph. Para maituro kung ano ang sinabi ng Panginoon na dapat nating gawin tungkol sa mga problemang iyon, basahin ang Doktrina at mga Tipan 87:8.

  • Magpakita ng larawan ng isang templo, at ibahagi kung bakit ang templo ay isang banal na lugar. Magpakita ng larawan ng isang tahanan, at tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan para magawa nilang banal na tulad ng templo ang kanilang tahanan (tingnan sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito). Bakit gusto nating manatili sa mga banal na lugar?

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Doktrina at mga Tipan 85:6

Ang Espiritu ay nagsasalita sa “marahan at banayad na tinig.”

Ang mundo ay maraming panggambala na maaaring magpahirap na marinig ang Espiritu. Paano mo matutulungan ang mga bata na makinig sa tinig ng Espiritu?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Itanong sa mga bata kung ano ang sasabihin nila kung tanungin sila ng isang kaibigan kung paano nila nalalaman na nangungusap ang Espiritu Santo sa kanila. Anyayahan silang magbasa tungkol sa isang paraan na inilarawan ni Joseph Smith ang tinig ng Espiritu sa Doktrina at mga Tipan 85:6.

  • Magpatugtog ng isang himno o isang awiting pambata nang mahina, at hilingin sa isa sa mga bata na hulaan kung anong awit iyon habang gumagawa ng nakakagambalang ingay ang iba, tulad ng pagpalakpak o pagdamba. Pagkatapos ay hilingin sa ibang mga bata na huminto, at talakayin kung paano ito nahahalintulad sa pakikinig sa Espiritu Santo kapag inaalis natin ang mga gambala sa ating buhay. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga nakagagambalang bagay na maaari nilang alisin para madama nang mas madalas ang Espiritu.

Doktrina at mga Tipan 86

Makakatulong akong tipunin ang mga tao ng Diyos.

Ang talinghaga ng trigo at mga agingay ay tungkol sa “mga huling araw, maging ngayon” (Doktrina at mga Tipan 86:4). Gamitin ang talinghagang ito para mahikayat ang mga bata na makibahagi sa “pagtitipon ng trigo” (talata 7).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ikuwento sa mga bata ang talinghaga ng trigo at mga agingay, o anyayahan ang isang bata na ikuwento ito (tingnan sa Mateo 13:24–30). Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng isang bagay na mula sa talinghaga. Pagkatapos ay sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 86:1–7, at anyayahan ang mga bata na isulat sa kanilang drowing kung ano ang isinasagisag ng idinrowing nila.

  • Maghanda ng ilang maliliit na larawan o drowing ng trigo, at itago ang mga ito sa paligid ng silid. Anyayahan ang bawat bata na tumulong sa pagtitipon ng trigo at isulat dito ang pangalan ng isang tao na “matitipon” nila kay Jesucristo. Ano ang ibig sabihin ng tipunin ang mga tao kay Jesucristo? Ano ang ilang paraan na magagawa natin ito? Ano ang ibig sabihin ng “[manatili sa] kabutihan [ng Tagapagligtas],” at paano iyon nakakatulong sa atin na tipunin ang mga tao sa Kanya? (Doktrina at mga Tipan 86:11).

Doktrina at mga Tipan 87

Maaari akong “tumayo … sa mga banal na lugar.”

Mahaharap ang mga batang tinuturuan mo sa espirituwal at pisikal na mga panganib sa buong buhay nila. Matutulungan mo sila na maghandang harapin ang mga panganib na iyon sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila na maghanap ng at tumayo sa mga banal na lugar.

babae at anak sa labas ng templo

Ang paglilingkod sa templo ay isang paraan na makakatulong tayong tipunin ang mga tao ng Diyos.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 87:6 para malaman ang mga bagay na sinabi ng Panginoon na mangyayari sa mga huling araw. Hilingin sa mga bata na pag-usapan ang mga hamon na kinakaharap ng mga batang kaedad nila kung minsan. Anyayahan silang hanapin sa talata 8 ang sinabi ng Panginoon na dapat nating gawin sa mahihirap na panahon. Sabihin sa mga bata ang tungkol sa mga banal na lugar sa buhay mo.

  • Tulungan ang mga bata na gumawa ng listahan ng mga banal na lugar, banal na mga kaisipan, at banal na mga kilos na maaaring makatulong sa kanila na harapin ang mga espirituwal na panganib. Anyayahan silang itago ang kanilang listahan para makasangguni rito kapag kailangan.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na pumili ng isang bagay na gagawin nila para gawing isang “banal na lugar” ang kanilang tahanan o kanilang buhay.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gamitin ang iyong pagkamalikhain. Huwag limitahan ang iyong sarili sa mga ideya sa aktibidad na iminungkahi sa outline na ito. Gawing inspirasyon ang mga ideyang ito para sa iyong pagkamalikhain. Isipin kung ano ang magiging kasiya-siya sa mga bata sa iyong klase at kung ano ang makakatulong sa kanila na matuto.