“Mga Tagubilin para sa Oras ng Pag-awit at Pagtatanghal ng mga Bata sa Sacrament Meeting,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Mga Tagubilin para sa Oras ng Pag-awit,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 202
Mga Tagubilin para sa Oras ng Pag-awit at Pagtatanghal ng mga Bata sa Sacrament Meeting
Mahal naming mga Primary Presidency at Music Leader,
Ang mga awitin sa Primary ay mabisang kasangkapan upang matulungan ang mga bata na matutuhan ang tungkol sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit at ang mga pangunahing katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Habang kumakanta ang mga bata tungkol sa mga alituntunin ng ebanghelyo, sasaksihan ng Espiritu Santo ang katotohanan ng mga ito. Ang mga salita at musika ay mananatili sa puso at isipan ng mga bata sa buong buhay nila.
Hangarin ang tulong ng Espiritu habang naghahanda kayo na ituro ang ebanghelyo sa pamamagitan ng musika. Ibigay ang inyong patotoo tungkol sa mga katotohanang inaawit ninyo. Tulungan ang mga bata na makita kung paano nauugnay ang musika sa kanilang natututuhan at nararanasan sa tahanan at sa mga klase sa Primary. Ang mga bata at ang kanilang mga pamilya ay pagpapalain dahil sa inyong mapagmahal na pagsisikap.
Mahal namin kayo at ipinaaabot namin ang aming pasasalamat sa inyong tapat na paglilingkod upang palakasin at protektahan ang pinakamamahal nating mga anak.
Ang Primary General Presidency
Mga Patnubay sa Pagtatanghal sa Sacrament Meeting
Sa ilalim ng patnubay ng bishop, ang pagtatanghal ng mga bata sa sacrament meeting ay karaniwang idinaraos sa ikaapat na kwarter ng taon. Bilang Primary presidency at music leader, kausapin sa simula ng taon ang tagapayo sa bishopric na namamahala sa Primary upang masimulan na ang pagtalakay sa mga plano para sa pagtatanghal. Kapag nakumpleto na ninyo ang mga plano, hingin ang kanyang pahintulot sa mga ito.
Ang pagtatanghal ay dapat magbigay ng pagkakataon sa mga bata na maitanghal kung ano ang mga natutuhan nila at ng kanilang mga pamilya sa tahanan at sa Primary tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo mula sa Doktrina at mga Tipan, kabilang na ang mga awitin sa Primary na kinanta nila sa buong taon. Mapanalanging pag-isipan kung aling mga alituntunin ng ebanghelyo at awitin ang sumusuporta sa mga natutuhan nila. Sa buong taon, itala ang mga mensahe at mga personal na karanasan ng mga bata na maaaring magamit sa pagtatanghal. Anyayahan ang mga bata na ibahagi sa pagtatanghal ang mga banal na kasulatan, kuwento, at ang kanilang mga patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo. Habang pinagpaplanuhan ninyo ang pagtatanghal, mag-isip ng mga paraan para matulungan nito ang kongregasyon na magtuon sa Tagapagligtas at sa mga katotohanang Kanyang ipinanumbalik sa mga huling araw.
Ang mga yunit na may maliliit na bilang ng mga bata ay maaaring umisip ng mga paraan para makalahok ang mga kapamilya kasama ng kanilang mga anak. Maaaring tapusin ng isang miyembro ng bishopric ang miting sa isang maikling mensahe.
Habang inihahanda ninyo ang pagtatanghal, tandaan ang sumusunod na mga gabay:
-
Hindi dapat gamitin sa pag-eensayo ang oras na para sa klase ng Primary o sa pamilya.
-
Ang mga larawan, costume, at media presentation ay hindi angkop sa sacrament meeting.
Tingnan sa Handbook 2: Administering the Church, 11.5.3, ChurchofJesusChrist.org.
Mga Tagubilin para sa Oras ng Pag-awit
5 minuto (Primary presidency): Pambungad na panalangin, mga banal na kasulatan o saligan ng pananampalataya, at isang mensahe
20 minuto (music leader): Oras ng pag-awit
Ang layunin ng oras ng pag-awit ay upang matulungan ang mga bata na palalimin ang kanilang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng musika. Isinasaisip ito ng panguluhan ng Primary at music leader habang pumipili ng mga awitin para sa bawat buwan. Ang mga awitin ay dapat na nagpapatibay sa mga alituntunin na natututuhan ng mga bata tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo sa kanilang mga klase at sa tahanan. Kasama sa gabay na ito ang isang listahan ng mga awiting nagpapatibay sa mga alituntuning ito. Ang mga awiting ito ay iminumungkahi rin sa mga outline sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Habang itinuturo mo ang mga awitin sa mga bata, anyayahan silang ibahagi kung ano ang natutuhan na nila tungkol sa mga kuwento at alituntunin ng doktrina na itinuturo sa mga awitin. Maaari mong rebyuhin ang mga outline sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary na pinag-aaralan ng mga bata sa kanilang mga klase. Tutulungan ka nitong malaman ang mga kuwento at alituntunin na natututuhan nila para mapag-isipan mo kung paano masusuportahan ang kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng musika.
Sa oras ng pag-awit, maaari din ninyong pag-aralan muli ang mga awiting natutuhan na ng mga bata at ang mga awiting nasisiyahan silang kantahin. Habang nagrerebyu kayo, anyayahan ang mga bata na ibahagi ang kanilang mga naiisip at nadarama tungkol sa mga katotohanang nabanggit sa mga awitin.
Ang Aklat ng mga Awit Pambata ang pangunahing resource para sa musika sa Primary. Ang mga himno mula sa himnaryo at mga awitin mula sa Friend at Liahona ay naaangkop din. Paminsan-minsan, maaaring kumanta ang mga bata ng mga awiting makabayan o awitin para sa isang pista-opisyal na angkop sa araw ng Linggo at sa edad ng mga bata. Ang paggamit ng anumang iba pang musika sa Primary ay dapat aprubahan muna ng bishopric (tingnan sa Handbook 2: Administering the Church, 11.2.4).
Overview ng Primary
Bawat linggo, kabilang sa Primary ang:
-
Oras ng pag-awit:25 minuto
-
Paglipat:5 minuto
-
Mga klase:20 minuto
Maaaring hatiin ng mga lider ng mas malalaking grupo ng mga Primary ang mga bata sa dalawang grupo at magkaroon ng isang grupo na nagkaklase sa Primary habang ang kabilang grupo ay nasa oras ng pag-awit. Pagkatapos ay magpapalitan ang dalawang grupo. Sa gayong mga pagkakataon, maaaring baguhin ng mga lider ng Primary ang mga oras na makikita sa itaas upang maging angkop sa kanilang mga sitwasyon.
Musika para sa Oras ng Pag-awit
Enero
-
“Unang Panalangin ni Joseph Smith,” Mga Himno, blg. 20
-
“Babasahin, Uunawain, at Mananalangin,” Aklat ng mga Awit Pambata, 66
-
“Kasaysayan ng Mag-anak,” Aklat ng mga Awit Pambata, 100
Pebrero
-
“Sana Ako’y Makapagmisyon,” Aklat ng mga Awit Pambata, 91
-
“Ang Pagkasaserdote ay Naipanumbalik,” Aklat ng mga Awit Pambata, 60
-
“Ako ay Namangha,” Mga Himno, blg. 115
Marso
-
“Ang Simbahan ni Jesucristo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 48
-
“Sa Aking Pagkabinyag,” Aklat ng mga Awit Pambata, 53
-
“Sa Kanyang Pagbabalik,” Aklat ng mga Awit Pambata, 46–47
Abril
-
“Si Jesus ay Nagbangon,” Aklat ng mga Awit Pambata, 44
-
“Sana Ako’y Makapagmisyon,” Aklat ng mga Awit Pambata, 91
-
“Mahalin Bawat Tao, Sabi ni Cristo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 39
Mayo
-
“Sa Kanyang Pagbabalik,” Aklat ng mga Awit Pambata, 46–47
-
“Ako Ba’y May Kabutihang Nagawa?” Mga Himno, blg. 135
-
“Piliin ang Tama,” Mga Himno, blg. 145
Hunyo
-
“Sinisikap Kong Tularan si Jesus,” Aklat ng mga Awit Pambata, 40–41
-
“Paggalang ay Pagmamahal,” Aklat ng mga Awit Pambata, 12
-
“Ama, Ako’y Tulungan,” Aklat ng mga Awit Pambata, 52
Hulyo
-
“Buhay ang Aking Manunubos,” Mga Himno, blg. 78
-
“Ako Ba’y May Kabutihang Nagawa?” Mga Himno, blg. 135
-
“Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 42–43
Agosto
-
“Ang Pagkasaserdote ay Naipanumbalik,” Aklat ng mga Awit Pambata, 60
-
“Ang Espiritu Santo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 56
-
“Ako ay Anak ng Diyos,” Aklat ng mga Awit Pambata, 2–3
Setyembre
-
“Tahimik, Taimtim,” Aklat ng mga Awit Pambata, 11
-
“Tila Ba Ako’y Isang Tala,” Aklat ng mga Awit Pambata, 84
-
“Ako’y Magiging Magiting,” Aklat ng mga Awit Pambata, 85
Oktubre
-
“Espiritu ng Diyos,” Mga Himno, blg. 2
-
“Templo’y Ibig Makita,” Aklat ng mga Awit Pambata, 99
-
“Ang Simbahan ni Jesucristo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 48
Nobyembre
-
“Kasaysayan ng Mag-anak,” Aklat ng mga Awit Pambata, 100
-
“Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan,” Aklat ng mga Awit Pambata, 98
-
“Purihin ang Propeta,” Mga Himno, blg. 21
Disyembre
-
“Susundin Ko ang Plano ng Diyos,” Aklat ng mga Awit Pambata, 86–87
-
“Isinugo, Kanyang Anak,” Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21
-
“Dinggin! Awit ng Anghel,” Mga Himno, blg. 128
Paggamit ng Musika upang Maituro ang Doktrina
Tandaan na ang layunin ng oras ng pag-awit ay hindi lamang upang turuan ang mga bata kung paano kumanta, kundi upang gamitin ang musika para palalimin ang kanilang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang sumusunod na mga ideya ay maaaring magbigay-inspirasyon sa iyo habang nagpaplano ka kung paano gawin ito.
Pag-aralan ang tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo mula sa mga awitin na kinakanta ninyo. Anyayahan sila na ibahagi ang kanilang mga paboritong salita mula sa awitin na naglalarawan sa Diyos at sa Tagapagligtas.
Basahin ang kaugnay na mga banal na kasulatan. Marami sa mga awitin sa Aklat ng mga Awit Pambata at himnaryo ay may nakalistang mga reperensya ng mga kaugnay na banal na kasulatan. Tulungan ang mga bata na magbasa ng mga talata sa banal na kasulatan, at pag-usapan kung paano ito nauugnay sa awitin na kinakanta ninyo. Maaari ka ring maglista sa pisara ng ilang scripture reference at anyayahan ang mga bata na itugma ang bawat reperensya sa isang awitin o sa isang taludtod mula sa isang awitin.
Punan ang patlang. Magsulat ng isang taludtod ng isang awitin sa pisara na hindi isinasama ang ilang mahahalagang salita. Pagkatapos ay hilingin sa mga bata na kantahin ang awitin habang pinakikinggan ang mga salita na pupuno sa mga patlang. Habang pinupunan nila ang bawat patlang, talakayin kung anong mga alituntunin ng ebanghelyo ang natutuhan ninyo mula sa mga nawawalang salita.
Mga sipi mula sa mga lider ng Simbahan. Anyayahan ang mga bata na makinig sa isang sipi mula sa isang lider ng Simbahan na nagtuturo ng alituntunin ng ebanghelyo na katulad ng itinuturo ng awitin sa Primary. Hilingin sa kanila na itaas ang kanilang kamay kapag nakarinig sila ng isang bagay na tumutulong sa kanila na maunawaan ang katotohanan sa kanilang inaawit. Hilingin sa kanila na ibahagi ang narinig nila.
Magpatotoo. Magbahagi ng maikling patotoo sa mga bata tungkol sa mga katotohanan ng ebanghelyo na matatagpuan sa awitin sa Primary. Ipaunawa sa mga bata na ang pagkanta ay isang paraan na makapagpapatotoo sila at madarama nila ang Espiritu.
Tumayo bilang isang saksi. Anyayahan ang mga bata na magsalitan sa pagtayo at pagbabahagi ng natutuhan nila mula sa awiting kinakanta nila o kung ano ang nadarama nila tungkol sa mga katotohanang itinuturo sa awitin. Tanungin sila kung ano ang nadarama nila habang sila ay umaawit, at tulungan silang tukuyin ang impluwensya ng Espiritu Santo.
Gumamit ng mga larawan. Hilingin sa mga bata na tulungan kang maghanap o lumikha ng mga larawan na tugma sa mahahalagang salita o parirala sa awitin. Anyayahan silang ibahagi kung paano nauugnay ang mga larawan sa awitin at kung ano ang itinuturo ng awitin. Halimbawa, kung itinuturo mo ang awiting “Sa Kanyang Pagbabalik” (Aklat ng mga Awit Pambata, 46–47), maaari kang maglagay ng mga larawan sa buong silid na nagpapakita ng mahahalagang salita mula sa awitin (tulad ng anghel, taglamig, at bituin). Hilingin sa mga bata na tipunin ang mga larawan at itaas ang mga ito ayon sa tamang pagkakasunud-sunod habang kinakanta ninyo nang sama-sama ang awitin.
Magbahagi ng isang object lesson. Maaari kang gumamit ng isang bagay upang mahikayat ang talakayan tungkol sa isang awitin. Halimbawa, sa awit na “Sa Aking Pagkabinyag” (Aklat ng mga Awit Pambata, 53) ay binabanggit ang ulan. Maaari mong ipakita sa mga bata ang larawan ng ulan o isang basong tubig at pag-usapan kung paano nililinis ng binyag at Espiritu Santo ang ating mga espiritu tulad ng paglinis ng tubig-ulan sa lupa; maaari itong humantong sa isang talakayan tungkol sa mga pagpapala ng pagpapabinyag at pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo.
Mag-anyaya ng pagbabahagi ng mga personal na karanasan. Tulungan ang mga bata na iugnay ang mga alituntuning itinuturo sa awitin sa mga karanasan nila sa mga alituntuning iyon. Halimbawa, bago awitin ang “Templo’y Ibig Makita” (Aklat ng mga Awit Pambata, 99), maaari mong hilingin sa mga bata na itaas ang kanilang mga kamay kung nakakita na sila ng isang templo. Anyayahan silang isipin, habang kumakanta, kung ano ang nararamdaman nila kapag nakakakita sila ng isang templo.
Magtanong. Marami kang maaaring itanong habang umaawit kayo. Halimbawa, maaari mong itanong sa mga bata kung ano ang natutuhan nila mula sa bawat taludtod sa awitin. Maaari mo ring hilingin sa kanila na mag-isip ng mga tanong na sinasagot ng awitin. Maaari itong humantong sa isang talakayan tungkol sa mga katotohanang itinuturo sa awitin.
Makinig para sa mga sagot. Hilingin sa mga bata na pakinggan ang mga sagot sa mga tanong. Halimbawa, ang awit na “Isinugo, Kanyang Anak” (Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21) ay naglalaman ng ilang tanong at sagot. Maaari mong itanong sa mga bata ang mga tanong at pagkatapos ay sabihin sa kanila na pakinggan ang mga sagot habang kumakanta sila.
Pagtulong sa mga Bata na Matutuhan at Maalala ang mga Awitin sa Primary
Natututuhan ng mga bata ang isang awitin sa pamamagitan ng paulit-ulit na pakikinig at pagkanta nito. Palaging kantahin sa mga bata ang mga salita ng isang bagong awitin—huwag itong basta basahin o bigkasin lamang sa kanila. Nakatutulong ito para maiugnay ng mga bata ang tono sa mga salita. Matapos ituro ang isang awitin, pag-aralan itong muli sa iba’t ibang masasayang paraan sa buong taon. Nasa ibaba ang ilang ideya upang matulungan ang mga bata na matutuhan at pag-aralang muli ang mga awitin.
Gumalaw ayon sa tono. Upang matulungan ang mga bata na matutuhan ang tono ng isang awitin, itaas ang iyong kamay sa pahalang na posisyon, at habang inaawit ang mga salita, itaas ang iyong kamay upang ipahiwatig ang matataas na tono, at ibaba ito upang ipahiwatig ang mabababang tono.
Alingawngaw. Anyayahan ang mga bata na maging alingawngaw mo sa pamamagitan ng pag-uulit ng mga kinakanta mo. Kantahin sa mga bata ang isang maikling parirala o isang linya, at pagkatapos ay ipakanta ito sa kanila.
Gumamit ng iba’t ibang paraan. Awitin ang mga kanta sa iba’t ibang paraan, tulad ng pagbulong, paghuni, pagpalakpak sa tempo, pagbabago ng bilis, o pagkanta habang nakaupo at nakatayo. Maaari ka ring gumawa ng isang cube na yari sa papel at, sa bawat panig ng cube, sumulat ng iba’t ibang paraan ng pagkanta. Anyayahan ang isang bata na pagulungin ang cube upang malaman kung paano kakantahin ng mga bata ang awitin.
Grupu-grupong pag-awit. Bigyan ang bawat klase o ang bawat indibiduwal ng isang parirala na kakantahin nang nakatayo, at pagkatapos ay sabihin sa kanila na makipagpalitan ng mga parirala hanggang sa ang bawat klase o indibiduwal ay nagkaroon ng pagkakataon na kantahin ang bawat parirala.
Gumamit ng mga galaw. Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng mga simpleng galaw na tutulong sa kanilang matandaan ang mga salita at mensahe ng isang awitin. Halimbawa, kapag kinanta ninyo ang “Tahimik, Taimtim” (Aklat ng mga Awit Pambata, 11), maaari mong anyayahan ang mga bata na ihalukipkip ang kanilang mga bisig, yumuko, at hipuin ang kanilang puso habang kinakanta nila ang kaugnay na mga linya sa awitin.
Sama-samang kumanta ang mga babae, sama-samang kumanta ang mga lalaki. Magdrowing ng larawan ng isang batang lalaki at larawan ng isang batang babae. Habang pinag-aaralang muli ang isang awitin, itaas ang isa sa mga larawan upang maipahiwatig kung sino ang dapat kumanta ng bahaging iyon ng awitin.
Pag-itsa sa basket. Maglagay ng mga basket o ibang lalagyan na may numero sa harap ng silid—kasing dami ng lalagyan ang mga taludtod ng isang partikular na awitin. Anyayahan ang isang bata na mag-itsa ng isang beanbag o nilukot na papel sa loob ng o malapit sa lalagyang mayroong numero. Ipakanta sa mga bata ang taludtod na pareho ang numero ng nasa lalagyan.
Itugma ang isang larawan sa isang parirala. Isulat ang bawat linya ng isang awitin sa iba’t ibang piraso ng papel, at maghanap ng larawan na kumakatawan sa bawat linya. Ilagay ang mga larawan sa isang panig ng silid at ang mga papel sa kabilang panig. Kantahin ang awitin, at hilingin sa mga bata na itugma ang mga larawan sa mga salita.
Gumawa ng mga karatula. Magpakita ng mga karatula na may mga salita mula sa bawat taludtod o mga larawan na kumakatawan sa mga salita. Habang kumakanta ang mga bata, takpan ang ilan sa mga salita o larawan hanggang sa makanta na nila ang buong taludtod nang wala ang karatula. Maaari mo ring anyayahan ang mga bata na tulungan kang gumawa ng mga karatula.