“Agosto 23–29. Doktrina at mga Tipan 93: ‘Tumanggap ng Kanyang Kaganapan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Agosto 23–29. Doktrina at mga Tipan 93,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021
Agosto 23–29
Doktrina at mga Tipan 93
“Tumanggap ng Kanyang Kaganapan”
Itinuturo sa Doktrina at mga Tipan 93 na “ang katotohanan ay kaalaman ng mga bagay sa ngayon, at sa nakalipas, at sa mga darating pa” (talata 24). Habang pinag-aaralan mo ang bahaging ito, alamin ang katotohanan at itala ang natutuhan mo. Anong bagay ang handa kang gawin para matanggap ang katotohanan? (tingnan sa mga talata 27–28).
Itala ang Iyong mga Impresyon
“Kapag kayo ay aakyat ng hagdan,” pagtuturo ni Joseph Smith, “kailangan kayong magsimula sa ibaba, at umakyat nang paisa-isang baitang, hanggang sa kayo ay makarating sa itaas; gayundin sa mga alituntunin ng ebanghelyo—kailangan kayong magsimula sa una, at magpatuloy hanggang sa matutuhan ninyo ang lahat ng alituntunin ng kadakilaan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 312).
Kung minsan ay tila napakataas ng hagdan ng kadakilaan, ngunit tayo ay isinilang upang umakyat sa itaas. Anumang limitasyon ang maaaring nakikita natin sa ating sarili, ang Ama sa Langit at ang Kanyang Anak ay may nakikitang isang bagay na maluwalhati sa atin, isang bagay na katulad ng sa Diyos. Tulad ng si Jesucristo “sa simula ay kasama ng Ama,” “kayo rin sa simula ay kasama ng Ama” (Doktrina at mga Tipan 93:21, 23). Tulad ng Siya ay “nagpatuloy nang biyaya sa biyaya, hanggang sa tanggapin niya ang kaganapan,” gayon din naman “kayo ay makatatanggap nang biyaya sa biyaya” (talata 13, 20). Itinuturo sa atin ng ipinanumbalik na ebanghelyo ang tungkol sa likas na katangian ng Diyos, at kung gayon ay itinuturo din nito ang tungkol sa ating sarili at sa maaari nating kahinatnan. Sa kabila ng mga pagsisikap ng “yaong masama” (talata 39)—at sa kabila ng sa palagay mo ay wala sa iyo—ikaw ay literal na anak ng Diyos na maaaring “sa takdang panahon ay tumanggap ng kanyang kaganapan” (talata 19).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Sinasamba natin ang Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo.
Habang tinutukoy ang tungkol sa paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 93, ipinaliwanag ng Panginoon na, “Ibinibigay ko sa inyo ang mga salitang ito upang maunawaan ninyo at malaman kung paano sumamba, at malaman kung ano ang sasambahin, upang kayo ay makarating sa Ama sa aking pangalan, [at] sa takdang panahon ay tumanggap ng kanyang kaganapan” (talata 19). Habang pinag-aaralan mo ang paghahayag na ito, markahan ang mga katotohanang napag-alaman mo tungkol sa mga Nilalang na ating sinasamba: ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Ano ang natutuhan mo tungkol sa “kung paano sumamba” sa Kanila? kung paano “makarating sa Ama”?
Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katangian ng Diyos, hindi nila nauunawaan ang kanilang sarili” (Mga Turo: Joseph Smith, 46). Habang nalalaman mo ang tungkol sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 93, hanapin ang mga natututuhan mo rin tungkol sa iyong sarili. Halimbawa, ano ang natutuhan mo tungkol sa Kanya mula sa mga talata 3, 12, 21, at 26? Anong katulad na mga katotohanan ang natutuhan mo tungkol sa iyong sarili sa mga talata 20, 23, at 28–29? (Tingnan din sa I Juan 3:2; 3 Nephi 27:27; Dean M. Davies, “Ang mga Pagpapala ng Pagsamba,” Liahona, Nob. 2016, 93–95.)
Ang kaluwalhatian ng Diyos ay liwanag at katotohanan.
Maaari mong mapansin na ang kaluwalhatian, liwanag, at katotohanan ay madalas lumitaw sa paghahayag na ito. Habang pinag-aaralan mo lalo na ang mga talata 21–39, gumawa ng listahan ng mga katotohanang natutuhan mo tungkol sa kaluwalhatian, liwanag, at katotohanan. Paano ka nahihikayat ng mga katotohanang ito na maghangad ng higit na kaliwanagan at katotohanan? Paano maaaring makaapekto ang mga katotohanang ito sa iyong pang-araw-araw na buhay?
Doktrina at mga Tipan 93:40–50
“Isasaayos mo ang iyong sambahayan.”
Pagdating sa bandang talata 40, ang Doktrina at mga Tipan 93 ay tila nagtatransisyon mula sa mga turo tungkol sa kaluwalhatian ng Diyos at sa ating banal na potensyal tungo sa tagubilin sa pagiging magulang at pagsasaayos ng ating mga tahanan. Paano nakatutulong sa iyo ang mga turo ng Panginoon tungkol sa liwanag, katotohanan, at kaluwalhatian na nasa mga talata 1–39 na maunawaan at masunod ang payo na nasa mga talata 40–50?
Tingnan din sa David A. Bednar, “Mas Masigasig at Mapagmalasakit sa Tahanan,” Liahona, Nob. 2009, 17–20.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
-
Doktrina at mga Tipan 93:2.Paano naging “tunay na ilaw” si Jesucristo sa ating buhay? Paano natin nakita ang Kanyang Ilaw sa ibang tao na nakapaligid sa atin?
-
Doktrina at mga Tipan 93:3–29.Upang matulungan ang iyong pamilya na talakayin ang natutuhan nila sa bahagi 93 tungkol sa Tagapagligtas at sa kanilang sarili, maaari kayong maglaro ng pagtutugma. Halimbawa, maaari ninyong ihanda ang isang set ng mga kard na may mga talata mula sa bahagi 93 na nagtuturo ng mga katotohanan tungkol sa Tagapagligtas (tingnan sa mga talata 3, 12, 21, 26) at isa pang set na nagtuturo ng katulad niyon tungkol sa ating sarili (tingnan sa mga talata 20, 23, 28–29). Maaaring maghalinhinan ang mga miyembro ng pamilya sa pagpili ng isang kard mula sa bawat set, pagbasa ng mga talata, at pagsisikap na hanapin ang mga katotohanan na tumutugma. Paano naiimpluwensyahan ng mga katotohanang ito ang nadarama natin tungkol sa Tagapagligtas at sa ating sarili?
-
Doktrina at mga Tipan 93:12–13, 20.Ano ang ibig sabihin ng tumanggap “nang biyaya sa biyaya” at magpatuloy “nang biyaya sa biyaya”? (talata 12–13). Ano ang iminumungkahi ng mga talatang ito tungkol sa paraan ng ating paglaki at pagkatuto? Paano naaapektuhan ng pagkakaalam nito ang paraan ng pakikitungo natin sa iba—at sa ating sarili?
-
Doktrina at mga Tipan 93:24.Basahin ang depinisyon ng katotohanan na matatagpuan sa talata na ito, at anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na magbahagi ng isang bagay mula sa bahagi 93 na itinuturing nilang isang napakahalagang katotohanan. Anong iba pang mga depinisyon ng katotohanan ang makikita natin sa Juan 14:6; Jacob 4:13; o sa isang himno tungkol sa katotohanan, tulad ng “Sabihin, Ano ang Katotohanan?” (Mga Himno, blg. 173).
-
Doktrina at mga Tipan 93:40.Marahil kapag binasa mo ang talatang ito, maaaring kantahin ng pamilya ninyo ang isang awitin tungkol sa pagkatuto sa tahanan, tulad ng “Turuang Lumakad sa Liwanag” (Aklat ng mga Awit Pambata, 70). Maaaring masiyahan ang maliliit na bata na gumawa ng mga aksiyon na tugma sa mga salita. Ano ang nadarama mo na dapat mong gawin para maanyayahan ang karagdagang “liwanag at katotohanan” sa inyong tahanan?
-
Doktrina at mga Tipan 93:41–50.Pag-usapan bilang isang pamilya kung ano ang maaaring hindi “wasto sa inyong sambahayan.” Ano ang magagawa natin para “maisaayos ang [ating] sambahayan”? (mga talata 43–44).
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “Ako ay Anak ng Diyos,” Aklat ng mga Awit Pambata, 2–3.