Doktrina at mga Tipan 2021
Nobyembre 1–7. Doktrina at mga Tipan 125–128: “Isang Tinig ng Kagalakan para sa mga Buhay at sa mga Patay”


“Nobyembre 1–7. Doktrina at mga Tipan 125–128: ‘Isang Tinig ng Kagalakan para sa mga Buhay at sa mga Patay,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Nobyembre 1–7. Doktrina at mga Tipan 125–128,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021

pamilyang kasama ang mga ninuno sa daigdig ng mga espiritu

Us with Them and Them with Us [Tayo Kasama Sila at Sila Kasama Tayo], ni Caitlin Connolly

Nobyembre 1–7

Doktrina at mga Tipan 125–128

“Isang Tinig ng Kagalakan para sa mga Buhay at sa mga Patay”

Kung ikaw ay nagtuturo ng mga mas maliliit na bata at nangangailangan ng karagdagang tulong, tingnan ang “Pagtugon sa mga Pangangailangan ng Mas Maliliit na Bata” sa simula ng resource na ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Tulungan ang mga bata na mag-isip ng isang bagay na natutuhan nila sa linggong ito sa tahanan o sa Primary. Bigyan sila ng ilang minuto para magdrowing ng larawan ng naisip nila at ibahagi ito sa klase.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Doktrina at mga Tipan 126:3

Mahal ko ang aking pamilya.

Nang makauwi si Brigham Young mula sa pangangaral ng ebanghelyo, sinabi ng Panginoon sa kanya na magtuon sa pangangalaga sa kanyang pamilya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ibahagi sa mga bata ang impormasyon tungkol kay Brigham Young sa “Kabanata 49: Ang mga Banal sa Nauvoo” (Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 183), o ibuod ang Doktrina at mga Tipan 126 sa sarili mong mga salita. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 126:3 sa mga bata, na binibigyang-diin ang pariralang “bigyan ng natatanging kalinga ang iyong mag-anak.” Ano ang ibig sabihin ng kalingain ang ating mga pamilya? Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan para makapagpakita ng pagmamahal sa kanilang mga kapamilya.

  • Bago magsimula ang klase, anyayahan ang mga bata na magdala ng isang larawan ng kanilang pamilya (o hilingin sa kanila na magdrowing ng mga larawan). Pagkatapos ay hilingin sa kanila na magbahagi ng isang bagay na gustung-gusto nila tungkol sa kanilang pamilya. Magbahagi ng isang larawan ng iyong pamilya, at gayon din ang gawin. Ipaliwanag kung bakit nais ng Ama sa Langit na kalingain natin ang mga miyembro ng ating pamilya. Kantahin ang isang awit tungkol sa katotohanang ito, tulad ng “Kung Tayo’y Tumutulong” (Aklat ng mga Awit Pambata, 108).

Doktrina at mga Tipan 128:5, 12

Kailangan ng lahat ng anak ng Diyos ang pagkakataon na mabinyagan.

Bukod sa pagtulong sa mga bata na maghandang gumawa ng sarili nilang mga tipan sa binyag, ituro sa kanila na makatutulong tayo sa mga namatay na hindi pa nabinyagan na matanggap din nila ang mga pagpapalang iyon.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita ang larawan ni Jesucristo na binibinyagan (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 35). Itanong sa mga bata kung nakakita na sila ng isang taong binibinyagan. Ano ang naaalala nila tungkol dito? Gumamit ng mga larawan o video upang ipakita sa mga bata na kapag bininyagan tayo, lumulubog tayo nang husto sa ilalim ng tubig at umaahon pabalik, tulad ng ginawa ni Jesus. Buksan ang Doktrina at mga Tipan 128:12, at ipaliwanag na itinuro ni Joseph Smith na ang pagpapabinyag ay nagpapaalala sa atin tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli.

  • Ibahagi sa mga bata ang tungkol sa isang taong kilala mo (tulad ng isang ninuno) na namatay nang hindi nabibinyagan. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 128:5, at hayaan silang maghalinhinan sa paghawak ng isang larawan ng isang bautismuhan sa templo (tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Magpatotoo na pinahihintulutan tayo ng Ama sa Langit na magpabinyag sa lupa para sa mga taong namatay na. Sa ganitong paraan ang lahat ng anak ng Diyos ay maaaring mabinyagan at makipagtipan sa Kanya.

Doktrina at mga Tipan 128:18

Nais ng Ama sa Langit na matutuhan ko ang tungkol sa aking family history.

May mga simpleng paraan kung saan ang maliliit na bata ay maaaring makibahagi sa gawain sa family history. Tulungan silang makadama ng pagmamahal para sa mga tao na nasa kanilang family tree.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Lumikha ng paper chain o kadenang papel na may mga pangalan ng mga tao sa iyong pamilya (tingnan sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito), at dalhin ito sa klase. Magbahagi ng ilang bagay tungkol sa mga tao sa iyong kadenang papel. Basahin sa mga bata ang Doktrina at mga Tipan 128:18, at ipaliwanag na itinuro ni Joseph Smith na “may isang pag-uugnay … sa pagitan ng mga ama at ng mga anak.” Tulungan ang mga bata na gumawa ng sariling kadenang papel ng kanilang pamilya, at sabihin sa kanila na dalhin ang mga kadenang papel sa bahay at hilingin sa kanilang mga magulang na tulungan silang idagdag ang pangalan ng kanilang mga ninuno.

  • Hilingin sa mga bata na magbahagi ng isang bagay tungkol sa isa sa kanilang mga lolo’t lola. Ibahagi ang isa sa mga paborito mong kuwento tungkol sa iyong mga magulang o lolo’t lola. Magpakita ng mga larawan, kung maaari. Hikayatin ang mga bata na matuto pa tungkol sa kanilang lolo’t lola at iba pang mga ninuno.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Doktrina at mga Tipan 126

Makatutulong ako na kalingain ang aking pamilya.

Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na paglingkuran ang mga miyembro ng kanilang pamilya sa makabuluhang mga paraan?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 126:3. Bakit kaya iniutos ng Ama sa Langit kay Brigham Young na “bigyan ng natatanging kalinga ang [kanyang] mag-anak”? Paano rin natin ito magagawa para sa ating pamilya? Gumawa ng listahan ng mga bagay na magagawa natin ngayon para mapaglingkuran ang ating mga pamilya. Paano makatutulong sa atin ang paggawa ng mga bagay na ito para maging higit na katulad ng Ama sa Langit?

  • Ibahagi sa mga bata ang kuwento ni Sister Carole M. Stephens tungkol sa kanyang apo na si Porter (tingnan sa “May Malaking Dahilan Tayo Para Magalak,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 115). Ano ang ginawa ni Porter para pangalagaan ang kanyang pamilya? Paano natin masusundan ang kanyang halimbawa?

Doktrina at mga Tipan 128:1, 15–18

Ang binyag para sa mga patay ay lumilikha ng “isang pag-uugnay” sa pagitan ko at ng aking mga ninuno.

Itinuro ni Joseph Smith na ang binyag para sa mga patay ang nagbibigkis sa atin sa ating mga ninuno tulad ng mga kawing sa kadena. Paano mo matutulungan ang mga bata na madama ang kagalakan na nagmumula sa pag-aaral tungkol sa ating mga ninuno at pagtitiyak na magagawa ang gawain sa templo para sa kanila?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hatiin ang klase sa dalawang grupo, at hilingin sa unang grupo na basahin ang Doktrina at mga Tipan 128:1 para malaman kung ano ang paksang nasa isipan ni Joseph Smith. Hilingin sa isa pang grupo na basahin ang talata 17 at alamin kung anong paksa ang itinuturing niyang “pinakamaluwalhati sa lahat.” Bigyan sila ng pagkakataong ibahagi ang nalaman nila, at pag-usapan kung bakit napaka-maluwalhati ng paksang ito. Kung maaari, anyayahan ang isang kabataan na nakagawa na ng mga pagbibinyag para sa mga patay na magbahagi ng kanyang karanasan at ipaliwanag kung bakit ginagawa natin ang gawaing ito.

  • Isiping gumamit ng isang object lesson para ipakita na kailangan nating tulungan ang ating mga ninuno na hindi pa nabinyagan. Halimbawa, magdispley ng isang regalo o pagkain, pero ilagay ito sa lugar na hindi ito maaabot ng isa sa mga bata. Sabihin sa batang iyon na maaaring maging kanya ang bagay na iyon pero hindi siya maaaring umalis sa kanyang upuan. Itanong sa ibang mga bata kung ano ang magagawa nila para tulungan ang bata na makuha ito. Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 128:15, at pag-usapan kung paano ito nauugnay sa object lesson.

  • Anyayahan ang mga bata na gumawa ng kadenang papel na may pangalan ng kanilang mga magulang, lolo’t lola, lolo’t lola-sa-tuhod, at iba pa (tingnan sa pahina ng aktibidad para sa araling ito). Kung hindi alam ng mga bata ang pangalan ng kanilang mga ninuno, hikayatin silang alamin ang mga pangalan at isulat sa kadenang papel ang mga ito pag-uwi sa bahay. Basahin nang sabay-sabay ang Doktrina at mga Tipan 128:18 upang malaman kung ano ang “pag-uugnay” na dahilan para maging “buo at husto” ang family history. Isalaysay ang isang kuwento tungkol sa isang ninuno na tumutulong sa iyo na madama ang kaugnayan sa kanya. O ipalabas ang video na “Courage: I Think I Get It from Him” (ChurchofJesusChrist.org).

  • Magpakita sa mga bata ng isang temple recommend, at sabihin sa kanila kung paano magkaroon nito. Tulungan silang asamin na makakuha ng sarili nilang temple recommend upang sila ay makapunta sa templo at magkapagpabinyag para sa sarili nilang mga ninuno.

    kabataang lalaki na may mga family name card

    Maaari tayong maghanap ng mga pangalan ng ating mga ninuno at magsagawa ng mga ordenansa sa templo para sa kanila.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na hilingin sa isang tao sa bahay na tulungan silang malaman pa ang tungkol sa kanilang family history. Maaari nilang hilingin na marinig ang mga kuwento tungkol sa isang ninuno o gamitin ang FamilySearch.org para mahanap ang mga pangalan ng mga ninuno na hindi pa nabibinyagan.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tulungan ang mga bata na maipahayag ang kanilang pagkamalikhain. Kapag ang mga bata ay bumubuo, nagdodrowing, o nagkukulay ng isang bagay na may kaugnayan sa kuwento o alituntuning natututuhan nila, madalas na mas naaalala nila ito. Magagamit din nila ang nilikha nila para maturuan ang iba. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25.)