“Nobyembre 8–14. Doktrina at mga Tipan 129–132: ‘Kapag Tayo ay Nagtatamo ng Anumang mga Pagpapala mula sa Diyos, Ito ay Dahil sa Pagsunod,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Nobyembre 8–14. Doktrina at mga Tipan 129–132,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021
Nobyembre 8–14
Doktrina at mga Tipan 129–132
“Kapag Tayo ay Nagtatamo ng Anumang mga Pagpapala mula sa Diyos, Ito ay Dahil sa Pagsunod”
Ang mga bahagi 129–32 ay nagtuturo ng maraming mahahalagang alituntunin, iilan lamang sa mga ito ang itinampok sa outline na ito. Anong iba pang mga katotohanan ang nakikita mo?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Minsang sinabi ni Brigham Young tungkol kay Joseph Smith, siya ay may “kakayahang maipaunawa ang mga makalangit na bagay sa mga taong limitado ang kaalaman” (sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith, 585). Ito ay tila lubos na totoo sa mga turo ng Propeta sa Nauvoo noong 1840s, na ang ilan ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 129–32. Ano ba ang hitsura ng Tagapagligtas? “Siya ay isang tao tulad ng ating sarili.” Ano ang hitsura ng langit? “Yaon ding lipunan na umiiral sa atin dito ang iiral sa atin doon” (Doktrina at mga Tipan 130:1–2), at ang pinakamahalagang ugnayan ng ating pamilya sa mundong ito, kung ibubuklod sa pamamagitan ng wastong awtoridad, “ay magkakaroon ng buong bisa” sa kabilang-buhay (Doktrina at mga Tipan 132:19). Sa mga katotohanang tulad nito madarama na hindi malayo ang langit—maluwalhati, ngunit kayang abutin.
Gayon man, kung minsan ay maaaring may ipagawa sa atin ang Diyos na hindi tayo komportableng gawin kaya’t parang hindi ito kayang magawa. Para sa maraming sinaunang mga Banal, ang pag-aasawa nang higit sa isa ay isang utos na hindi komportableng gawin. Ang utos na magpakasal nang higit sa isa ay isang matinding pagsubok ng pananampalataya para kay Joseph Smith, sa kanyang asawang si Emma, at sa halos lahat ng taong nakatanggap nito. Upang malampasan ang pagsubok na ito, hindi lamang magandang damdamin ukol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ang kailangan nila; kinailangan nila ng pananampalataya sa Diyos na mas malalim pa kaysa anumang personal na mga hangarin o pagkiling. Ang utos ay hindi na umiiral ngayon, ngunit ang matapat na halimbawa ng mga taong ipinamuhay ito ay nananatili pa rin ngayon. At ang halimbawang iyon ay humihikayat sa atin kapag tayo ay inutusang gumawa ng sarili nating “mga sakripisyo sa pagsunod” (Doktrina at mga Tipan 132:50).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Inihayag ni Joseph Smith ang mga katotohanan tungkol sa Panguluhang Diyos at sa “daigdig na darating.”
Maaaring mapansin mo na ang mga bahagi 130–31 ay mababasa nang kaiba sa iba pang mga bahagi sa Doktrina at mga Tipan. Ito ay dahil sa ang mga bahagi 130–31 ay batay sa mga iningatang tala ni William Clayton, isa sa mga kalihim ni Joseph Smith, na tungkol sa mga bagay na narinig niyang itinuro ng Propeta. Bunga nito, ang mga bahaging ito ay mas katulad ng mga koleksyon ng mga katotohanan sa halip na magkakaugnay na idiniktang mga paghahayag. Gayon pa man, may ilang karaniwang mga tema sa marami sa mga katotohanang ito. Halimbawa, maaari mong basahin ang mga bahagi 130–131 na may mga tanong na tulad nito: Ano ang natututuhan ko tungkol sa Diyos? Ano ang natututuhan ko tungkol sa buhay pagkatapos ng buhay na ito? Paano naaapektuhan ng kaalamang ito ang aking buhay?
Tingnan din sa “Our Hearts Rejoiced to Hear Him Speak,” Revelations in Context, 277–80.
Doktrina at mga Tipan 131:1–4; 132:7, 13–25
Ginawang posible ng Ama sa Langit na maging walang-hanggan ang mga pamilya.
Ang isa sa lubos na nakapapanatag na mga katotohanan na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith ay na mananatili ang mga ugnayan ng mag-asawa at pamilya magpakailanman. Sa pamamagitan ni Joseph Smith, ipinanumbalik ng Panginoon ang mga ordenansa at awtoridad na kailangan para gawing walang-hanggan ang mga ugnayang ito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:7, 18–19). Isipin ang mga ugnayan ng iyong pamilya o ang inaasam mo na pamilya sa hinaharap habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 131:1–4; 132:7, 13–15. Paano naaapektuhan ng mga talatang ito ang paraan ng pag-iisip mo tungkol sa mga ugnayang ito?
Kung minsan, gayunman, ang alituntunin ng mga walang-hanggang pamilya ay hindi gaanong nakapapanatag ng kalooban—maaari itong magdulot ng pagkabahala, maging ng kalungkutan, kapag ang kasalukuyang sitwasyon ng ating pamilya ay hindi nararapat sa selestiyal na huwaran. Nang mag-alala si Pangulong Henry B. Eyring tungkol sa gayong sitwasyon sa sarili niyang pamilya, natanggap niya ang matalinong payo na ito mula sa isang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Mamuhay ka lang nang marapat para sa kahariang selestiyal, at ang mga sitwasyon ng pamilya ay magiging mas maganda kaysa inaakala mo” (sa “Isang Tahanan Kung Saan Nananahan ang Espiritu ng Panginoon,” Liahona, Mayo 2019, 25). Paano ka kaya mapagpapala ng pagsunod sa payo na ito sa kasalukuyang sitwasyon ng iyong pamilya?
Tingnan din sa Kristen M. Oaks, “To the Singles of the Church” (Church Educational System, debosyonal para sa mga young adult, Sept. 11, 2011), broadcasts.ChurchofJesusChrist.org.
Doktrina at mga Tipan 132:1–2, 29–40
Ang pag-aasawa nang mahigit sa isa ay katanggap-tanggap sa Diyos kapag iniutos lamang Niya ito.
Ang sinumang nakabasa sa Lumang Tipan ay malamang na nag-isip tungkol kina Abraham, Jacob, Moises, at iba pa na nagpakasal sa maraming babae. Ang mabubuting kalalakihan ba na ito ay nagkasala ng pakikiapid? O inaprubahan ba ng Diyos ang kanilang mga ginawa? Hanapin ang mga sagot sa Doktrina at mga Tipan 132:1–2, 29–40.
Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ang pamantayan ng Diyos ukol sa kasal (tingnan sa section heading ng Opisyal na Pahayag 1; tingnan din sa Jacob 2:27, 30). Gayunman, may mga panahon sa kasaysayan nang iutos ng Diyos sa Kanyang mga anak na mag-asawa nang mahigit sa isa.
Ang mga unang taon ng ipinanumbalik na Simbahan ay isa sa mga panahong iyon. Matapos matanggap ang utos na ito, si Joseph Smith at ang iba pang mga Banal sa mga Huling Araw ay nag-asawa nang mahigit sa isa. Kung gusto mong malaman pa ang tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa sa kalipunan ng naunang mga Banal sa mga Huling Araw, tingnan sa (Revelations in Context, 281–93); Mga Banal, 1:331–32, 494–97, 550–61, 573–76.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
Doktrina at mga Tipan 130:2, 18–19; 132:13, 19.Paano ninyo magagamit ang mga talatang ito upang matulungan ang inyong pamilya na unahin ang mga bagay na mananatili nang walang-hanggan? Siguro ay maaari ninyong lagyan ng mga gamit ang isang maleta o backpack kasama ang mga aytem na kumakatawan sa mga bagay na, ayon sa Doktrina at mga Tipan 130:2, 18–19; 132:19, madadala natin sa kabilang-buhay, tulad ng mga retrato ng pamilya o mga banal na kasulatan. Ano ang itinuturo sa atin ng Doktrina at mga Tipan 132:13 tungkol sa mga bagay na ukol sa mundong ito? Maaari itong humantong sa isang talakayan tungkol sa pagtutuon ng pansin sa mga bagay na walang-hanggan ang kahalagahan.
-
Doktrina at mga Tipan 130:20–21.Maaari ninyong kantahin ang isang awitin tungkol sa pasasalamat, tulad ng “Mga Pagpapala ay Bilangin” (Mga Himno, blg. 147), at gumawa ng listahan ng mga pagpapalang natanggap ng inyong pamilya sa pagsunod sa mga batas ng Diyos. Anong mga pagpapala ang inaasahan nating matanggap? Paano natin matatanggap ang mga pagpapalang iyon?
-
Doktrina at mga Tipan 131:1–4; 132:15–19.Ang video na “Marriage Is Sacred” (ChurchofJesusChrist.org) ay maaaring makatulong sa inyong pamilya sa pagtalakay sa mga katotohanan na nasa mga talatang ito. Ano ang nadarama ng Panginoon tungkol sa kasal? Paano tayo—may-asawa man tayo o walang-asawa—maghahanda sa pagkakaroon ng walang-hanggang kasal?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “Mag-anak ay Magsasamang Walang-Hanggan” Aklat ng mga Awit Pambata, 98.