Doktrina at mga Tipan 2021
Agosto 2–8. Doktrina at mga Tipan 85–87: “Tumayo Kayo sa mga Banal na Lugar”


“Agosto 2–8. Doktrina at mga Tipan 85–87: ‘Tumayo Kayo sa mga Banal na Lugar,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Agosto 2–8. Doktrina at mga Tipan 85–87,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

pamilyang naglalakad papunta sa templo

Agosto 2–8

Doktrina at mga Tipan 85–87

“Tumayo Kayo sa mga Banal na Lugar”

Maaari kang akayin ng Espiritu na pag-aralan ang mga alituntunin sa mga bahagi 85–87 na hindi naka-highlight sa outline na ito. Sundin ang Kanyang mga pahiwatig.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ang Araw ng Pasko ay karaniwang panahon para isipin ang mga mensaheng tulad ng “sa lupa’y kapayapaan” at [kapayapaan sa] “mga taong kinalulugdan” (tingnan sa Lucas 2:14). Ngunit noong Disyembre 25, 1832, natuon ang isipan ni Joseph Smith sa mga banta ng digmaan. Kinalaban ng South Carolina ang pamahalaan ng Estados Unidos at naghahanda para sa digmaan. At inihayag ng Panginoon kay Joseph na simula pa lamang ito: “Ang digmaan,” sabi Niya, “ay ibubuhos sa lahat ng bansa” (Doktrina at mga Tipan 87:2). Tila matutupad ang propesiyang ito sa lalong madaling panahon.

Ngunit hindi ito nangyari. Sa loob lamang ng ilang linggo, ang South Carolina at ang pamahalaan ng Estados Unidos ay nagkasundo, at naiwasan ang digmaan. Ngunit ang paghahayag ay hindi laging natutupad sa panahon o sa paraang inaasahan natin. Halos 30 taon ang nakalipas, maraming taon matapos paslangin si Joseph Smith at lumipat na ang mga Banal sa kanluran, ang South Carolina ay naghimagsik at sinundan ito ng digmaang sibil. Mula noon, ang digmaan sa buong mundo ay naging dahilan para “ang mundo ay [mag]dalamhati” (Doktrina at mga Tipan 87:6). Bagamat natupad ang propesiya kalaunan, ang kahalagahan ng paghahayag na ito ay hindi gaanong tungkol sa pagbabadya ng mga paparating na kalamidad kundi sa pagtuturo kung ano ang gagawin kapag nangyari ito. Ganito rin ang ipinayo noong 1831, 1861, at 2021: “Tumayo kayo sa mga banal na lugar, at huwag matinag” (talata 8).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Doktrina at mga Tipan 85:1–2

Mabuti ang “mag-ingat ng kasaysayan.”

Ang “kasaysayan” na inilarawan sa talata 1 ay nagtala ng mga pangalan ng mga taong “tumatanggap ng mga karampatang mana” sa Sion (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 72:24–26). Gayunman, ang kasaysayang ito ay hindi lamang pang-administratibo—mahalagang talaan din ito ng “pamamaraan ng pamumuhay [ng mga Banal], ang kanilang pananampalataya, at mga gawain” (talata 2).

Nag-iingat ka ba ng sariling kasaysayan o journal? Ano ang maitatala mo tungkol sa uri ng iyong pamumuhay, pananampalataya, at mga gawain na maaaring maging pagpapala sa darating na mga henerasyon? Paano maaaring maging pagpapala para sa iyo ang kasaysayang ito?

Tingnan din sa “Mga Journal: ‘Higit na Mahalaga Kaysa Ginto,’” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff (2011), 137–45.

Doktrina at mga Tipan 85:6

Ang Espiritu ay nangungusap sa “marahan at banayad na tinig.”

Pag-isipan ang mga salitang ginamit ni Joseph Smith upang ilarawan ang Espiritu sa Doktrina at mga Tipan 85:6. Sa paanong paraan ang tinig ng Espiritu ay “marahan” at “banayad”? Ano ang ilang bagay na “[itina]tagos” o itinitimo nito sa iyong buhay?

Habang iniisip mo kung paano nangungusap ang Espiritu sa iyo, isaalang-alang ang mga paglalarawang ito na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith: Doktrina at mga Tipan 6:22–24; 8:2–3; 9:7–9; 11:12–13; 128:1. Batay sa nabasa mo, ano sa pakiramdam mo ang kailangan mong gawin upang mas maramdaman ang tinig ng Espiritu?

Tingnan din sa I Mga Hari 19:11–12; Helaman 5:30.

babaeng nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay tumutulong sa atin na marinig ang Espiritu Santo.

Doktrina at mga Tipan 86

Ang mabubuti ay tinitipon sa mga huling araw.

Ang Doktrina at mga Tipan 86:1–7 ay naglalaman ng paliwanag ng Panginoon tungkol sa talinghaga ng trigo at mga agingay, na may bahagyang pagkakaiba ng diin kaysa sa ibinigay Niya sa Mateo 13:24–30, 37–43. Sa paghahambing mo sa dalawa, ano ang mga pagkakaibang napansin mo? Pag-isipan kung bakit ang talinghagang ito—lakip ang mga pagkakaibang ito—ay mahalagang ulitin sa “mga huling araw, maging ngayon” (Doktrina at mga Tipan 86:4). Ano ang matututuhan mo mula sa talinghagang ito at sa kahulugan nito sa mga huling araw?

Tulad ng nakatala sa mga talata 8–11, ang Panginoon ay nagsalita tungkol sa priesthood, panunumbalik, at sa kaligtasan ng Kanyang mga tao. Anong mga kaugnayan ang nakita mo sa mga talatang ito at sa talinghaga ng trigo at mga agingay? Paano ka magiging “tagapagligtas sa mga tao [ng Panginoon]”? (talata 11).

Tingnan din sa Gospel Topics, “Apostasy,” “Restoration of the Priesthood,” topics.ChurchofJesusChrist.org.

Doktrina at mga Tipan 87

Ang kapayapaan ay matatagpuan sa “mga banal na lugar.”

Bukod pa sa mga pisikal na panganib “ng pagdanak ng dugo … [at] ng taggutom, at salot, at lindol” (Doktrina at mga Tipan 87:6), ang payo sa paghahayag na ito ay angkop din sa espirituwal na mga panganib na nararanasan nating lahat sa mga huling araw. Anu-ano ang “mga banal na lugar” (talata 8) mo kung saan matatagpuan mo ang kapayapaan at kaligtasan? Ano ang nagpapabanal sa isang lugar? Bukod pa sa pisikal na lokasyon, marahil may mga banal na sandali, banal na mga gawain, o mga banal na kaisipan na maaaring magdulot ng kapayapaan. Ano ang ibig sabihin ng “huwag matinag” mula sa mga lugar na ito?

Tingnan din sa Henry B. Eyring, “Isang Tahanan Kung Saan Nananahan ang Espiritu ng Panginoon,” Ensign o Liahona, Mayo 2019, 22–25; Mga Banal, 1:187–88.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Doktrina at mga Tipan 85:6.Paano ninyo matuturuan ang inyong pamilya na mahiwatigan ang marahan at banayad na tinig ng Espiritu? Siguro maaari kayong maglaro kung saan ibubulong ng isang tao ang mahahalagang tagubilin sa gitna ng ingay sa paligid. Ano ang maaaring makagambala sa atin sa pakikinig sa Espiritu Santo? Marahil makapagbabahagi ang mga miyembro ng pamilya ng ginagawa nila para mapakinggan ang tinig ng Espiritu.

Doktrina at mga Tipan 86.Ang pagguhit o pagtingin sa mga larawan ay makatutulong sa inyong pamilya na maunawaan ang talinghaga ng trigo at mga agingay. Maaari ninyong simulan sa mga larawan ng mga bagay na inilarawan sa Mateo 13:24–30. Pagkatapos ay maaaring sulatan ng inyong pamilya ang mga larawan gamit ang mga paliwanag mula sa Doktrina at mga Tipan 86:1–7. Paano tayo natutulad sa trigo? Paano tayo maaaring maging katulad ng mga anghel na nagtitipon ng mga trigo?

Doktrina at mga Tipan 87:8.Upang masimulan ang talakayan kung paano magagawang banal na lugar ang inyong tahanan, maaari ninyong anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na magdisenyo ng tahanan para sa isang tao na nagmamahal sa Tagapagligtas. Maaari itong humantong sa mga ideya kung paano “muling aayusin” ang inyong tahanan upang ito ay maging isang lugar ng kapayapaan sa gitna ng espirituwal na panganib sa mundo. Ang mga awit na tulad ng “Pag-ibig sa Tahanan,” “Tahana’y Isang Langit” (Mga Himno, blg. 183, 186), o “Kung Saan Naroon ang Pag-ibig” (Aklat ng mga Awit Pambata, 76) ay makapagbibigay sa inyo ng mga ideya.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awit: “Kung Saan Naroon ang Pag-ibig,” Aklat ng mga Awit Pambata, 76.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gamitin ang iyong pagkamalikhain. Kapag nagtuturo kayo sa inyong pamilya mula sa mga banal na kasulatan, huwag limitahan ang inyong sarili sa mga tanong at mga ideya sa aktibidad na iminungkahi sa outline na ito. Gamitin ang mga ideyang ito para mailabas ninyo ang inyong pagkamalikhain. Isipin kung ano ang ikasisiya ng inyong pamilya at kung ano ang tutulong sa kanila para maiugnay ang mga banal na kasulatan sa kanilang buhay.

bukid ng trigo

Ginamit ng Panginoon ang talinghaga ng trigo at mga agingay para mailarawan kung paano titipunin ang Kanyang mga tao sa mga huling araw.