Doktrina at mga Tipan 2021
Setyembre 6–12. Doktrina at mga Tipan 98–101: “Mapanatag at Malaman na Ako ang Diyos”


“Setyembre 6–12. Doktrina at mga Tipan 98–101: ‘Mapanatag at Malaman na Ako ang Diyos,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Setyembre 6–12. Doktrina at mga Tipan 98–101,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021

mga Banal na tumatakbong palayo sa mga mandurumog

C. C. A. Christensen (1831–1912), Saints Driven from Jackson County Missouri, c. 1878, tempera sa muslin, 77 ¼ × 113 pulgada. Brigham Young University Museum of Art, regalo ng mga apo ni C. C. A. Christensen, 1970

Setyembre 6–12

Doktrina at mga Tipan 98–101

“Mapanatag at Malaman na Ako ang Diyos”

Anong mga mensahe ang kailangang marinig ng mga bata sa iyong klase ngayong linggo? Paano kaya makakatulong ang mga alituntunin sa Doktrina at mga Tipan 98–101 para maging mas mabubuting disipulo sila ni Jesucristo?

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Hikayatin ang mga bata na magbahagi ng isang bagay na natutuhan nila mula sa Doktrina at mga Tipan sa bahay o sa Primary. Itanong sa kanila kung ano para sa kanila ang pinaka-nakasisiya sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Doktrina at mga Tipan 98:39–40

Mapapatawad ko ang mga taong hindi mabait sa akin.

Inutusan ng Panginoon ang mga Banal na inuusig sa Jackson County, Missouri, na patawarin ang mga taong nanakit sa kanila. Habang itinuturo mo sa mga bata ang kahalagahan ng pagpapatawad, tiyakin na nauunawaan din nila na kung may isang taong nananakit sa kanila, kailangan nila itong sabihin palagi sa isang pinagkakatiwalaang matanda.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Para matulungan ang mga bata na maunawaan ang mga hamon na hinarap ng mga Banal sa Sion, ibahagi sa kanila ang “Kabanata 34: Nagbabala ang Diyos sa mga Tao ng Sion” (Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 128–31, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Basahin ang Doktrina at mga Tipan 98:39–40, at hilingin sa mga bata na pakinggan kung ano ang ipinagawa ng Panginoon sa mga Banal nang humingi ng tawad ang kanilang mga kaaway. Bakit nais ni Jesus na patawarin natin ang mga tao, kahit ang mga taong hindi mabait sa atin?

  • Maglagay ng larawan ng isang masayang mukha sa isang dingding at malungkot na mukha sa kabilang dingding. Ibahagi sa mga bata ang iba’t ibang sitwasyon kung saan ang isang tao ay hindi mabait (maaari kang makakita ng ilang kuwento sa Friend o Liahona). Magmungkahi ng mga paraan ng pagtugon sa pagiging hindi mabait ng iba, at tulungan ang mga bata na magpasiya kung ang bawat pagtugon ay magpapasaya o magpapalungkot sa kanila. Anyayahan ang mga bata na ituro ang kaukulang mukha na nasa dingding.

Doktrina at mga Tipan 101:16

Si Jesucristo ay makapaghahatid sa akin ng kapayapaan.

Nang naharap ang mga Banal sa pang-uusig, pinanatag sila ng Panginoon sa pamamagitan ng pagsasabing, “Mapanatag at malaman na ako ang Diyos.” Isipin kung paano mapagpapala ng payong ito ang mga batang tinuturuan mo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na pagalawin ang kanilang katawan habang nakaupo. Pagkatapos ay hilingin sa kanila na tumigil kapag itinaas mo ang larawan ng Tagapagligtas at sinabi ang mga katagang “Mapanatag at malaman na ako ang Diyos” (Doktrina at mga Tipan 101:16). Ulitin ang aktibidad na ito nang ilang beses. Ipaliwanag na noong ang buhay ay mahirap para sa mga Banal sa panahon ni Joseph Smith, nais ni Jesus na sila ay mapanatag at magtiwala sa Kanya sa halip na mag-alala. Paano tayo matutulungan ni Jesus kapag tayo ay nakararanas ng paghihirap?

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagpipitagan, tulad ng “Tahimik, Taimtim” (Aklat ng mga Awit Pambata, 11). Tulungan ang mga bata na tukuyin ang payapang damdaming dumarating kapag tahimik tayo at nag-iisip ng tungkol kay Jesus—halimbawa, kapag tayo ay nananalangin o tumatanggap ng sakramento.

  • Tulungan ang mga bata na gawin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito. Habang nagkukulay sila, sabihin sa kanila kung paano nakatutulong sa iyo na makadama ng kapayapaan ang pag-iisip tungkol kay Jesus, kahit sa mahihirap na panahon.

    Jesucristo

    Detalye mula sa Christ and the Rich Young Ruler [Si Cristo at ang Mayamang Batang Pinuno], ni Heinrich Hofmann

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Doktrina at mga Tipan 98:1–3, 11–14; 101:16

Ang aking mga pagsubok ay makatutulong sa akin na maging higit na katulad ni Jesucristo.

Sa pagharap ng mga bata sa mga hamon sa buong buhay nila, kakailanganin nila ang pananampalataya na ang Tagapagligtas ay makatutulong sa kanila sa panahon ng mga pagsubok at na ang mga pagsubok na iyon ay “magkakalakip na gagawa para sa [kanilang] ikabubuti” (Doktrina at mga Tipan 98:3).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na tulungan kang gumawa sa pisara ng listahan ng ilang hamon na maaaring kaharapin ng isang batang kaedad nila. Sabihin sa mga bata ang ilan sa mga hamon ng mga Banal na naninirahan sa Jackson County, Missouri, noong 1833 (tingnan sa Kabanata 34 at 35 sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 128–34). Ano ang maipapayo nila sa isang bata na nakararanas ng mga hamong ito? Hilingin sa mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 98:1–3, 11–14, na inaalam ang patnubay na ibinigay ng Panginoon. Paano nila masusunod ang payong ito kapag naharap sila sa mga hamon na katulad ng mga nakalista sa pisara?

  • Anyayahan ang mga bata na manatili sa kanilang puwesto at maging tahimik hangga’t maaari sa loob ng ilang minuto habang tinitingnan ang larawan ng Tagapagligtas o nakikinig sa isang awit tungkol sa Kanya. Pagkatapos ay anyayahan sila na ibahagi ang kanilang nadama at naranasan noong sila ay tahimik. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 101:16. Paano nakatutulong sa atin ang pagiging tahimik at ang pag-iisip tungkol kay Jesus? Tulungan ang mga bata na maunawaan ang kaugnayan ng mapitagang katahimikan sa ating kakayahang madama ang Espiritu at mag-isip tungkol kay Jesus.

Doktrina at mga Tipan 98:23, 39–40

Nais ni Jesus na patawarin ko ang mga taong hindi mabait sa akin.

Inuutusan tayong mahalin ang isa’t isa, “makapitongpung pito” na beses na patawarin ang iba, at iharap ang kabilang pisngi (tingnan sa Mateo 5:39, 43–44; 18:21–22). Paano mo magagamit ang mga talatang ito upang ituro sa mga bata ang mga katotohanang ito?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ikuwento sa mga bata ang tungkol sa mga pang-uusig na naganap sa Jackson County, Missouri, noong 1833 (tingnan sa mga kabanata 34 at 35 sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 128–34). Itanong sa mga bata kung ano ang madarama nila kung sila ay mga miyembro ng Simbahan noong panahong iyon. Anyayahan silang basahin ang Doktrina at mga Tipan 98:23, 39–40 at alamin ang nais ipagawa ng Panginoon sa mga Banal. Bakit maaaring mahirap patawarin ang mga taong nakasakit sa atin? Paano tayo pinagpapala kapag ginagawa natin ito?

  • Itanong sa mga bata kung makaiisip sila ng isang pagkakataon na ginawa ni Jesucristo o ng ibang tao sa mga banal na kasulatan ang itinuturo sa Doktrina at mga Tipan 98:23. Para mabigyan sila ng isang halimbawa, magpakita ng isang larawan ng Pagpapako sa Krus (tulad ng nasa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 57). Hilingin sa mga bata na ibahagi nila ang nalalaman nila tungkol sa Pagkakapako sa Krus ng Tagapagligtas (tingnan sa Lucas 23). Anyayahan sila na basahin ang Lucas 23:34. Paano natin matutularan ang halimbawa ni Jesucristo?

Doktrina at mga Tipan 101:23–32, 36, 38

Sa pamamagitan ni Jesucristo, magkakaroon ako ng kagalakan.

Ang buhay ay hindi nilayong mawalan ng paghihirap, ngunit matutulungan mo ang mga bata na matuklasan na magkakaroon pa rin sila ng lubos na kagalakan sa pamamagitan ni Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Lagyan ng tubig ang isang tasa. Hilingin sa mga bata na tukuyin ang mga bagay na ginawa ng Tagapagligtas para sa atin upang tayo ay magkaroon ng kagalakan, at anyayahan silang maglagay ng isang maliit na bato sa tasa para sa bawat bagay na natukoy nila hanggang sa mapuno ang tasa. Basahin ninyo ng mga bata ang Doktrina at mga Tipan 101:36, at hilingin sa kanila na alamin kung paano tayo magkakaroon ng lubos na kagalakan. Ano ang ilang bagay na magagawa natin para “hanapin … ang Panginoon” (talata 38) upang magkaroon tayo ng kagalakan na nais Niyang ibigay sa atin?

  • Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 101:23–32 ay nagtuturo kung ano ang magiging kalagayan ng buhay kapag muling pumarito si Jesucristo. Habang sama-sama ninyong binabasa ang mga talatang ito, pag-usapan ang mga bagay na nahanap ng mga bata na magdudulot sa atin ng kagalakan kapag Siya ay dumating na. Bakit mahalaga na malaman ang mga bagay na ito kapag tayo ay nakararanas ng hirap?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Tulungan ang mga bata na pumili ng isang talata mula sa Doktrina at mga Tipan 98–101 na gusto nilang ibahagi sa kanilang pamilya. Tulungan silang magplano kung paano nila ibabahagi ang nagustuhan nila sa talatang iyon.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maging mas mahusay na guro na katulad ni Cristo. Mag-isip ng mga paraan na maaari kang maging isang guro na higit na katulad ni Cristo. Isiping gamitin ang mga tanong sa personal na pagsusuri sa pahina 37 ng Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas na tutulong sa iyo na maging mas mahusay.