Lumang Tipan 2022
Setyembre 5–11. Isaias 1–12: “Ang Diyos ay Aking Kaligtasan”


“Setyembre 5–11. Isaias 1–12: ‘Ang Diyos ay Aking Kaligtasan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Setyembre 5–11. Isaias 1–12,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

sinaunang propeta na nagsusulat

Ipinropesiya ni Propetang Isaias ang Pagsilang ni Cristo ni Harry Anderson

Setyembre 5–11

Isaias 1–12

“Ang Diyos ay Aking Kaligtasan”

Maghangad ng espirituwal na patnubay habang ikaw ay nag-aaral. Ang mga salita ni Isaias ay pinakamainam na mauunawaan kapag tayo ay “puspos ng diwa ng propesiya,” tulad ng turo ni Nephi (2 Nephi 25:4).

Itala ang Iyong mga Impresyon

Kahit ito ang unang pagkakataon mong basahin ang aklat ni Isaias, maaari mong makita ang mga talatang pamilyar sa iyo. Iyan ay dahil, sa lahat ng mga propeta sa Lumang Tipan, si Isaias ang pinakamadalas banggitin sa iba pang mga aklat ng banal na kasulatan, pati na ng Tagapagligtas mismo. Ang mga salita ni Isaias ay madalas na makikita sa mga himno at iba pang sagradong musika. Bakit madalas banggitin si Isaias?

Tiyak na isang bahagi ng dahilan ay na si Isaias ay may kaloob na ipahayag ang salita ng Diyos sa malinaw at di-malilimutang wika. Ngunit higit pa ito sa mga dahilang kababanggit lamang. Si Isaias ay nagbigay-inspirasyon sa mga propeta sa maraming henerasyon dahil ang mga katotohanang itinuro niya ay hindi lamang para sa kanyang sariling henerasyon—ang mga Israelita na nabuhay sa pagitan ng 740 at 701 B.C. Ang tungkulin niya ay buksan ang ating mga mata sa dakilang gawain ng pagtubos ng Diyos, na mas malawak ang sakop kaysa isang bansa o isang panahon. Mula kay Isaias, nalaman ni Nephi na siya at ang kanyang mga tao, bagaman nahiwalay sa iba pang lipi ng Israel, ay bahagi pa rin ng pinagtipanang mga tao ng Diyos. Sa Isaias, nakita ng mga manunulat ng Bagong Tipan ang mga propesiya tungkol sa Mesiyas na natutupad mismo sa harapan nila. At sa Isaias, si Joseph Smith ay nakasumpong ng inspirasyon para sa gawain sa mga huling araw ng pagtitipon ng Israel at sa pagtatayo ng Sion. Kapag binabasa mo ang Isaias, ano ang makikita mo?

Para sa iba pa tungkol kay Isaias at sa kanyang mga isinulat, tingnan sa “Isaias” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Para sa impormasyon tungkol sa panahon nang nabuhay si Isaias, tingnan ang 2 Mga Hari 15–20 at 2 Mga Cronica 26–32.

Learn More image
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Isaias 1–12

Paano ko mas mauunawaan ang mga turo ni Isaias?

Sa pagsasalita tungkol sa mga isinulat ni Isaias, sinabi ng Tagapagligtas, “Masigasig ninyong saliksikin ang mga bagay na ito; sapagkat dakila ang mga salita ni Isaias” (tingnan sa 3 Nephi 23:1–3). Gayunman para sa marami, maaaring mahirap unawain ang Isaias. Narito ang ilang payo na tutulong sa iyo na magkaroon ng higit na kahulugan sa mga salita ni Isaias:

  • Pag-isipang mabuti ang mga simbolo at talinghaga na ginamit ni Isaias. Halimbawa, isiping mabuti kung ano sa palagay mo ang gustong ipabatid ni Isaias nang isulat niya ang tungkol sa ubasan (tingnan sa Isaias 5:1–7), ang mga tubig ng Siloa (tingnan sa Isaias 8:5–10), isang hudyat (tingnan sa Isaias 5:26), at isang sagisag (tingnan sa Isaias 11:10, 12).

  • Para sa bawat kabanata na mababasa mo, itanong sa sarili mo, “Ano ang natututuhan ko tungkol kay Jesucristo?” (tingnan sa 1 Nephi 19:23).

  • Hanapin ang mga paksang may kaugnayan sa ating panahon, tulad ng buhay at misyon ni Jesucristo, ang pagkalat at pagtitipon ng Israel, ang mga huling araw, at ang Milenyo. Maaari ka ring magtago ng listahan ng mga reperensya mula sa Isaias na nagtuturo tungkol sa mga paksang ito.

  • Gamitin ang mga tulong sa pag-aaral kung mayroon nito, tulad ng diksyunaryo, mga talababa o footnote ng Biblia, mga panimulang-buod ng kabanata, at Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

Tingnan din ang 2 Nephi 25:1–8.

Isaias 1; 3;5

“Alisin ninyo ang kasamaan ng inyong mga gawa.”

Patuloy na binalaan ni Isaias ang Kaharian ng Juda tungkol sa kanilang espirituwal na kalagayan. Matapos basahin ang Isaias 1, 3, at5, paano mo ilalarawan ang espirituwal na kalagayan ng mga tao? Anong mga babala ang nakikita mo na angkop sa ating panahon?

Bukod sa mga babala, maaari ka ring gumawa ng tala ng mga mensahe ng pag-asa sa makasalanang Israel (tingnan, halimbawa, sa Isaias 1:16–20, 25–27; 3:10). Ano ang natututuhan mo sa mga mensaheng ito tungkol sa Panginoon?

Isaias 2; 4; 11–12

Ang Diyos ay gagawa ng dakilang gawain sa mga huling araw.

Marami sa mga isinulat ni Isaias ay mga propesiya na may partikular na kahulugan para sa ating panahon. Alin sa mga paglalarawan ni Isaias sa mga huling araw sa mga kabanata 2; 4; 11–12 ang talagang nagbibigay-inspirasyon sa iyo? (Ang Doktrina at mga Tipan 113:1–6 ay nagbibigay ng mga impormasyon tungkol sa Isaias 11.) Ano ang natututuhan mo tungkol sa pagtitipon ng Israel at pagkatubos ng Sion? Ano ang nahihikayat kang gawin matapos basahin ang mga kabanatang ito?

Tingnan din ang Isaias 5:26; 10:20.

Isaias 6

Ang mga propeta ay tinatawag ng Diyos.

Sa kabanata 6, ikinuwento ni Isaias ang pagtawag sa kanya na maging propeta. Habang binabasa mo ang kabanatang ito, ano ang hinangaan mo sa naranasan ni Isaias? Paano naiimpluwensyahan ng kabanatang ito ang pag-iisip mo tungkol sa Panginoon, sa Kanyang mga propeta, at sa gawain na ipinagagawa sa kanila?

babae na may hawak na sanggol

“Sapagka’t sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki (Isaias 9:6).

Isaias 7–9

Nagpropesiya si Isaias tungkol kay Jesucristo.

Noong unang mga araw ng ministeryo ni Isaias, ang Kaharian ng Israel (na tinatawag ding Ephraim) ay nakipag-alyansa sa Siria upang ipagtanggol ang sarili nito laban sa Asiria. Nais ng Israel at ng Siria na pilitin si Achas, ang hari ng Juda, na sumama sa kanilang alyansa. Ngunit nagpropesiya si Isaias na mabibigo ang alyansa at pinayuhan si Achas na magtiwala sa Panginoon (tingnan sa Isaias 7–9, lalo na sa Isaias 7:7–9; 8:12–13).

Nang payuhan ni Isaias si Achas, ipinaalam niya ang ilang bantog na propesiya, tulad ng matatagpuan sa Isaias 7:14; 8:13–14; 9:2, 6–7. Bagaman hindi lubos na malinaw kung ano ang kahulugan ng mga propesiyang ito sa panahon ni Achas, malinaw na angkop ito kay Jesucristo (tingnan din sa Mateo 1:21–23; 4:16; 21:44; Lucas 1:31–33). Ano ang natututuhan mo tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga talatang ito?

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Isaias 1:16–18.Upang matulungan ang mga miyembro ng pamilya na maunawaan ang mga talatang ito, maaari ninyong basahin ang bahaging “Nadarama ng Ilan sa Atin na Hindi Tayo Kailanman Magiging Lubos na Karapat-dapat” mula sa mensahe ni Sister Sharon Eubank na “Si Cristo: Ang Ilaw na Lumiliwanag sa Kadiliman” (Ensign o Liahona, Mayo 2019, 75). O maaari mong ipakita kung paano matatanggal ang mga mantsa sa damit. Paano naiiba ang mensahe ng Panginoon sa mga talatang ito sa nais ni Satanas na paniwalaan natin?

Isaias 2:1–5.Maaaring pumili ang mga miyembro ng pamilya ng isa sa mga talatang ito at idrowing ang inilalarawan nito. Ano ang itinuturo sa atin ng templo tungkol sa mga paraan ng Panginoon? Paano tayo pinagpapala kapag tayo ay “lumalakad sa liwanag ng Panginoon”? (Isaias 2:5).

Isaias 4:5–6.Ano ang ipinapangako sa atin ng Panginoon sa mga talatang ito? Ano kaya ang ibig sabihin ng mga pangakong ito? Paano Niya tinutupad ang mga ito? (Tingnan din sa Exodo 13:21–22.)

Isaias 7:14; 9:1–7.Gamit ang mga drowing o larawan mula sa mga magasin ng Simbahan, maaari kang gumawa ng poster na naglalarawan sa ilan sa mga bagay na nalalaman natin tungkol kay Jesucristo mula sa mga talatang ito.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Sa Tuktok ng Bundok,” Mga Himno, blg. 4.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Hingin ang tulong ng Panginoon. Para maunawaan ang mga banal na kasulatan, kailangan natin ng personal na paghahayag. Nangako ang Panginoon, “Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan” (Mateo 7:7).

Idaho Falls Idaho Temple habang may bagyo

Itinuro ni Isaias na ang tabernakulo ay magiging “kanlungan” at “kublihan mula sa bagyo at ulan” (Isaias 4:6).Idaho Falls Idaho Temple