“Setyembre 20–26. Doktrina at mga Tipan 106–108: ‘Upang Mabuksan ang Langit,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Setyembre 20–26. Doktrina at mga Tipan 106–108,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021
Setyembre 20–26
Doktrina at mga Tipan 106–108
“Upang Mabuksan ang Langit”
Pag-isipang mabuti kung ano ang nalalaman mo tungkol sa mga batang tinuturuan mo. Anong uri ng mga aktibidad ang mas maglalapit sa kanila sa Tagapagligtas? Tandaan na ang mga aktibidad para sa mas maliliit na bata sa outline na ito ay maaaring iakma sa nakatatandang mga bata, at vice versa.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Ipakita sa mga bata ang larawan ng mga lider ng Simbahan, tulad ng propeta, mga Apostol, Primary General Presidency, at ng iba pang mga General Authority at Officer. Anyayahan ang mga bata na magbahagi tungkol sa mga ginagawa ng mga lider na ito at kung bakit sila nagpapasalamat para sa kanila.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:18–20, 42–56
Ako ay pinagpapala dahil sa priesthood.
Ang lahat ng anak ng Ama sa Langit ay maaaring makatanggap ng mga pagpapalang dulot ng priesthood. Mag-isip ng mga paraan para matulungan ang mga batang tinuturuan mo na maging mapagpasalamat para sa mga pagpapalang iyon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdrowing sa pisara ng isang larawan na kumakatawan sa “[pagbubukas ng] langit [para sa atin]” (Doktrina at mga Tipan 107:19) dahil sa priesthood (tulad ng mga sinag na tumatagos sa ulap). Bigyan ang mga bata ng mga larawan na kumakatawan sa mga pagpapalang dulot ng priesthood, tulad ng binyag, sakramento, at templo. Anyayahan silang ibahagi kung bakit sila nagpapasalamat para sa pagpapala na nasa kanilang larawan, at sabihin sa kanila na ilagay ang kanilang larawan sa mga sinag ng liwanag sa pisara. Magpatotoo na maaari tayong magkaroon ng mga pagpapalang ito dahil ipinanumbalik ng Ama sa Langit ang priesthood.
-
Gumawa ng isang landas sa sahig, at bigyan ang mga bata ng mga larawan ng mga ordenansa ng priesthood na kailangan upang masundan nila ang landas pabalik sa Ama sa Langit (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, mga blg. 103–8, 119–20). Tulungan ang mga bata na isaayos ang mga ordenansa sa landas ayon sa tamang pagkakasunud-sunod.
-
Ipakita ang larawan nina Adan at Eva na kasama ang kanilang pamilya (tingnan sa pahina ng aktibidad ngayong linggo o sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 5). Habang tinitingnan ng mga bata ang larawan, itanong sa kanila kung ano kaya ang nadarama nina Adan at Eva para sa kanilang pamilya. Gamitin ang Doktrina at mga Tipan 107:53–56 para maibahagi sa mga bata kung ano ang ginawa ni Adan para ipakita na mahal niya ang kanyang pamilya. Magpatotoo kung paano naging pagpapala ang priesthood sa iyo at sa iyong pamilya.
-
Sabihin ang pangalan ng mga miyembro ng pamilya na inorden sa priesthood ni Adan, ayon sa Doktrina at mga Tipan 107:42–50, at hilingin sa mga bata na bilangin kung ilang tao ang inorden niya. Tulungan silang maunawaan kung bakit gusto ni Adan na magkaroon ng priesthood ang lahat ng mga miyembro ng kanyang pamilya. Anyayahan ang mga bata na magbahagi tungkol sa panahon na tumanggap sila o ang kanilang pamilya ng mga pagpapala sa pamamagitan ng priesthood.
Mapalalakas ko ang iba.
Kahit ang maliliit na bata ay makasusunod sa payo na patatagin o palakasin ang iba “sa lahat ng iyong pakikipag-usap, sa lahat ng iyong panalangin … at sa lahat ng iyong ginagawa.”
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdrowing sa pisara ng isang tao, at hilingin sa mga bata na magbanggit ng ilang bagay na magagawa ng taong ito para lumakas ang kanyang katawan. (Maaari kang magdrowing ng mas malalaking kalamnan sa tao habang nagbabanggit ng mga bagay ang mga bata). Basahin ang Doktrina at mga Tipan 108:7, at hilingin sa mga bata na pakinggan ang mga paraan kung paano natin “patata[ta]gin ang [ating] mga kapatid.” Ipaliwanag ang anumang salita na maaaring mahirap maunawaan.
-
Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga taong kilala nila na maaaring kailangang palakasin. Ano ang maaari nating sabihin o gawin para sa kanila? Magtulung-tulong na gumawa ng mga kard para sa mga taong ito, o hikayatin ang mga bata na alalahanin sila sa kanilang personal at pampamilyang mga panalangin.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Doktrina at mga Tipan 107:1–8, 13–14, 18–20
Ang priesthood ay tutulong sa akin na makabalik sa Ama sa Langit.
Ang Aaronic at Melchizedek Priesthood ay ipinanumbalik para makatulong na ibalik ang mga anak ng Diyos sa Kanya. Tulungan ang mga batang tinuturuan mo na maunawaan kung anu-ano ang mga tungkulin ng priesthood at kung paano tayo tinutulungan ng mga ito na makabalik sa Diyos.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na hanapin sa Doktrina at mga Tipan 107:1–8, 13–14, 18–20 ang mahahalagang salita at parirala na nagtuturo sa kanila tungkol sa priesthood. Anu-ano ang mga responsibilidad ng mga maytaglay ng priesthood? Paano tayo tinutulungan ng priesthood na makabalik sa Diyos?
-
Isulat ang mga tanong na masasagot ng Doktrina at mga Tipan 107:1–8, 13–14, 18–20, tulad ng “Ano ang isa pang pangalan ng Melchizedek Priesthood?” Bigyan ang mga bata ng ilang minuto para mahanap sa mga talatang ito ang mga sagot sa pinakamaraming bilang ng tanong na kaya nilang hanapan ng sagot. Ibahagi sa mga bata ang mga pagpapalang natanggap mo sa pamamagitan ng priesthood.
-
Basahin sa mga bata ang tungkol kay Melquisedec sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Ano ang matututuhan natin mula sa kanyang buhay tungkol sa kahulugan ng paggamit ng awtoridad ng priesthood?
Doktrina at mga Tipan 107:21–26, 33–35, 65–66
Ang mga piniling tagapaglingkod ng Panginoon ang namumuno sa Kanyang Simbahan.
Anong mga karanasan ang nagpatatag ng iyong patotoo tungkol sa mga lider ng Simbahan? Paano mo matutulungan ang mga bata na patatagin ang sarili nilang patotoo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdispley sa pisara ng larawan ng mga General Authority at mga Officer mula sa isang bagong edisyon ng kumperensya ng Ensign o Liahona. Habang binabasa ng mga bata ang Doktrina at mga Tipan 107:21–26, 33–35, 65–66, anyayahan sila na isulat sa pisara ang natutuhan nila tungkol sa mga responsibilidad ng ilan sa mga lider na ito. Bakit tayo nagpapasalamat para sa kanilang paggabay? Ibahagi sa isa’t isa kung paano kayo nagtamo ng patotoo tungkol sa mga propeta at apostol.
-
Isulat sa pisara ang mga salitang pagtitiwala, pananampalataya, at panalangin . Itanong sa mga bata kung paano natin sinusuportahan ang Unang Panguluhan ng Simbahan sa pamamagitan ng ating tiwala, pananampalataya, at panalangin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:22). Bakit mahalagang sang-ayunan ang mga piling lingkod ng Panginoon?
Ang maingat na pamumuhay ng aking mga tipan ay nagdudulot ng mga pagpapala.
Pag-isipang mabuti kung paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na “maging mas maingat … sa pagtupad sa [kanilang] mga panata,” o mga tipan. Paano sila pinagpapala ngayon at pagpapalain sa hinaharap ng paggawa nito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na gawin ang isang bagay na nangangailangan ng masusing pag-iingat upang maging matagumpay, tulad ng pagsisikap na punuin nang husto ng tubig ang isang tasa nang hindi ito tumatapon. Ano ang mangyayari kapag hindi tayo nag-iingat? Anyayahan sila na basahin ang Doktrina at mga Tipan 108:3 at alamin kung ano ang iniutos kay Lyman Sherman na gawin nang may pag-iingat. Ilista ninyo ng mga bata ang mga pangakong ginawa nila sa Ama sa Langit noong sila ay nabinyagan at kapag sila ay tumatanggap ng sakramento. Tulungan silang mag-isip ng mga paraan para mas maingat nilang matupad ang mga pangakong ito.
-
Awitin ninyo ng mga bata ang isang kanta na tungkol sa pagtupad sa mga tipan, tulad ng “Ako’y Magiging Magiting” (Aklat ng mga Awit Pambata, 85). Tulungan silang gumawa ng isang poster ng isang parirala mula sa awitin na nagpapaalala sa kanila na tuparin ang kanilang mga tipan, at hikayatin silang idispley ang kanilang poster sa bahay.
-
Bigyan ang mga bata ng ilang bahagi ng mensahe ni Sister Becky Craven na “Maingat Laban sa Kaswal” (Ensign o Liahona, Mayo 2019, 9–11), at hilingin sa kanila na magbahagi ng isang bagay na naghihikayat sa kanila na maging mas maingat sa pamumuhay ng kanilang mga tipan.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Kontakin paminsan-minsan ang mga magulang ng mga batang tinuturuan mo para hikayatin sila sa kanilang pagsisikap na ituro ang ebanghelyo sa tahanan. Maaari mong sabihin sa kanila ang tungkol sa isang bagay na ibinahagi sa Primary ng mga anak nila na natutuhan nila sa bahay.