Doktrina at mga Tipan 2021
Disyembre 20–26. Pasko: Ang Walang Kapantay na Kaloob na Banal na Anak ng Diyos


“Disyembre 20–26. Pasko: Ang Walang Kapantay na Kaloob na Banal na Anak ng Diyos,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Disyembre 20–26. Pasko,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021

Larawan
sining tungkol kay Maria at sa sanggol na si Jesus

Nativity in Copper and Umber, ni J. Kirk Richards

Disyembre 20–26

Pasko

Ang Walang Kapantay na Kaloob na Banal na Anak ng Diyos

Ang Pasko ay isang kapana-panabik na panahon para sa maraming bata. Isipin kung paano mo sila matutulungan na iugnay ang kagalakan tuwing Kapaskuhan sa kagalakan sa ebanghelyo ng Tagapagligtas.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang ginawa nila nitong nakaraang linggo upang ipagdiwang ang pagsilang ng Tagapagligtas.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

“[Maiaalay ko ang aking] patotoo” upang maipagdiwang ang pagsilang ni Jesus.

Sa “Ang Buhay na Cristo” (ChurchofJesusChrist.org), ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay nagbigay ng kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo upang “[ipagdiwang] ang pagsilang ni Jesucristo.” Isipin kung paano mo hihikayatin ang mga bata na ibahagi ang kanilang mga patotoo sa iba.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita sa mga bata ng kopya ng “Ang Buhay na Cristo” (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Ituro ang salitang Cristo sa pamagat, at ipaturo rin ang salita sa mga bata. Banggitin din ang tungkol sa mga lagda sa ibaba ng pahina, at sabihin sa mga bata na noong 2000, ang Unang Panguluhan at ang Labindalawang Apostol ay sumulat ng kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo, pinirmahan nila ito, at ibinahagi ito sa mundo.

  • Ipakita ang larawan ni Jesucristo, at anyayahan ang bawat bata na tumayo at magbahagi ng isang bagay na nalalaman nila tungkol sa Kanya. Kung kailangan nila ng tulong, imungkahi ang mga katotohanang mula sa “Ang Buhay na Cristo.” Ipaalala sa mga bata na kapag ibinabahagi nila sa iba ang tungkol kay Jesus, sila ay nagbabahagi ng kanilang patotoo.

  • Ikuwento sa mga bata kung paano mo natamo ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo at ano ang ginagawa mo para panatilihing malakas ang iyong patotoo. Tulungan silang mag-isip ng mga paraan para palakasin ang kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo, at anyayahan silang pumili ng isang bagay na gagawin nila.

Isinugo ng Ama sa Langit ang Kanyang Anak bilang isang regalo sa atin.

Ang pagbibigay at pagtanggap ng mga regalo ay isang tradisyonal na bahagi ng Pasko para sa maraming tao. Ang tradisyong ito ay dapat makatulong sa atin na alalahanin ang “walang kapantay na kaloob na Kanyang banal na Anak” (“Ang Buhay na Cristo”).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na ibahagi ang tungkol sa mga regalo na ibinigay o natanggap nila. Basahin sa kanila ang huling pangungusap ng “Ang Buhay na Cristo,” at anyayahan sila na pakinggan kung anong kaloob ang ibinigay sa atin ng Diyos. (Kung kailangan, tulungan silang maunawaan na ang ibig sabihin ng “walang kapantay” ay “mas maganda kaysa anumang bagay.”) Bakit ang Anak ng Diyos na si Jesucristo ang pinakamagandang regalo?

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol kay Jesucristo, tulad ng “Isinugo, Kanyang Anak” (Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21). Tulungan ang mga bata na pumili ng isang parirala mula sa awitin na gusto nilang idrowing (tulad ng “Kanyang Anak” o “Anak Niya’y ‘pinagkaloob”). Habang nagdodrowing sila, hilingin sa mga bata na ibahagi sa iyo ang nadarama nila tungkol sa ginawa ni Jesus para sa kanila. Ibahagi rin ang iyong mga nararamdaman.

Inaanyayahan ako ni Jesucristo na tularan ang Kanyang halimbawa.

Isang bahagi ng “makahulugang impluwensya” ng Tagapagligtas sa mundo ay ang Kanyang perpektong halimbawa. Paano mo mahihikayat ang mga bata na tularan Siya?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Mula sa ikalawang talata ng “Ang Buhay na Cristo,” basahin sa mga bata ang ilan sa mga bagay na ginawa ni Jesus. Ipakita ang mga larawan mula sa Kanyang buhay (tingnan sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito), at anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang ginagawa ng Tagapagligtas sa mga larawan. Tulungan silang mag-isip ng mga paraan para masundan ang Kanyang halimbawa.

  • Piliing ipalabas ang isang “Light the World” video (ComeuntoChrist.org) o ikuwento ang isang pagkakataon na pinagpala ka ng ginawang paglilingkod ng isang tao na tulad ng paglilingkod ni Cristo. Anyayahan ang isang bata na isadula ang isang simpleng gawain ng paglilingkod, at hilingin sa ibang mga bata na hulaan kung ano ang ginagawa niya. Bigyan ng ganitong pagkakataon ang bawat bata. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng isang bagay na magagawa nila para mapaglingkuran ang isang kapamilya.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

“Iniaalay namin ang aming patotoo.”

Ang halimbawa ng mga propeta at apostol na nagsulat ng “Ang Buhay na Cristo” ay makahihikayat sa mga bata na ibahagi ang kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat sa pisara ang Alam ko na si Jesucristo ay … at anyayahan ang mga bata na ibahagi kung paano nila kukumpletuhin ang pangungusap. Imungkahi na humanap sila sa “Ang Buhay na Cristo” ng mga ideya. Ano ang magagawa natin para palakasin ang ating mga patotoo tungkol kay Jesucristo? Paano pinagpapala ang iba kapag ibinabahagi natin ang ating mga patotoo?

  • Ipaliwanag na “Ang Buhay na Cristo” ay nilagdaan ng Unang Panguluhan at ng Labindalawang Apostol. Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 107:23. Ano ang ipinagkaiba ng mga Apostol mula “sa ibang mga pinuno ng simbahan”? Pumili ng isang video ng “Special Witnesses of Christ” na ipapalabas sa mga bata (ChurchofJesusChrist.org). Bakit nagpapasalamat tayo na magkaroon ng mga natatanging saksi ni Jesucristo sa ating panahon?

“Walang sinuman ang nakapagbigay ng gayong makahulugang impluwensya.”

Sa “Ang Buhay na Cristo,” ipinahayag ng mga propeta at apostol na walang sinuman ang nagkaroon ng mas malaking impluwensya sa mga anak ng Diyos kaysa kay Jesucristo. Pag-isipang mabuti kung paano mo matutulungan ang mga bata na matutuhan ang tungkol sa makahulugang impluwensya ng Tagapagligtas sa ating lahat.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Bigyan ang bawat bata ng isang parirala o pangungusap mula sa “Ang Buhay na Cristo,” at hilingin sa kanila na idrowing ang parirala o pangungusap na iyon. Habang ipinapakita ng bawat bata sa klase ang kanyang larawan, hilingin sa ibang mga bata na hulaan kung ano ang ipinapakita ng larawan at hanapin ang kaugnay na pangungusap nito sa “Ang Buhay na Cristo.” Paano tayo pinagpapala dahil sa buhay at misyon ni Jesucristo?

  • Tulungan ang mga bata na hanapin ang iba’t ibang pangalan o titulo ni Jesucristo sa “Ang Buhay na Cristo” at salungguhitan ang mga ito, kung maaari (kabilang sa ilang halimbawa ang Mesiyas, Panganay, ang una at ang huli, tagapamagitan, at ang pangulong bato sa panulok). Pag-usapan kung ano ang itinuturo ng bawat isa sa mga titulong ito tungkol sa Kanya. (Ang ilan sa mga titulong ito ay ipinaliwanag sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan o sa Bible Dictionary.)

“Siya ang liwanag, ang buhay, at pag-asa ng mundo.”

Ang Pasko ay masayang panahon dahil sa pag-asa na hatid ni Jesucristo sa mundo sa pamamagitan ng Kanyang mga turo, halimbawa, at nagbabayad-salang sakripisyo.

Larawan
Jesucristo

Light of the World [Ilaw ng Sanlibutan], ni Howard Lyon

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang bawat bata na gumuhit ng isang Christmas tree, o idrowing ito sa pisara. Anyayahan ang mga bata na lagyan ng dekorasyon ang puno gamit ang mga salita o parirala mula sa “Ang Buhay na Cristo” na naglalarawan ng isang regalo na ibinigay sa atin ng Tagapagligtas (tulad ng “liwanag,” “buhay,” at “pag-asa”). Bigyan sila ng pagkakataong ibahagi kung bakit nila pinili ang mga salita o pariralang iyon.

  • Tulungan ang mga bata na hanapin ang mga Pamaskong himno na bumabanggit sa liwanag, buhay, at pag-asa na inihatid ng pagsilang ng Tagapagligtas sa mundo—halimbawa, “Munting Bayan ng Betlehem” o “Dinggin! Awit ng Anghel!” (Mga Himno, blg. 127–8). Kantahin ang mga himno nang magkakasama, at bigyan ng pagkakataon ang mga bata na ibahagi kung paano nagdulot ng liwanag, buhay, at pag-asa si Jesus sa kanilang buhay.

  • Hilingin sa ilan sa mga bata na basahin ang tungkol sa mga pastol sa Lucas 2:8–20. Hilingin sa iba na basahin ang tungkol kay Simeon sa Lucas 2:25–33. Anyayahan sila na ibahagi sa isa’t isa kung ano ang naramdaman ng mga pastol at ni Simeon nang malaman nila ang tungkol sa pagsilang si Jesus. Bakit ganito ang nadama nila? Bakit nagdudulot sa atin ng “labis na kagalakan” ang Kanyang pagsilang?

Larawan
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Sabihin sa mga bata na mag-isip ng isang kapamilya na mababahaginan nila ng kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo. Tulungan silang pag-isipan kung ano ang maaari nilang sabihin para palakasin ang pananampalataya ng taong iyon sa Kanya.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Paghahanda sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan. “Sa mapanalanging pag-aaral ng mga salita ng Diyos tayo ay iniaayon sa Espiritu Santo. Sa gayon ay mabibigyang-inspirasyon Niya tayo upang maalala natin ang ating pinag-aralan habang tayo ay nagtuturo at tumutulong sa iba” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 12).

Print