“Agosto 19–25. I Mga Taga Corinto 1–7: ‘Kayo’y Mangalubos sa Isa Lamang’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Agosto 19–25. I Mga Taga Corinto 1–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan: 2019
Agosto 19–25
I Mga Taga Corinto 1–7
“Kayo’y Mangalubos sa Isa Lamang”
Itala ang iyong mga impresyon habang binabasa mo ang I Mga Taga Corinto 1–7. Maaaring kasama sa mga impresyong ito ang mga pahiwatig na pag-aralan pa ang isang ideya, ibahagi sa iba ang isang bagay na natututuhan mo, o gumawa ng mga pagbabago sa iyong buhay.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Sa mga buwan na ginugol ni Pablo sa Corinto, “marami sa mga taga Corinto na sa pakikinig [sa kanya] ay nagsisampalataya, at pawang nangabautismuhan” (Mga Gawa 18:8). Kaya siguro masakit para kay Pablo na marinig, makalipas lang ang ilang buwan, na may mga “pagkakabaha-bahagi” at “pagtatalotalo” sa mga Banal sa Corinto at na noong wala siya sila ay nagsimulang makinig sa “karunungan ng sanglibutan” (1 Mga Taga Corinto 1:10–11, 20). Bilang tugon, isinulat ni Pablo ang liham na tinatawag natin ngayong I Mga Taga Corinto. Ito ay puno ng malalalim na doktrina, at kasabay nito, tila nasiphayo si Pablo na hindi handa ang mga Banal sa pagtanggap ng lahat ng doktrina na nais niyang ibigay sa kanila. “Ako, mga kapatid, ay hindi nakapagsalita sa inyo na tulad sa mga nasa espiritu,” pagtangis niya, “Sapagka’t kayo’y mga sa laman pa” (1 Mga Taga Corinto 3:1–3). Habang naghahanda tayong basahin ang mga salita ni Pablo, maaaring makatulong na suriin ang kahandaan nating tumanggap ng katotohanan—pati na ang kahandaan nating pakinggan ang Espiritu at magsikap para sa pagkakaisa sa ating pamilya, sa ating kapwa mga Banal, at sa Diyos.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
I Mga Taga Corinto 1:10–17; 3:1–11
Ang mga miyembro ng Simbahan ni Cristo ay nagkakaisa.
Hindi natin alam ang lahat ng detalye tungkol sa kawalan ng pagkakaisa sa kalipunan ng mga Banal sa Corinto, ngunit alam natin ang tungkol sa kawalan ng pagkakaisa sa ating sariling mga ugnayan. Mag-isip ng isang relasyon sa buhay mo na maaaring makinabang sa higit na pagkakaisa; pagkatapos ay hanapin ang itinuro ni Pablo sa I Mga Taga Corinto 1:10–17; 3:1–11 tungkol sa kawalan ng pagkakaisa sa mga Banal sa Corinto. Anong mga ideya ang natamo ninyo tungkol sa kung paano magkaroon ng higit na pagkakaisa sa iba?
Tingnan din sa Mosias 18:21; 4 Nephi 1:15–17; Doktrina at mga Tipan 38:23–27; 105:1–5.
Upang maisakatuparan ang gawain ng Diyos, kailangan ko ang karunungan ng Diyos.
Kahit mabuti—at hinihikayat—na hanapin ang karunungan saan man natin ito matagpuan (tingnan sa 2 Nephi 9:29; DT 88:118), si Pablo ay nagbigay ng ilang mahihigpit na babala tungkol sa may depektong karunungan ng tao, na tinawag niyang “ang karunungan ng sanglibutang ito.” Habang binabasa mo ang I Mga Taga Corinto 1:17–25, pag-isipang mabuti kung ano ang ibig sabihin ng katagang ito. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ni Pablo sa katagang “karunungan ng Diyos”? Bakit kailangan natin ang karunungan ng Diyos upang maisakatuparan ang gawain ng Diyos?
Sa pagsisikap mong gampanan ang iyong tungkulin sa pagsasakatuparan ng gawain ng Diyos, naranasan mo na ba ang “katakutan, at … lubhang panginginig” na nadama ni Pablo noong nagturo siya sa mga Banal sa Corinto? (I Mga Taga Corinto 2:3). Ano ang nakikita mo sa mga talata 1–5 na nagbibigay sa iyo ng lakas-ng-loob? Isipin kung paano mo maipapakita na pinagkakatiwalaan mo ang “kapangyarihan ng Dios” nang higit kaysa sa “karunungan ng mga tao.”
Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 1:17–28.
Kailangan ko ang Espiritu Santo upang maunawaan ang mga bagay ng Diyos.
Kung gusto mong malaman pa ang tungkol sa isang bagay tulad ng automotive mechanic o medieval architecture, paano mo gagawin ito? Ayon sa I Mga Taga Corinto 2:9–16, paanong kaiba ang pag-aaral ng “mga bagay ng Diyos” sa pag-aaral ng “mga bagay ng tao”? Bakit kailangang nasa atin ang Espiritu Santo upang maunawaan ang mga bagay ng Diyos? Matapos basahin ang mga talatang ito, ano sa pakiramdam mo ang dapat mong gawin upang mas lubos na maunawaan ang espirituwal na mga bagay? Paano makakatulong ang mga salita ni Pablo sa isang taong nahihirapan sa kanyang patotoo?
Ang aking katawan ay sagrado.
Nadama ng karamihan sa mga tao sa Corinto na katanggap-tanggap ang seksuwal na imoralidad at na ang kanilang katawan ay ginawa para talaga sa kasiyahan. Sa madaling salita, ang Corinto ay hindi kaiba sa mundo ngayon. Ano ang itinuro ni Pablo sa I Mga Taga Corinto 6:13–20 na makatutulong sa iyo na ipaliwanag sa iba kung bakit gusto mong mamuhay nang malinis?
Maaaring nakakatuwa ding makita kung paanong tulad ni Pablo ay hinikayat ni Sister Wendy W. Nelson ang mga Banal na maging malinis ang puri sa kanyang mensahe na “Love and Marriage” (pandaigdigang debosyonal para sa mga Young Adult, Ene. 8, 2017, broadcasts.lds.org). Paanong ang mga katotohanan tungkol sa pag-ibig at intimasiya na inilarawan ni Sister Nelson ay naiiba sa mga mensahe ng mundo?
Tingnan din sa Mga Taga Roma 1:24–27.
Itinuro ba ni Pablo na mas mainam ang hindi mag-asawa kaysa mag-asawa?
Ang ilang talata sa I Mga Taga Corinto 7 ay tila nagmumungkahi na bagaman katanggap-tanggap ang kasal, ang pananatiling single o walang asawa at lubusang pag-iwas sa seksuwal na relasyon ang mas kanais-nais. Gayunman, ang Pagsasalin ni Joseph Smith, I Mga Taga Corinto 7:29–33 ay tumutulong sa atin na maunawaan na ang tinutukoy ni Pablo ay ang mga tinawag na maging full-time missionary, tinitiyak na sila‘y mas nakapaglilingkod sa Diyos kung mananatili silang single o walang asawa habang nasa misyon sila. Itinuro ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod, pati na kay Pablo, na ang kasal o pag-aasawa ay bahagi ng Kanyang walang-hanggang plano at kailangan para sa kadakilaan (tingnan sa I Mga Taga Corinto 11:11; DT 131:1–4).
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:
Habang binabasa ng mga miyembro ng inyong pamilya ang mga talatang ito, sabihin sa kanila na maghanap ng ideya na makatutulong sa kanila na lalong magkaisa.
Siguro maaari mong basahin ang mga talatang ito habang kumakain ng meryenda na gatas at karne, at maaari mong ihambing ang paraan ng paglaki ng mga sanggol hanggang sa sila ay magkaedad sa paraan ng ating espirituwal na pag-unlad.
Inihambing ni Pablo ang kanyang pagsisikap bilang missionary sa pagtatanim ng mga binhi. Ano ang ipinahihiwatig ng kanyang paghahambing sa kung paano natin dapat gawin ang pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba?
Ang paghahambing ng ating katawan sa mga templo, tulad ng ginawa ni Pablo, ay maaaring maging epektibong paraan upang ituro ang tungkol sa kasagraduhan ng ating katawan. Marahil maaari mong ipakita ang mga larawan ng mga templo, tulad ng mga kasama sa outline na ito. Bakit sagrado ang mga templo? Paanong katulad ng mga templo ang ating katawan? Ano ang magagawa natin upang tratuhin ang ating katawan na gaya ng mga templo? (Tingnan din sa “Kadalisayan ng Puri,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, 35–37.) Kung maaari, magkakasamang pumunta sa templo o bumisita sa bakuran ng templo; maaari nitong pagyamanin ang inyong talakayan tungkol sa kasagraduhan ng templo at ng ating katawan.
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.