“Setyembre 13–19. Doktrina at mga Tipan 102–105: ‘Pagkaraan ng Maraming Paghihirap … Darating ang Pagpapala,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Setyembre 13–19. Doktrina at mga Tipan 102–105,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021
Setyembre 13–19
Doktrina at mga Tipan 102–105
“Pagkaraan ng Maraming Paghihirap … Darating ang Pagpapala”
Ang iyong pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 102–5 ay mahalagang bahagi ng iyong paghahanda sa pagtuturo. Makinig sa espirituwal na mga impresyon kung paano tutulungan ang mga bata na mas maunawaan ang mga banal na kasulatan.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Tulungan ang mga bata na pumili ng isang awit na nagpapaalala sa kanila ng isang bagay na natutuhan nila sa tahanan o sa simbahan.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Maaari tayong maging “isang ilaw sa sanlibutan.”
Paano mo mahihikayat ang mga tinuturuan mo na ibahagi ang liwanag ng ebanghelyo sa mga nakapaligid sa kanila?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 103:9 sa mga bata, at anyayahan sila na hawakan ang mga larawan ng isang bombilya, kandila, o iba pang pinagmumulan ng liwanag. Hilingin sa kanila na ipakita ang kanilang larawan sa isa pang tao sa klase. Sabihin sa mga bata kung paano sila nagiging katulad ng isang ilaw para sa ibang tao kapag sinusunod nila si Jesucristo.
-
Awitin ninyo ng mga bata ang isang kanta tungkol sa pagiging isang halimbawa, tulad ng “Isang Sinag ng Araw” o “Tila Ba Ako’y Isang Tala” (Aklat ng mga Awit Pambata, 38–39, 84). Tulungan silang mag-isip ng mga galaw na aakma sa mga salita. Paano tayo magiging isang ilaw, o mabuting halimbawa, sa mga taong nakapaligid sa atin?
Pagpapalain ako ng Panginoon kung sinusunod ko ang Kanyang mga utos.
Ilang beses na nangako ang Panginoon sa bahagi 104 ng “pagkarami-raming pagpapala” sa mga taong tapat na sumusunod sa Kanyang mga utos. Paano mo matutulungan ang mga bata na madama na nais Niya tayong pagpalain nang sagana?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na gawin ang isang galaw, tulad ng pagpapagalaw ng kanilang mga daliri, tuwing maririnig nila ang salitang “pagpapala” habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 104:42. Sabihin sa mga bata kung gaano ka pinagpala ng Ama sa Langit dahil sa pagsunod mo sa mga utos. Hilingin sa mga bata na ibahagi kung paano Niya sila pinagpapala. Anyayahan ang bawat bata na magsabi ng isang kautusan na masusunod nila.
-
Upang matulungan ang mga bata na maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng “pagkarami-rami,” magdrowing ng bilog sa pisara o sa isang pirasong papel. Hilingin sa mga bata na tulungan kang paramihin ang bilang ng mga bilog—sa pamamagitan ng pagdodrowing ng dalawa, at ng apat, at ng walo, at ng labing-anim na bilog, at iba pa—hanggang sa ang buong pisara o papel ay puno na ng mga bilog. Tuwing idinaragdag ang mga bilog, tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga pagpapala na ibinigay sa kanila ng Ama sa Langit. Ipaliwanag na ang kahulugan ng “pagkarami-raming pagpapala” ay pupuspusin ng Panginoon ang ating buhay ng mga pagpapala kung susundin natin ang Kanyang mga utos.
Doktrina at mga Tipan 105:38–40
Kaya kong maging isang tagapamayapa.
Marami tayong matututuhan na mga aral sa mga karanasan sa Kampo ng Sion. Ang isa na maaaring mahalaga sa mga bata ay ang aral na nagdadala ng mga paghihirap ang pagtatalu-talo at pag-aaway, habang ang pagkakaisa at kapayapaan ay nagdudulot ng mga pagpapala.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sa sarili mong mga salita, isalaysay sa mga bata ang kuwento ng Kampo ng Sion (tingnan sa pambungad ng outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya; Mga Banal, 1:224–238. Huminto paminsan-minsan para bigyang-pansin ang mga aral na maaari nating matutuhan mula sa Kampo ng Sion—halimbawa, na nais ng Panginoon na tayo ay maging mapayapa at magtulungan sa halip na magtalo at mag-away.
-
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 105:38–40, at hilingin sa mga bata na tumayo kapag narinig nila ang salitang “kapayapaan.” Ipaliwanag na nais ng Panginoon na makipagkasundo ang mga Banal sa mga tao na hindi naging mabait sa kanila. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na magagawa nila para maging mga tagapamayapa, at anyayahan silang isadula ang ilang sitwasyon.
-
Magkuwento tungkol sa isang bata na naging tagapamayapa sa sarili mong buhay o mula sa Friend o Liahona. Kantahin ang isang awitin tungkol sa pagmamahal sa iba, tulad ng “Mahalin Bawat Tao, Sabi ni Cristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 39), o kumpletuhin ang mga pahina ng aktibidad sa linggong ito.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Doktrina at mga Tipan 104:13–18
Nais ng Panginoon na ibahagi ko kung ano ang mayroon ako sa mga nangangailangan.
Isipin kung paano mo matutulungan ang mga bata na maunawaan ang paraan ng Panginoon para tulungan ang Kanyang mga tao kapag sila ang nangangailangan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Bigyan ang mga bata ng ilang minuto para ilista ang mga pagpapalang ibinigay sa kanila ng Diyos. Hikayatin silang maglista nang maglista hangga’t kaya nila. Pagkatapos ay basahin nang sabay-sabay ang Doktrina at mga Tipan 104:13–18, na inaalam ang mga sagot sa mga tanong na gaya nito: Sino ang tunay na may-ari ng lahat ng bagay? Bakit Niya ibinibigay ang mga ito sa atin? Ano ang nais Niyang gawin natin sa mga ito? Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan para maibahagi ang kanilang mga pagpapala sa iba.
-
Magbahagi ng isang karanasan kung saan ay may nagbigay sa iyo ng isang bagay na kailangan mo, at hilingin sa mga bata na magbahagi ng mga karanasang tulad nito. O magpalabas ng isang video tungkol sa paglilingkod sa iba, tulad ng “The Coat” (ChurchofJesusChrist.org). Ano ang matututuhan natin mula sa mga karanasang ito tungkol sa paglilingkod sa iba? Anyayahan ang mga bata na kilalanin kung sino ang mga nangangailangan at humanap ng isang taong mapaglilingkuran nila sa linggong ito, tulad ng isang tao sa paaralan o lalo na ang isang kapamilya.
-
Anyayahan ang mga bata na hanapin sa Aklat ng mga Awit Pambata o Mga Himno ang mga awitin na may kinalaman sa paglilingkod o pagtulong sa kapwa (tingnan sa mga indise ng mga paksa). Sama-samang kantahin ang isa o dalawang awitin, at pag-usapan kung ano ang itinuturo sa atin ng mga awiting ito.
Doktrina at mga Tipan 105:9–19
Makasusunod ako sa mga utos ng Panginoon kahit hindi ko nauunawaan ang mga dahilan ng mga ito.
Ang karanasan ng Kampo ng Sion ay maaaring maging mabisang paraan para ilarawan ang mga pagpapalang dulot ng paghahangad na sundin ang kalooban ng Panginoon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipakita ang larawan mula sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, at anyayahan ang mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa Kampo ng Sion. Kung kailangan nila ng tulong, gamitin ang pambungad ng outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya; o ang Mga Banal, 1:224–238. Anyayahan ang mga bata na magkunwari na sila ay mga miyembro ng Kampo ng Sion, na ikinukuwento sa kanilang mga anak ang kanilang mga karanasan. Ano ang nais nilang matutuhan ng kanilang mga anak sa mga karanasang iyon?
-
Basahin nang sabay-sabay ang Doktrina at mga Tipan 105:13–14, at ipaliwanag na nang marating ng Kampo ng Sion ang Missouri, sinabihan sila ng Panginoon na huwag tangkaing bawiin ang lupain ng mga Banal. Sumama ang loob ng ilang miyembro ng kampo at nagtaka kung bakit sila inutusang pumunta roon. Ano ang dapat nating gawin kapag hindi natin nauunawaan ang mga dahilan ng isang kautusan? Ibahagi ang ilang tala mula sa “Mga Tinig ng Pagpapanumbalik: Kampo ng Sion” (sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya) para tulungan ang mga bata na makita na dumarating ang mga pagpapala kapag sinusunod natin ang mga kautusang ibinibigay sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, kahit hindi natin nauunawaan ang lahat ng dahilan.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hikayatin ang mga bata na ibahagi sa isang tao sa kanilang tahanan ang mga karanasan ng Kampo ng Sion, pati na rin ang isang aral na natutuhan nila mula sa mga karanasang iyon. O anyayahan silang mag-isip ng isang biyayang natanggap nila mula sa Diyos na maibabahagi nila sa isang taong nangangailangan.