“Oktubre 18–24. Doktrina at mga Tipan 121–123: ‘O Diyos, Nasaan Kayo?’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Oktubre 18–24. Doktrina at mga Tipan 121–123,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021
Oktubre 18–24
Doktrina at mga Tipan 121–123
“O Diyos, Nasaan Kayo?”
Magiging mas makabuluhan ang iyong karanasan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan kung ang iyong layunin ay ang matuklasan ang katotohanan. Magsimula sa panalangin, makinig sa Espiritu, at itala ang iyong mga impresyon.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Ang ilalim ng kulungang-bayan sa Liberty, Missouri, ay kilala bilang bartolina. Makakapal ang dingding, ang batong sahig ay malamig at marumi, ang pagkain—kung ano man iyon—ay panis, at ang tanging liwanag ay nagmumula sa dalawang makikitid na bintanang may rehas na bakal na malapit sa kisame. Dito sa bartolinang ito ginugol ni Joseph Smith at ng ilan sa kanyang mga kapatid ang malaking bahagi ng kanilang pagkakakulong—apat na napakalalamig na buwan noong taglamig ng 1838–39—naghihintay ng paglilitis sa kaso ng pagtataksil laban sa estado ng Missouri. Sa panahong ito, si Joseph ay palaging nakatatanggap ng balita tungkol sa pagdurusa ng mga Banal. Ang kapayapaan at magandang pananaw ng Far West ay tumagal lamang ng ilang buwan, at ngayon, ang mga Banal ay wala na namang mga tirahan, itinaboy patungo sa ilang para maghanap ng ibang lugar upang magsimulang muli—sa panahong ito ang kanilang Propeta ay nasa bilangguan.
Kaya pala napabulalas si Joseph, “O Diyos, nasaan kayo?” Ang sagot na natanggap niya, ang “kaalaman mula sa Langit” na “bumuhos” sa miserableng piitan na iyon, ay nagpakita na bagama’t hindi laging ganoon ang pakiramdam, ang Diyos ay hindi kailanman malayo. Nalaman ng Propeta na walang kapangyarihan na “pipigil sa kalangitan.” “Makakasama ng Diyos ang [Kanyang matatapat na mga Banal] magpakailanman at walang katapusan.” (Doktrina at mga Tipan 121:1, 33; 122:9.)
Tingnan sa Mga Banal, 1:369–452.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 121:1–10, 23–33; 122
Ang paghihirap ay maaaring “para sa [aking] ikabubuti.”
Kapag tayo o ang mga mahal natin sa buhay ay nasa gitna ng pagdurusa, normal lang na isipin kung batid ng Diyos ang nangyayari sa atin. Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 121:1–6, isipin ang mga pagkakataon na ikaw ay may mga tanong o damdaming katulad ng kay Joseph Smith. Ano ang nakikita mo sa sagot ng Panginoon na maaaring makatulong sa iyo kapag mayroon kang gayong mga tanong o damdamin? Halimbawa, sa mga talata 7–10, 26–33, pansinin ang mga pagpapalang ipinapangako Niya sa mga taong “pinagtitiisang mabuti [ang pagdurusa].” Habang binabasa mo ang bahagi 122, isipin kung paano ang nais ng Panginoon na maging pananaw mo sa iyong mga paghihirap.
Tingnan din sa Henry B. Eyring, “Nasaan ang Pabilyon?” Liahona, Nob. 2012, 72–75.
Doktrina at mga Tipan 121:34–46
Maaari nating magamit ang “mga kapangyarihan ng langit.”
Sa tila walang kapangyarihang kalagayan sa Liberty Jail, si Joseph ay binigyan ng paghahayag tungkol sa kapangyarihan—hindi kapangyarihan sa pulitika o military na ginamit sa mga Banal kundi “ang mga kapangyarihan ng langit.” Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 121:34–46, ano ang natututuhan mo tungkol sa kapangyarihan ng Diyos? Paano ito naiiba sa kapangyarihan ng mundo? Halimbawa, tingnan ang mga salitang ginagamit ng Panginoon sa mga talata 41–43 para ilarawan ang “kapangyarihan o impluwensya.” Ano ang itinuturo ng mga ito tungkol sa kung paano napapanatili ng Diyos ang Kanyang “kapangyarihan o impluwensya”? Marahil mahihikayat ka ng mga talatang ito na pag-isipang mabuti ang iyong buhay at kung ano ang magagawa mo para maging mabuting impluwensya sa iyong mga pakikipag-ugnayan sa ibang tao.
Si Jesucristo ay nagpakababa-baba sa lahat ng bagay.
Hindi makatarungan ang pagkakulong kay Joseph Smith sa loob ng mahigit apat na buwan samantalang ang kanyang mga kaibigan at pamilya ay itinataboy sa kanilang mga tahanan. Ang gawaing pinaglaanan niya ng kanyang buhay ay tila gumuguho. Ano ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo sa mga sinabi Niya kay Joseph sa bahagi 122? Ano ang natututuhan mo tungkol kay Joseph? Ano ang natututuhan mo tungkol sa iyong sarili?
Tingnan din sa Alma 7:11–13; 36:3; Doktrina at mga Tipan 88:6.
“Ating malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya.”
Noong Marso 1839, tila wala nang gaanong magagawa ang mga Banal para baguhin ang kanilang nakapanlulumong sitwasyon. Pero sa kanyang mga liham na isinulat mula sa Liberty Jail, sinabi ni Joseph kung ano ang maaari nilang gawin: “[mangalap] ng kaalaman ng mga tunay na pangyayari” at “tumayong hindi natitinag, may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 123:1, 17). Habang iniisip mo ang panlilinlang at “pandaraya ng mga tao” sa mundo ngayon, isipin ang mga bagay na “abot ng [iyong] makakayang” gawin (talata 12, 17). Bakit mahalagang gawin ang mga bagay nang “malugod”? (talata 17). Sino ang kilala mo na “napagkakaitan ng katotohanan” (talata 12), at paano mo matutulungan ang taong ito upang mahanap ito?
Marami sa mga tala na hiniling ni Joseph sa sulat na ito ay isinumite sa pamahalaan at inilathala bilang 11-bahaging serye sa pahayagan ng Nauvoo, ang Times and Seasons (tingnan sa “A History, of the Persecution, of the Church of Jesus Christ, of Latter Day Saints in Missouri, December 1839–October 1840,” [josephsmithpapers.org]).
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
-
Doktrina at mga Tipan 121:1–10.Ang sukat ng “bartolina” sa Liberty Jail ay 14 x 14.5 talampakan (4.2 x 4.4 metro). Paano mo matutulungan ang inyong pamilya na isipin kung ano kaya ang pakiramdam ng mamalagi sa espasyo na ganoon lamang ang sukat sa loob ng apat na malalamig na buwan? Maaari mong mahanap ang iba pang mga detalye tungkol sa mga kalagayan sa Piitang Liberty sa “Kabanata 46: Joseph Smith sa Piitang Liberty” (Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 173–75). Maaari mo ring basahin ang “Mga Tinig ng Pagpapanumbalik: Liberty Jail” sa dulo ng outline na ito. Paano naaapektuhan ng impormasyong ito ang nadarama natin tungkol sa mga alituntunin sa Doktrina at mga Tipan 121:1–10?
-
Doktrina at mga Tipan 121:34–36, 41–45.Makatutulong marahil ang isang analohiya para maunawaan ng inyong pamilya ang “mga kapangyarihan ng langit.” Halimbawa, maaari mong ikumpara ang kapangyarihan ng Diyos sa kuryente; ano ang maaaring pumigil sa electrical device sa pagtanggap ng power o kuryente? Ano ang itinuturo sa atin ng analohiyang ito, pati na ang mga talata 34–36, 41–45, tungkol sa kung paano madaragdagan ang ating espirituwal na lakas o kapangyarihan? Marahil ay makapagbabahagi ang mga miyembro ng pamilya ng mga kuwento mula sa buhay ng Tagapagligtas na nagpapakita ng mga katangiang ito.
-
Doktrina at mga Tipan 122:7–9.Marahil magugustuhan ng mga miyembro ng pamilya ang paggawa ng maliliit na karatula na nasusulatan ng mga parirala mula sa mga talatang ito na nagbigay-inspirasyon sa kanila. Maaaring idispley ang mga karatulang ito sa inyong tahanan. Bakit mahalagang malaman na “ang Anak ng Tao ay nagpakababa-baba” sa lahat ng bagay?
-
Doktrina at mga Tipan 123:12.Paano natin matutulungan ang mga tao na “malaman kung saan … matatagpuan” ang katotohanan?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “Saan Naroon ang Aking Kapayapaan?” Mga Himno, blg. 74.
Mga Tinig ng Pagpapanumbalik
Piitan ng Liberty
Habang nakakulong sa Liberty, Missouri, si Joseph Smith ay nakatanggap ng mga sulat na nagpapabatid sa kanya tungkol sa mapanganib na sitwasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw na pinalalayas sa estado sa utos ng gobernador. Dumating ang isang nakaaantig na liham mula sa kanyang asawang si Emma. Ang kanyang mga sinabi, at ang liham ni Joseph bilang sagot, ay nagpapahayag kapwa ng kanilang mga pagdurusa at pananampalataya sa mahirap na panahong ito sa kasaysayan ng Simbahan.
Liham ni Emma Smith kay Joseph Smith, Marso 7, 1839
“Mahal kong Asawa
“Dahil may pagkakataon na magpadala sa pamamagitan ng isang kaibigan, magtatangka akong sumulat, pero hindi ko isusulat ang lahat ng nasa damdamin ko, dahil sa sitwasyon mo ngayon, mga dingding, rehas, at roskas, dumadaloy na ilog, dumadaloy na sapa, mga tumataas na burol, palubog na mga lambak at malawak na mga parang na naghihiwalay sa atin, at ang malupit na kawalang-katarungan na dahilan ng pagkabilanggo mo at nariyan ka pa rin ngayon, at marami pang ibang konsiderasyon, hindi ko kayang ilarawan ang aking nadarama.
“Kung hindi ko alam na tayo ay inosente o walang kasalanan at kung hindi namagitan ang banal na awa, natitiyak ko na hindi ko magagawang tiisin ang mga pagdurusa na dinanas ko … ; ngunit patuloy pa rin akong nabubuhay at handa akong magdusa pa kung iyon ang kalooban ng mabait na Langit na dapat kong gawin para sa iyong kapakanan.
“Kaming lahat ay nasa mabuting kalagayan sa kasalukuyan, maliban kay Fredrick na maysakit.
“Ang munting si Alexander na karga ko ngayon sa aking mga bisig ay isa sa pinakamagagandang sanggol na nakita mo sa iyong buhay. Napakalakas niya na habang itinutulak ang isang silya ay tatakbo siya sa buong silid. …
“Walang sinuman kundi ang Diyos ang nakakaalam sa mga pagninilay-nilay ng aking isipan at sa nadarama ng aking puso nang lisanin ko ang ating bahay at tahanan, at halos lahat ng bagay na ating pag-aari maliban sa ating maliliit na Anak, at naglakbay ako palabas ng Estado ng Missouri, iniwan kang nakakulong sa malungkot na piitang iyan. Datapwat ang alaala ay higit kaysa sa mababata ng sangkatauhan. …
“… Umaasa ako na may mas magagandang araw na darating pa sa atin. … [Ako ay] sumasaiyo nang buong pagmamahal.
“Emma Smith”1
Liham ni Joseph Smith kay Emma Smith, Abril 4, 1839
“Mahal ko—at mapagmahal kong—Asawa.
“Noong huwebes ng gabi, naupo ako habang palubog na ang araw, habang nakasilip kami sa pagitan ng mga rehas ng malungkot na piitang ito, upang sumulat sa iyo, upang maipabatid ko sa iyo ang aking sitwasyon. Naniniwala ako na mga limang buwan at anim na araw na2 ako ngayong binabantayan ng isang nakasimangot na guwardiya gabi’t araw, at sa loob ng mga pader, rehas, at lumalangitngit na mga pintuang bakal ng isang mapanglaw, madilim, at maruming bilangguan. Taglay ang mga damdaming batid lamang ng Diyos ay isinusulat ko ito. Ang mga nilalaman ng aking isipan sa sitwasyong ito ay hindi kayang isulat, o bigkasin, o ilarawan ng mga anghel sa isang taong hindi pa nakaranas ng naranasan natin. … Umaasa kami sa lakas ni Jehova, at wala nang iba, para sa aming kaligtasan, at kung hindi niya gagawin ito, hindi mangyayari ito, makatitiyak kayo, sapagka’t maraming tao sa estado na ito ang gustong paslangin kami; hindi dahil sa nakagawa kami na anumang pagkakasala. … Mahal kong Emma patuloy kitang naiisip at ang mga bata. … Gusto kong makita ang munting si Frederick, sina Joseph, Julia, Alexander, Joana, at ang matandang si major [ang aso ng pamilya]. … Matutuwa akong maglakad mula rito papunta sa iyo nang nakayapak, at walang sombrero, at walang pang-itaas, para makita kayo at masiyahan nang husto, at hindi ito ituturing na paghihirap. … Tinitiis ko nang may katatagan ang lahat ng kaapihan ko, gayundin ang mga kasamahan ko; wala ni isa sa amin ang natitinag. Gusto kong huwag mong hayaan na malimutan ako ng [ating mga anak]. Sabihin mo sa kanila na ganap ang pagmamahal sa kanila ni Itay, at ginagawa niya ang lahat para makatakas sa mga mandurumog upang makauwi sa kanila. … Sabihin mo sa kanila na sabi ni Itay ay kailangang maging mabubuting anak sila, at ingatan ang kanilang ina. …
“Sumasaiyo,
“Joseph Smith Jr.”3