“Setyembre 27–Oktubre 3. Doktrina at mga Tipan 109–110: ‘Ito ay Inyong Bahay, Isang Pook ng Inyong Kabanalan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Setyembre 27–Oktubre 3. Doktrina at mga Tipan 109–110,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021
Setyembre 27–Oktubre 3
Doktrina at mga Tipan 109–110
“Ito ay Inyong Bahay, Isang Pook ng Inyong Kabanalan”
Upang magkaroon ng mga espirituwal na karanasan sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 109–10 kasama ng mga bata sa iyong klase, hangarin mo muna na magkaroon ka ng sariling espirituwal na mga karanasan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Magpakita ng mga larawan na makatutulong sa mga bata na alalahanin at ibahagi ang natutuhan nilang mga alituntunin o mga pangyayari sa Doktrina at mga Tipan 109–10. Halimbawa, maaari mong ipakita ang larawan na nasa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Doktrina at mga Tipan 109:12–13; 110:1–7
Ang templo ang bahay ng Panginoon.
Pag-isipang mabuti kung paano mo matutulungan ang mga bata na makadama ng pagpipitagan sa bahay ng Panginoon at asamin ang araw ng pagpasok nila sa “pook ng [Kanyang] kabanalan” (Doktrina at mga Tipan 109:13).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na ibahagi sa iyo ang isang bagay na gustung-gusto nila sa kanilang mga tahanan. Ipakita sa mga bata ang larawan ng Kirtland Temple, at gamitin ang Doktrina at mga Tipan 109:12–13; 110:1–7 para maibahagi sa kanila ang tungkol sa araw na inilaan ang templo at naging bahay ito ng Panginoon (tingnan din sa “Kabanata 39: Ang Templo sa Kirtland ay Inilaan,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan 154). Para maipakita na ang templo ay bahay ng Panginoon, basahin ang sumusunod mula sa panalangin ng paglalaan na ibinigay ni Joseph Smith: “Ito ay inyong bahay, isang pook ng inyong kabanalan” (Doktrina at mga Tipan 109:13). Hilingin sa mga bata na ibahagi ang isang bagay na gustung-gusto nila sa templo.
-
Bigyan ang bawat bata ng isang larawan ng templo, o anyayahan silang magdrowing ng isa nito. Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa mga templo, tulad ng “Templo’y Ibig Makita” (Aklat ng mga Awit Pambata, 99). Anyayahan ang mga bata na itaas ang kanilang mga larawan sa tuwing kakantahin nila ang salitang “templo.” Ituro sa kanila ang iba pang mga salita sa awitin na nagtuturo sa atin ng mga bagay na mahalaga tungkol sa templo. Sabihin sa mga bata ang nadarama mo tungkol sa templo at kung paano mo nalaman na ito ang bahay ng Panginoon.
Ang mga susi ng priesthood na kailangan upang maisakatuparan ang gawain ng Diyos ay nasa Simbahan ngayon.
Ang Kirtland Temple ay mahalaga sa kasaysayan ng Simbahan. Si Jesucristo ay nagpakita roon, gayundin ang mga sinaunang propeta. Ang mga propetang ito ang nagkaloob ng mga susi ng priesthood kay Joseph Smith na kailangan para maisagawa ang gawain ng Diyos sa mga huling araw.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Gamitin ang pahina ng aktibidad ngayong linggo o ang “Kabanata 40: Ang mga Pangitain sa Templo sa Kirtland” (Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 155–57) para maibahagi sa mga bata ang tungkol sa mga makalangit na nilalang na bumisita sa templo. Ibahagi ang mga parirala mula sa Doktrina at mga Tipan 110 na tumutulong sa iyo at sa mga bata na maunawaan ang kabanalan ng mga pangyayaring ito.
-
Magpakita sa mga bata ng ilang susi, at pag-usapan kung ano ang nagagawa ng mga susi. Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na magsalitan sa paghawak ng mga susi at magkunwaring nagbubukas ng nakakandadong pintuan. Habang ginagawa nila ito, ipaliwanag na si Joseph Smith ay tumanggap ng mga susi ng priesthood sa Kirtland Temple. Ang mga susing ito ay nagbubukas ng kapangyarihan at mga pagpapala upang magawa natin ang gawain ng Diyos sa Kanyang Simbahan, tulad ng pagbabahagi ng ebanghelyo at paggawa ng gawain sa templo.
-
Upang matulungan ang mga bata na maunawaan ang mga susing ipinagkatiwala ni Elijah kay Joseph Smith, sama-samang kantahin ang isang awiting tungkol kay Elijah o sa family history, tulad ng “Katotohanan mula kay Elijah” (Aklat ng mga Awit Pambata, 146–147). Ikuwento ang isang pangyayari na nakatulong na ibaling ang iyong puso sa iyong mga ninuno. Hilingin sa mga bata na magbahagi ng isang bagay na nalalaman nila tungkol sa isang lolo o lola o iba pang mga ninuno.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Doktrina at mga Tipan 109; 110:1–10
Ang templo ang bahay ng Panginoon.
Paano mo maibabahagi sa mga bata ang pagmamahal mo sa bahay ng Panginoon? Isipin kung paano mo sila hihikayatin na tanggapin ang hamon ni Elder Quentin L. Cook “na makita ng bawat isa sa atin ang ating sarili sa templo, saanman tayo nakatira” (“Tingnan ang Inyong Sarili sa Templo,” Ensign o Liahona, Mayo 2016, 98).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Pumili ng mga talata mula sa bahagi 109 o 110 na sa tingin mo ay nagtatampok sa mga pagpapala ng templo (ang ilan ay iminungkahi sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Ilista sa pisara ang mga pagpapalang ito, at sabihin sa mga bata na hanapin ang mga pagpapalang iyon sa mga talatang pinili mo. Paano kaya natin maipaliliwanag sa isang tao kung bakit ang templo ay mahalaga sa atin?
-
Hilingin sa mga bata na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 110:1–10, at anyayahan sila na ibahagi ang isang bagay na natutuhan nila tungkol kay Jesucristo o sa templo mula sa mga talatang ito. Anyayahan ang mga bata na idrowing ang kanilang sarili at ang Tagapagligtas na nasa loob ng templo.
-
Hilingin sa mga bata na isipin na kunwari ay hinahanap ng isang kaibigan nila ang kanilang bahay. Paano natin matutulungan ang ating kaibigan na malaman kung alin ang bahay natin? Paano natin malalaman na ang templo ang bahay ng Panginoon? Basahin ninyo ng mga bata ang Doktrina at mga Tipan 109:12–13, at sabihin sa kanila kung paano mo nalaman na ang templo ang bahay ng Panginoon. Magpakita ng mga larawan ng mga templo, at bigyan ng pagkakataon ang mga bata na ibahagi ang nadarama nila tungkol sa bahay ng Panginoon.
-
Kantahin ninyo ng mga bata ang “Espiritu ng Diyos” (Mga Himno, blg. 2), at sabihin sa kanila na kinanta ito sa paglalaan ng Kirtland Temple—at sa paglalaan ng mga templo ngayon. Bakit isang mabuting awitin ito para sa paglalaan ng Kirtland Temple?
Doktrina at mga Tipan 110:11–16
Ang mga susi ng priesthood na kailangan upang maisakatuparan ang gawain ng Diyos ay nasa Simbahan ngayon.
Sinabi ni Elder Gary E. Stevenson, “Hindi makakamit ng mga anak ng Ama sa Langit ang nakapagliligtas na mga ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo—hangga’t walang banal na pagpapanumbalik na isinagawa [nina Moises, Elias, at Elijah]” (“Nasaan ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood?” Ensign o Liahona, Mayo 2016, 30).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na saliksikin ang Doktrina at mga Tipan 110:11–16 para hanapin ang mga pangalan ng tatlong sinaunang propeta na nagpakita sa Kirtland Temple. Pagkatapos ay tulungan silang mahanap ang mga salita sa mga talatang ito na naglalarawan kung ano ang “ipinagkatiwala,” o ibinigay, ng bawat propeta kina Joseph Smith at Oliver Cowdery. Maaari kang makahanap ng makatutulong na paglalarawan sa “Kabanata 40: Ang mga Pangitain sa Templo sa Kirtland” (Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 156–57).
-
Ibahagi ang paglalarawang ito ni Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa mga susi ng priesthood: “Maaaring sa bulsa ninyo ay may susi kayo ng bahay o sasakyan. Sa kabilang banda, ang mga susi ng priesthood ay hindi nahahawakan o nakikita. ‘Pinagagana’ nito ang awtoridad ng priesthood” (“Personal na Responsibilidad sa Priesthood,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 45–46). Upang ilarawan ang kahalagahan ng mga susi ng priesthood, talakayin sa mga bata ang mga nagiging problema kapag nawala ang susi ng bahay o susi ng kotse. Paano ito nahahalintulad sa problema ng pagkawala ng mga susi ng priesthood? Ipaunawa sa mga bata kung sino ang mayhawak ng mga susi ng priesthood ngayon at kung paano ginagamit ang mga susing ito para mabuksan ang mga pagpapala para sa lahat ng anak ng Diyos (tingnan sa “Mga Susi ng Priesthood,” Tapat sa Pananampalataya, 202–3).
-
Talakayin kung ano ang magagawa natin upang makibahagi sa gawain na ginawang posible ng mga susi ni Elijah.
3:43
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na gamitin ang pahina ng aktibidad ngayong linggo o ang isang larawan na iginuhit nila sa oras ng klase para maituro sa kanilang pamilya ang isang bagay na natutuhan nila ngayon tungkol sa templo o sa mga susi ng priesthood.