“Disyembre 6–12. Ang Mga Saligan ng Pananampalataya at Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2: ‘Naniniwala Kami,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Disyembre 6–12. Ang Mga Saligan ng Pananampalataya at Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021
Disyembre 6–12
Ang Mga Saligan ng Pananampalataya at Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2
“Naniniwala Kami”
Habang ikaw ay nag-aaral sa linggong ito at gumagawa ng plano sa pagtuturo, isipin kung paano mo matutulungan ang mga bata sa iyong klase na palakasin ang kanilang paniniwala sa mga pangunahing katotohanan ng ebanghelyo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Maghagis ng bola sa isang bata, at hilingin sa bata na magbahagi ng isang bagay na pinaniniwalaan niya tungkol kay Jesucristo o sa Ama sa Langit. Ulitin ito hanggang sa magkaroon ang bawat bata ng pagkakataong magbahagi.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Ang Mga Saligan ng Pananampalataya
Naniniwala ako sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Maaari mong gamitin ang Mga Saligan ng Pananampalataya para rebyuhin sa mga bata ang ilan sa mga pangunahing paniniwala ng Simbahan ni Jesucristo. Bakit mahalaga na maniwala ang mga batang tinuturuan mo sa mga simpleng katotohanang ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Pumili ng ilang saligan ng pananampalataya na sa palagay mo ay lubos na mahalaga para sa mga batang tinuturuan mo. Para sa bawat saligan ng pananampalataya, magbahagi ng isang larawan (tingnan sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito) o isang kuwento (mula sa mga banal na kasulatan o sa buhay mo) na nagpapakita o naglilinaw ng katotohanan sa saligang iyon. Sabihin sa mga bata kung bakit mahalaga ang katotohanang iyon sa iyo, at bigyan sila ng pagkakataong ibahagi kung bakit ito mahalaga sa kanila.
-
Maghanap ng mga himno o awiting pambata na makatutulong sa mga bata na maunawaan ang isa o higit pa sa mga saligan ng pananampalataya. Marahil ay makatutulong sa iyo ang mga bata sa pagpili ng awitin. Sama-samang kantahin ang awitin, at tulungan ang mga bata na makita kung paano nauugnay ang mga awitin sa mga saligan ng pananampalataya.
Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9; Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2
Ginagabayan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang propeta.
Sa pagharap ng mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang pagsubok, makahahanap tayo ng kapayapaan sa kaalaman na ang Ama sa Langit ay handang magbigay ng paghahayag na gagabay sa atin. Tulungan ang mga batang tinuturuan mo na palakasin ang kanilang pananampalataya na ginagabayan ng Diyos ang Simbahan sa pamamagitan ng isang buhay na propeta.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita ng isang set ng mga banal na kasulatan at isang larawan ng buhay na propeta (o ng isang pinakahuling isyu ng kumperensya ng Ensign o Liahona). Tulungan ang mga bata na malaman kung aling aytem ang nauugnay sa pariralang “lahat ng ipinahayag ng Diyos” at alin ang nauugnay sa pariralang “lahat ng Kanyang ipinahahayag ngayon” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9).
-
Patayin ang mga ilaw, at ilagay ang larawan ni Jesucristo sa pisara. Ilawan ng flashlight ang larawan para maipakita kung paano tayo tinutulungan ng propeta, gaya ng flashlight, na makita nang mas malinaw ang Tagapagligtas.
-
Maghanap ng mga simpleng direksyon sa paggawa ng isang bagay, tulad ng pagkain o laruan. Sundin ang mga direksyon kasama ng mga bata, at ipaliwanag na sa pamamagitan ng propeta, ibinibigay sa atin ng Ama sa Langit ang mga direksyon o tagubilin upang tulungan tayong makabalik sa Kanyang piling. Ano ang ilang bagay na naituro na sa atin ng propeta upang makabalik tayo sa Diyos?
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Ang Mga Saligan ng Pananampalataya
Ang Mga Saligan ng Pananampalataya ay nagtuturo ng mga simpleng katotohanan ng ebanghelyo.
Kung minsan ang ebanghelyo ay tila malaki at kumplikado, lalo na sa mga bata. Ang Mga Saligan ng Pananampalataya ay makatutulong sa mga bata na maunawaan, sa simpleng paraan, ang ilan sa mga pangunahing katotohanang pinaniniwalaan natin bilang mga Banal sa mga Huling Araw.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang bawat bata na pumili ng isang mahalagang salita o parirala mula sa isa sa mga saligan ng pananampalataya at ibahagi ito sa klase. Pagkatapos ay ipahula (o ipahanap) sa iba pang mga bata kung aling saligan ng pananampalataya ang pinanggalingan ng salita o parirala. Hilingin sa mga bata na ibahagi kung bakit mahalaga ang salita o pariralang pinili nila.
-
Ilang araw bago magklase, hilingin sa ilan sa mga bata na maghandang ibahagi sa klase ang isang maikling mensahe tungkol sa kanilang paboritong saligan ng pananampalataya. Ang kanilang mensahe ay maaaring kapalooban ng isang larawan, awitin, kuwento o karanasan, o iba pang mga banal na kasulatan. Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung bakit nila gusto ang saligan ng pananampalataya na pinili nila.
-
Isulat sa pisara ang ilang tanong na maaaring mayroon ang mga tao tungkol sa ating paniniwala na maaaring masagot ng isa sa mga saligan ng pananampalataya. Hilingin sa mga bata na pumili ng isang tanong at hanapin ang saligan ng pananampalataya na sumasagot dito. Bigyan sila ng pagkakataon na magsanay na sagutin ang tanong gamit ang saligan ng pananampalataya.
Ang mga propeta ay tumutulong sa atin na malaman ang kalooban ng Ama sa Langit.
Ang Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2 ay napakagagandang halimbawa kung paano tumatanggap at kumikilos ang mga propeta ayon sa paghahayag mula sa Diyos. Paano mo matutulungan ang mga bata na palakasin ang kanilang pananampalataya na pinapatnubayan ng Diyos ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na hanapin ang saligan ng pananampalataya na nagtuturo tungkol sa propeta o paghahayag. Anyayahan silang ibahagi kung bakit sila nagpapasalamat na mayroon tayong buhay na propeta. Magbahagi ng ilang halimbawa kung paano ginabayan ng Diyos ang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag, kabilang na ang mga halimbawang inilarawan sa Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2, at bigyan ng pagkakataon ang mga bata na magbahagi ng mga halimbawa na pamilyar sa kanila (tulad ng anumang pagbabago kamakailan sa mga programa o patakaran ng Simbahan).
-
Bigyan ang mga bata ng sumusunod na mga scripture reference: 2 Nephi 26:33; Jacob 2:27. Anyayahan silang tukuyin kung aling banal na kasulatan ang nauugnay sa Opisyal na Pahayag 1 (na tumapos sa maramihang pagpapakasal) at kung alin ang nauugnay sa Opisyal na Pahayag 2 (na nagkaloob ng mga pagpapala ng priesthood at templo sa mga tao sa lahat ng lahi). Magpatotoo na inihahayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban sa mga sinauna at makabagong propeta.
-
Isulat ang sumusunod mula sa Opisyal na Pahayag 1 sa pisara: “Kailangang magpasiya kayo sa inyong sarili.” Ano ang ibig sabihin ng magpasiya para sa ating sarili kapag ang propeta ay tumatanggap ng paghahayag? Para tulungan silang sagutin ang tanong na ito, maaari mong ibahagi ang pahayag na ito ni Pangulong Russell M. Nelson: “Malalaman ninyo sa inyong sarili kung ano ang totoo at hindi sa pamamagitan ng pagkatuto na makilala ang mga bulong ng Espiritu” (“The Love and Laws of God” [Brigham Young University devotional, Set. 17, 2019], 4, speeches.byu.edu).
-
Magdrowing o magdispley ng larawan ng daigdig sa pisara. Anyayahan ang isa sa mga bata na basahin ang huling dalawang talata ng liham ng Unang Panguluhan na may petsang Hunyo 8, 1978 na binanggit sa Opisyal na Pahayag 2 (nagsisimula sa “Kanyang dininig ang aming mga panalangin …”). Hilingin sa mga bata na bilangin kung ilang beses binanggit ang mga salitang “pagpapala” at “mga pagpapala.” Ano ang mga pagpapalang nagmumula sa ebanghelyo? Anyayahan ang mga bata na ilista ang mga ito sa pisara sa paligid ng drowing o larawan ng daigdig. Magpatotoo na mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak sa buong mundo at nais Niya silang pagpalain ng Kanyang ebanghelyo.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Tulungan ang mga bata na pumili ng isang saligan ng pananampalataya na gusto nilang isaulo, at tulungan silang gumawa ng plano na gawin ito.