“Oktubre 11–17. Doktrina at mga Tipan 115–120: ‘Ang Kanyang Hain ay Mas Banal sa Akin Kaysa sa Kanyang Yaman,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Oktubre 11–17. Doktrina at mga Tipan 115–120,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021
Oktubre 11–17
Doktrina at mga Tipan 115–120
“Ang Kanyang Hain ay Mas Banal sa Akin Kaysa sa Kanyang Yaman”
Hayaan ang Espiritu na akayin ka sa mga alituntunin na pinaka-kailangan ng mga bata. Maaari kang makakita ng makatutulong na mga ideya sa mga aktibidad para sa mas maliliit na bata o para sa nakatatandang mga bata.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Kung minsan, maaaring mabuting kausapin nang maaga ang mga magulang ng isa sa mga bata at imungkahi na papuntahin sa klase ang anak nila na handang magbahagi ng isang bagay na natutuhan niya sa bahay. Maaaring masiyahan ang bata na pamunuan sa klase ang isang aktibidad na ginawa na niya kasama ng kanyang mga kapamilya.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Ako ay kabilang sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Paano mo matutulungan ang mga bata na matukoy ang mga pagpapala ng pagiging bahagi ng Simbahan ni Jesucristo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Itanong sa mga bata kung may makapagsasabi sa kanila ng buong pangalan ng Simbahan. Ipakita sa kanila ang logo ng Simbahan (sa isang publikasyon ng Simbahan o sa missionary name tag), isulat ang pangalan sa pisara, o basahin ito sa kanila mula sa Doktrina at mga Tipan 115:4. Hilingin sa mga bata na bigkasin ang pangalan habang itinuturo mo ang bawat salita. Bigyang-diin ang mahahalagang salita sa pangalan, at ipaunawa sa mga bata kung bakit mahalaga ang mga salitang ito (tingnan sa “Kabanata 43: Pinangalanan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 164).
-
Sama-samang kantahin ang “Ang Simbahan ni Jesucristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 48), at ibahagi sa mga bata ang nadarama mo tungkol sa pagiging miyembro ng Simbahan ni Jesucristo. Bigyan sila ng pagkakataon na ibahagi kung ano ang nararamdaman nila tungkol sa Simbahan.
-
Anyayahan ang mga bata na tumayo kapag binasa mo ang salitang “bumangon” sa Doktrina at mga Tipan 115:5. Anyayahan sila na iunat ang kanilang mga daliri tulad ng mga sinag ng araw kapag binasa mo ang “magliwanag.” Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagiging liwanag sa iba, tulad ng “Tila Ba Ako’y Isang Tala” (Aklat ng mga Awit Pambata, 84). Ipaalala sa mga bata na ang ating liwanag ay nagmumula kay Jesucristo, at tulungan silang mag-isip ng mga paraan na maaari silang “magliwanag.”
Si Jesucristo ang lumikha ng mundo at ng lahat ng bagay na narito.
Para mahikayat sina William Marks at Newel K. Whitney na isakripisyo ang kanilang mga ari-arian at lumipat sa Missouri, ipinaalala sa kanila ng Panginoon na nilikha Niya ang lahat ng bagay sa lupa. Paano kaya mapagpapala ang mga bata sa pagkaalam sa katotohanang ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdala o magdrowing ng mga larawan ng mga nilikha sa Doktrina at mga Tipan 117:6 na sinabi ng Panginoon na ginawa niya (o anyayahan ang mga bata na magdrowing ng sarili nilang mga larawan). Anyayahan ang mga bata na itaas o ituro ang mga larawan habang binabasa mo ang talata. Sabihin sa mga bata kung bakit mahalaga sa iyo na malaman na nilikha ni Jesucristo ang mga bagay na ito.
-
Kantahin ninyo ng mga bata ang isang awitin tungkol sa mga nilikha ng Panginoon, tulad ng “Ako ay Mahal ng Ama sa Langit” (Aklat ng mga Awit Pambata, 16–17). Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na magbahagi tungkol sa ilan sa mga bagay na nilikha ng Diyos na tumulong sa kanila na madama ang Kanyang pagmamahal.
Ang ikapu ay tumutulong sa Simbahan na gawin ang gawain ng Diyos.
Marahil marami sa mga batang tinuturuan mo ay napakabata pa para kumita ng pera at magbayad ng ikapu, ngunit mabuti para sa kanila na maunawaan kung paano nakatutulong ang ikapu sa dakilang gawain ng Simbahan sa buong mundo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipaliwanag kung paano tayo nagbabayad ng ikapu at saan ito ginagamit (tingnan sa “Kabanata 44: Ang Ikapu,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 165–66. Magdrowing sa pisara ng 10 barya, at hilingin sa mga bata na tulungan kang bilangin ang mga iyon. Alamin kung ilan ang dapat ibigay sa Panginoon bilang ikapu.
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa ikapu, tulad ng “Nais Kong Ibigay sa Panginoon ang Aking Ikapu” (Liahona, Okt. 2006), at sabihin sa mga bata kung bakit ka nagpasiya na magbayad ng ikapu. Kung maaari, magbahagi ng isang personal na kuwento.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Ang aking halimbawa ay makatutulong sa iba na lumapit kay Cristo at magkaroon ng kaligtasan.
Ang mga batang tinuturuan mo ay malamang na may kakilalang mga taong apektado ng mga unos ng buhay at nangangailangan ng “kanlungan” (talata 6) na maibibigay ng Simbahan. Isipin kung paano mo hihikayatin ang mga bata na “bumangon at magliwanag” (talata 5) at ibahagi ang kanilang liwanag sa mga taong ito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipasa-pasa ang isang flashlight, isang larawan ng araw, o iba pang bagay na kumakatawan sa liwanag ng ebanghelyo ng Tagapagligtas. Kapag pagkakataon na nilang hawakan ang liwanag, anyayahan ang mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 115:4–5 at magbanggit ng isang bagay na magagawa nila para “magliwanag” katulad ng isang ilaw para sa iba (tingnan sa 3 Nephi 18:24).
-
Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng isang larawan na nagpapakita ng nakasaad sa Doktrina at mga Tipan 115:6. Halimbawa, maaari silang magdrowing ng isang bagyo, na may mga tao na ginagawang kanlungan ang isang gusali ng Simbahan. Ano kaya ang ilang bagay na maaaring isinasagisag ng bagyo? Paano nagiging isang kanlungan ang Simbahan mula sa mga bagay na ito?
Ang aking mga sakripisyo ay banal sa Panginoon.
Sa bahagi 117, pinayuhan ng Panginoon sina William Marks at Newel K. Whitney na isakripisyo ang kanilang mga ari-arian sa Kirtland para sa mas dakilang mga pagpapala sa Missouri. Kinilala rin Niya si Oliver Granger para sa mga sakripisyong ginawa nito. Ano sa palagay mo ang matututuhan ng mga bata mula sa kanilang mga halimbawa?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na isipin na kunwari ay isa silang matagumpay na may-ari ng isang tindahan sa Kirtland, tulad ni Newel K. Whitney. Ano ang madarama nila kung inutusan sila ng Panginoon na lisanin ang kanilang tindahan at lumipat sa isang bagong lugar? Basahin sa mga bata ang Doktrina at mga Tipan 117:1–11, at hilingin sa mga bata na patigilin ka kapag narinig nila ang isang bagay na makatutulong sa kanila na magkaroon ng pananampalataya na magsakripisyo at sundin ang Panginoon. Ano ang mga isinasakripisyo natin ngayon para masunod ang Panginoon?
-
Ikuwento nang kaunti sa mga bata kung bakit kailangang lisanin ng mga Banal ang Kirtland, o hilingin sa isa sa mga bata na gawin ito (tingnan sa “Kabanata 41: Ang Kaguluhan sa Kirtland,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 158–60). Ipaliwanag na inutusan ng Panginoon si Oliver Granger na manatili sa Kirtland at bayaran ang mga utang ng Simbahan. Bakit isang mahirap na gawain iyon? Ano ang sinabi ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 117:13 na tumulong kay Oliver—o makatutulong sa sinuman sa atin—na magsakripisyo upang sundin ang Panginoon?
Ang ikapu ay tumutulong sa Simbahan na gawin ang gawain ng Diyos.
Pag-isipang mabuti kung paano mo matutulungan ang mga bata na maunawaan kung paano nakatutulong ang ikapu sa pagtatatag ng kaharian ng Panginoon kahit na maaaring maliit ang halaga ng ibinabayad nila (tingnan sa Tapat sa Pananampalataya, 35–37).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na magkunwari na isang kaibigan ang nakakita ng isang gusali ng Simbahan at nagtanong, “Paano nagkaroon ang Simbahan ninyo ng pambayad para sa gusaling iyon?” Paano natin maipaliliwanag ang ikapu sa kaibigang ito? Imungkahi na sumangguni ang mga bata sa Doktrina at mga Tipan 119:4; 120:1 habang pinag-iisipan nila ang tanong na ito.
-
Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na nagagawa ng Simbahan dahil sa ikapu. Paano pinagpapala ng mga bagay na ito ang ating buhay? Ibahagi ang iyong nadarama tungkol sa batas ng ikapu at kung paano ka nito pinagpapala.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na bigyang-pansin ang nadama nila sa kanilang mga puso o ang mga pumasok sa kanilang mga isipan ngayong araw sa Primary. Hikayatin silang ibahagi sa kanilang pamilya ang kanilang mga nadama at naisip.