“Pagtugon sa mga Pangangailangan ng Mas Maliliit na Bata,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Pagtugon sa mga Pangangailangan ng Mas Maliliit na Bata,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2021
Pagtugon sa mga Pangangailangan ng Mas Maliliit na Bata
Ang mga bata ay handa at sabik na matutuhan ang ebanghelyo kung ituturo ito sa paraang mauunawaan nila. Gamitin ang ganitong uri ng aktibidad para tulungan silang matuto lalo na kung ikaw ay nagtuturo sa mas maliliit na bata.
-
Umawit. Ang mga himno at mga awitin mula sa Aklat ng mga Awit Pambata ay nagtuturo ng doktrina sa mabisang paraan. Gamitin ang indeks ng mga paksa sa likod ng Aklat ng mga Awit Pambata para mahanap ang mga awiting nauugnay sa mga alituntunin ng ebanghelyo na itinuturo mo. Tulungan ang mga bata na iugnay ang mensahe ng mga awitin sa kanilang buhay. Halimbawa, maaari kang magtanong tungkol sa mga salita o parirala sa mga titik ng awit. Bukod sa pag-awit, maaaring gumawa ang mga bata ng mga kilos na babagay sa mga awitin o pakikinggan lamang ang mga awitin bilang background music habang ginagawa nila ang isang pahina ng aktibidad.
-
Pakinggan o isadula ang isang kuwento. Gustung-gusto ng mga bata ang mga kuwento, kapwa sa pagsasabi at pakikinig ng mga ito. Magbahagi ng mga kuwento mula sa mga banal na kasulatan, mula sa iyong buhay, sa kasaysayan ng Simbahan, o sa mga magasin ng Simbahan, at hayaan ang mga bata na magkuwento tungkol sa kanilang buhay. Humanap ng mga paraan para maisali sila sa pagkukuwento. Maaari nilang itaas ang mga larawan o bagay, idrowing ang kanilang mga naririnig, isadula ang kuwento, o tumulong na isalaysay ang kuwento. Tulungan ang mga bata na makita ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa mga kuwentong ibinabahagi mo.
-
Magbasa ng isang talata sa banal na kasulatan. Maaaring hindi pa ganoon kagaling bumasa ang mas maliliit na bata, ngunit maaari mo silang palahukin sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaaring kailanganin mong pagtuunan ang isang talata, pinakamahalagang kataga, o salita. Habang binabasa mo nang malakas ang isang talata sa banal na kasulatan, maaari mong anyayahan ang mga bata na tumayo o magtaas ng kamay kapag narinig nila ang isang partikular na salita o parirala na nais mong pagtuunan ng pansin. Maaaring kaya na rin nilang magsaulo ng maiikling kataga ng banal na kasulatan kung uulitin nila ang mga ito nang ilang beses. Kapag naririnig nila ang salita ng Diyos, madarama nila ang Espiritu.
-
Maging aktibo. Dahil madalas ay puno ng enerhiya ang mga bata, magplano ng mga paraan upang sila ay makagalaw—magmartsa, lumukso, lumundag, bumaluktot, lumakad, at iba pang mga kilos na nauugnay sa alituntunin o kuwento na iyong itinuturo. Maaari ring maging epektibo ang mga galaw na ito habang kumakanta kayo nang sama-sama.
-
Tingnan ang isang larawan o manood ng video. Kapag nagpapakita ka sa mga bata ng mga larawan o video na may kaugnayan sa isang alituntunin ng ebanghelyo o kuwento sa mga banal na kasulatan, bigyan sila ng mga tanong para matulungan silang matuto mula sa kanilang nakikita. Halimbawa, maaari mong itanong, “Ano ang nangyayari sa larawan o video na ito?” o “Ano ang nararamdaman ninyo dahil dito?” Ang Gospel Library app, medialibrary.ChurchofJesusChrist.org, at children.ChurchofJesusChrist.org ay magagandang lugar para maghanap ng mga video.
-
Magbahagi ng mga karanasan at patotoo. Ang mga maibabahagi ng mas maliliit na bata ay maaaring hindi kasindami ng maibabahagi ng mga nakatatandang bata, pero kung bibigyan mo sila ng mga partikular na patnubay, maibabahagi nila ang kanilang mga karanasan at patotoo tungkol sa natututuhan nila.
-
Lumikha. Ang mga bata ay maaaring magbuo, magdrowing, o magkulay ng isang bagay na may kaugnayan sa kuwento o alituntuning natututuhan nila. Hikayatin silang iuwi sa kanilang tahanan ang mga nilikha nila at ibahagi ito sa mga miyembro ng kanilang pamilya para matulungan ang mga bata na maalala ang natutuhan nila.
-
Makibahagi sa mga object lesson. Ang isang simpleng object lesson ay makakatulong sa mga bata na maunawaan ang isang alituntunin ng ebanghelyo na mahirap maunawaan. Kapag gumagamit ng mga object lesson, maghanap ng mga paraan para makalahok ang mga bata. Mas marami silang matututuhan sa pakikisalamuha kaysa sa panonood lamang ng isang pagtatanghal.
-
Magdula-dulaan. Kapag isinasadula ng mga bata ang isang sitwasyong malamang na mararanasan nila sa totoong buhay, mas mahusay nilang mauunawaan kung paano naaangkop ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa kanilang buhay.
-
Ulitin ang mga aktibidad. Maaaring kailangang marinig ng mga bata ang mga konsepto nang maraming beses para maunawaan ang mga ito. Huwag matakot na ulitin nang madalas ang mga kuwento o mga aktibidad, kahit na sa iisang lesson pa ito mangyari. Halimbawa, maaari mong ibahagi ang isang kuwento sa banal na kasulatan nang ilang ulit sa iba’t ibang paraan sa oras ng lesson—sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagbubuod gamit ang iyong sariling mga salita, pagpapalabas ng video, pagpapatulong sa mga bata na magkuwento, pagpapasadula sa kanila ng kuwento, at iba pa. Kung ang isang aktibidad na ginamit sa klase ay inuulit din sa bahay, ang pag-uulit ay makakatulong sa mga bata na matuto at makaalala.
-
Makisalamuha sa iba. Ang mga bata ay umuunlad sa kanilang kakayahang makisalamuha at madalas na natutuwang matuto at maglaro kasama ang kanilang mga kaibigan. Lumikha ng mga pagkakataon para sila ay makapagbahagi, magsalitan, at magtulungan habang sila ay natututo.
-
Makibahagi sa iba’t ibang aktibidad. Ang mga bata ay karaniwang madaling mainip, at magkakaiba ang kanilang estilo sa pag-aaral o pagkatuto. Gumamit ng iba’t ibang aktibidad, at pagtuunan ng pansin ang mga palatandaan na ang mga bata ay kailangan nang magpalit ng gawain. Halimbawa, maaaring kailanganin mong mas madalas na pagsalit-salitin ang mga tahimik at puno ng sigla na mga aktibidad.
Bahagi ng iyong tungkulin bilang isang guro ng mas maliliit na bata—bukod pa sa pagtuturo ng mga alituntunin ng ebanghelyo—ay ang tulungan ang mga bata na matutong makibahagi nang angkop sa isang klase sa Simbahan. Halimbawa, maaaring kailangan nilang matutuhan ang tungkol sa paghahalinhinan, pagbabahagi, paggalang sa iba, at iba pa. Ang ilang guro ay lumilikha ng mga tsart na mayroong mga takdang-gawain para sa bawat bata para makilahok sila sa klase sa isang partikular na paraan (tulad ng pagsambit ng panalangin, paghawak ng larawan, o pamimigay ng mga papel). Maaaring mabago ang mga takdang-gawain linggu-linggo. Matutulungan nito ang mga bata na maghalinhinan at magpokus sa angkop na pag-uugali sa silid-aralan.
Ang mga bata—lalo na ang mas maliliit na bata—ay madalas na nakikinabang sa isang regular at hindi pabagu-bagong iskedyul. Dahil madaling mainip ang mga batang musmos at kung minsan ay nahihirapang magpokus sa buong oras ng klase, karaniwang pinakamainam kung sa iskedyul ay may madalas na transisyon mula sa isang uri ng aktibidad tungo sa isa pa. Halimbawa, ang karaniwang iskedyul ng iyong klase ay maaaring kabilangan ng paminsan-minsang pahinga para maglaro, magkulay ng larawan, kumanta ng isang awitin, at iba pa.