“Oktubre 25–31. Doktrina at mga Tipan 124: ‘Isang Bahay sa Aking Pangalan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Oktubre 25–31. Doktrina at mga Tipan 124,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021
Oktubre 25–31
Doktrina at mga Tipan 124
“Isang Bahay sa Aking Pangalan”
Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 124, pagnilayan ang mga pagpapala na inanyayahan ng Panginoon ang mga Banal sa Nauvoo na tanggapin at ang mga pagpapalang alok Niya sa iyo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Kahit gayon kahirap ang nakalipas na anim na taon para sa mga Banal, nagsimulang gumanda ang sitwasyon noong tagsibol ng 1839: Ang nagsilikas na mga Banal ay pinakitaan ng habag ng mga mamamayan ng Quincy, Illinois. Pinayagan ng mga guwardiya na makatakas sa pagkakakulong sa Missouri si Propetang Joseph Smith at ang iba pang mga pinuno ng Simbahan. At kabibili lang ng Simbahan ng lupa sa Illinois kung saan ang mga Banal ay maaaring magtipon muli. Oo, maputik ito, lupaing pinamumugaran ng mga lamok, ngunit kumpara sa mga pagsubok na dinanas na ng mga Banal, mukhang mas makakayanan nila ito. Kaya pinatuyo nila ang latian at nagbalangkas ng isang charter para sa isang bagong lungsod, na pinangalanan nilang Nauvoo. Ibig sabihin nito sa wikang Hebreo ay “maganda,” bagama’t ito ay mas pagpapakita ng pananampalataya kaysa sa isang tumpak na paglalarawan, kahit paano noong una. Samantala, ipinadama ng Panginoon sa Kanyang Propeta na kailangang kumilos kaagad. Marami pa Siyang ipanunumbalik na mga katotohanan at ordenansa, at kailangan Niya ng isang banal na templo kung saan matatanggap ng mga Banal ang mga ito. Sa maraming paraan, ang ganito ring pakiramdam ng pananampalataya at madaliang pagkilos ay mahalaga sa gawain ng Panginoon ngayon.
Bagama’t ang Nauvoo ay naging isang magandang lungsod na may magandang templo, kapwa iniwan kalaunan ang mga ito. Ngunit ang totoo pala, ang magandang gawain ng Panginoon ay ang “putungan kayo ng karangalan, ng kawalang-kamatayan, at buhay na walang-hanggan” (Doktrina at mga Tipan 124:55), at ang gawaing iyan ay hindi kailanman natatapos.
Tingnan sa Mga Banal, 1:455–488; “Organizing the Church in Nauvoo,” Revelations in Context, 264–71.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 124:12–21
Maaari akong maging isang disipulo na pinagkakatiwalaan ng Panginoon.
Bagama’t nilisan ng ilang mga kilalang pinuno ang Simbahan sa huling bahagi ng 1830s, nanatiling tapat ang karamihan ng mga miyembro. Kasama sa matatapat na mga Banal na ito ang mga taong nakapagtiis ng mga pagsubok sa Missouri gayundin ang kamakailan lamang sumapi sa Simbahan. Sa Doktrina at mga Tipan 124:12–21, nagsalita ang Panginoon nang may pagpapahalaga sa ilan sa kanila. Anong mga ideya tungkol sa pagiging disipulo ang nakikita mo sa Kanyang mga salita? Mayroon bang anumang bagay tungkol sa matatapat na Banal na ito na nagbibigay-inspirasyon sa iyo na maging katulad nila? Maaari mo ring pagnilayan kung paano ipinahayag ng Panginoon ang Kanyang pagmamahal sa iyo.
Doktrina at mga Tipan 124:22–24, 60–61.
Nais ng Panginoon na malugod kong kausapin at tanggapin ang iba.
Kung iisipin ang dinanas ng mga Banal sa Missouri, maaari silang matukso na ihiwalay ang kanilang sarili at hindi na magpapunta ng mga bisita sa Nauvoo. Tandaan iyan habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 124:22–24, 60–61. Ano ang hinahangaan mo tungkol sa mga tagubilin ng Panginoon na magtayo ng “bahay para paupahan”? (talata 23). Ano ang itinuturo sa iyo ng Kanyang mga salita tungkol sa misyon ng Kanyang Simbahan? Pag-isipang mabuti kung paano angkop ang mga tagubiling ito sa iyo at sa inyong tahanan.
Tingnan din ang “A Friend to All,” video, ChurchofJesusChrist.org.
Doktrina at mga Tipan 124:25–45, 55
Inuutusan tayo ng Panginoon na magtayo ng mga templo upang matanggap natin ang mga sagradong ordenansa.
Hindi na nagulat ang mga Banal sa mga Huling Araw na nang nakatira na sila sa Nauvoo, binigyan sila ng Panginoon ng mga tagubilin tungkol sa pagtatayo ng templo—tulad ng ginawa Niya sa Ohio at Missouri. Ano ang nakikita mo sa Doktrina at mga Tipan 124:25–45, 55 na nakatutulong sa iyo na maunawaan kung bakit sinabi ng Panginoon na, “Ang aking mga tao ay tuwinang inuutusang magtayo [ng mga templo] sa aking banal na pangalan”? (talata 39).
Mula nang maitayo ang Nauvoo Temple, mahigit 200 templo na ang naitayo o ibinalitang itatayo. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Alam natin na ang ating oras sa templo ay mahalaga sa ating kaligtasan at kadakilaan, at gayundin sa ating pamilya. … Ang mga pagsalakay ng kalaban ay lalong nadaragdagan, sa tindi at sa iba’t ibang uri. Ang pangangailangan sa malimit na pagpunta natin sa templo ay mas lalo nang napakahalaga sa ngayon” (“Pagiging Kapuri-puring mga Banal sa mga Huling Araw,” Liahona, Nob. 2018, 114). Paano nakatulong sa iyo ang templo na paglabanan ang “mga pagsalakay ng kalaban”? Ano ang nadarama mo na dapat mong gawin upang masunod ang payo ni Pangulong Nelson?
Tingnan din sa Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, “Nauvoo Temple,” ChurchofJesusChrist.org/study/church-history.
Doktrina at mga Tipan 124:84–118
Nais ng Panginoon na bigyan ako ng partikular na payo para sa buhay ko.
Ang mga talata 84–118 ay puno ng mga payo sa partikular na mga indibiduwal, at ang ilan ay maaaring tila hindi mahalaga sa iyong buhay. Ngunit maaari ka ring makahanap ng isang bagay na kailangan mong marinig. Isiping itanong sa Panginoon kung ano ang mensaheng inilaan Niya para sa iyo sa mga talatang ito, at hangarin ang patnubay ng Espiritu upang mahanap ito. Pagkatapos ay magpasiya kung ano ang gagawin mo upang magawa ito. Halimbawa, paano makatutulong ang pagiging mas mapagpakumbaba upang matanggap mo ang Espiritu? (tingnan sa talata 97).
Maaari mo ring pagnilayan ang ibang payo na ibinigay sa iyo ng Panginoon. Paano ka kumikilos ayon doon?
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
Doktrina at mga Tipan 124:2–11.Kung sinabi ng Panginoon sa inyong pamilya na “gumawa ng kapita-pitagang pagpapahayag ng aking ebanghelyo” sa lahat ng “hari ng daigdig” (talata 2–3), ano ang sasabihin ninyo sa inyong pahayag? Maaaring sama-samang gumawa ng isang pahayag, at anyayahan ang mga kapamilya na magmungkahi ng mga katotohanan ng ebanghelyo na gusto nilang isama rito.
-
Doktrina at mga Tipan 124:15.Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng integridad? Bakit pinahahalagahan ng Panginoon ang integridad? Anong mga halimbawa ng integridad ang nakita ng inyong pamilya? (Tingnan din sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, 19.)
-
Doktrina at mga Tipan 124:28–29; 40–41, 55.Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa kung bakit iniuutos sa atin ng Panginoon na magtayo ng mga templo? Maaaring naisin ng inyong pamilya na magdrowing ng larawan ng isang templo o gumawa nito gamit ang mga block o iba pang mga materyal. Habang ginagawa ninyo ito, maaari ninyong talakayin kung bakit kayo nagpapasalamat na may mga templo tayo ngayon at bakit kailangan nating regular na sumamba sa loob ng mga ito.
-
Doktrina at mga Tipan 124:91–92.Makikinabang ba ang inyong pamilya sa isang talakayan tungkol sa mga patriarchal blessing? Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng pamilya na nakatanggap na ng kanilang patriarchal blessing kung ano ang pakiramdam ng makatanggap nito at kung paano sila napagpala nito. Maaari din ninyong rebyuhin ang “Patriarchal Blessings” (Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org).
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “Templo’y Ibig Makita,” Aklat ng mga Awit Pambata, 99.
Mga Tinig ng Pagpapanumbalik
Ang Relief Society
Noong 1842, matapos maorganisa ang Relief Society sa Nauvoo, Illinois, sinabi ni Propetang Joseph Smith, “Nang maorganisa ang kababaihan ay noon lamang ganap na nabuo ang organisasyon ng Simbahan.”1 Gayundin, ang pag-aaral tungkol sa Pagpapanumbalik ng Simbahan ng Panginoon at ng Kanyang priesthood (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107) ay hindi kumpleto hangga’t hindi kabilang dito ang pag-aaral ng tungkol sa Relief Society, na mismo ay “panunumbalik ng huwaran noong unang panahon” ng mga babaeng disipulo ni Jesucristo.2
Si Eliza R. Snow ay may mahalagang ginampanan sa pagpapanumbalik na iyon. Naroon siya nang unang inorganisa ang Relief Society at, bilang kalihim ng samahan, ay nagtala ng mga kaganapan ng mga pulong nito. Nasaksihan niya mismo nang maorganisa ang Relief Society “ayon sa pagkakaayos ng priesthood.”3 Nasa ibaba ang kanyang mga salita, na isinulat noong naglilingkod pa siya bilang General President ng Relief Society, upang matulungan ang kanyang mga kapatid na maunawaan ang banal na gawain na ipinagkatiwala sa mga pinagtipanang anak na babae ng Diyos.
Para malaman pa ang tungkol sa kung paano inorganisa ang Relief Society, tingnan sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society (2017), 1–30.
Eliza R. Snow
“Bagama’t maaaring makabago ang pangalang [Relief Society], ang institusyon ay mula pa noong unang panahon. Sinabi sa atin ni [Joseph Smith], na mayroon ding ganitong organisasyon sa Simbahan noong unang panahon, kung saan may mga pahiwatig sa ilan sa mga sulat na nakatala sa Bagong Tipan, gamit ang katawagang, ‘hinirang na babae’ [tingnan sa II Ni Juan 1:1; Doktrina at mga Tipan 25:3].
“Ito ay isang organisasyon na hindi maaaring umiral kung wala ang Priesthood, dahil sa katotohanan na ang lahat ng awtoridad at impluwensya nito ay dito nagmumula. Noong binawi ang Priesthood mula sa lupa, ang institusyong ito pati na rin ang bawat isa sa iba pang mga organisasyon ng tunay na orden ng simbahan ni Jesucristo sa lupa, ay naglaho. …
“Dahil naroon sa pagkakatatag ng ‘Female Relief Society of Nauvoo,’.… at dahil din sa malaking karanasan sa samahan na iyon, marahil makapagbibigay ako ng ilang payo na tutulong sa mga anak na babae ng Sion sa pagtupad sa tungkuling ito na napakahalaga, na puno ng mga bago at malalaking responsibilidad. Kung mayroon mang mga anak na babae o mga ina sa Israel na nakadarama kahit paano na limitado ang nagagawa nila, ngayon ay magkakaroon sila ng sapat na pagkakataon na maipakita ang lakas at kakayahan nila sa paggawa ng kabutihan na saganang ipinagkaloob sa kanila. …
“Sakaling magkaroon ng anumang katanungan sa isipan, na, Ano ang layunin ng Female Relief Society? Ang isasagot ko—ang gumawa ng kabutihan—ang magamit ang bawat kakayahang taglay natin sa paggawa ng kabutihan, hindi lamang sa pagbibigay-ginhawa sa mga maralita kundi sa pagliligtas ng mga kaluluwa. Ang sama-samang pagtutulungan ay makagagawa nang higit kaysa sa magagawa ng pinakamahusay na kakayahan ng indibiduwal. …
“Sa pangangasiwa sa mga maralita, ang Female Relief Society ay may iba pang mga tungkuling dapat gampanan bukod sa pagtulong sa mga pangangailangan ng katawan. Ang kadahupan sa kaalaman ng isipan at kapighatian ng puso, ay nangangailangan din ng pansin; at maraming beses na ang magiliw na pananalita—ilang payo, o maging ang magiliw at taos-pusong pakikipagkamay ay mas maraming kabutihang nagagawa at mas napahahalagahan kaysa sa isang supot ng ginto. …
“Kapag ang mga Banal ay nagtipon mula sa ibang bansa, na mga taga-ibang bayan sa lahat ng tao, at maaaring mailigaw ng mga taong nakaambang manlinlang, ang [Relief] Society ay dapat kaagad mangalaga sa [kanila], at ipakilala sa kanila ang samahan na magdadalisay at magdadakila, at higit sa lahat palalakasin sila sa kanilang pananampalataya sa Ebanghelyo, at sa paggawa niyon, ay maaaring maging kasangkapan sa pagliligtas ng marami.
“Mangangailangan ng maraming aklat upang matukoy ang mga tungkulin, pribilehiyo at responsibilidad na saklaw ng Society. … Gawin ito (sa ilalim ng pamamahala ng inyong bishop) nang mahinahon, nang kusa, nang buong sigla, nang sama-sama at may panalangin, at puputungan ng Diyos ng tagumpay ang inyong mga pagsisikap.”4