“Oktubre 4–10. Doktrina at mga Tipan 111–114: ‘Aking Isasaayos ang Lahat ng Bagay para sa Inyong Kabutihan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Oktubre 4–10. Doktrina at mga Tipan 111–114,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021
Oktubre 4–10
Doktrina at mga Tipan 111–114
“Aking Isasaayos ang Lahat ng Bagay para sa Inyong Kabutihan”
Itinuro ni Sister Cheryl A. Esplin, dating tagapayo sa Primary General Presidency, na dapat nating “[tulungan ang] ating mga anak na maitanim ang doktrina sa kanilang mga puso na nagiging bahagi na ito … ng kanilang pag-uugali at kilos sa buong buhay nila” (“Turuan ang Ating mga Anak na Umunawa,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 10).
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Para mahikayat ang mga bata na magbahagi, magdala ng ilang bagay na may kaugnayan sa ilang bagay mula sa nakaraang lesson. Bigyan sila ng pagkakataon na magsalita kung ano ang ipinaaalala sa kanila ng bawat bagay.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Doktrina at mga Tipan 111:2, 10–11
Ang mga bagay ng Diyos ay maaaring maging isang yaman sa akin.
Kapag naiisip ng mga bata ang salitang kayamanan, maaaring makaisip sila ng ibang mga bagay na naiiba sa mga kayamanan na tinukoy sa Doktrina at mga Tipan 111:2, 10. Paano mo sila matutulungan na matutuhang pahalagahan ang mga bagay ng Panginoon?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na idrowing kung ano ang pumapasok sa isipan nila kapag narinig nila ang salitang kayamanan. Ihambing ang mga bagay na itinuturing na kayamanan ng mundo sa mga bagay na itinuturing na kayamanan ng Panginoon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 111: 2, 10–11), tulad ng Kanyang mga tao, karunungan at kabutihan, at paggawa ng mabubuting pasiya.
-
Tulungan ang mga bata na gawin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito. Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jesus mula sa mga bagay na itinuturing Niyang kayamanan? Paano tayo magiging mas katulad Niya?
Aakayin ako sa kamay ng Panginoon at sasagutin ang aking mga dalangin.
Ang Doktrina at mga Tipan 112:10 ay makatutulong sa mga batang tinuturuan mo na magkaroon ng pananampalataya na aakayin at gagabayan sila ni Jesucristo sa buong buhay nila.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga sitwasyon kung saan ay mahalaga na hawakan ang kamay ng isang miyembro ng pamilya, tulad ng kapag tumatawid sa kalye o pinapanatag ang kalooban nito. Maaaring masiyahan sila na isadula ang ilan sa mga halimbawang ibinabahagi nila. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 112:10. Bakit gusto natin na “[akayin tayo] sa kamay” ng Panginoon?
-
Piringan ang isa sa mga bata, at hilingin sa kanya na lumakad papunta sa kabilang panig ng silid habang inaakay siya ng isa pang bata. Ibahagi ang isang karanasan kung saan nadama mong inaakay ka ng Panginoon sa kamay.
Nais ni Jesucristo na mahalin ko ang lahat ng tao.
Tulungan ang mga bata na malaman na nais ng Tagapagligtas na mahalin natin ang lahat, maging ang mga taong maaaring hindi mabait sa atin.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Habang ibinabahagi mo ang “Kabanata 41: Ang Kaguluhan sa Kirtland” (Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 158–60), hilingin sa mga bata na bumuo ng isang hugis puso gamit ang kanilang mga kamay kapag narinig nila ang tungkol sa isang tao na gumagawa ng isang bagay na tama. Tulungan silang maunawaan na nais ng Panginoon na mahalin natin ang lahat, maging ang mga taong maaaring pumipili ng mali.
-
Magdrowing ng malungkot na mukha sa pisara, at itanong sa mga bata kung paano natin maipakikita ang pagmamahal sa ibang tao na nalulungkot (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 112:11). Habang nagbabahagi ng mga ideya ang mga bata, palitan ang malungkot na mukha ng isang masayang mukha. Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa kapangyarihang dulot ng pagmamahal sa iba. Kantahin nang sabay-sabay ang isang awit na tungkol sa pagmamahal, tulad ng “Mahalin Bawat Tao, Sabi ni Cristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 39).
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Magagawa kong magpakumbaba at maghangad ng patnubay ng Diyos.
Nais ng Ama sa Langit na tayo ay maging mapagpakumbaba upang tayo ay magabayan Niya. Tulungan ang mga bata na maunawaan kung paano nila maipapakita ang kanilang pagpapakumbaba sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay tulad ng pagdarasal sa Kanya at pagtanggap ng Kanyang payo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Itanong sa mga bata kung ano ang ibig sabihin ng magpakumbaba. (Maaari nilang basahin ang “Pagpapakumbaba” sa Tapat sa Pananampalataya [pahina 148] kung kailangan). Tulungan silang mag-isip ng mga salita o parirala na may kaugnayan sa “pagpapakumbaba,” at anyayahan silang basahin ang Doktrina at mga Tipan 112:10, na ipinapalit ang isa sa mga salita o parirala sa salitang “mapagpakumbaba” sa talata. Bakit nais ng Ama sa Langit na maging mapagpakumbaba tayo? Para malaman ang iba pa, maaaring basahin ng mga bata ang mga karagdagang banal na kasulatang nakalista sa ilalim ng “Mapagpakumbaba, Pagpapakumbaba” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org).
-
Isulat sa pisara ang mga salita sa Doktrina at mga Tipan 112:10, at hilingin sa mga bata na basahin ito nang malakas. Anyayahan ang isang bata na salungguhitan ang mga pagpapala sa mga taong mapagpakumbaba na binanggit sa talatang ito. Hikayatin ang mga bata na magbahagi ng mga pagkakataon na mapagpakumbaba nilang hinangad ang tulong ng Panginoon at inakay Niya sila, tulad nang nasagot ang kanilang mga dasal.
Nais ni Jesucristo na mahalin ko ang lahat ng tao.
Si Jesucristo ang perpektong halimbawa ng pagmamahal sa lahat, maging sa mga taong nagmalupit sa Kanya. Kinailangan din ni Joseph Smith na tiisin ang pang-uusig ng mga naging kaibigan niya. Tulungan ang mga bata na matutuhan na maaari nating mahalin ang iba tulad ng ginawa ng Tagapagligtas at ni Joseph Smith.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na magsalitan sa pagbasa ng “Kabanata 41: Ang Kaguluhan sa Kirtland” (Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 158–60). Sino sa kuwento ang nagpalala sa mga problema sa Kirtland? Sino ang nagsikap na gawing mas mabuti ang sitwasyon? Anyayahan ang mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 112:11 at ibahagi kung bakit mahalagang mahalin ang lahat.
-
Bakit mahalagang mahalin ang mga taong naiiba sa atin? Bakit kaya tayo binigyan ng pagkakaiba-iba ng Ama sa Langit? Paano natin gagawin na “ang [ating] pag-ibig ay pasaganahin sa lahat,” maging sa mga taong naiiba sa atin? Kantahin ninyo ng mga bata ang isang awitin tungkol sa pagmamahal sa iba, tulad ng “Palaging Sasamahan Ka” (Aklat ng mga Awit Pambata, 78–79).
-
Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga halimbawa nang minahal ng Tagapagligtas ang mga taong nagmalupit sa Kanya (halimbawa, tingnan sa Lucas 23:34).
Doktrina at mga Tipan 112:12–15, 26
Ang mga tunay na nagbabalik-loob ay nakikilala si Jesucristo.
Ang pagbabalik-loob kay Jesucristo ay isang panghabambuhay na proseso, at ito ay hindi lamang “[pagkukunwaring] alam ang [Kanyang] pangalan” (Doktrina at mga Tipan 112:26). Tulungan ang mga bata na mas maunawaan ang kahulugan ng tunay na makilala ang Tagapagligtas.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ibahagi sa mga bata na noong 1837, ang ilan sa mga apostol ay tumalikod laban kay Propetang Joseph Smith. Bakit mahalagang sundin ang propeta? (tingnan sa talata 15). Tulungan ang mga bata na gumawa ng listahan ng mga bagay na sinabi ng Panginoon na dapat gawin ni Thomas B. Marsh, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 112:12–15). Gamitin ang listahan para talakayin kung paano tayo mas makapagbabalik-loob kay Jesucristo.
-
Itanong sa mga bata kung ano sa palagay nila ang kahulugan ng magpanggap o ipahayag na kilala si Jesucristo, ngunit hindi naman talaga Siya nakikilala (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 112:26). Ano ang itinuturo sa atin ng talata 14 na magagawa natin para mas makilala Siya? Tulungan ang mga bata na maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng “pasanin ang [ating] krus” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 16:25–26 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]) o “Pakanin ang [Kanyang] mga tupa.”
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na ibuod ang natutuhan nila sa klase ngayon. Tulungan silang sumulat o magdrowing ng isang larawang magpapaalala sa kanila ng natutuhan nila para maibahagi nila ito sa kanilang pamilya.