Doktrina at mga Tipan 2021
Agosto 9–15. Doktrina at mga Tipan 88: “Magtayo ng … Isang Bahay ng Diyos”


“Agosto 9–15. Doktrina at mga Tipan 88: ‘Magtayo ng … Isang Bahay ng Diyos’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Agosto 9–15. Doktrina at mga Tipan 88,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

silid na may mga silya at bangko

Agosto 9–15

Doktrina at mga Tipan 88

“Magtayo ng … Isang Bahay ng Diyos”

Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ipinapangako ko na habang masigasig ninyong ginagawang sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo ang inyong tahanan, … ang impluwensya ng kaaway sa inyong buhay at sa inyong tahanan ay mababawasan” (“Pagiging Kapuri-puring mga Banal sa mga Huling Araw,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 113).

Itala ang Iyong mga Impresyon

Paminsan-minsan, pinasusulyap sa atin ng Panginoon ang Kanyang walang-hanggang “kamahalan at kapangyarihan” (Doktrina at mga Tipan 88:47) sa pamamagitan ng maraming paghahayag sa Kanyang mga propeta. Ang Doktrina at mga Tipan 88 ay isang paghahayag—paghahayag na tungkol sa liwanag at kaluwalhatian at mga kaharian na kung ikukumpara ay magiging walang kabuluhan ang mga alalahanin natin sa mundo. Kahit hindi natin nauunawaan ang lahat ng itinuturo sa atin ng Panginoon, madarama pa rin natin na mas marami pang bagay sa kawalang-hanggan kaysa sa nauunawaan natin ngayon. Mangyari pa, hindi sinabi ng Panginoon ang tungkol sa mga dakilang hiwaga na ito para takutin tayo o maliitin. Sa katunayan, ipinangako Niya, “darating ang araw na inyong mauunawaan maging ang Diyos” (talata 49; idinagdag ang italics). Marahil dahil sa mahalaga at banal na layuning iyan kaya hinikayat ng Panginoon ang Kanyang mga Banal sa Kirtland na itatag ang Paaralan ng mga Propeta. “Isaayos ang inyong sarili,” sabi niya. “Ihanda ang bawat kinakailangang bagay; at magtayo ng … isang bahay ng Diyos” (talata 119). Sapagkat sa loob ng banal na bahay ng Diyos—at sa ating mga tahanan—maitutuon Niya, higit saanmang lugar, ang ating paningin nang lampas sa mortal na daigdig na ito, “aalisin ang tabing ng kanyang mukha sa [atin]” at ihahanda tayo upang “[maka]tigil sa isang kaluwalhatiang selestiyal” (talata 68, 22).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Doktrina at mga Tipan 88

Binibigyan tayo ng Tagapagligtas ng pag-asa at kapayapaan.

Ilang araw lang pagkatapos magbabala na ang digmaan ay “ibubuhos sa lahat ng bansa” (Doktrina at mga Tipan 87:2), ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na tinawag ni Joseph Smith na “‘dahon ng olibo’ … pinitas mula sa Puno ng Paraiso, ang mensahe ng Panginoon tungkol sa kapayapaan sa atin” (Doktrina at mga Tipan 88, section heading). Paano natutulad sa isang dahon ng olibo, na tradisyunal na simbolo ng kapayapaan, ang paghahayag na ito? (tingnan din sa Genesis 8:11). Anong mga katotohanan sa bahaging ito ang tumutulong sa iyo para makadama ka ng pag-asa at kapayapaan kay Cristo?

Doktrina at mga Tipan 88:6–67

Ang liwanag at batas ay nagmumula kay Jesucristo.

Ang mga salitang liwanag at batas ay inulit nang maraming beses sa bahagi 88. Ang mga salitang ito ay ginamit sa iba pang mga banal na kasulatan upang ilarawan si Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo (halimbawa, tingnan sa Isaias 60:19; Juan 1:1–9; 3 Nephi 15:9). Markahan o itala ang mga talata kung saan mo nakita ang mga salitang ito sa Doktrina at mga Tipan 88:6–67, at isulat ang natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas, liwanag, at batas. Maaari kang mahikayat ng mga talatang ito na gumawa ng mga pagbabago sa iyong buhay upang mas tapat na tumanggap ng liwanag at ipamuhay ang “batas ni Cristo” (talata 21).

Tingnan din sa Sharon Eubank, “Cristo: Ang Ilaw na Lumiliwanag sa Kadiliman,” Ensign o Liahona, Mayo 2019, 73–76.

pamilyang nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng batas ni Cristo.

Doktrina at mga Tipan 88:62–126

Ihanda ang bawat kinakailangang bagay.

Sa ilang paraan, nabubuhay tayo sa panahon na inilarawan ng Panginoon kung saan “lahat ng bagay ay magkakagulo; at tiyak, magsisipanlupaypay ang mga puso ng tao” (Doktrina at mga Tipan 88:91). Sa pagbabasa mo ng mga talata 62–126, pag-isipan kung paano makatutulong sa iyo ang mga payo ng Panginoon para makapaghanda ka sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Narito ang ilang tanong na pag-iisipan:

Mga talata 62–76.Habang iniisip mo ang mga talatang ito, ano ang naghikayat sa iyo na “lumapit” sa Diyos? (talata 63). Isipin kung ano para sa iyo ang kahulugan ng utos ng Panginoon na “pabanalin ang inyong sarili” (talata 68).

Mga talata 77–80, 118–26.Bakit maaaring “kapaki-pakinabang ninyong maunawaan” ang mga paksa tungkol sa doktrina at gayon din ang mga paksang temporal? (talata 78). Paano mo sinusunod ang payo na “maghangad na matuto”? (talata 118). Ano kaya ang ibig sabihin ng matuto “sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya”?

Mga talata 81–116.Maaari mong markahan ang mga propesiya tungkol sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas sa mga talatang ito. Bakit kaya gusto ng Panginoon na malaman mo ang tungkol sa mga bagay na ito?

Mga talata 117–26.Maaari mong basahin ang mga talatang ito na nasa isipan ang templo; ano ang nakita mo rito na maaaring makatulong sa iyo na maghanda sa pagpasok sa bahay ng Panginoon?

Tingnan din sa D. Todd Christofferson, “Paghahanda para sa Pagbabalik ng Panginoon,” Ensign o Liahona, Mayo 2019, 81–84; David A. Bednar, “Maghangad na Matuto sa pamamagitan ng Pananampalataya,” Liahona, Set. 2007, 61–68; Mga Banal, 1:188–90; “A School and an Endowment,” Revelations in Context, 174–82.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Doktrina at mga Tipan 88:14–33, 95–101.Ano ang natutuhan natin sa mga talatang ito tungkol Pagkabuhay na Muli? Paano kaya maiimpluwensyahan ng mga katotohanang ito ang mga pagpiling ginagawa natin?

Doktrina at mga Tipan 88:33.Maaari ninyong simulan ang talakayan tungkol sa talatang ito sa pagtatanong sa mga miyembro ng pamilya tungkol sa mga regalo na ibinigay sa kanila—kapwa ang mga tinanggap nila nang nasisiyahan at ang iba na hindi sila nasisiyahan na tanggapin. Paano natin maipapakita sa Panginoon na nasisiyahan tayo sa kaloob na kaluwalhatiang selestiyal na handog Niya sa atin? Paano tayo nasisiyahan sa “nagkaloob ng handog”?

Doktrina at mga Tipan 88:63, 68.Ang mga talatang ito ay naglalaman ng ilang pandiwa na maaaring makahikayat sa inyo na mag-isip ng malikhaing mga paraan para maituro sa inyong mga anak ang mga mensahe sa mga talatang ito. Halimbawa, maaari kayong maglaro ng taguan upang talakayin ang pariralang “masigasig akong hanapin at inyo akong matatagpuan” (talata 63; idinagdag ang italics).

Doktrina at mga Tipan 88:81.Bilang pamilya, tukuyin ang ilang karatula o tanda ng babala sa loob at sa paligid ng inyong tahanan, tulad ng mga warning label sa mga gamot o traffic sign para sa mga drayber. Paano tayo natutulungan ng mga babalang ito? Ano ang nais ng Ama sa Langit na “[ibabala natin sa ating] kapwa”?

Doktrina at mga Tipan 88:119.Para mahikayat ang inyong pamilya na gawin ang inyong tahanan na tulad ng nakalarawan sa talata 119, subukan ito: Isulat ang mga parirala mula sa mga talatang ito sa mga piraso ng papel, at gamitin ang mga ito para takpan ang larawan ng templo. Basahin nang sabay-sabay ang Doktrina at mga Tipan 88:119, at ipaalis sa mga miyembro ng pamilya ang bawat piraso ng papel kapag narinig nila ang kaukulang mga parirala sa talata. Ano ang magagawa natin upang ang ating tahanan ay maging “bahay ng Diyos”? (talata 119).

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awit: “Sa Inyo, Aking Diyos, Lumalapit,” Mga Himno, blg. 55.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Hayaang ipakita ng mga bata ang kanilang pagkamalikhain. Kapag inanyayahan ninyo ang inyong mga anak na gumawa ng isang bagay na may kaugnayan sa isang alituntunin ng ebanghelyo, hindi lamang ninyo sila tinutulungan na maunawaan nang mas mabuti ang alituntunin, kundi binibigyan din ninyo sila ng nahahawakang paalala ng natutuhan nila (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25).

si Jesus kasama ang mga disipulo

Si Jesucristo ay nagkakaloob ng kapayapaan sa atin. Peace I Leave with You, ni Walter Rane