“Hulyo 4–10. 2 Mga Hari 2–7: ‘May Isang Propeta sa Israel,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Hulyo 4–10. 2 Mga Hari 2–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022
Hulyo 4–10
2 Mga Hari 2–7
“May Isang Propeta sa Israel”
Habang binabasa mo ang mga banal na kasulatan, maaaring ituon ng Espiritu ang iyong pansin sa ilang parirala o talata. Isiping isulat kung bakit makabuluhan sa iyo ang mga talatang iyon.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Ang pangunahing misyon ng isang propeta ay ituro at patotohanan ang Tagapagligtas na si Jesucristo. Gayunman, ang ating tala tungkol sa propetang si Eliseo ay hindi gaanong naglalaman ng kanyang mga turo o pagpapatotoo. Ang talagang kasama sa talaan ay ang mga himalang ginawa ni Eliseo, kabilang na ang pagpapabangon sa isang bata mula sa mga patay (tingnan sa 2 Mga Hari 4:18–37), pagpapakain sa maraming tao sa pamamagitan ng kaunting pagkain (tingnan sa 2 Mga Hari 4:42–44), at pagpapagaling sa isang ketongin (tingnan sa 2 Mga Hari 5:1–14). Kaya kahit wala sa atin ang mga salita ni Eliseo na nagpapatotoo kay Cristo, nasa atin, sa buong ministeryo ni Eliseo, ang makapangyarihang mga pagpapamalas ng pagbibigay-buhay, pangangalaga, at pagpapagaling ng Panginoon. Ang gayong mga pagpapamalas ay mas sagana sa ating buhay kaysa natatanto natin kung minsan. Para makita ang mga ito, kailangan nating hangarin ang himalang hinangad ni Eliseo nang manalangin siya para sa kanyang batang alipin na natatakot, “Idinadalangin ko sa iyo, Panginoon, na buksan mo ang kanyang mga mata upang siya’y makakita” (2 Mga Hari 6:17).
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa 2 Mga Hari, tingnan sa “Mga Hari, mga aklat ng” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Ang Diyos ay makagagawa ng mga himala sa buhay ko.
Kadalasan ang mga himala ay tumutulong sa atin na mapaglabanan ang mga paghihirap ng mortalidad—sa panahon ni Eliseo, kailangan ng dalisay na tubig ang isang tigang na lupa at kailangang mahanap ang isang nawawalang palakol (tingnan sa 2 Mga Hari 2:19–22; 6:4–7). Ngunit ibinabaling din ng mga himala ang ating puso sa Panginoon at nagtuturo sa atin ng mga espirituwal na aral. Habang binabasa mo ang 2 Mga Hari 2–6, isiping gumawa ng listahan ng mga himalang nakikita mo, at pagnilayan ang mga espirituwal na aral na natututuhan mo sa bawat isa. Ano ang itinuturo sa iyo ng mga himalang ito tungkol sa Panginoon at kung ano ang magagawa Niya sa iyong buhay?
Tingnan din sa 2 Nephi 26:12–13; 27:23; Mormon 9:7–21; Moroni 7:35–37; Donald L. Hallstrom, “Tumigil na ba ang Araw ng mga Himala?” Liahona, Nob. 2017, 88–90.
2 Mga Hari 4:8–17; 2 Mga Hari 7:1–16
Ang mga salita ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta ay matutupad.
Tulad ng nakatala sa 2 Mga Hari 4:8–17; 7:1–16, binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Eliseo na magpropesiya ng mga bagay na darating—mga bagay na tila, mula sa pananaw ng iba, ay malamang na hindi mangyari. Habang binabasa mo ang mga talatang ito, pag-isipan kung paano ka tutugon sa salita ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta ngayon. Anong mga turo, propesiya, o pangako ang narinig mo mula sa mga buhay na propeta? Ano ang ginagawa mo para kumilos nang may pananampalataya sa mga pangakong iyon?
Tingnan din sa 3 Nephi 29:6; Doktrina at mga Tipan 1:37–38.
Kung ako ay mapagpakumbaba at masunurin, mapapagaling ako ni Jesucristo.
Kung minsan mas madaling makahanap ng personal na kahulugan sa mga banal na kasulatan kapag inihahambing mo ang mga pisikal na bagay sa isang kuwento na may mga espirituwal na bagay. Halimbawa, habang binabasa ang 2 Mga Hari 5, maaari mong ikumpara ang ketong ni Naaman sa espirituwal na hamon na kinakaharap mo ngayon. Tulad ni Naaman, marahil ay umaasa ka na ang Panginoon ay “gagawa ng ilang dakilang bagay” (talata 13) para tulungan ka. Ano ang itinuturo sa iyo ng karanasan ni Naaman? Sa iyong buhay, ano ang katumbas ng pagsunod sa simpleng payo na “maghugas, at maging malinis”?
Pansinin kung paano naapektuhan ng karanasan ni Naaman ang kanyang pananampalataya sa Diyos ng Israel (tingnan sa talata 15). Anong mga karanasan ang nagpalakas sa iyong pananampalataya sa Diyos?
Tingnan din sa Lucas 4:27; I Pedro 5:5–7; Alma 37:3–7; Eter 12:27; L. Whitney Clayton, “Anuman ang Snabi Niya sa Inyo, Gawin Ito,” Liahona, Mayo 2017, 97–99; “Naaman and Elisha” (video), ChurchofJesusChrist.org.
“Huwag kang matakot: sapagka’t ang sumasaatin ay higit kaysa sumasa kanila.”
Nadama mo na ba ang nahigitan sa bilang at natakot, nag-iisip, tulad ng ginawa ng batang lingkod ni Eliseo, “Paano ang ating gagawin?” (tingnan sa 2 Mga Hari 6:8–23). Ano ang nagbibigay-inspirasyon sa iyo tungkol sa sagot ni Eliseo? Paano binago ng talang ito ang naiisip at nadarama mo tungkol sa mga pagsubok sa iyong buhay, mga responsibilidad, o mga pagsisikap mong ipamuhay ang ebanghelyo?
Habang nagninilay ka, isipin ang mga salita ni Pangulong Henry B. Eyring: “Tulad ng lingkod ni Eliseo, mas marami ang nasa panig ninyo kaysa sa mga salungat sa inyo. Ang ilan na sumasainyo ay hindi makikita ng inyong mga mortal na mata. Kayo ay tutulungan ng Panginoon at may mga pagkakataon na gagawin ito sa pamamagitan ng pagtawag sa iba na manindigang kasama ninyo” (“O Ye That Embark,” Liahona, Nov. 2008, 58).
Tingnan din sa Awit 121; Doktrina at mga Tipan 84:88.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
2 Mga Hari 2:1–14.Isipin ang mga taong nakakita na “kinuha” ni Eliseo ang balabal ni Elijah (isang simbolo ng kanyang tungkulin bilang propeta). Paano nito naapektuhan ang pagtugon nila sa ministeryo ni Eliseo? (Tingnan din sa 1 Mga Hari 19:19.) Maaaring maghalinhinan ang mga miyembro ng pamilya sa pagsusuot ng “balabal” at pagpapatotoo tungkol sa mga paraan na nakita nilang sinuportahan ng Panginoon at pinalakas ang mga tinawag na maglingkod sa Kanyang Simbahan.
-
2 Mga Hari 4.Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na basahin ang isa sa mga himala sa 2 Mga Hari 4 (tingnan sa mga talata 1–7, 14–17, 32–35, 38–41, 42–44) at sumulat ng isang clue na tutulong sa iba pang mga miyembro ng pamilya na mahulaan kung aling himala ang inilalarawan niya. Ano ang matututuhan natin tungkol sa Panginoon at sa Kanyang mga himala mula sa kabanatang ito? Anong mga himala—malaki man o maliit—ang nakita natin sa ating buhay?
-
2 Mga Hari 5:1–15Habang binabasa mo ang mga talatang ito at pinagninilayan ang simpleng ipinagagawa kay Naaman, pag-isipan ang mga simpleng bagay na ipinagagawa sa atin ng ating propeta. Paano higit na masusunod ng ating pamilya ang kanyang payo?
Maaari ding basahin ng inyong pamilya (ChurchofJesusChrist.org) ang “Pinagaling ni Eliseo si Naaman” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan).
-
2 Mga Hari 5:20–27.Paano kaya nakinabang si Gehazi sa pagbabasa ng “Katapatan at Integridad” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan? (pahina 19). Paano tayo sinasaktan ng pagiging hindi tapat? Paano tayo pinagpapala sa pagiging matapat?
-
2 Mga Hari 6:13–17.Maaaring masiyahan ang mga miyembro ng pamilya sa pagdrowing ng karanasan ni Eliseo at ng kanyang lingkod na inilalarawan sa mga talatang ito. Paano makakatulong sa atin ang mga talatang ito kapag nadarama nating nag-iisa tayo o nahihirapan?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “Mga Bata, Diyos ay Malapit,” Mga Himno, blg. 44.