“Nobyembre 15–21. Doktrina at mga Tipan 133–134: ‘Maghanda Kayo para sa Pagparito ng Lalaking Kasintahan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Nobyembre 15–21. Doktrina at mga Tipan 133–134,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021
Nobyembre 15–21
Doktrina at mga Tipan 133–134
“Maghanda Kayo para sa Pagparito ng Lalaking Kasintahan”
Pagnilayan ang mga pangangailangan ng mga batang tinuturuan mo—kapwa mga batang nag-aaral at natututo sa tahanan at mga batang maaaring hindi ito nagagawa. Paano mo sila matutulungan na turuan ang isa’t isa tungkol sa mga bagay na natututuhan nila?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Magpakita ng isang larawan na ginamit mo kamakailan sa isang lesson sa Primary, at anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang naaalala nila mula sa lesson.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Doktrina at mga Tipan 133:19–21, 25
Si Jesucristo ay muling paparito.
Sa bahagi 133, inilarawan ng Panginoon ang Kanyang Ikalawang Pagparito at inanyayahan ang Kanyang mga tao na maghanda para sa maluwalhating kaganapang ito. Paano mo matutulungan ang mga bata na asamin ang pagbabalik ng Tagapagligtas?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magtago ng larawan ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas sa likod ng isang tela, na parang ginagawang kurtina ang tela (maaari mong gamitin ang larawan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya o Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 66). Anyayahan ang mga bata na magsalitan sa paghawi ng “kurtina” at magkunwaring sila ay dumudungaw sa bintana. Itanong sa kanila na ibahagi kung ano ang madarama nila kung sila ay dumungaw sa bintana at nakita si Jesus na bumababa mula sa langit. Basahin ang mga pariralang “humayo kayo upang salubungin siya” (talata 19), at tulungan ang mga bata na ulitin ang parirala.
-
Sa ilalim ng upuan ng bawat bata, magtago ng larawan na nagpapakita ng isang bagay na magagawa natin upang maghanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo (tulad ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagbabahagi ng ebanghelyo, o paglilingkod sa ating mga pamilya). Ipahanap sa mga bata ang mga larawan, at pag-usapan kung paano nakatutulong sa atin ang paggawa ng mga bagay na ito para maghanda sa pagharap sa Tagapagligtas sa Kanyang pagbabalik.
-
Sama-samang kantahin ang isang awit tungkol sa Ikalawang Pagparito, tulad ng “Sa Kanyang Pagbabalik” (Aklat ng mga Awit Pambata, 46–47). Ibahagi ang iyong pagmamahal para sa Tagapagligtas at ang iyong nararamdaman tungkol sa Kanyang pagbabalik sa lupa. Anyayahan ang mga bata na ibahagi rin ang kanilang mga nararamdaman.
Doktrina at mga Tipan 133:52–53
Si Cristo ay mapagmahal at mabait.
Ang mga talatang ito ay naglalarawan ng ilan sa maraming paraan na ipinakita ng Panginoon ang Kanyang “mapagkandiling pagmamahal” sa Kanyang mga tao. Ano ang magagawa mo para tulungan ang mga bata na madama ang pagmamahal ng Tagapagligtas para sa kanila?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdispley ng isang larawan na nagpapakita na si Jesus ay mapagmahal at mabait (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 42, 47). Hilingin sa mga bata na ibahagi ang iba pang mga bagay na ginawa ni Jesus upang maipakita ang Kanyang pagmamahal at kabaitan. Basahin ang pariralang “kanilang babanggitin ang mapagkandiling pagmamahal ng kanilang Panginoon” (talata 52), at tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na maibabahagi nila sa iba ang tungkol sa pagmamahal ng Tagapagligtas.
-
Kumanta ng isang awit tungkol pagmamahal ng Tagapagligtas, tulad ng “Si Jesus ay Mapagmahal na Kaibigan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 37). Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa paraan kung paano ipinakita ng Tagapagligtas ang Kanyang pagmamahal sa iyo.
Nais ng Panginoon na sundin ko ang batas.
Kadalasan ang maliliit na bata ay may mga patakaran na dapat sundin sa tahanan, sa paaralan, at saanman. Matutulungan mo silang maunawaan na inaasahan ng Panginoon na susundin natin ang mga patakaran at batas sa ating mga komunidad at bansa.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na maglaro ng isang simpleng laro na walang anumang patakaran, at pagkatapos ay ipalaro ito sa kanila na may kailangang sundin na mga patakaran. Paano tayo natutulungan ng mga patakaran? Ipahayag ang iyong pasasalamat para sa mga batas ng lupain.
-
Tulungan ang mga bata na ulitin ang ikalabindalawang saligan ng pananampalataya. Bigyang-diin ang mahahalagang salita, tulad ng “pagsunod, paggalang, at pagtataguyod,” at pag-usapan ninyo ng mga bata kung ano ang ibig sabihin ng mga salitang iyon. Ibahagi sa kanila kung bakit mahalagang sundin ang batas.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Doktrina at mga Tipan 133:4–5, 14–15
Nais ng Tagapagligtas na ako ay maging malinis.
Ang Doktrina at mga Tipan 133 ay makatutulong sa mga bata na maunawaan kung paano nila mapananatiling malinis ang kanilang sarili mula sa masasamang impluwensyang nakapaligid sa kanila.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na basahin ang “Babel, Babilonia” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org) upang malaman kung ano ang Babilonia at kung ano ang kinakatawan nito. Pagkatapos ay basahin nang sabay-sabay ang Doktrina at mga Tipan 133:4–5, 14–15. Ano ang ibig sabihin ng “lumabas kayo sa Babilonia”? (talata 5). Ano ang ilang lugar at sitwasyon na nais ng Panginoon na layuan natin? Ano ang magagawa natin para maiwasan ang mga ito?
-
Maglagay ng isang karatula sa isang panig ng silid na nagsasabing “Sion,” at maglagay ng isa pang karatula sa kabilang panig ng silid na nagsasabing “Babilonia.” Isulat sa mga piraso ng papel ang mga salitang mula sa Doktrina at mga Tipan 133:4–5, 14–15 na naglalarawan sa Sion o sa Babilonia (tulad ng “masama,” “malinis,” o “pagkawasak”), at anyayahan ang mga bata na ilagay ang bawat papel sa ilalim ng angkop na karatula.
Doktrina at mga Tipan 133:19–25, 46–52
Si Jesucristo ay maghahari sa mundo.
Sinabi ni Elder D. Todd Christofferson, “Labis na napakahalaga na ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoong Jesucristo” (“Paghahanda para sa Pagbabalik ng Panginoon,” Liahona, Mayo 2019, 81). Paano mo matutulungan ang mga bata na maunawaan kung paano sila maaaring makibahagi sa mahalagang gawaing ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipakita ang larawan mula sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, at anyayahan ang mga bata na gumawa ng listahan ng mga nalalaman nila tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Pagkatapos, gamit ang Doktrina at mga Tipan 133:19–25, 46–52, anyayahan silang magdagdag ng mga bagay sa kanilang listahan. Magpatotoo na ang Ikalawang Pagparito ay magiging isang masayang araw para sa mabubuti.
-
Upang matulungan ang mga bata na maunawaan ang talata 19, kausapin sila tungkol sa paraan kung paano maaaring maghanda ang isang kasintahang babae para sa kanyang kasal (maaaring makatulong ang isang taong bagong kasal sa pag-uusap na ito). Paano ba tayo natutulad ng isang kasintahang babae na naghahanda “para sa pagparito ng Lalaking kasintahan” na si Jesucristo? Kung sa palagay mo ay makatutulong, rebyuhin sa mga bata ang talinghaga ng sampung dalaga (tingnan sa Mateo 25:1–13). Bakit mahalagang maghanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas? Ano ang magagawa natin ngayon para makapaghanda?
Nais ng Panginoon na sundin ko ang batas.
Kahit na may iba’t ibang uri ng pamahalaan sa buong mundo, nais ng Panginoon na “pagtibayin [natin] at itaguyod ang … pamahalaan kung saan [tayo] naninirahan” (Doktrina at mga Tipan 134:5).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na ilista ang mga patakaran o batas na sinusunod nila. Ano kaya ang magiging kalagayan ng ating buhay kung walang sumusunod sa mga batas na ito? Basahin ninyo ng mga bata ang Doktrina at mga Tipan 134:1–2, na tinutulungan silang maunawaan ang anumang salita o parirala na maaaring hindi nila nauunawaan. Bakit gusto ng Panginoon na magkaroon tayo ng pamahalaan at mga batas?
-
Isulat ang bawat salita o parirala mula sa ikalabing-isa at ikalabindalawang saligan ng pananampalataya sa magkakahiwalay na piraso ng papel. Paghaluin ang mga papel, at hilingin sa mga bata na magtulungan para ayusin ang mga ito sa tamang pagkakasunud-sunod. Paano natin maipapakita na naniniwala tayo sa itinuturo ng mga saligan ng pananampalatayang ito?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Bigyan ang bawat bata ng isang tanong na itatanong sa isang kapamilya sa tahanan. Halimbawa, kung napag-aralan ninyo ang tungkol sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, maaaring itanong ng isang bata, “Ano ang magagawa natin upang maghanda para sa muling pagparito ni Jesus?”