Doktrina at mga Tipan 2021
Nobyembre 8–14. Doktrina at mga Tipan 129–132: “Kapag Tayo ay Nagtatamo ng Anumang mga Pagpapala mula sa Diyos, Ito ay Dahil sa Pagsunod”


“Nobyembre 8–14. Doktrina at mga Tipan 129–132: ‘Kapag Tayo ay Nagtatamo ng Anumang mga Pagpapala mula sa Diyos, Ito ay Dahil sa Pagsunod,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Nobyembre 8–14. Doktrina at mga Tipan 129–132,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021

si Joseph Smith na nagtuturo sa Nauvoo

Joseph Smith in Nauvoo, 1840, ni Theodore Gorka

Nobyembre 8–14

Doktrina at mga Tipan 129–132

“Kapag Tayo ay Nagtatamo ng Anumang mga Pagpapala mula sa Diyos, Ito ay Dahil sa Pagsunod”

Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar: “Ang pagsasalita at pagsasalaysay ay hindi pagtuturo. Ang pangangaral ng ebanghelyo sa paraan ng Panginoon ay kinapapalooban ng pagmamasid at pakikinig at paghiwatig” (“Becoming a Preach My Gospel Missionary,” New Era, Okt. 2013, 6). Ano ang itinuturo ng Espiritu sa iyo habang ikaw ay nagmamasid at nakikinig sa mga batang tinuturuan mo?

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Pumili ng isang paksa mula sa mga bahagi 129–32, at bigyan ng pagkakataon ang mga bata na sabihin sa iyo ang natutuhan nila tungkol sa paksang iyon. Halimbawa, ano ang alam nila tungkol sa Ama sa Langit o sa Panguluhang Diyos? tungkol sa walang-hanggang kasal? tungkol sa kahariang selestiyal?

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Doktrina at mga Tipan 130:20–21; 132:5

Ang mga pagpapala ay nagmumula sa pagsunod sa Diyos.

Itinuro ni Joseph Smith na ang bawat pagpapala mula sa Diyos ay batay sa ating pagsunod sa Kanyang mga batas. Paano mo maituturo ang alituntuning ito sa paraang mauunawaan ng mga bata?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magbahagi ng isang simpleng paghahambing sa mga bata na nagpapakita kung gaano kahalagang sumunod sa mga tagubilin; halimbawa, pag-usapan ninyo ang tungkol sa mga hakbang na dapat nating sundin para maghanda ng pagkain o maglaro o bumuo ng isang bagay. Ano ang nangyayari kapag hindi natin sinusunod ang mga tagubilin? (Siguro ay mayroon kang personal na karanasan na maibabahagi.) Basahin ang Doktrina at mga Tipan 130:21, at ihambing ang mga tagubiling ito sa mga kautusan na dapat nating sundin para matanggap ang mga pagpapala mula sa Ama sa Langit.

  • Itanong sa mga bata kung may maiisip sila na isang pagkakataon na sinunod nila ang isa sa mga utos ng Diyos. Ano ang naramdaman nila? Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagsunod, tulad ng “Mga Kautusan sa Tuwina ay Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 68–69), at tukuyin ang mga pagpapalang dulot ng pagsunod na binanggit sa awitin. Talakayin ang ilan sa mga bagay na iniutos sa atin ng Diyos. Paano tayo pinagpapala ng Diyos kapag sinusunod natin ang mga kautusang iyon?

Doktrina at mga Tipan 130:22

Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay mayroong imortal na pisikal na katawan.

Kapag nauunawaan natin na ang Diyos Ama at si Jesucristo ay may katawang katulad ng sa atin, madarama natin na mas napapalapit tayo sa Kanila, at lumalakas ang ating kaugnayan sa Kanila.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita sa mga bata ang larawan ni Jesucristo, at anyayahan silang ituro ang Kanyang mga mata, bibig, at ang iba pang bahagi ng Kanyang katawan. Pagkatapos ay anyayahan sila na tumayo at ituro ang mga bahagi ring iyon ng sarili nilang katawan. Basahin mula sa Doktrina at mga Tipan 130:22: “Ang Ama ay may katawang may laman at mga buto … ; ang Anak din.” Magpatotoo na ang ating katawan ay katulad ng katawan ng Ama sa Langit at ni Jesus.

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa ating katawan, tulad ng “Ulo, Balikat, Tuhod, at Paa” (Aklat ng mga Awit Pambata, 129), at anyayahan ang mga bata na gawin ang mga galaw na tugma sa mga salita. Hilingin sa mga bata na sabihin sa iyo ang ilang bagay na magagawa nila sa kanilang mga katawan. Ipahayag ang iyong pasasalamat para sa katawan na ibinigay sa iyo ng Diyos. Paano natin maipapakita na nagpapasalamat tayo para sa espesyal na regalong ito?

  • Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan ng Ama sa Langit, ni Jesucristo, at ng kanilang sarili. Tulungan silang makita kung paano natutulad ang ating katawan sa katawan ng Ama sa Langit at ni Jesus.

Doktrina at mga Tipan 132:19

Ginagawang posible ng Ama sa Langit na magkasama-sama ang mga pamilya magpakailanman.

Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Panginoon na magbuklod at ng mga ordenansa sa templo, ang mga ugnayan ng ating pamilya ay magtatagal nang walang-hanggan kung tutuparin natin ang ating mga tipan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga halimbawa ng mga bagay na hindi nagtatagal magpakailanman—pagkaing napapanis, bulaklak na nalalanta, at marami pang iba. Magpakita ng larawan ng iyong pamilya, at ibahagi ang nadarama mo para sa kanila. Magpatotoo na ginawang posible ng Panginoon na magkasama-sama ang mga pamilya magpakailanman sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo.

  • Buksan ang Doktrina at mga Tipan bahagi 132, at sabihin sa mga bata na ito ay isang paghahayag kay Joseph Smith tungkol sa kasal at pamilya. Ipakita sa kanila ang talata 19, at ituro ang mga salitang “sa lahat ng kawalang-hanggan” habang binabasa mo ang mga ito. Anyayahan ang mga bata na sabayan ka sa pagbasa ng mga salitang ito.

  • Tulungan ang mga bata na gumawa ng mga manikang papel na kumakatawan sa mga miyembro ng kanilang pamilya (tingnan sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito). Gupitin ang mga ito, at ilagay sa isang sobre o pagdikit-dikitin ang mga ito gamit ang isang paper clip upang maging simbolo ng kapangyarihang magbuklod na may kakayahang gawing walang-hanggan ang ating mga pamilya.

    babae at batang babae sa bakuran ng templo

    Tinutulutan ng mga ordenansa sa templo na magkasama-sama ang mga pamilya sa kawalang-hanggan.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Doktrina at mga Tipan 130:18–19

Nais ng Ama sa Langit na magkaroon ako ng kaalaman at katalinuhan.

Maraming bagay na natatamo natin sa buhay na ito ang hindi natin madadala sa kabilang-buhay. Ngunit ang ating “kaalaman at katalinuhan” ay madadala natin (Doktrina at mga Tipan 130:19).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na ibahagi sa iyo ang isang bagay na natutuhan nila sa paaralan o mula sa kanilang mga magulang. Anyayahan sila na basahin ang Doktrina at mga Tipan 130:18–19 upang malaman kung ano ang mangyayari sa ating kaalaman at katalinuhan sa kabilang-buhay.

  • Ano ang itinuturo ng talata 19 kung paano tayo magkakaroon ng kaalaman at katalinuhan? Paano tayo magiging masigasig at masunurin habang naghahangad tayong matuto? (Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa paksang ito, tingnan ang “Edukasyon” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan [mga pahina 9–10].)

Doktrina at mga Tipan 130:20–21; 132:5, 21–23

Ang mga pagpapala ay nagmumula sa pagsunod sa Diyos.

Pag-isipang mabuti kung paano ka pinagpapala ng Panginoon kapag sinusunod mo ang Kanyang mga batas. Anong mga karanasan ang maibabahagi mo sa mga bata para mabigyan sila ng inspirasyon?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Kantahin ang isang awitin tungkol sa pagsunod, tulad ng “Mga Kautusan sa Tuwina ay Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 68–69), at anyayahan ang mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 130:20–21 at 132:5. Tulungan silang hanapin ang mga salita at mga ideya sa banal na kasulatan na katulad ng nasa awitin. Paano tayo nakatatanggap ng mga pagpapala mula sa Diyos? Hilingin sa mga bata na ibahagi kung paano sila napagpala dahil sa pagsunod sa mga batas ng Diyos.

  • Basahin nang sabay-sabay ang Doktrina at mga Tipan 132:21–23, at anyayahan ang mga bata na magdrowing ng larawan na kumakatawan sa mga natutuhan nila mula sa mga talatang ito. Hikayatin silang maging malikhain, at imungkahi na isama nila sa kanilang mga drowing ang mga batas o kautusan na tutulong sa atin na manatili sa makipot na daan tungo sa buhay na walang-hanggan.

Doktrina at mga Tipan 131:1–4; 132:15, 19

Ginagawang posible ng Ama sa Langit na magkasama-sama ang mga pamilya magpakailanman.

Anuman ang ating kasalukuyang sitwasyon ng pamilya, makagagawa tayo ng mga pagpili ngayon na maghahanda sa atin na tanggapin ang mga pagpapala ng walang-hanggang pamilya sa hinaharap.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa ilan sa mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 131:1–4 at sa iba pa na basahin ang 132:15. Tulungan silang matuklasan kung ano ang itinuturo ng mga talata tungkol sa kasal. Pumili ng mahahalagang parirala mula sa 132:19 (tulad ng “kung ang isang lalaki ay nagpakasal sa isang babae,” “walang hanggang tipan,” “ibinuklod,” “susunod sa aking tipan,” “sa lahat ng kawalang-hanggan” at “magpakailanman at walang katapusan”), at hilingin sa mga bata na hanapin ang mga pariralang ito sa talata. Ano ang itinuturo sa atin ng mga pariralang ito tungkol sa kasal?

  • Kantahin ang “Mag-anak ay Magsasamang Walang-Hanggan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 98), o rebyuhin ang “Kabanata 54: Isang Paghahayag Tungkol sa Kasal” (Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 198). Hilingin sa mga bata na pakinggan at maging handa na ibahagi kung ano ang dapat nating gawin upang ang ating mga pamilya ay maging walang-hanggan. Magpatotoo na anuman ang kasalukuyang sitwasyon ng ating pamilya, maihahanda natin ang ating sarili na maging bahagi ng isang walang-hanggang pamilya.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na sabihin sa kanilang pamilya kung gaano nila sila kamahal at gusto nilang magkasama-sama sila bilang pamilya sa kawalang-hanggan.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maging sensitibo sa mga sitwasyon ng pamilya. “Natatagpuan ng mga bata ngayon ang kanilang mga sarili na nasa iba’t iba at kumplikadong sitwasyon sa pamilya. … Kailangan nating tulungan ang [mga] nakadaramang sila ay nag-iisa, napag-iiwanan, o nasa labas ng bakod” (Neil L. Andersen, “Sinomang Tumanggap sa Kanila, ay Ako ang Tinanggap,” Liahona, Mayo 2016, 49, 52).