Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Agosto 26–Setyembre 1. I Mga Taga Corinto 8–13: ‘Kayo Nga ang Katawan ni Cristo’


“Agosto 26–Setyembre 1. I Mga Taga Corinto 8–13: ‘Kayo Nga ang Katawan ni Cristo’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Agosto 26–Setyembre 1. I Mga Taga Corinto 8–13:,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019

sacrament meeting

Agosto 26–Setyembre 1

I Mga Taga Corinto 8–13

“Kayo Nga ang Katawan ni Cristo”

Habang binabasa mo I Mga Taga Corinto 8–13, makinig sa mga pahiwatig ng Espiritu kung paano ituturo ang mga alituntunin sa mga kabanatang ito. Tandaan na alinman sa mga ideya sa aktibidad na ito ay maaaring iangkop para sa nakatatanda at nakababatang mga bata.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Sabihin sa mga bata na magbahagi ng isang bagay na ginawa nila sa sacrament meeting ngayon para isipin nila si Jesus.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Nakababatang mga Bata

I Mga Taga Corinto 10:13

Tutulungan ako ng Ama sa Langit na gumawa ng mabubuting pasiya.

Hindi palaging madaling piliin ang tama, ngunit tutulungan tayo ng Ama sa Langit na gumawa ng mabubuting pasiya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang I Mga Taga Corinto 10:13 sa mga bata, na inaanyayahan silang tumalikod sa iyo kapag narinig nila ang mga salitang “tuksuhin” o “tukso.”

  • Lumikha ng maliliit na stop sign para sa mga bata. Magsalaysay ng ilang maiikling kuwento tungkol sa mga tao na malapit nang magkamali ng pasiya. Habang nakikinig ang mga bata, anyayahan silang itaas ang kanilang stop sign kapag nagkakamali ng pasiya ang tauhan sa kuwento. Ano kaya ang tamang ipasiya? Magpatotoo na tutulungan sila ng Ama sa Langit na piliin ang tama.

  • Magpakita ng larawan ni Jesus at kumanta kayo ng mga bata ng isang awitin tungkol kay Jesucristo, tulad ng “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (Aklat ng mga Awit Pambata, 40–41). Paano nakakatulong sa atin na gumawa ng mabubuting pasiya ang pag-alaala kay Jesus? Magpakita ng iba pang mga larawan ng mga tumutulong sa atin na gumawa ng mabubuting pasiya, tulad ng mga magulang o mga banal na kasulatan. Itanong sa mga bata kung ano ang nakakatulong sa kanila na gumawa ng mabubuting pasiya.

I Mga Taga Corinto 12:4, 7–11

Biniyayaan ako ng Ama sa Langit ng mga espirituwal na kaloob.

Binigyan ng Ama sa Langit ng mga espirituwal na kaloob ang lahat ng Kanyang anak. Anong mga espirituwal na kaloob ang nakikita mo sa mga batang tinuturuan mo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sama-samang basahin ang I Mga Taga Corinto 12:7–11, at tukuyin ang mga espirituwal na kaloob na binanggit ni Pablo. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga galaw na babagay sa mga kaloob na ito ng Espiritu, at gamitin ang mga galaw para maalala ng mga bata ang mga kaloob.

  • Ipadrowing sa mga bata ang paboritong kaloob na natanggap nila. Ipaliwanag na ang Ama sa Langit ay nagbibigay sa atin ng mga espirituwal na kaloob upang patatagin ang ating pananampalataya at tulungan tayong pagpalain ang iba.

  • Sumulat ng isang bagay para sa bawat bata, na naglalarawan ng isang espirituwal na kaloob na nakita mo sa kanya (o maaari mong anyayahan ang mga magulang na isulat ang mga ito). Ibalot ang maiikling sulat na ito na parang mga regalo. Pabuksan sa mga bata ang kanilang regalo, at tulungan silang basahin ang kanilang mga espirituwal na kaloob.

mga kahon ng regalo

Binigyan ng Ama sa Langit ng mga espirituwal na kaloob ang lahat ng Kanyang anak.

I Mga Taga Corinto 13:1–8

Maaari kong mahalin ang iba.

Itinuturo ng mga banal na kasulatan na ang pag-ibig sa kapwa-tao ay ang “dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Moroni 7:47). Paano mo matutulungan ang mga bata na magkaroon at magpahayag ng pagmamahal na katulad ni Cristo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang I Mga Taga Corinto 13:8 at Moroni 7:47, at tulungan ang mga bata na ulitin ang pariralang “Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay ang dalisay na pag-ibig ni Cristo.” Magpakita ng mga larawan ng pagiging mapagmahal at mabait ni Jesus, at itanong sa mga bata kung paano Siya nagpakita ng pagmamahal sa iba (tingnan ang Aklat ng Sining ng Ebanghelyo para sa mga ideya).

  • Pumili ng isang bata na tatayo sa harapan ng klase. Itanong sa bata kung paano niya paglilingkuran ang isang tao sa klase. Ipaliwanag na ito ay isang paraan na maipapakita natin ang pag-ibig sa ating kapwa. Anyayahan ang ibang mga bata na maghalinhinan sa pagpapakita ng pag-ibig sa kapwa.

  • Kumanta kayo ng mga bata ng isang awitin tungkol sa pagmamahal sa iba, tulad ng “Mahalin Bawat Tao, Sabi ni Cristo” o “Mahalin ang Bawat Isa” (Aklat ng mga Awit Pambata, 39, 74). Magpakita ng mga larawan ng iba’t ibang tao (tulad ng isang magulang, guro, o kaibigan), at ipabahagi sa mga bata kung paano nila maaaring paglingkuran ang taong iyon. Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng isang taong maaari nilang paglingkuran at sumulat o magdrowing ng isang larawan na ibibigay sa taong iyon. [NO TRANSLATION]

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Nakatatandang mga Bata

I Mga Taga Corinto 10:13

Tutulungan ako ng Ama sa Langit na paglabanan ang tukso.

Ang mga pangako sa talatang ito ay makapagbibigay ng tiwala sa mga bata na tutulungan sila ng Ama sa Langit kapag sila ay natutukso.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na basahin ang I Mga Taga Corinto 10:13 nang pares-pares at ipabuod ang talata sa sarili nilang mga salita. Magpabahagi sa mga bata ng isang karanasan kung saan tinulungan sila ng Ama sa Langit na iwasan o labanan ang tukso. Ano ang magagawa natin para umasa sa Ama sa Langit kapag tayo ay natutukso?

  • Isulat sa mga piraso ng papel ang mga tuksong maaaring kinakaharap ng mga bata ngayon. Anyayahan ang bawat isa sa mga bata na pumili ng isang papel at ibahagi kung ano ang ibinigay ng Ama sa Langit para tulungan tayong iwasan o labanan ang mga tuksong ito. Para sa ilang ideya, sama-samang basahin ang Alma 13:28–29.

I Mga Taga Corinto 11:23–29

Sa oras ng sakramento, mapag-iisipan ko kung paano ko sinusunod ang Tagapagligtas.

Ang sakramento ay may dagdag na kahalagahan para sa mga batang nabinyagan na. Tulungan silang ituring ang sagradong ordenansang ito na isang pagkakataon para “siyasatin” o suriin ang kanilang sarili at magpanibago ng kanilang pangakong maging tapat sa Tagapagligtas (I Mga Taga Corinto 11:28).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipabasa sa isang bata ang I Mga Taga Corinto 11:28. Ano ang kahulugan ng “siyasatin” ang ating sarili bago tumanggap ng sakramento? Magpaisip sa mga bata ng ibang mga taong nagsisiyasat o nanunuri sa mga bagay-bagay, tulad ng mga doktor, detektib, o siyentipiko (halimbawa, sinusuri ng mga doktor ang ating katawan kung may mga sugat o sakit na kailangang pagalingin). Ano ang itinuturo sa atin ng kanilang trabaho kung paano natin dapat suriin ang ating sarili kapag nakikibahagi tayo sa sakramento?

  • Magpalista sa mga bata ng mga bagay na mapag-iisipan nila kapag nakikibahagi sila ng sakramento. Anyayahan silang gamitin ang kanilang listahan bilang paalala na suriin ang kanilang sarili sa oras ng sakramento.

I Mga Taga Corinto 12:4, 7–12, 31; 13:1–8

Ako ay may mga espirituwal na kaloob.

Itinuro ni Pablo na ang mga kaloob ng espiritu “sa bawa’t isa ay ibinibigay” (I Mga Taga Corinto 12:7). Ang alituntuning ito ay makakatulong sa mga bata na magkaroon ng pagpapahalaga sa sarili, lalo na kapag ginagamit nila ang kanilang mga kaloob upang pagpalain ang iba.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipasulat sa mga bata sa pisara ang mga espirituwal na kaloob na mahahanap nila sa I Mga Taga Corinto 12:7–11; 13:2. Anyayahan silang maghanap ng iba pang mga kaloob na binanggit sa Moroni 10:8–18 at Doktrina at mga Tipan 46:13–26. Ibahagi sa kanila ang ilang iba pang mga espirituwal na kaloob na binanggit ni Elder Marvin J. Ashton: “Ang kaloob na humiling; ang kaloob na makinig; … ang kaloob na umiwas na makipagtalo; … ang kaloob na hangarin yaong matwid; ang kaloob na huwag humatol; ang kaloob na umasa sa patnubay ng Diyos; … ang kaloob na pagmalasakitan ang iba; … ang kaloob na mag-alay ng panalangin; ang kaloob na magbahagi ng makapangyarihang patotoo” (“There are Many Gifts, ” Ensign, Nob. 1987, 20). Anyayahan ang mga bata na magsalita tungkol sa mga espirituwal na kaloob na nakikita nila sa isa’t isa.

  • Bago magklase, itanong sa mga magulang ang mga kaloob na nakikita nila sa kanilang mga anak, o pag-isipan mo mismo ang kanilang mga kaloob. Sabihin sa mga bata ang mga kaloob na ito, at pahulaan sa kanila kung sino ang batang may gayong kaloob. Anyayahan ang mga bata na sumulat ng isang paraan na magagamit nila ang kanilang kaloob para pagpalain ang isang tao sa buong linggong ito.

  • Magbahagi ng iba’t ibang sitwasyon kung saan maaaring gamitin ng mga tao ang isang espirituwal na kaloob na binanggit sa I Mga Taga Corinto 12:7–10. Anyayahan ang mga bata na tukuyin ang mga espirituwal na kaloob na maaaring gamitin sa bawat sitwasyon.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang kanilang mga espirituwal na kaloob sa kanilang pamilya at itanong sa mga miyembro ng kanilang pamilya kung ano ang kanilang mga kaloob.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magbigay ng mga paanyayang gumagalang sa kalayaan. Kapag inanyayahan mo ang mga bata na kumilos ayon sa natututuhan nila, mag-isip ka ng mga paraan para maigalang ang kanilang kalayaan. Sa halip na anyayahan silang gawin ang isang partikular na bagay, isiping anyayahan silang mag-isip ng sarili nilang mga paraan para maipamuhay ang natutuhan nila.