Doktrina at mga Tipan 2021
Nobyembre 29–Disyembre 5. Doktrina at mga Tipan 137–138: “Ang Pangitain ng Pagtubos sa mga Patay”


“Nobyembre 29–Disyembre 5. Doktrina at mga Tipan 137–138: ‘Ang Pangitain ng Pagtubos sa mga Patay,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Nobyembre 29–Disyembre 5. Doktrina at mga Tipan 137–138,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021

mga tao sa daigdig ng mga espiritu

Nakita ni Joseph ang kanyang ama, ina, at kapatid sa kahariang selestiyal (Joseph Smith’s Vision of the Celestial Kingdom [Pangitain ni Joseph Smith tungkol sa Kahariang Selestiyal], Robert Barrett).

Nobyembre 29–Disyembre 5

Doktrina at mga Tipan 137–138

“Ang Pangitain ng Pagtubos sa mga Patay”

Alamin ang mga alituntunin sa mga paghahayag na ito na tila mahalaga para sa mga batang tinuturuan mo. Paano mo sila matutulungan na maunawaan ang mga alituntuning ito?

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Magdispley ng larawan ni Jesucristo na nasa daigdig ng mga espiritu, tulad ng nasa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa daigdig ng mga espiritu.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Doktrina at mga Tipan 137:1–5

Ang Diyos ay nagbigay sa akin ng paraan para makasama ang aking pamilya magpakailanman.

Sa isang pangitain, nakita ni Joseph Smith ang mga miyembro ng kanyang pamilya na magkakasama sa kahariang selestiyal. Paano mo magagamit ang kanyang pangitain upang turuan ang mga bata na ang pamilya ay maaaring magkasama-sama magpakailanman?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita ng larawan ng isang kapamilya, at sabihin kung gaano mo siya kagustong makasama sa kahariang selestiyal. Ipaliwanag na ang kapatid ni Joseph Smith na si Alvin ay namatay noong siya ay binata pa at si Joseph ay nangulila sa kanya nang labis. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 137:1, 5, at itanong sa mga bata kung sino ang nakita ni Joseph Smith sa kanyang pangitain tungkol sa kahariang selestiyal (tingnan din sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 152–53). Anyayahan ang mga bata na iunat ang kanilang mga braso nang padipa para ipakita kung gaano nila kamahal ang kanilang mga pamilya, at hilingin sa kanila na ibahagi kung bakit gusto nilang makasama ang kanilang pamilya sa kahariang selestiyal.

  • Gamitin ang Doktrina at mga Tipan 137:1–5 at ang mga pahina ng aktibidad para sa linggong ito para matulungan ang mga bata na tuklasin ang mga detalye tungkol sa pangitain ni Joseph Smith tungkol sa kahariang selestiyal. Anyayahan silang idrowing ang kanilang sarili at ang kanilang pamilya sa pahina ng aktibidad habang nagpapatugtog ka o kumakanta kayo ng isang awitin tungkol sa pamilya, tulad ng “Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 98).

Doktrina at mga Tipan 138:6–11

Matutulungan ako ng Espiritu Santo na maunawaan ang mga banal na kasulatan.

Ang mga banal na kasulatan kung minsan ay mahirap maintindihan, lalo na para sa mga bata. Itinuturo sa Doktrina at mga Tipan 138:11 na mabubuksan ng Espiritu Santo ang “mga mata ng [ating] pang-unawa.”

batang lalaking nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Ang Espiritu Santo ay makatutulong sa atin na maunawaan kung ano ang binabasa natin sa mga banal na kasulatan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita ng larawan ni Pangulong Joseph F. Smith (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 127). Ipaliwanag na siya ang ikaanim na Pangulo ng Simbahan, at isang araw siya ay nagbabasa ng mga banal na kasulatan at pinagninilayan ang mga ito (iniisip kung ano ang ibig sabihin ng mga ito). Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 138:6, 11, anyayahan ang mga bata na magkunwaring sila si Pangulong Smith at gumalaw ayon sa mga salita.

  • Ibahagi sa mga bata ang isang pagkakataon na pinagnilayan mo ang isang bagay sa mga banal na kasulatan at tinulungan ka ng Espiritu Santo na maunawaan ito. Sama-samang kumanta ng isang awitin tungkol sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, tulad ng “Babasahin, Uunawain, at Mananalangin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 66). Ano ang sinasabi ng awiting ito na dapat nating gawin upang maunawaan ang mga banal na kasulatan?

Doktrina at mga Tipan 138:18–35

Ang lahat ng anak ng Ama sa Langit ay magkakaroon ng pagkakataong marinig ang ebanghelyo.

Matapos ipako sa krus si Jesucristo, dinalaw Niya ang Kanyang matatapat na Banal sa daigdig ng mga espiritu. Iniutos Niya sa kanila na ituro ang ebanghelyo sa mga hindi pa nakatatanggap nito.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita ng larawan ng isang libingan (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 58, 59), o magdrowing ng isang libingan sa pisara. Magpakita ng larawan ng Tagapagligtas sa daigdig ng mga espiritu habang ang Kanyang katawan ay nasa libingan (tulad ng nasa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Habang ginagawa mo ito, magtanong upang matulungan ang mga bata na pansinin ang mahahalagang detalye sa Doktrina at mga Tipan 138:18–19, 23–24, 27–30, gaya ng kung sino ang dinalaw ni Jesus, ano ang nadama nila, at kung ano ang hiniling Niya sa kanila na gawin nila.

  • Magpakita ng larawan ng mga missionary (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 109, 110), at hilingin sa mga bata na ibahagi kung ano ang ginagawa ng mga missionary. Maaari mo rin silang anyayahang isadula ang ilan sa mga bagay na ginagawa ng mga missionary. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 138:31–34 sa mga bata. Ipaliwanag na tulad ng mga missionary na narito sa lupa, mayroon ding mga missionary sa daigdig ng mga espiritu na nagtuturo sa mga tao roon.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Doktrina at mga Tipan 137:1–5

Ang Diyos ay nagbigay sa akin ng paraan para makasama ang aking pamilya magpakailanman.

Si Joseph Smith ay nagkaroon ng pangitain tungkol sa kahariang selestiyal at nakita roon ang kanyang mga magulang at kapatid na si Alvin. Ang pangitaing ito ay nagtuturo sa atin na kung tayo ay matwid, ang ating mga ugnayan sa pamilya ay magpapatuloy sa kabilang-buhay.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 137:1–5 at magdrowing ng isang larawan tungkol sa nabasa nila (tingnan sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito). Ano kaya ang nadama ni Joseph Smith nang makita niya ang mga miyembro ng kanyang pamilya sa kahariang selestiyal?

  • Ipalabas ang video na “Families Can Be Together Forever” (ChurchofJesusChrist.org), o kantahin ang isang awitin tungkol sa pamilya, tulad ng “Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 98). Ano ang itinuturo ng awitin sa atin tungkol sa magagawa natin para gawing walang-hanggan ang ating pamilya?

Doktrina at mga Tipan 138:1–11

Habang pinagninilayan ko ang mga banal na kasulatan, matutulungan ako ng Espiritu Santo na maunawaan ang mga ito.

Ano ang matututuhan ng mga bata mula sa halimbawa ni Pangulong Joseph F. Smith na maaaring magpabuti sa paraan ng pag-aaral nila ng mga banal na kasulatan?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 138:1–11, at tulungan silang sumulat ng isang pangungusap na buod ng karanasan ni Pangulong Joseph F. Smith. Ano ang ginawa niya na humantong sa kanyang kahanga-hangang pangitain? Ano ang ibig sabihin ng pag-isipang mabuti o pagnilayan ang mga banal na kasulatan?

  • Itanong sa mga bata kung ano ang ginagawa nila kapag may mga tanong sila tungkol sa ebanghelyo. Magbahagi ng ilang halimbawa mula sa mga banal na kasulatan o sa sarili mong buhay nang ang pagninilay ng mga banal na kasulatan ay nagdulot ng pang-unawang mula sa Espiritu (tingnan, halimbawa, sa 1 Nephi 11:1–6; Doktrina at mga Tipan 76:19–24; Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–12).

Doktrina at mga Tipan 138:12–35

Ang lahat ng anak ng Ama sa Langit ay magkakaroon ng pagkakataong marinig ang ebanghelyo.

Natutuhan ni Pangulong Joseph F. Smith na patuloy ang gawain ng pangangaral ng ebanghelyo sa daigdig ng mga espiritu. Tinitiyak ng gawaing ito na ang lahat ng tao ay magkakaroon ng pagkakataong matanggap ang ebanghelyo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ilista sa pisara ang ilang talata mula sa bahagi 138. Pagkatapos ay maglista ng pahayag na nagbubuod sa bawat pangkat ng mga talata nang hindi ito isinusulat sa tamang pagkakasunud-sunod. Anyayahan ang mga bata na itugma ang mga pahayag sa tamang mga talata. Maaaring kabilang ang mga talata 12–16 (nagtitipon ang mabubuting espiritu upang hintayin ang pagpapakita ni Jesus), 18–19 (ang Tagapagligtas ay nagpakita sa mabubuting espiritu), 29–30 (si Jesus ay humirang ng mga sugo para ipangaral ang ebanghelyo), 31–35 (ang mabubuting espiritu ay nangangaral ng ebanghelyo), at iba pa. Matapos magtugma ang mga bata, hilingin sa kanila na ibahagi ang natutuhan nila mula sa mga talatang ito.

  • Hilingin sa ilan sa mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 138:33 para malaman kung anong mga alituntunin ng ebanghelyo ang itinuro sa mga espiritu ng mga patay. Hilingin sa ibang mga bata na basahin ang mga alituntuning itinuro sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4. Ano ang magkakapareho sa mga talatang ito, at ano ang pagkakaiba nila? Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa Ama sa Langit at sa Kanyang plano?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na magplano ng oras ngayong linggo kung kailan nila pagninilayan ang mga banal na kasulatan na binabasa nila.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maghikayat ng pagpipitagan. Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang isang mahalagang bahagi ng pagpipitagan ay ang pag-iisip tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaari mong ipaalala sa mga bata na maging mapitagan sa pamamagitan ng pagkanta nang mahina o paghimig ng isang awit sa Primary o pagdidispley ng isang larawan ni Jesus.