“Enero 21–27. Juan 1: Nasumpungan Namin ang Mesiyas,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Enero 21–27. Juan 1,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019
Enero 21–27
Juan 1
Nasumpungan Namin ang Mesiyas
Habang binabasa at pinagninilayan mo ang Juan 1, itala ang mga impresyong natatanggap mo. Anong mga mensahe ang nakikita mong magiging pinakamahalaga sa iyo at sa pamilya mo? Ano ang maibabahagi mo sa mga klase mo sa Simbahan?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Naisip mo na ba kung makikilala mo si Jesus ng Nazaret bilang Anak ng Diyos kung nabuhay ka noong panahon ng Kanyang mortal na ministeryo? Sa loob ng maraming taon, hinintay at ipinagdasal ng matatapat na Israelita, kabilang na sina Andres, Pedro, Felipe, at Natanael, ang pagdating ng ipinangakong Mesiyas. Nang makita nila Siya, paano nila nalaman na Siya ang Taong hinahanap nila? Sa paraan ding ito nakikilala nating lahat ang Tagapagligtas—sa pamamagitan ng ating personal na pagtanggap sa paanyayang “magsiparito kayo at inyong makikita” (Juan 1:39). Nababasa natin ang tungkol sa Kanya sa mga banal na kasulatan. Naririnig natin sa Kanyang doktrina. Minamasdan natin ang paraan ng Kanyang pamumuhay. Nadarama natin ang Kanyang Espiritu. Sa pagpapatuloy, natutuklasan natin, tulad ni Natanael, na kilala tayo at mahal tayo ng Tagapagligtas at nais Niyang ihanda tayo upang tanggapin ang “mga bagay na lalong dakila” (Juan 1:50).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Ang Evangelio Ayon Kay Juan
Sino si Juan?
Si Juan ay isang disipulo ni Juan Bautista at kalaunan ay naging isa sa unang mga alagad ni Jesucristo at isa sa Kanyang Labindalawang Apostol. Siya ang sumulat ng Evangelio Ayon Kay Juan, ilang liham, at aklat ng Apocalipsis. Sa kanyang Evangelio, tinukoy niya ang kanyang sarili bilang ang alagad na “minamahal ni Jesus” at ang “isang alagad” (Juan 13:23; 20:3). Ang pagiging masigasig ni Juan sa pangangaral ng ebanghelyo ay napakatindi kaya’t hiniling niya na manatili sa lupa hanggang sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas upang siya ay makapagdala ng mga kaluluwa kay Cristo (tingnan sa DT 7:1–6).
Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Juan, Anak ni Zebedeo.”
Si Jesucristo nang pasimula ay “sumasa Dios.”
Sinimulan ni Juan ang kanyang Evangelio sa paglalarawan sa gawaing isinagawa ni Cristo bago Siya isinilang: “Nang pasimula … ang Verbo [si Jesucristo] ay sumasa Dios.” Ano ang natututuhan mo mula sa mga talata 1–5 tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang gawain? Makakakita ka ng kapaki-pakinabang na mga paglilinaw sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:1–5 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Sa pagsisimula ng iyong pag-aaral sa buhay ng Tagapagligtas, bakit mahalagang malaman ang Kanyang ginawa sa buhay bago Siya isinilang?
Ang mga disipulo ni Jesucristo ay nagpapatotoo tungkol sa Kanya.
Si Juan ay nagkaroon ng inspirasyong hanapin ang Tagapagligtas dahil sa patotoo ni Juan Bautista, na nagpahayag na siya “ay pumarito upang kaniyang patotohanan ang … tunay na [I]law” (Juan 1:8–9, 15–18). Si Juan mismo ay nagbigay rin ng makapangyarihang patotoo tungkol sa buhay at misyon ng Tagapagligtas.
Maaaring nakakatuwang ilista ang mga katotohanang isinama ni Juan sa kanyang pambungad na patotoo tungkol kay Cristo (mga talata 1–18; tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:1–19 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]). Sa palagay mo, bakit sinimulan ni Juan ang kanyang Evangelio sa mga katotohanang ito? Isiping isulat ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo—ano ang gusto mong ibahagi? Anong mga karanasan ang nakatulong sa iyo na makilala at sundan ang Tagapagligtas? Sino ang maaaring mapagpala sa pakikinig sa iyong patotoo?
Ano ang ibig sabihin ng “maging mga anak ng Dios”?
Bagama’t tayo ay mga espiritung anak na lalaki’t babae ng Diyos, kapag tayo ay nagkakasala napapalayo o nawawalay tayo sa Kanya. Inaalok tayo ni Cristo ng daan pabalik. Sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo at pagsunod natin sa mga tipan ng ebanghelyo, “pinag[ka]kalooban Niya [tayo] ng karapatang maging mga anak ng Dios” muli. Tayo ay ipinapanganak na muli at nagiging kasundo ng ating Ama, na karapat-dapat sa Kanyang walang-hanggang pamana at mga tagapagmana ng lahat ng mayroon Siya (tingnan sa Mga Taga Roma 8:14–18; Jacob 4:11).
May nakakita na ba sa Diyos?
Nakatala sa Lumang Tipan ang mga halimbawa ng mga taong nakakita sa Diyos (tingnan sa Genesis 32:30; Exodo 33:11; Isaias 6:5). Kaya bakit sasabihin ni Juan na “walang taong nakakita kailan man sa Dios”? Nililinaw sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng talatang ito na ang Diyos Ama ay nagpapakita nga sa mga tao, at kapag ginagawa Niya ito, pinatototohanan Niya ang Kanyang Anak. Halimbawa, nang magpakita Siya kay Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan, sinabi Niya kay Joseph, “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:17; tingnan din sa DT 76:23). May ilang iba pang nakatalang pagkakataon kung saan nakita ng mga tao ang Diyos Ama sa pangitain (tingnan sa Mga Gawa 7:55–56; Apocalipsis 4:2; 1 Nephi 1:8; DT 137:1–3) o narinig ang Kanyang tinig na pinatototohanan ang Anak (tingnan sa Mateo 3:17; 17:5; 3 Nephi 11:6–7).
Sino si Elias, at sino “ang propetang iyon”?
Inisip ng mga pinunong Judio kung isinasakatuparan ni Juan Bautista ang sinaunang propesiya tungkol sa mga propeta na balang-araw ay darating sa mga tao. Itinanong nila kung siya si Elias, na salitang Griyego ng Elijah, ang pangalan ng propeta na ipinropesiyang magpapanumbalik ng lahat ng bagay (tingnan sa Malakias 4:5–6). Itinanong din nila kung siya nga “ang propetang iyon,” na maaaring tumukoy sa “Propeta” na binanggit sa Deuteronomio 18:15. Ipinaliwanag ni Juan na hindi siya ang sinuman dito kundi siya ang propetang sinabi ni Isaias na maghahanda ng daan para sa pagparito ng Panginoon (tingnan sa Isaias 40:3).
Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Elias.”
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng inyong pamilya ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:
Paano mo matutulungan ang inyong pamilya na mailarawan sa isipan ang kanilang nababasa tungkol sa ilaw sa mga talatang ito? Maaari mong sabihin sa mga miyembro ng pamilya na magsalitan sa pagpapailaw sa madilim na silid at pagbabahagi ng kung paanong ang Tagapagligtas ang Ilaw ng kanilang buhay. Pagkatapos, habang binabasa mo ang Juan 1:4–10, ang mga miyembro ng pamilya ay maaaring magkaroon ng karagdagang kaalaman tungkol sa patotoo ni Juan tungkol kay Jesucristo, ang Ilaw ng Sanglibutan.
Pansinin ang patotoo ni Juan Bautista sa talata 36. Ano ang mga resulta ng kanyang patotoo? (tingnan sa mga talata 35–46). Ano ang natututuhan ng pamilya mo mula sa mga tao na inilarawan sa mga talatang ito kung paano ibahagi ang ebanghelyo?
Ano ang ginawa ni Natanael na nakatulong sa kanya na magtamo ng patotoo tungkol sa Tagapagligtas? Paano natin natamo ang ating patotoo?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.