“Oktubre 11–17. Doktrina at mga Tipan 115–120: ‘Ang Kanyang Hain ay Mas Banal sa Akin Kaysa sa Kanyang Yaman,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Oktubre 11–17. Doktrina at mga Tipan 115–120,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021
Oktubre 11–17
Doktrina at mga Tipan 115–120
“Ang Kanyang Hain ay Mas Banal sa Akin Kaysa sa Kanyang Yaman”
Nais ng Diyos na mangusap sa iyo. Habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan, manalangin at hilingin sa Kanya na tulungan kang matuklasan ang Kanyang mga mensahe para sa iyo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mayroong dahilan para maging maganda ang pananaw tungkol sa pinakabagong lugar na pagtitipunan ng mga Banal, ang Far West, Missouri, noong Hulyo 1838. Mabilis ang paglago ng lungsod, tila masagana ang lupain, at ipinahayag na hindi kalayuan sa hilaga ay naroon ang Adan-ondi-Ahman, isang lugar ng malaking espirituwal na kahalagahan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:53–56; 116). Gayunpaman, siguro mahirap para sa mga Banal na hindi isipin ang nawala sa kanila. Sila ay itinaboy mula sa Independence, ang itinalagang sentro ng Sion, at malamang na malabo ang posibilidad na makabalik kaagad. Bukod pa rito, ang mga Banal ay kinailangang tumakas sa Kirtland, Ohio, at iniwan ang pinakamamahal nilang templo pagkatapos lamang ng dalawang taon. At sa pagkakataong ito hindi lamang mga kaaway sa labas ng Simbahan ang nanggugulo—maraming kilalang mga miyembro ang tumalikod kay Joseph Smith, kabilang na ang Tatlong Saksi ng Aklat ni Mormon at ang apat na miyembro ng Labindalawa. Maaaring inisip ng ilan noon, Ang kaharian ba ng Diyos ay talagang lumalakas, o ito ay humihina?
Subalit hindi hinayaan ng matatapat na pigilan sila ng gayong uri ng mga tanong. Sa halip, sinimulan nilang itayo ang bagong banal na lugar, sa pagkakataong ito ay sa Far West. Sila ay gumawa ng plano para sa isang bagong templo. Apat na bagong Apostol ang tinawag, kabilang na ang dalawa—sina John Taylor at Wilford Woodruff—na kalaunan ay magiging mga Pangulo ng Simbahan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 118:6). Nalaman ng mga Banal na ang paggawa ng gawain ng Diyos ay hindi nangangahulugan na hindi ka kailanman mabibigo; nangangahulugan ito na ikaw ay “babangon muli.” At kahit kailangan mong talikuran ang ilang bagay, ang mga sakripisyong iyon ay magiging sagrado sa Diyos, magiging “mas banal … kaysa sa [inyong] yaman” (Doktrina at mga Tipan 117:13).
Tingnan sa Mga Banal, 1:338–341.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Ang pangalan ng Simbahan ay itinalaga ng Panginoon.
Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson na ang pangalan ng Simbahan ay isang “napakahalagang bagay” (“Ang Tamang Pangalan ng Simbahan,” Liahona, Nob. 2018, 87). Isipin kung bakit totoo ito habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 115:4–6. Ano ang kinalaman ng pangalan ng Simbahan sa gawain at misyon nito?
Tingnan din sa 3 Nephi 27:1–11.
Nag-aalok ang Sion at ang kanyang mga istaka ng “kanlungan mula sa bagyo.”
Sa kabila ng mga hirap na dinaranas ng mga Banal noong 1838, mataas pa rin ang inaasahan ng Panginoon sa kanila. Hanapin ang mga salita sa Doktrina at mga Tipan 115:5–6 na nagbibigay-diin sa papel na nais ng Panginoon na gampanan ng Kanyang Simbahan at ng mga miyembro nito sa mundo. Halimbawa, ano sa pakiramdam mo ang dapat mong gawin upang “bumangon at magliwanag”? (talata 5). Anong mga espirituwal na bagyo ang napapansin mo sa paligid mo, at paano tayo makahahanap ng “kanlungan” sa pamamagitan ng pagtitipon? (talata 6).
Tingnan din sa 3 Nephi 18:24.
Ang aking mga sakripisyo ay sagrado sa Panginoon.
Ang paglisan sa Kirtland ay malamang na mahirap para sa mga taong tulad ni Newel K. Whitney, na nakapagpundar ng maunlad na buhay para sa kanyang pamilya roon. Ano ang nakikita mo sa Doktrina at mga Tipan 117:1–11 na maaaring nakatulong sa kanila na gawin ang sakripisyong ito? Paano binabago ng mga talatang ito ang iyong pananaw tungkol sa kung ano ang talagang mahalaga?
Kakaiba ang sakripisyong hiniling kay Oliver Granger: inatasan siya ng Panginoon na manatili sa Kirtland at ayusin ang pananalapi ng Simbahan. Ito ay isang mabigat na gawain, at habang kinakatawan niya ang Simbahan nang may integridad, sa huli ay hindi niya nabawi ang maraming pera. Pag-isipan kung paano maiaangkop ang mga salita ng Panginoon sa mga talata 12–15 sa mga bagay na ipinagagawa sa iyo ng Panginoon.
Tingnan din sa Mateo 6:25–33; Boyd K. Packer, “Sa Pinakamaliit na Ito,” Liahona, Nob. 2004, 86–88.
Sa pagbabayad ng ikapu, tumutulong ako sa pagtatayo at “pagpapabanal ng lupain ng Sion.”
Ang mga tagubilin sa mga bahagi 119 at 120 ay natutulad sa paraan ng pagtustos sa gawain ng Panginoon sa ating panahon. Ngayon, ang mga Banal ay nag-aambag ng “ikasampung bahagi ng lahat ng kanilang tinubo [ngayon ay naunawaan bilang kita] taun-taon” (Doktrina at mga Tipan 119:4), at ang mga pondong ito ay pinamamahalaan ng Unang Panguluhan, Korum ng Labindalawa, at Presiding Bishopric. Isipin ang sumusunod na mga tanong habang pinag-aaralan ninyo ang mga bahaging ito:
-
Paanong ang pagsunod sa batas ng ikapu ay “pinababanal ang lupain ng Sion”? Paano makatutulong ang batas na ito upang ang lugar kung saan ka nakatira ay maging “lupain ng Sion sa inyo”? (Doktrina at mga Tipan 119:6).
-
Ano ang mahalaga sa iyo tungkol sa pariralang “sa pamamagitan ng sarili kong tinig sa kanila” sa Doktrina at mga Tipan 120?
Tingnan din sa Malakias 3:8–12; David A. Bednar, “Mga Dungawan sa Langit,” Liahona, Nob. 2013, 17–20.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
-
Doktrina at mga Tipan 115:4–6.Magagawa ba ng inyong pamilya na basahin ang mga talatang ito habang pinanonood ang pagsikat ng araw? Maaaring makatulong sa inyo na talakayin ang kahulugan ng “bumangon at magliwanag” (talata 5). O maaari din ninyong talakayin kung ano ang pakiramdam ng humanap ng kanlungan sa oras na may malakas na bagyo. Paano maaaring tulad ang karanasang iyan sa paghahanap ng “kanlungan” sa Simbahan? (talata 6). Pagkatapos ay maaari ninyong pag-usapan ang mga paraan na matutulungan ng inyong pamilya ang iba na masiyahan sa kanlungang laan ng Simbahan.
-
Doktrina at mga Tipan 117:1–11.Maaaring ikumpara ng inyong pamilya ang isang “patak” sa isang bagay na mas “mabigat” (talata 8), tulad ng isang jug ng tubig. Maaari itong humantong sa isang talakayan tungkol sa di-gaanong mahalagang bagay na maaaring makahadlang sa atin sa pagtanggap ng mga saganang pagpapala ng Diyos.
-
Doktrina at mga Tipan 119. Ano ang itinuturo ng bahagi 119 tungkol sa kung bakit tayo nagbabayad ng ikapu? Maaaring makinabang din ang maliliit na bata sa isang object lesson: maaari mo silang bigyan ng maliliit na bagay, tulungan silang kalkulahin ang ikasampung bahagi, at sabihin sa kanila kung bakit ka nagbabayad ng ikapu. (Tingnan din sa Tapat sa Pananampalataya,35–37.)
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.