Doktrina at mga Tipan 2021
Nobyembre 1–7. Doktrina at mga Tipan 125–128: “Isang Tinig ng Kagalakan para sa mga Buhay at sa mga Patay”


“Nobyembre 1–7. Doktrina at mga Tipan 125–128: ‘Isang Tinig ng Kagalakan para sa mga Buhay at sa mga Patay,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Nobyembre 1–7. Doktrina at mga Tipan 125–128,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

pamilyang kasama ang mga ninuno sa daigdig ng mga espiritu

Us with Them and Them with Us [Tayo Kasama Nila at Sila Kasama Natin], ni Caitlin Connolly

Nobyembre 1–7

Doktrina at mga Tipan 125–128

“Isang Tinig ng Kagalakan para sa mga Buhay at sa mga Patay”

Tandaan na itala ang iyong nadarama habang pinag-aaralan mo ang Doktrina at mga Tipan 125–28 upang maaari mo itong balikan at ibahagi ang mga ito sa iba.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Noong Agosto 1840, isang nagdadalamhating Jane Neyman ang nakinig kay Propetang Joseph na nagsalita sa burol ng kanyang kaibigan na si Seymour Brunson. Kamakailan lang din ay pumanaw ang binatilyong anak ni Jane na si Cyrus. Nakadagdag pa sa kanyang dalamhati ang katotohanan na si Cyrus ay hindi pa nabinyagan, at nag-alala si Jane kung ano ang kahulugan nito para sa kanyang walang-hanggang kaluluwa. Alam ni Joseph ang nadarama niya; inisip niya ang gayon ding bagay tungkol sa kanyang pinakamamahal na kapatid na si Alvin, na namatay rin bago nabinyagan. Kaya nagpasiya ang propeta na ibahagi kay Jane, at sa lahat ng nasa libing, kung ano ang inihayag sa kanya ng Panginoon tungkol sa mga taong namatay nang hindi natanggap ang mga ordenansa ng ebanghelyo—at kung ano ang magagawa natin para matulungan sila.

Ang doktrina ng binyag para sa mga patay ay nagbigay-sigla sa mga Banal; nabaling agad ang kanilang isipan sa mga namayapang magulang, lolo’t lola, at iba pang kapamilya. Ngayon, may pag-asa na para sa kanila! Nakibahagi si Joseph sa kanilang kagalakan, at gumamit ng masaya at masiglang pananalita upang ipahayag ang itinuro sa kanya ng Panginoon tungkol sa kaligtasan ng mga patay: “Pasigawin ang mga bundok sa kagalakan, at lahat kayong mga lambak ay sumigaw nang malakas; at lahat kayong mga dagat at tuyong lupain sabihin ang mga kamangha-mangha ng inyong Walang Hanggang Hari!” (Doktrina at mga Tipan 128:23).

Tingnan sa Mga Banal, 1:473–88.

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Doktrina at mga Tipan 126

Nais ng Panginoon na kalingain ko ang aking pamilya.

Pagkauwi mula sa pinakahuli sa kanyang iba’t ibang misyon sa England, si Brigham Young ay tumanggap ng isa pang mahalagang tungkulin mula sa Panginoon—na “bigyan ng natatanging kalinga ang [kanyang] mag-anak” (talata 3), na nahirapan sa kanyang pagkawala. Habang pinag-iisipan kung paano naaangkop sa iyo ang payong ito at ang iba pa na nasa bahagi 126, isipin ang mga salitang ito ni Pangulong Bonnie L. Oscarson, dating Young Women General President:

“Tandaan na maaaring ang ilan sa pinakamalalaking pangangailangan ay ang nasa harapan ninyo mismo. Simulan ang inyong paglilingkod sa mga sarili ninyong tahanan at sa mismong pamilya ninyo. Ito ang mga ugnayang maaaring maging walang-hanggan. Kahit na—marahil lalo na kung—ang sitwasyon ng pamilya ay kailangang pabutihin, makahahanap kayo ng mga paraan para makapaglingkod, magpasaya, at magpalakas. Magsimula kung saan kayo naroon, mahalin sinuman sila, at maghanda para sa pamilya na gusto ninyong magkaroon kayo sa hinaharap” (“Ang mga Pangangailangan na Nasa Ating Harapan,” Liahona, Nob. 2017, 27).

Doktrina at mga Tipan 127:2–4

Alam ng Panginoon ang aking kagalakan at kalungkutan.

Dahil sa mga maling paratang at sa banta ng pag-aresto ay sapilitan na namang nagtago si Joseph Smith noong Agosto 1842. Gayon pa man, ang mga salitang isinulat niya sa mga Banal sa panahong ito (ngayon ay Doktrina at mga Tipan 127) ay puno ng positibong pananaw at kagalakan. Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talata 2–4 tungkol sa Diyos? tungkol sa kung paano mo mahaharap ang personal na mga pagsubok?

Isiping itala kung paano ka itinataguyod ng Panginoon sa “malalim na tubig” ng iyong buhay.

Doktrina at mga Tipan 127:5–8; 128:1–8

“Ano man ang inyong itinala sa lupa ay maitatala sa langit.”

Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 127:5–8; 128:1–8, alamin ang mga dahilan kung bakit binigyan ng Panginoon si Joseph Smith ng partikular na mga tagubilin tungkol sa pagtatala ng mga binyag para sa mga patay. Ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa Panginoon at sa Kanyang gawain?

binatilyong may mga family name card

Ang paglilingkod sa templo para sa ating mga ninuno ay nagbibigkis sa ating mga puso sa kanila.

Doktrina at mga Tipan 128:5–25

Ang kaligtasan ng aking mga ninuno ay mahalaga sa aking kaligtasan.

Malinaw sa inihayag ng Diyos sa pamamagitan ni Joseph Smith kung bakit kailangan ng ating mga ninuno na hindi nabinyagan sa buhay na ito ang ating tulong para sa kanilang kaligtasan. Pero bakit sa palagay ninyo ang kaligtasan ng ating mga ninuno ay “kinakailangan at lubhang mahalaga sa ating kaligtasan”? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 128:15–18; idinagdag ang italics).

Itinuturo ng talata 5 na ang ordenansa ng pagbibinyag para sa mga patay ay “inihanda bago pa ang pagkakatatag ng daigdig.” Ano ang itinuturo sa iyo ng katotohanang ito tungkol sa pagmamahal ng Diyos at sa Kanyang plano? Ano ang idinaragdag ng mensahe ni Pangulong Henry B. Eyring na “Pagtitipon sa Pamilya ng Diyos” sa iyong pang-unawa? (Liahona, Mayo 2017, 19–22).

Ginamit ni Joseph Smith ang mga pariralang gaya ng “kapangyarihan ng pagbubuklod,” “pag-uugnay,” at “ganap na pagsasama” kapag nagtuturo tungkol sa mga ordenansa ng priesthood at binyag para sa mga patay. Hanapin ang mga ito at ang katulad na mga parirala habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 128:5–25. Ano ang ilan sa mga bagay na, sa pamamagitan ni Jesucristo, ay maaaring mabigkis dahil sa mga ordenansa ng priesthood para sa mga patay? Bakit magandang salita ang “napakapangahas” upang ilarawan ang doktrina ng kaligtasan para sa mga patay? (tingnan sa mga talata 9–11).

Ano ang hinahangaan mo tungkol sa mga salita ni Joseph Smith sa mga talata 19–25? Paano naaapektuhan ng mga talatang ito ang nadarama mo tungkol sa paglilingkod sa templo para sa inyong mga ninuno? tungkol kay Jesucristo? Ano ang nadarama mo na dapat mong gawin? (tingnan sa FamilySearch.org/discovery para sa mga ideya).

Tingnan din sa I Mga Taga Corinto 15:29; Dale G. Renlund, “Family History at Gawain sa Templo: Pagbubuklod at Pagpapagaling,” Liahona, Mayo 2018, 46–49.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Doktrina at mga Tipan 126.Ang pagbasa sa payo na ito na para kay Brigham Young ay maaaring makahikayat sa inyong pamilya na pag-usapan kung paano kayo gugugol ng mas maraming oras sa pagbibigay ng “natatanging kalinga” (talata 3) sa isa’t isa.

Doktrina at mga Tipan 128:15–18.Ano ang ilang nakaliligtas at nakasasakdal na mga pagpapala ng gawain sa family history? Maaari kang makakita ng ilang ideya sa isang awitin tungkol sa family history, tulad ng “Kasaysayan ng Mag-anak” (Aklat ng mga Awit Pambata, 100).

3:30

Doktrina at mga Tipan 128:18.Isiping gumawa ng tanikalang papel na may pangalan ng mga miyembro ng pamilya at mga ninuno sa bawat kawing upang ipakita kung paano lumilikha ang family history at gawain sa templo ng “pag-uugnay” sa ating mga ninuno. Siguro maaari kang magsaliksik sa FamilySearch.org para mahanap ang iba pang mga miyembro ng pamilya at makita kung gaano ang magiging haba ng tanikala.

Doktrina at mga Tipan 128:19–23.Marahil maaaring saliksikin ng mga miyembro ng pamilya ang mga talatang ito na nagpapakita ng kasabikan ni Joseph Smith tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo at sa kaligtasan ng mga patay. Maibabahagi ng mga miyembro ng pamilya ang mga karanasan na naging dahilan ng pagkasabik nila sa gawaing ito—o maaaring sama-sama ninyong hanapin ang gayong mga karanasan sa FamilySearch.org/discovery.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awit: “Kasaysayan ng Mag-anak,” Children’s Songbook, 100.

icon ng mga tinig ng pagpapanumbalik

Mga Tinig ng Pagpapanumbalik

Binyag para sa mga Patay, “isang Bago at Napakagandang Paksa”

sketch ng bautismuhan sa Nauvoo Temple

Ipinakikita ng sketch na ito ang bautismuhan ng Nauvoo Temple na nakapatong sa labindalawang baka.

Phebe at Wilford Woodruff

Si Phebe Woodruff ay nakatira malapit sa Nauvoo nang magsimulang magturo si Joseph Smith tungkol sa binyag para sa mga patay. Isinulat ni Phebe ang tungkol dito sa kanyang asawang si Wilford, na nasa misyon sa England:

“Natutuhan ni Brother Joseph … sa pamamagitan ng paghahayag na ang mga nasa simbahang ito ay maaaring binyagan para sa kanilang mga kamag-anak na namatay at hindi nagkaroon ng pribilehiyong marinig ang ebanghelyong ito, maging para sa kanilang mga anak, magulang, kapatid, mga lolo’t lola, mga tiyo at tiya. … Kaagad pagkatapos silang mabinyagan para sa kanilang mga kaibigan, sila ay palalabasin mula sa bilangguan at maaari silang angkinin sa pagkabuhay na mag-uli at dalhin sila sa kahariang selestiyal—ang doktrinang ito ay malugod na tinanggap ng simbahan at sila ay nagsisilapit nang maramihan, ang ilan ay bibinyagan nang hanggang 16 na beses … sa isang araw.”1

Ganito ang sabi ni Wilford Woodruff kalaunan tungkol sa alituntuning ito: “Sa sandaling narinig ko ito, lumukso ang aking kaluluwa sa tuwa. … Lumapit ako at nabinyagan para sa lahat ng naiisip kong mga yumaong kamag-anak. … Gusto kong purihin nang lubos ang Diyos nang ilabas ang paghahayag sa amin tungkol sa binyag para sa mga patay. Nadama ko na may karapatan kaming magalak sa mga pagpapala ng Langit.”2

Vilate Kimball

Tulad ni Sister Woodruff, narinig ni Vilate Kimball ang tungkol sa binyag para sa mga patay habang ang kanyang asawang si Heber ay nasa malayo at nangangaral ng ebanghelyo. Sumulat siya sa kanya:

“Binuksan ni Pangulong Smith ang isang bago at napakagandang paksa … na naging sanhi ng muling pagkabuhay sa simbahan. … Tungkol iyon sa pagpapabinyag para sa mga patay. Binanggit ito ni Pablo sa Unang Mga Taga Corinto kabanata 15 talata 29. Natanggap ni Joseph ang mas buong paliwanag tungkol dito sa pamamagitan ng Paghahayag. … Pribilehiyo ng simbahang ito na mabinyagan para sa lahat ng kanilang mga kamag-anak na pumanaw na bago pa dumating ang Ebanghelyong ito; maging pabalik sa kanilang Lolo at Lola-sa-tuhod. … Sa paggawa nito, tayo ang kumakatawan sa kanila; at binibigyan natin sila ng pribilehiyong bumangon sa unang pagkabuhay na mag-uli. Sinasabi niyang ang Ebanghelyo ay ipangangaral sa kanila … ngunit walang espiritu na binibinyagan. … Mula nang ang orden na ito ay ipinangaral dito, ang mga tubig ay patuloy na naguguluhan. Sa kumperensya, kung minsan ay mula walo hanggang sampung Elder ang nagbibinyag sa ilog sa bawat pagkakataon. … “Gusto kong mabinyagan para sa aking Ina. Nilayon kong maghintay hanggang sa iyong pag-uwi, ngunit sa huling pagkakataon na nagsalita si Joseph tungkol sa paksa, pinayuhan niya ang bawat isa na kumilos na, at palayain ang kanilang mga kaibigan mula sa pagkaalipin sa lalong madaling panahon. Kaya palagay ko ay susulong na ako sa linggong ito, dahil marami na ring mga kapitbahay ang gumagawa nito. May ilan nang nabinyagan nang maraming beses. … Kaya makikita mong may pag-asa para sa lahat. Hindi ba’t napakagandang doktrina nito?”3

Phebe Chase

Nang matapos ang bautismuhan sa Nauvoo Temple, ang mga binyag para sa mga patay ay isinasagawa roon sa halip na sa ilog. Si Phebe Chase, na nanirahan sa Nauvoo, ay sumulat sa kanyang ina tungkol sa templo, inilalarawan ang bautismuhan bilang lugar kung saan “maaari tayong mabinyagan para sa ating mga yumao at maging mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion.” Patuloy niyang ipinaliwanag na sa bautismuhang ito, “ako ay nabinyagan para sa aking mahal na Itay at sa lahat ng mga yumao kong mga kaibigan. … Ngayon, gusto kong alamin ninyo ang pangalan ng inyong Itay at Inay para mapalaya ko sila, sapagkat nais kong bigyan ng kapanatagan ang mga Patay. … Ang Panginoon ay muling nangusap at ipinanumbalik ang sinaunang orden.”4

Sally Randall

Sa pagsulat niya sa kanyang mga kaibigan at pamilya tungkol sa binyag para sa mga patay, ginunita ni Sally Randall ang pagpanaw ng kanyang anak na si George:

“O, isang panahon ng pagsubok ito sa akin at tila hindi ko pa ito matanggap, ngunit … ang kanyang ama ay nabinyagan na para sa kanya at napakaganda na naniniwala kami at natanggap ang kabuuan ng ebanghelyo gaya ng ipinangangaral dito ngayon at maaari nang mabinyagan para sa lahat ng ating mga yumaong kaibigan at mailigtas silang lahat na masasaliksik natin.

“Nais kong isulat ninyo sa akin ang mga pangalan ng lahat ng ating mga kamag-anakan na nangamatay na hanggang sa mga lolo’t lola natin. Nais kong gawin kung ano ang magagawa ko para mailigtas ang mga kaibigan ko at labis akong matutuwa kung makakarating ang ilan sa inyo at tutulong sa akin dahil napakalaking gawain nito para gawing mag-isa ng isang tao. … Inaasahan kong iisipin ninyong kakaiba ang doktrinang ito ngunit malalaman ninyong totoo ito.”5

Mga Tala

  1. Phebe Woodruff letter to Wilford Woodruff, Oct. 6, 1840, Church History Library, Salt Lake City; ginawang makabago ang pagbabaybay at pagbabantas.

  2. Wilford Woodruff, “Remarks,” Deseret News, Mayo 27, 1857, 91; ginawang makabago ang pagbabantas.

  3. Liham ni Vilate Kimball kay Heber C. Kimball, Okt. 11, 1840, Church History Library, Salt Lake City; ginawang makabago ang pagbabaybay at pagbabantas.

  4. Liham ni Phebe Chase, walang petsa, Church History Library, Salt Lake City; ginawang makabago ang pagbabaybay at pagbabantas. Nang simulan ng mga banal na magsagawa ng mga binyag para sa mga patay, kung minsan ay nabibinyagan ang mga indibiduwal para sa kapakanan ng mga ninuno na lalaki at babae. Kalaunan ay inihayag na ang lalaki ay dapat mabinyagan para sa kalalakihan at ang mga babae para sa kababaihan.

  5. Liham ni Sally Randall, Abr. 21, 1844, Church History Library, Salt Lake City; ginawang makabago ang pagbabaybay at pagbabantas.

bautismuhan sa Ogden Utah Temple

Ang bautismuhan sa Ogden Utah Temple ay nakapatong sa likod ng labindalawang baka.