“Agosto 19–25. I Mga Taga Corinto 1–7: ‘Kayo’y Mangalubos sa Isa Lamang’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Agosto 19–25. I Mga Taga Corinto 1–7” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019
Agosto 19–25
I Mga Taga Corinto 1–7
“Kayo’y Mangalubos sa Isa Lamang”
Maipapaalam sa iyo ng Espiritu Santo kung anong mga alituntunin ng ebanghelyo sa I Mga Taga Corinto 1–7 ang makakatulong sa mga batang tinuturuan mo. Habang binabasa mo nang may panalangin ang mga kabanatang ito, itala ang mga kaisipan at damdaming dumarating sa iyo mula sa Espiritu.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Ilang araw bago ang klase, anyayahan ang isa o mahigit pang mga bata na maghanap ng isang talata sa I Mga Taga Corinto 1–7 na maibabahagi nila sa klase. Maaari mong anyayahan ang kanilang mga magulang kung kailangan.
Ituro ang Doktrina
Nakababatang mga Bata
Tinuturuan ako ng Espiritu Santo ng mga katotohanan ng ebanghelyo.
Isa sa mga tungkulin ng Espiritu Santo ang ituro sa atin ang katotohanan. Anong mga karanasan ang maibabahagi mo sa mga bata para maipaunawa ito sa kanila?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita ng mga bagay o larawan na kumakatawan sa mga paraan na matututo tayo tungkol sa mundo (tulad ng paaralan, aklat, o cell phone). Ano ang matututuhan natin sa paggamit ng mga bagay na ito? Ipaliwanag na sa I Mga Taga Corinto 2:11, 14, itinuro ni Pablo na matututo lamang tayo tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos, ang Espiritu Santo. Ano ang magagawa natin upang matutuhan ang “mga bagay ng Dios”?
-
Ipalakpak ang inyong mga kamay habang sinasambit ninyo ang bawat pantig sa pangungusap na “Tinuturuan tayo ng Espiritu Santo ng katotohanan.” Ipapalakpak sa mga bata ang kanilang mga kamay at ipaulit ang pangungusap. Magbahagi sa mga bata ng isang karanasan kung kailan ipinaalam sa iyo ng Espiritu Santo na ang isang bagay ay totoo.
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa Espiritu Santo, tulad ng “Ang Espiritu Santo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 56). Tulungan ang mga bata na maghanap ng mga salita at parirala sa awitin na nagtuturo kung paano nangungusap sa atin ang Espiritu Santo at ano ang itinuturo Niya sa atin.
Si Jesucristo ang aking pundasyon.
Ang mga bata ay naglalatag ng pundasyon ng kanilang patotoo, at matutulungan mo silang magtayo ng matibay na pundasyon kay Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang I Mga Taga Corinto 3:11 sa mga bata, at ipaliwanag na si Jesucristo ang ating pundasyon. Ipakita sa mga bata ang ilang larawan ng mga bagay na maaari tayong magkaroon ng patotoo, kabilang na ang isang larawan ni Jesucristo. Tulungan silang ayusin ang mga larawan para ang larawan ni Jesus ang nasa pinakailalim, tulad ng isang pundasyon, at ang iba pang mga larawan ang “nakatayo” sa ibabaw ng pundasyon ng patotoo sa Kanya.
-
Gumawa ng mga galaw para sa awiting “Ang Matalino at ang Hangal” (Aklat ng mga Awit Pambata, 132), at kantahin ninyo ng mga bata ang awitin. Bigyan ang bawat bata ng isang bato na may nakasulat na “Si Jesucristo ang aking pundasyon.” Ipauwi sa kanila ang mga bato para maipaalala sa kanila ang kanilang natutuhan.
-
Magpakita ng mga larawang nagpapakita ng ilan sa mga paborito mong kuwento sa buhay ng Tagapagligtas, at hilingin sa mga bata na sabihin sa iyo kung ano ang nangyayari sa mga larawan. Hayaang isalaysay nila ang ilan sa mga paborito nilang kuwento tungkol kay Jesus. Magpatotoo na si Jesucristo ang pundasyon ng iyong pananampalataya.
Ang aking katawan ay tulad ng isang templo.
Paano mo matutulungan ang mga bata na pahalagahan ang kanilang katawan bilang kaloob mula sa Diyos at magkaroon ng mas malaking pagnanais na alagaan ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita sa mga bata ng mga larawan ng templo (tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya), at basahin ang mga salitang ito mula sa I Mga Taga Corinto 6:19: “Ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo.” Ipaunawa sa mga bata na nais ng Ama sa Langit na panatilihin nating malinis at banal ang ating katawan, tulad ng isang templo.
-
Magdispley ng larawan ng isang bata, at paligiran ito ng mga larawan ng mga bagay na nakakabuti sa ating katawan at mga bagay na nakakasama. Anyayahan ang mga bata na maghalinhinan sa pagtukoy sa mga bagay na nakakabuti at pag-aalis sa mga bagay na nakakasama.
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa mga katawan, tulad ng “Ulo, Balikat, Tuhod, at Paa” (Aklat ng mga Awit Pambata, 129), at itanong sa mga bata kung bakit sila nagpapasalamat para sa kanilang katawan.
Ituro ang Doktrina
Nakatatandang mga Bata
Mas matalino ang Diyos kaysa sa tao, at nagpapakita ako ng tunay na karunungan kapag naniniwala ako sa Kanyang mga turo.
Malalaman ng mga batang tinuturuan mo—kung hindi pa nila alam—na ang ilang tao ay nagtuturo ng mga bagay na salungat sa karunungan ng Diyos. Ang pag-aaral ng I Mga Taga Corinto 1:23–25 ay magpapaunawa sa mga bata na ang Diyos ay mas matalino kaysa sa tao.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sama-samang basahin ang I Mga Taga Corinto 1:23–25, at tulungan ang mga bata na hanapin ang mga salitang karunungan at kamangmangan. Ipaliwanag na maraming taong nag-akala na ang mga turo ni Pablo ay kamangmangan, ngunit ipinaliwanag ni Pablo na ang paniniwala sa ebanghelyo ni Cristo ang tunay na karunungan. Bakit katalinuhan ang maniwala sa itinuturo ng Diyos?
-
Tulungan ang mga bata na isadula kung paano sila tutugon sa mga taong nag-aakala na ang mga turo ng Simbahan ay “kamangmangan”—mga turong tulad ng paniniwala sa Tagapagligtas, pagsunod sa Word of Wisdom, o pagsunod sa batas ng ikapu. Halimbawa, maaari nilang patotohanan ang mga pagpapalang nagmumula sa pagsunod sa mga turong ito.
-
Magbahagi ng isang karanasan kung kailan inakala ng iba na ang iyong mga paniniwala ay kamangmangan, o magbahagi ng isang halimbawa mula sa mga banal na kasulatan. Maaari bang magbahagi ng mga karanasang katulad nito ang mga bata? Paano tayo matutulungan ng I Mga Taga Corinto 1:25 na manatiling tapat kahit sinasabi ng iba na kamangmangan ang ating mga paniniwala?
Tinuturuan ako ng Espiritu Santo ng mga katotohanan ng ebanghelyo.
Paano mo maipapaunawa sa mga bata na kailangan nila ang Espiritu Santo para maunawaan ang “mga bagay ng Dios”?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ilista ang mga paraan na natututo tayo tungkol sa mundo—halimbawa, mga aklat, paaralan, at internet. Pagkatapos ay sama-samang basahin ang I Mga Taga Corinto 2:11–14. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito kung paano natin natututuhan ang “mga bagay ng Dios”?
-
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang pagkakataon na nadama nila ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo, na tinatawag ding “Espiritu ng Dios” (I Mga Taga Corinto 2:11–14). Maaaring kasama sa mga pagkakataong iyon ang oras na sila ay nasa simbahan, nagdarasal, o nagbabasa ng mga banal na kasulatan. Ipaunawa sa kanila na itinuturo sa kanila ng Espiritu Santo ang katotohanan, tulad ng inilarawan ni Pablo.
-
Anyayahan ang bawat bata na basahin ang isa sa mga talatang ito: I Mga Taga Corinto 2:11–14; 1 Nephi 10:17; Moroni 10:3–5; at Doktrina at mga Tipan 8:2–3. Ipakuwento sa mga bata ang natutuhan nila mula sa mga talatang ito kung paano tayo tinuturuan ng Espiritu Santo. Hikayatin silang isulat ang mga reperensyang ito sa margin ng kanilang mga banal na kasulatan.
Dapat kong igalang at panatilihing banal ang aking katawan.
Ang pag-unawa na ang ating katawan ay kaloob mula sa Ama sa Langit ay makakatulong sa mga bata na panatilihing sagrado ang kanilang katawan, kahit natutukso silang gawin ang kabaligtaran nito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdala ng isang nakabalot na regalo na may mga larawan ng isang bata at isang templo sa loob nito. Anyayahan ang mga bata na basahin ang I Mga Taga Corinto 6:19–20 at hulaan kung ano ang nasa loob ng regalo. Hayaang buksan nila ang regalo at talakayin kung paano naging katulad ng templo ang ating katawan.
-
Kausapin ang mga bata kung paano natin dapat tratuhin ang isang templo. Kung ang ating katawan ay tulad ng mga templo, paano natin dapat tratuhin ang ating katawan? Makakatulong ang pagkanta o pagbabasa ng mga titik ng isang awitin tungkol sa mga templo, tulad ng “Ang Diyos sa Akin ay Nagbigay ng Templo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 73), para masagot ang tanong na ito. Kapag nagkakamali tayo, paano natin malilinis na muli ang ating “mga templo”?
-
Sama-samang basahin ang bahaging pinamagatang “Kalusugang Pisikal at Emosyonal” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan (2011, 25–27). Anyayahan ang mga bata na ilista sa pisara ang payong makikita nila tungkol sa pangangalaga sa ating katawan.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang isang awiting kinanta nila sa klase at kung ano ang natutuhan nila mula roon.