Doktrina at mga Tipan 2021
Nobyembre 29–Disyembre 5. Doktrina at mga Tipan 137–138: “Ang Pangitain ng Pagtubos sa mga Patay”


“Nobyembre 29–Disyembre 5. Doktrina at mga Tipan 137–138: ‘Ang Pangitain ng Pagtubos sa mga Patay,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Nobyembre 29–Disyembre 5. Doktrina at mga Tipan 137–138,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

mga tao sa daigdig ng mga espiritu

Nakita ni Joseph ang kanyang ama, ina, at kapatid sa kahariang selestiyal (Joseph Smith’s Vision of the Celestial Kingdom [Pangitain ni Joseph Smith tungkol sa Kahariang Selestiyal], Robert Barrett).

Nobyembre 29–Disyembre 5

Doktrina at mga Tipan 137–138

“Ang Pangitain ng Pagtubos sa mga Patay”

Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard: “Inaanyayahan ko kayong basahin at pag-isipan nang mabuti ang [Doktrina at mga Tipan 138]. Habang binabasa ninyo ito, nawa’y pagpalain kayo ng Panginoon na mas lubusang maunawaan at mapahalagahan ang pagmamahal ng Diyos at ang Kanyang plano ng kaligtasan at kaligayahan para sa Kanyang mga anak” (“Ang Pangitain ng Pagtubos sa mga Patay,” Liahona, Nob. 2018, 73).

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ang mga paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 137 at 138 ay mahigit 80 taon at 1,500 milya ang pagitan. Ang bahagi 137 ay natanggap ni Propetang Joseph Smith noong 1836 sa hindi pa tapos na Kirtland Temple, at ang bahagi 138 ay natanggap ni Joseph F. Smith, ikaanim na Pangulo ng Simbahan, noong 1918 sa Salt Lake City. Ngunit ayon sa doktrina, ang dalawang pangitain ay magkaugnay at magkasama. Pareho nilang sinasagot ang mga tanong tungkol sa tadhana ng mga anak ng Diyos sa kabilang-buhay. At kapwa mas malalim ang kahulugan ng mga ito kapag inisip natin ang mga karanasan sa buhay ng mga propeta na nakatanggap sa mga ito.

Ang pangitain ni Joseph Smith ay nakatulong sa kanya na maunawaan ang walang-hanggang tadhana ng kanyang mahal na kapatid na si Alvin, na namatay anim na taon bago naipanumbalik ang awtoridad na magbinyag. Nanatili sa isipan ni Joseph ang mga tanong tungkol sa walang-hanggang kaligtasan ni Alvin simula nang mamatay ito. Ang pangitain ni Joseph F. Smith ay naghayag ng mga maluwalhating katotohanan tungkol sa daigdig ng mga espiritu—talagang isang paghahayag na nagbibigay ng kapanatagan sa isang taong nagdalamhati sa pagkamatay ng maraming miyembro ng pamilya. Namatay ang ama ni Joseph F. Smith na si Hyrum Smith noong siya ay 5 taong gulang at ang kanyang inang si Mary Fielding Smith sa edad na 13. Sa panahon ng kanyang pangitain noong 1918, nagdalamhati siya sa pagpanaw ng 13 anak.

Maraming tanong ng mga tao tungkol sa kabilang-buhay ang sinasagot sa mga paghahayag na ito. Ang bahagi 137 ay nagbibigay ng kaunting ideya sa gayong mga tanong, at ang bahagi 138 ay nagbibigay ng mas maraming ideya. Magkasama, nagpapatotoo ang mga ito tungkol sa “dakila at kahanga-hangang pag-ibig na ipinakita ng Ama at ng Anak” (Doktrina at mga Tipan 138:3).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Doktrina at mga Tipan 137

Bawat kaluluwa ay magkakaroon ng pagkakataong piliin ang kaluwalhatiang selestiyal.

Ang karaniwang pagkaunawa ng mga Kristiyano noong 1836 ay na kung ang isang tao ay namatay nang hindi nabinyagan—tulad ng kapatid ni Joseph Smith na si Alvin—ang taong iyon ay hindi makapapasok sa langit. Ngunit nakita ni Joseph si Alvin sa isang pangitain tungkol sa kahariang selestiyal. Habang binabasa mo ang bahagi 137, pag-isipang mabuti kung ano ang natutuhan mo tungkol sa Ama sa Langit, sa Kanyang plano ng kaligtasan, at sa kahariang selestiyal.

Tingnan din sa Mga Banal, 1:266–69.

Doktrina at mga Tipan 138:1–11, 25–30

Ang pagbabasa at pagninilay sa mga banal na kasulatan ay naghahanda sa akin sa pagtanggap ng paghahayag.

Kung minsan, dumarating ang paghahayag kahit hindi natin hinahangad ito. Ngunit mas madalas, dumarating ito dahil masigasig natin itong hinahanap at naghahanda tayo para dito. Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 138:1–11, 25–30, pansinin kung ano ang ginagawa noon ni Pangulong Joseph F. Smith nang “ang mga mata ng [kanyang] pang-unawa ay nabuksan” upang mas maunawaan ang misyon ng pagtubos ng Tagapagligtas. Pagkatapos ay isipin kung paano mo matutularan ang halimbawa ni Pangulong Smith. Halimbawa, anong pagbabago ang gagawin mo sa iyong pag-aaral ng banal na kasulatan para mas “[mapagbulay-bulayan ang] mga banal na kasulatan” at mas “[mapagnilay-nilayan ang] dakilang nagbabayad-salang hain ng [Tagapagligtas]”? (mga talata 1–2).

Sa kanyang mensaheng “Ang Pangitain ng Pagtubos sa mga Patay” (Liahona, Nob. 2018, 71–74), iminungkahi ni Pangulong M. Russell Ballard ang iba pang mga paraan kung saan inihanda si Pangulong Smith sa pagtanggap ng paghahayag na ito. Isipin kung paano ka naihanda para sa mga nararanasan at mararanasan mo sa hinaharap.

ipinintang larawan ni Joseph F. Smith

Joseph F. Smith, ni Albert E. Salzbrenner.

Doktrina at mga Tipan 138:25–60

Nangyayari ang gawain ng kaligtasan sa magkabilang panig ng tabing.

Itinuro ni Pangulong Nelson na, “Ang ating mensahe sa mundo ay simple at taos-puso: inaanyayahan natin ang lahat ng mga anak ng Diyos sa magkabilang panig ng tabing na lumapit sa kanilang Tagapagligtas, tanggapin ang mga pagpapala ng banal na templo, magkaroon ng walang-hanggang kagalakan, at maging karapat-dapat sa buhay na walang-hanggan” (“Magpatuloy Tayo,” Liahona, Mayo 2018, 118–19). Pag-isipan ang pahayag na ito habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 138:25–60. Maaari mo ring isaalang-alang ang mga tanong na ito:

  • Ano ang natututuhan mo mula sa mga talatang ito tungkol sa kung paano naisasagawa ang gawain ng kaligtasan sa daigdig ng mga espiritu? Bakit mahalagang malaman mo na nagaganap na ang gawaing ito? Paano pinalalakas ng mga talatang ito ang iyong pananampalataya sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?

  • Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa mga taong nakikibahagi sa gawain ng kaligtasan sa daigdig ng mga espiritu? Bakit mahalagang maunawaan na ang gawain ng kaligtasan ay ginagawa sa magkabilang panig ng tabing?

Tingnan din sa Dallin H. Oaks, “Magtiwala sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2019, 26–29 .

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Doktrina at mga Tipan 137:1–5.Anyayahan ang inyong pamilya na magdrowing ng iniisip nilang hitsura ng kahariang selestiyal batay sa mga talatang ito. Ano ang nakikita mo sa mga talatang ito na nakatutulong sa iyo na asaming manirahan doon? Ano ang ginagawa natin ngayon upang makapaghandang mamuhay sa kahariang selestiyal kasama ang Ama sa Langit at si Jesucristo?

Doktrina at mga Tipan 137:5–10. Marahil maaari din ninyong pag-usapan ang tungkol sa isang taong kilala ninyo na namatay nang walang pagkakataong magpabinyag. Ano ang itinuturo sa atin ng Doktrina at mga Tipan 137:5–10 tungkol sa taong iyon?

2:25

Doktrina at mga Tipan 138:12–24.Ano ang itinuturo ng Doktrina at mga Tipan 138:12–24 tungkol sa mga tao na dinalaw ng Tagapagligtas sa daigdig ng mga espiritu? Anong mga pagpapala ang natanggap nila? Ano ang natututuhan natin mula sa kanilang halimbawa?

Doktrina at mga Tipan 138:38–55.Inilalarawan ng mga talatang ito ang mga taong nakita ni Pangulong Joseph F. Smith sa daigdig ng mga espiritu at nagbibigay ng maikling detalye tungkol sa kanila. Siguro maaaring gumawa ang pamilya mo ng listahan ng inyong mga ninuno na nasa daigdig ng mga espiritu, pati na ng mga detalye tungkol sa kanilang buhay.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Babasahin, Uunawain at Mananalangin,” Aklat ng mga Awit Pambata, 66.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Pagbubulay-bulay sa mga banal na kasulatan. Tinawag ni Pangulong David O. McKay ang meditasyon bilang, “isa sa mga … pinakasagradong pintuan na dinaraanan natin papunta sa kinaroroonan ng Panginoon” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: David O. McKay [2003], 37).

si Jesucristo sa daigdig ng mga espiritu

The Commissioned [Ang Itinalaga], ni Harold I. Hopkinson. Itinalaga ni Jesucristo ang mabubuting espiritu na ipangaral ang ebanghelyo sa daigdig ng mga espiritu.