Doktrina at mga Tipan 2021
Oktubre 25–31. Doktrina at mga Tipan 124: “[Isang] Bahay sa Aking Pangalan”


“Oktubre 25–31. Doktrina at mga Tipan 124: ‘[Isang] Bahay sa Aking Pangalan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Oktubre 25–31. Doktrina at mga Tipan 124,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021

Nauvoo

Nauvoo the Beautiful [Ang Magandang Nauvoo], ni Larry Winborg

Oktubre 25–31

Doktrina at mga Tipan 124

“[Isang] Bahay sa Aking Pangalan”

Anong mga aral mula sa Doktrina at mga Tipan 124 ang kailangang matutuhan ng mga bata? Pag-isipang mabuti ang tanong na ito habang nag-aaral ka sa linggong ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Magdispley ng isang larawan ng templo na pinakamalapit sa inyo. Itanong sa mga bata kung ano ang nalalaman nila tungkol sa mga templo. Bigyan sila ng pagkakataong ibahagi ang kanilang damdamin tungkol sa pagpunta sa templo balang-araw.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Doktrina at mga Tipan 124:15, 20

Si Jesus ay masaya kapag sinisikap kong gumawa ng mabuti.

Sa paghahayag na nakatala sa bahagi 124, ipinahayag ng Panginoon ang Kanyang pagsang-ayon kina Hyrum Smith at George Miller dahil sinisikap nilang sumunod sa Kanya. Paano mo matutulungan ang mga bata na malaman na ang Panginoon ay nalulugod kapag sinisikap nilang gumawa ng mabuti?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mabubuting bagay na magagawa nila. Magpakita ng mga larawan para mabigyan sila ng mga ideya (maaari mong matagpuan ang ilan sa mga ito sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo o sa mga magasin ng Simbahan). Hilingin sa mga bata na ituro ang mabubuting bagay na ito. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 124:15 sa mga bata, at hilingin sa kanila na pakinggan kung ano ang nadama ng Panginoon nang pinili ni Hyrum Smith na gumawa ng mabuti. Ano ang nadarama ni Jesus kapag sinisikap nating gawin ang mabubuting bagay?

  • Bigyan ang mga bata ng mga papel na hugis puso, at hilingin sa kanila na magdrowing ng mga larawan ng sarili nila na gumagawa ng mabubuting bagay. Hilingin sa kanila na ibahagi ang idinrowing nila sa klase. Ano ang nararamdaman natin kapag pinipili nating gumawa ng mabuti? Magpatotoo na si Jesus ay masaya kapag sinisikap nating gawin ang tama.

  • Kantahin ang isang awitin tungkol sa paggawa ng mga bagay na nais ipagawa sa atin ni Jesus, tulad ng “Isang Sinag ng Araw” (Aklat ng mga Awit Pambata, 38–39).

Doktrina at mga Tipan 124:28–29, 39

Inutusan ni Jesus ang Kanyang mga tao na magtayo ng mga templo.

Ang mga templo ay bahagi na ng plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak noon pa man. Ang pag-unawa rito ay makatutulong sa mga batang tinuturuan mo na makadama ng higit na pagpipitagan sa templo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipaunawa sa mga bata na nang ituring ng mga Banal na isang bagong tahanan ang Nauvoo, sinabihan sila ng Panginoon na magtayo ng templo (tingnan sa “Kabanata 49: Ang mga Banal sa NauvooMga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 183–84, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Anyayahan ang mga bata na magkunwaring nagtatayo sila ng templo.

  • Basahin sa mga bata ang mga katagang ito: “[Ang] aking banal na bahay, kung alin ang aking mga tao ay tuwinang inuutusang magtayo sa aking banal na pangalan” (Doktrina at mga Tipan 124:39). Pahawakan sa mga bata ang larawan ng isang sinaunang templo (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 52 o sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito) at ng isang larawan ng templo sa inyong lugar. Ipaliwanag na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay palaging nag-uutos sa kanilang mga tao na magtayo ng templo—noong unang panahon at sa ating panahon. Ibahagi ang mga salita at parirala mula sa Doktrina at mga Tipan 124:28–29 upang matulungan ang mga bata na maunawaan na nais ng Panginoon na magtayo tayo ng mga templo.

  • Anyayahan ang mga bata na tapusin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito upang matulungan silang maunawaan na tayo ay mga tao ng Diyos at na ang mga tao ng Diyos ay palaging inuutusan na magtayo ng mga templo.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Doktrina at mga Tipan 124:12–21

Ang Panginoon ay nalulugod kapag ako ay matapat.

Sa bahagi 124, pinuri ng Panginoon ang ilan sa mga Banal dahil sa kanilang katapatan. Ang Kanyang mga salita ay makatutulong sa mga bata na tukuyin ang mga katangiang dapat nilang taglayin.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Pumili ng ilang magagandang katangiang binanggit sa Doktrina at mga Tipan 124:12–21, at isulat ang mga ito sa pisara sa paligid ng larawan ng Tagapagligtas. Hilingin sa mga bata na hanapin sa mga talata 12–21, ang mga salitang ito. Tulungan silang maunawaan ang mga salitang maaaring hindi pamilyar sa kanila. Ayon sa mga talatang ito, ano ang nadarama ng Panginoon sa mga tao na nagkakaroon ng mga katangiang ito?

Doktrina at mga Tipan 124:28–30, 38–41

Inutusan ni Jesus ang Kanyang mga tao na magtayo ng mga templo.

Ang mga batang tinuturuan mo ay malapit nang sumapit sa tamang edad para makapunta sa templo at makibahagi sa mga ordenansa sa templo. Ano ang magagawa mo para tulungan silang maghanda?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Takpan ang isang larawan o drowing ng templo. Anyayahan ang mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 124:38–41 para makakita ng mga clue kung ano ang nasa larawan. Hilingin sa mga bata na alisin ang takip ng larawan at talakayin ang itinuturo ng mga talatang ito kung bakit nais ng Panginoon na magtayo tayo ng mga templo.

  • Anyayahan ang mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 124:28–30 upang alamin ang mga dahilan na ibinigay ng Panginoon kay Joseph Smith sa pagtatayo ng Nauvoo Temple. Ibahagi ang iyong nararamdaman tungkol sa templo at ang anumang karanasan na mayroon ka sa pagsasagawa ng mga binyag para sa mga patay. Tulungan ang mga bata na malaman kung ilang taon pa ang bibilangin bago sila umabot sa hustong gulang para magsagawa ng mga binyag para sa mga patay sa loob ng templo.

  • Kung mayroon kang temple recommend, ipakita ito sa mga bata, o anyayahan ang isang kabataan sa ward na ipakita sa mga bata ang kanyang recommend. Sabihin sa mga bata kung bakit mahalaga ang temple recommend at kung ano ang kailangan nating gawin para magkaroon nito. Hikayatin sila na magsimulang maghanda ngayon na makakuha ng sarili nilang recommend.

    si Joseph Smith kasama ng kalalakihang nagtatayo ng Nauvoo Temple

    Joseph Smith at the Nauvoo Temple [Si Joseph Smith sa Nauvoo Temple], ni Gary E. Smith

Doktrina at mga Tipan 124:91–92

Ang patriarchal blessing ay makapagbibigay sa akin ng inspiradong patnubay.

Kung nakatanggap ka na ng patriarchal blessing, rebyuhin ito bago ituro sa mga bata ang tungkol sa mga basbas na ito. Bakit ka nagpapasalamat para sa iyong patriarchal blessing? Paano mo mahihikayat ang mga bata na maghanda sa pagtanggap ng kanilang patriarchal blessing?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang isa sa mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 124:91–92, at anyayahan ang klase na pakinggan kung ano ang ipinagagawa ng Panginoon kay Hyrum Smith. Ano ang nalalaman ng mga bata tungkol sa patriarchal blessing? Kung nakatanggap ka na ng patriarchal blessing, ipakita sa mga bata kung ano ang hitsura nito. (Tandaan na ang partikular na nilalaman ng iyong patriarchal blessing ay sagrado.) Ipaliwanag na ang patriarchal blessing ay espesyal na mga basbas na nakukuha natin mula sa mga patriarch. Ang mga basbas na ito ay makatutulong sa atin na malaman pa ang tungkol sa ating sarili at kung ano ang nais ipagawa sa atin ng Ama sa Langit.

  • Maaari mong anyayahan ang isang magulang o kapatid ng isa sa mga batang tinuturuan mo na ibahagi sa klase kung bakit sila nagpapasalamat para sa kanilang patriarchal blessing. Hilingin sa kanila na ibahagi kung paano sila nagpasiya na gusto na nilang makakuha ng patriarchal blessing. Magpatotoo tungkol sa mga patriarchal blessing.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na ibahagi sa isang kapamilya ang isang bagay na natutuhan nila tungkol sa mga templo at kung bakit gusto nilang makapasok sa templo balang-araw.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maaaring makilala ng mga bata ang impluwensya ng Espiritu. Ituro sa mga bata na ang nadarama nilang kapayapaan, pagmamahal, at kagalakan kapag nagsasalita o kumakanta sila tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo ay nagmumula sa Espiritu Santo. Ang mga pakiramdam na ito ay maaaring magpalakas sa kanilang patotoo.