“Nobyembre 22–28. Doktrina at mga Tipan 135–136: ‘Tinatakan [Niya] ang Kanyang Misyon at Kanyang mga Gawain ng Kanyang Sariling Dugo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Nobyembre 22–28. Doktrina at mga Tipan 135–136,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021
Nobyembre 22–28
Doktrina at mga Tipan 135–136
‘Tinatakan [Niya] ang Kanyang Misyon at Kanyang mga Gawain ng Kanyang Sariling Dugo’
Habang naghahanda kang ituro ang Doktrina at mga Tipan 135–36, hanapin ang mga alituntunin na nakaimpluwensya sa buhay mo. Isipin kung paano makatutulong sa mga bata ang mga ideya sa outline na ito para matutuhan at maipamuhay nila ang mga alituntuning ito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang bagay na natatandaan nila sa taon na ito tungkol kay Joseph Smith at sa mga ginawa niya. Ipakita ang mga larawan mula sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya para sa taon na ito o mula sa mga naunang pahina ng aktibidad para matulungan sila.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Ibinigay nina Joseph Smith at Hyrum Smith ang kanilang buhay para sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Ang salaysay ng pagkamartir nina Joseph at Hyrum Smith ay makatutulong sa mga bata na makadama ng pasasalamat para sa mga patotoo at sakripisyo ng mga dakilang lalaking ito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Gamitin ang “Kabanata 56: Pinatay ang Propeta”” (Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 201–5) para isalaysay sa mga bata kung paano namatay ang Propetang Joseph Smith at ang kanyang kapatid na si Hyrum Smith. O ipakuwento sa isa sa mga bata ang salaysay. Magpatotoo na si Joseph Smith ay isang tunay na propeta at na ibinigay niya ang kanyang buhay para sa Panginoon at sa Kanyang ebanghelyo.
-
Ibahagi sa mga bata ang ilang parirala mula sa Aklat ni Mormon na binasa ni Hyrum Smith bago siya nagpunta sa Piitan ng Carthage, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 135:5. Pag-usapan kung paano maaaring nakapagbigay ng kapanatagan ang talatang ito kay Hyrum. Ibahagi ang mga banal na kasulatan na nagbibigay sa iyo ng kapanatagan kapag ikaw ay nag-aalala o malungkot.
Si Joseph Smith ay isang Propeta ng Diyos.
Sa buong taon, natutuhan ng mga bata kung ano ang inihayag ng Panginoon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Matutulungan mo silang maalala at mapahalagahan kung paano pinagpapala ng ginawa ni Joseph ang kanilang buhay.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdispley ng mga bagay na kumakatawan sa mga ginawa ni Propetang Joseph Smith, tulad ng Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, o ng isang larawan ng missionary o isang templo. Gamit ang mga pariralang mula sa Doktrina at mga Tipan 135:3, ibahagi sa mga bata ang ilang bagay na ginawa ng Panginoon sa pamamagitan ni Joseph Smith para sa ating kaligtasan. Anyayahan ang mga bata na pumili ng isa sa mga bagay na ito at ibahagi kung bakit sila nagpapasalamat para rito.
-
Habang kinukulayan ng mga bata ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito, umawit o magpatugtog ng mga kantang tungkol kay Joseph Smith, tulad ng “Purihin ang Propeta” (Mga Himno, blg. 21). Ibahagi ang nadarama mo para sa Propeta.
Binibigyan tayo ng Diyos ng mga kautusan para tulungan tayo.
Ilang taong naharap ang mga Banal sa maraming pagsubok matapos ang pagkamatay ni Joseph Smith. Paano makatutulong sa mga batang tinuturuan mo ang payo na ibinigay ng Panginoon sa mga Banal?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ibahagi sa mga bata ang ilan sa mga hamong nakaharap ng mga Banal nang umalis sila sa Nauvoo at nagtipon sa Winter Quarters (tingnan sa mga kabanata 58 at 62 sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 209–11, 224–26). Ilagay ang larawan ng Nauvoo Temple sa isang panig ng silid, at lumikha ng isang simpleng masisilungan sa kabilang panig—marahil gamit ang isang kumot at ilang upuan o mesa. Anyayahan ang mga bata na magtipon malapit sa larawan, at sabihin sa kanila na isang taon at kalahati matapos mamatay si Joseph Smith, ang mga Banal ay napilitang lisanin ang Nauvoo. Anyayahan ang mga bata na lumayo sa templo at magtipon sa silungan para maging simbolo ng paglalakbay papuntang Winter Quarters.
-
Ipaliwanag na ibinigay ng Panginoon ang paghahayag kay Brigham Young, na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 136, para tulungan ang mga Banal sa kanilang paglalakbay patungong Salt Lake Valley. Basahin ang ilang parirala mula sa bahagi 136 na naglalaman ng payo na mauunawaan ng mga bata, at anyayahan silang isadula o idrowing ang iniutos ng Panginoon sa mga Banal habang sila ay naglalakbay. Halimbawa, maaaring idrowing ng mga bata ang kanilang sarili na nagsasauli ng isang bagay na hiniram nila mula sa isang kaibigan, o maaari silang kumanta ng isang awitin sa Primary habang sumasayaw sila sa paligid ng isang kunwa-kunwariang siga (tingnan sa mga talata 25, 28).
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Ibinigay nina Joseph Smith at Hyrum Smith ang kanilang buhay para sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Ang mga sakripisyo nina Joseph Smith at Hyrum Smith ay maaaring magpalakas ng pananampalataya ng mga bata at ng kanilang hangaring maging matapat sa kanilang mga patotoo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa paraan kung paano pinatay sina Joseph at Hyrum Smith. Kung kailangan nila ng tulong, pasangguniin sila sa Doktrina at mga Tipan 135:1 o sa “Kabanata 56: Pinatay ang Propeta” (Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 201–5). Anyayahan ang mga bata na magkunwari na nakatira sila sa Nauvoo nang mamatay ang Propeta. Itanong sa kanila kung ano kaya ang mararamdaman nila. Ibahagi ang iyong patotoo tungkol kay Joseph Smith, at anyayahan ang mga bata na gawin din ito.
-
Magdispley ng mga larawan ng mga propeta (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 14, 18, 67). Ano ang ilang bagay na ipinagagawa ng Diyos sa mga propeta? Ipaliwanag na nangako ang Panginoon na pagpapalain Niya ang Kanyang mga propeta para sa mga sakripisyong ginagawa nila sa paglilingkod sa Kanya (tingnan sa Mateo 10:39).
Si Joseph Smith ay Isang Propeta ng Diyos.
Tulad ng lahat ng propeta, si Joseph Smith ay nagpatotoo tungkol kay Jesucristo at nagturo sa atin kung paano lumapit sa Kanya. Tulungan ang mga bata na makita kung paano nagawa ni Joseph Smith ang kanyang misyon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin nang sabay-sabay ang Doktrina at mga Tipan 135:3, at hilingin sa mga bata na tukuyin kung ano ang mga ginawa ni Joseph Smith. Isulat sa pisara ang mga nalaman nila. Anyayahan ang mga bata na pumili ng isa sa mga bagay na ito at ibahagi kung bakit sila nagpapasalamat para rito.
-
Hikayatin ang bawat bata na mag-isip ng isang kaibigan o mahal sa buhay na hindi pa masyadong nakakaalam tungkol kay Joseph Smith. Ano ang sasabihin nila kung ang taong iyon ay nagtanong, “Bakit napakahalaga sa iyo ni Joseph Smith?” Anyayahan ang mga bata na praktisin kung ano ang sasabihin nila sa taong ito.
Doktrina at mga Tipan 136:4, 10–11, 18–30
Kaya akong pagpalain ng Panginoon kapag ako ay naghihirap.
Pagkatapos ng pagpatay kay Joseph Smith, ang mga Banal ay itinaboy mula sa Nauvoo. Dinala sila ni Brigham Young sa Winter Quarters, kung saan sila naghanda para sa isang mas matagal pang paglalakbay papuntang Salt Lake Valley.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ibuod ang mga karanasan ng mga Banal matapos patayin ang Propetang Joseph Smith (tingnan sa kabanata 57, 58, at 62 sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, mga pahina 206–8, 209–11, 224–26). Anyayahan ang mga bata na isipin kung ano ang madarama nila kung kailangan nilang lisanin ang kanilang tahanan at maghanap ng bagong matitirhan sa ilang. Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 136, nagbigay ng payo ang Panginoon para tulungan ang mga Banal sa kanilang paglalakbay. Atasan ang bawat bata ng ilang talata mula sa paghahayag na ito, tulad ng mga talata 4, 10–11, 18–30, at hilingin sa bawat bata na humanap ng isang bagay na maaaring makatulong sa kanila sa kanilang mga pangamba o takot.
-
Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga pagsubok na kinakaharap ng mga tao ngayon. Anyayahan silang humanap ng isang bagay sa bahagi 136 na maibabahagi nila para mahikayat ang isang taong dumaranas ng katulad na pagsubok. Ang mga bata ay maaari ring makakita ng nakahihikayat na mga mensahe sa “Mga Banal, Halina” (Mga Himno, blg. 23), isang himno na kinanta ng mga Banal sa kanilang paglalakbay.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya o kaibigan kung bakit sila nagpapasalamat para sa Propetang Joseph Smith.