“Disyembre 20–26. Pasko: Ang Walang Kapantay na Kaloob na Banal na Anak ng Diyos,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Disyembre 20–26. Pasko,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021
Disyembre 20–26
Pasko
Ang Walang Kapantay na Kaloob ng Banal na Anak ng Diyos
Ang isang paraan para ituon ang iyong isipan sa Tagapagligtas ngayong Pasko ay ang pag-aralan ang “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol.” Ang outline na ito ay nagmumungkahi ng mga paraan na maaari mong gawing bahagi ng iyong personal at pampamilyang pag-aaral ng ebanghelyo ang patotoong ito ng propeta.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Noong 1838, ipinahayag ni Propetang Joseph Smith na, “Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith, 58). Sa paglipas ng mga taon, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson na “ito mismong pahayag ng Propeta ang nagganyak sa 15 propeta, tagakita, at tagapaghayag na ilathala at lagdaan ang kanilang patotoo bilang paggunita sa ika-2,000 taong anibersaryo ng pagsilang ng Panginoon. Ang makasaysayang patotoong ito ay pinamagatang ‘Ang Buhay na Cristo.’ Maraming miyembro na ang nakapagsaulo ng mga katotohanang nakapaloob dito. Ang iba naman ay halos walang alam tungkol dito. Habang sinisikap ninyong alamin pa ang tungkol kay Jesucristo, hinihikayat ko kayo na pag-aralan ang ‘Ang Buhay na Cristo’” (“Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2017, 40).
Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, nagagalak tayo sa mga pagpapala ng patuloy na paghahayag sa pamamagitan ng mga makabagong propeta at apostol. Nagpapasalamat tayo sa kanilang mga inspiradong salita ng payo, babala, at panghihikayat. Ngunit higit sa lahat, tayo ay pinagpapala sa pamamagitan ng kanilang malakas na patotoo tungkol kay Jesucristo—sa Kapaskuhan at sa buong taon. Hindi lamang ito nakaaantig na mga salita ng mahuhusay na manunulat o tagapagsalita sa publiko o ideya mula sa mga eksperto sa banal na kasulatan. Ito ang mga salita ng pinili, tinawag, at binigyan ng karapatan ng Diyos na “mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig” (Doktrina at mga Tipan 107:23).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
“Walang sinuman ang nakapagbigay ng gayong makahulugang impluwensya.”
Ano ang pumapasok sa isip mo habang binabasa mo ang Lucas 2:10–11 kasama ang unang talata ng “Ang Buhay na Cristo”? Ano ang sasabihin mo para suportahan ang pahayag na “walang sinuman ang nakapagbigay ng gayong makahulugang impluwensya [na gaya ni Jesucristo] sa lahat ng nabuhay na at sa lahat ng mabubuhay pa sa mundo”? Hanapin ang mga katotohanan sa “Ang Buhay na Cristo” na naglalarawan sa malaking impluwensya ng Tagapagligtas. Paano Siya nakaimpluwensya sa iyo at nagdulot sa iyo ng “malaking kagalakan”? (Lucas 2:10).
“Nagbangon siya sa libingan.”
Sa “Ang Buhay na Cristo,” ang mga Apostol ay nagpapatotoo sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, binabanggit ang tatlong pagpapakita ng nagbangon na Panginoon (tingnan sa talata lima). Isiping basahin ang tungkol sa mga pagbisitang ito sa Juan 20–21; 3 Nephi 11–26; at Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–20. Ano ang natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas mula sa Kanyang mga salita at kilos sa mga pagpapakitang ito?
“Ang Kanyang pagkasaserdote at Kanyang Simbahan ay ipinanumbalik.”
Sa pag-aaral mo ng Doktrina at mga Tipan ngayong taon, nagkaroon ka ng pagkakataong matuto pa tungkol sa kung paano naipanumbalik ang “pagkasaserdote ng Tagapagligtas at ang Kanyang Simbahan.” Aling ipinanumbalik na mga katotohanan o alituntunin ang naging lalong makabuluhan sa iyo? Isiping rebyuhin ang ilan sa sumusunod na mga talata na nagtuturo tungkol sa Pagpapanumbalik: Doktrina at mga Tipan 1:17–23; 13; 20:1–12; 65; 110; 112:30–32; 124:39–42; 128:19–21. Pagnilayan kung paano ka natutulungan ng mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo na makilala at sambahin si Jesucristo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:19).
“Darating ang panahon na babalik Siyang muli sa mundo.”
Ang Pasko ay panahon kapwa para gunitain ang araw na si Jesucristo ay isinilang at asamin ang araw na Siya ay babalik muli. Ano ang natutuhan mo tungkol sa Kanyang pagbabalik mula sa pangalawa sa huling talata ng “Ang Buhay na Cristo”? Maaaring nakatutuwa ring basahin, awitin, o pakinggan ang mga himnong Pamasko na nagtuturo tungkol sa Ikalawang Pagparito, tulad ng “O Magsaya” o “Hatinggabi nang Dumating” (Mga Himno, blg. 121, 126).
“Siya ang liwanag, ang buhay, at pag-asa ng mundo.”
Sa huling talata ng “Ang Buhay na Cristo,” pansinin ang mga katangian at titulong ibinigay sa Tagapagligtas. Ang sumusunod na mga talata ng banal na kasulatan ay makatutulong sa iyo na pagnilayan kung paanong si Cristo “ang liwanag, ang buhay, at ang pag-asa ng mundo”: Lucas 2:25–32; I Mga Taga Corinto 15:19–23; Moroni 7:41; Doktrina at mga Tipan 50:24; 84:44–46; 93:7–10. Paanong Siya ang iyong ilaw, buhay, at pag-asa? Ano ang iba pang mga katangian o titulo ng Tagapagligtas na pinakamahalaga sa iyo?
Paano naapektuhan ng pag-aaral ng “Ang Buhay na Cristo” ang iyong pananampalataya at pagmamahal sa Tagapagligtas?
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
-
“Ang Buhay na Cristo.”Upang matulungan ang inyong pamilya na maunawaan ang mga katotohanang itinuro tungkol sa Tagapagligtas sa “Ang Buhay na Cristo,” maaari kang pumili ng ilang mahahalagang parirala at magtulungan sa paghanap o pagdrowing ng mga larawan na nagpapakita ng mga pariralang iyon. Pagkatapos ay maaari mong pagsama-samahin ang mga larawan at pariralang iyon sa isang aklat.
-
“Iniaalay namin ang aming patotoo.”Ano ang matututuhan natin mula sa “Ang Buhay na Cristo” tungkol sa kung ano ang ibig sabihin ng magbigay ng patotoo? Maaari ninyong itala ang inyong mga patotoo tungkol kay Cristo upang gunitain ang pagsilang ng Tagapagligtas.
-
Siya ay “naglilibot na gumagawa ng mabuti.”Paano kaya matutularan ng inyong pamilya ang halimbawa ng paglilingkod ng Tagapagligtas ngayong Pasko? Paano mo ipalalaganap ang “kapayapaan at kabutihan” sa inyong pamilya at komunidad? Paano ka makatutulong sa “pagpapagaling [sa] maysakit”? Maaari kang makakita ng mga ideya sa ilan sa mga Christmas video sa Gospel Media app o sa Gospel Media library (medialibrary.ChurchofJesusChrist.org).
-
“Salamat sa Diyos sa Kanyang walang kapantay na kaloob na Kanyang banal na Anak.”Anong mga regalo ang natanggap natin dahil kay Jesucristo? Marahil ay mahahanap ng mga miyembro ng pamilya ang mga sagot sa “Ang Buhay na Cristo” at pagkatapos ay magbalot ng mga regalo na kumakatawan sa mga kaloob na iyon mula sa Tagapagligtas. Maaaring buksan ng inyong pamilya ang mga regalo sa araw ng Pasko o sa buong linggo at magbasa ng mga talata sa banal na kasulatan na may kaugnayan sa bawat isa. Narito ang ilang posibleng mga banal na kasulatan, bagama’t maaaring marami pang iba ang mahanap ng inyong pamilya: Lucas 2:10–14; I Ni Pedro 2:21; Mosias 3:8; Alma 11:42–43; Doktrina at mga Tipan 18:10–12. Maaari rin ninyong kantahin ang isang awitin tungkol sa Tagapagligtas, tulad ng “Isinugo, Kanyang Anak” (Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21), upang mahanap ang iba pang mga kaloob na nagmula sa Kanya.
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminungkahing awitin: “Dinggin! Awit ng Anghel,” Mga Himno, blg. 128.