“Oktubre 18–24. Doktrina at mga Tipan 121–123: ‘O Diyos, Nasaan Kayo?’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Oktubre 18–24. Doktrina at mga Tipan 121–123,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021
Oktubre 18–24
Doktrina at mga Tipan 121–123
“O Diyos, Nasaan Kayo?”
Habang pinag-aaralan mo ang Doktrina at mga Tipan 121–23, isipin kung ano ang nalalaman na ng mga bata sa iyong klase. Ipagdasal na malaman kung paano madaragdagan ang nalalaman nila.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Kung hinikayat mo ang mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang isang bagay na natutuhan nila sa klase noong nakaraang linggo, bigyan sila ng oras na ibahagi ang kanilang mga karanasan.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Doktrina at mga Tipan 121:7–8; 122:7
Ang mahihirap na panahon ay maaaring para sa ating ikabubuti.
Ang mga salita ng Panginoon kay Joseph Smith sa Piitan ng Liberty ay nagbibigay ng pagkakataon para matulungan ang mga bata na malaman na kung minsan ay mahirap ang buhay, ngunit ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay makatutulong sa atin.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na abangan ang salitang “kapayapaan” habang ibinabahagi mo sa kanila ang “Kabanata 46: Si Joseph Smith sa Piitan ng Liberty” (Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 173–75) o Doktrina at mga Tipan 121:7–8. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na maaari tayong magtiwala sa Panginoon tulad ng ginawa ni Joseph upang tayo ay makadama ng kapayapaan. Ipaliwanag na kahit si Joseph ay dumanas ng hirap, siya ay sinamahan ng Panginoon.
-
Upang matulungan ang mga bata na maunawaan na ang ating mga pagsubok ay “para sa [ating] ikabubuti” (Doktrina at mga Tipan 122:7), ibahagi sa kanila kung paano lumalakas ang ating mga kalamnan kapag nagbubuhat tayo ng isang bagay na mabigat. Sabihin sa kanila na kunwari ay nagbubuhat sila ng mabigat na bagay o gumagawa ng mahirap na gawain. Ipaliwanag na ang pagdanas ng kahirapan ay makatutulong na paunlarin ang ating espiritu—kung babaling tayo sa Panginoon para humingi ng tulong. Magbahagi ng ilang halimbawa na makauugnay ang mga batang tinuturuan mo. Anyayahan sila na sabayan ka sa pag-ulit ng pariralang “Ang lahat ng bagay na ito ay … para sa [ating] ikabubuti.”
Nalalaman ni Jesucristo kung ano ang nararamdaman ko.
Sa Piitan ng Liberty, sinabi ni Jesucristo kay Joseph Smith na siya ay nagpakababa-baba sa lahat ng bagay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 122:8). Ito ay nangangahulugan na alam Niya ang pinagdaraanan natin at maaari tayong bumaling sa Kanya.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Para matulungan ang mga bata na matutuhang bumaling kay Jesucristo kapag dumaranas sila ng mahihirap na bagay, hilingin sa kanila na ipakita sa iyo kung ano ang hitsura ng kanilang mukha kapag sila ay nalulungkot o nasasaktan o natatakot. Sino ang makatutulong sa atin kapag ganito ang nadarama natin? Basahin ang Doktrina at mga Tipan 122:8, at ipaliwanag na ito ay nangangahulugan na alam ni Jesucristo ang ating nadarama, at kaya Niya tayong tulungan.
-
Sama-samang kantahin ang “Minsa’y Naging Musmos si Cristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 34), at magpatotoo na si Jesucristo ay makatutulong sa atin dahil alam Niya ang ating nararamdaman.
Nais ng Diyos na malugod kong gawin ang magagawa ko.
Kahit na si Joseph Smith ay nasa piitan at ang mga Banal ay pinalayas mula sa kanilang mga tahanan, hinikayat niya ang mga Banal na “malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya.”
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin sa mga bata ang Doktrina at mga Tipan 123:17, at anyayahan sila na tumayo at pumalakpak kapag narinig nila ang salitang “malugod.” Anyayahan silang magpanggap na ginagawa ang iba’t ibang mga paglilingkod sa masayang paraan.
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa malugod na paglilingkod, tulad ng “Kung Tayo’y Tumutulong” (Aklat ng mga Awit Pambata, 108). Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan para malugod nilang mapaglingkuran ang kanilang pamilya at mga kaibigan.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Doktrina at mga Tipan 121:7–9; 122:7–9
Ang mga pagsubok sa buhay ko ay maaaring para sa aking ikabubuti.
Isang paraan na pinanatag ng Tagapagligtas si Joseph Smith habang siya ay nagdurusa sa Piitan ng Liberty ay ang pagtuturo sa kanya na “ang lahat ng ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti” (Doktrina at mga Tipan 122:7). Ang katotohanang ito ay maaaring magpala sa mga bata kapag nahaharap sila sa sarili nilang mga pagsubok.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa karanasan ni Joseph Smith sa bilangguan at sa mga Banal na sapilitang pinaalis sa Missouri (tingnan sa mga kabanata 45–46 ng Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 167–75). Itanong sa mga bata kung ano ang madarama nila kung sila si Joseph Smith o isa sa mga Banal sa panahong ito. Basahin sa mga bata ang Doktrina at mga Tipan 121:7–9; 122:7–9, at anyayahan sila na alamin ang sinabi ng Panginoon na maaaring nagdala ng kapayapaan sa kanila. Paano nagiging “para sa [ating] ikabubuti” ang ating mahihirap na karanasan?
-
Hilingin sa dalawang bata na hawakan ang magkabilang dulo ng isang lubid na sapat ang haba para umabot sa magkabilang dulo ng silid. Hilingin sa isa pang bata na hawakan ang isang bahagi ng lubid. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 121:7–8, at ipaliwanag na ang lubid ay kumakatawan sa mga taon sa kawalang-hanggan at ang maliit na bahaging hinahawakan ng pangatlong bata ay katulad ng ating mga taon sa lupa. Ano ang ibig sabihin ng pahayag na ang ating mga pagsubok sa lupa ay “maikling sandali na lamang”?
-
Tulungan ang mga bata na isipin kung ano kaya ang magiging pakiramdam ng gumugol ng apat na buwan sa isang lugar na tulad ng Piitan ng Liberty. Ano ang pinakahahanap-hanapin natin? Paano natin gugugulin ang ating oras? Ano ang natutuhan ni Joseph Smith sa Doktrina at mga Tipan 121:7–9; 122:7–9 na tumulong sa kanya na tiisin ang karanasang ito? Hikayatin ang mga bata na sumulat ng liham sa isang taong nahihirapan, at imungkahi na gamitin nila ang isang tuntunin mula sa Doktrina at mga Tipan 121:7–9; 122:7–9 sa kanilang sulat.
Doktrina at mga Tipan 121:34–46
Dapat tayong maging matwid upang magkaroon ng “kapangyarihan ng langit.”
Tulungan ang mga batang tinuturuan mo na malaman na maaari tayong magkaroon ng kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay kung tayo ay matwid.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Gumuhit ng linya at isulat ang mga salitang mataas na kapangyarihan sa isang dulo at ang mababang kapangyarihan sa isa pa. Magdrowing ng isang arrow na nakaturo sa gitna ng linya. Pumili ng ilang salita o parirala mula sa Doktrina at mga Tipan 121:34–46 na nagtuturo kung paano natin mababawasan o madaragdagan ang kapangyarihan ng langit sa ating buhay (tulad ng “pagtakpan ang ating mga kasalanan,” “kapalaluan,” “kahinahunan” at “pag-ibig”). Anyayahan ang mga bata na magsalitan sa pagpili ng mga salita at pagpapasiya kung ang salita ay humahantong sa pagbawas o pagdagdag sa kapangyarihan, at igagalaw nila ang arrow alinsunod dito. Pag-usapan ninyo ng mga bata ang tungkol sa mga taong kilala nila na naging mabuting impluwensya sa iba dahil sinusunod nila ang payo ng Panginoon sa mga talatang ito.
-
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 121:41–42, 45, at hilingin sa mga bata na ilista ang mga katangian sa mga talatang ito na nais ng Panginoon na taglayin natin. Tulungan silang tukuyin ang anumang salitang hindi nila maunawaan. Atasan ng isang katangian ang bawat bata, at tulungan silang mag-isip ng isang paraan na maipapakita nila ito. Kapag nakapagbahagi na ang lahat, hilingin sa kanila na basahin ang mga talata 45–46 at ilista ang mga pagpapalang matatanggap nila kapag nagkaroon sila ng mga katangiang iyon.
-
Sama-samang basahin ang unang taludtod ng Doktrina at mga Tipan 121:46. Paano natin magiging “kasama sa tuwina” ang Espiritu Santo? Sama-samang kantahin ang “Ang Espiritu Santo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 56) o isa pang awitin tungkol sa kaloob na Espiritu Santo. Ano ang itinuturo sa atin ng awitin tungkol sa dahilan kung bakit nais nating makasama palagi ang Espiritu Santo?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng isang taong dumaranas ng hirap. Tulungan silang tukuyin ang isang bagay na natutuhan ni Joseph Smith sa Piitan ng Liberty na maibabahagi nila sa taong iyon.