“Agosto 26–Setyembre 1. I Mga Taga Corinto 8–13: ‘Kayo nga ang Katawan ni Cristo’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Agosto 26–Setyembre 1. I Mga Taga Corinto 8–13,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019
Agosto 26–Setyembre 1
I Mga Taga Corinto 8–13
“Kayo nga ang Katawan ni Cristo”
Habang mapanalangin mong binabasa ang I Mga Taga Corinto 8–13, ang Espiritu Santo ay maaaring magsalita sa iyo sa tahimik na paraan (tingnan sa I Mga Hari 19:11–12). Ang pagtatala ng mga impresyong ito ay makakatulong sa iyo na maalala ang damdamin at iniisip mo habang ikaw ay nag-aaral.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Noong panahon ni Pablo, ang Corinto ay isang mayamang sentro ng kalakalan na may mga residente mula sa buong Imperyo ng Roma. Sa dami ng iba’t ibang kultura at relihiyon sa lungsod, nahirapan ang mga miyembro ng Simbahan sa Corinto na mapanatili ang pagkakaisa, kaya’t hinangad ni Pablo na tulungan silang magkaisa sa kanilang paniniwala kay Cristo. Ang pagkakaisang ito ay hindi lamang payapang pamumuhay nang magkakasama; hindi hinihiling ni Pablo sa kanila na magparaya sila sa mga pagkakaiba ng isa’t isa. Sa halip, itinuro niya na kapag sumapi ka sa Simbahan ni Jesucristo, ikaw ay “binabautismuhan … sa isang katawan,” at kailangan ang bawat bahagi ng katawan (I Mga Taga Corinto 12:13). Kapag nawala ang isang miyembro, ito ay katulad ng pagkawala ng isang paa, at ang katawan ay mas mahina bunga nito. Kapag ang isang miyembro ay nagdurusa, dapat maramdaman nating lahat ito at gawin ang ating bahagi upang maibsan ito. Sa ganitong uri ng pagkakaisa, ang mga pagkakaiba ay hindi lamang kinikilala kundi napapahalagahan, dahil kung wala ang mga miyembro na may iba’t ibang mga kaloob at kakayahan, ang katawan ay magiging limitado. Kaya kung sa pakiramdam mo ay kampante ka na sa Simbahan o nag-iisip pa rin kung talagang kabilang ka, ang mensahe ni Pablo sa iyo ay ang pagkakaisa ay hindi pagkakapareho. Kailangan mo ang iyong kapwa mga Banal, at kailangan ka ng iyong mga kapwa Banal.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Ang Diyos ay nagbibigay-daan upang makatakas sa tukso.
Ang mga espirituwal na karanasan, maging ang mga mahimalang karanasan, ay hindi tayo ginagawang libre mula sa mga tukso na “matitiis ng tao” (I Mga Taga Corinto 10:13). Maaaring isang dahilan iyan kung bakit sumulat si Pablo tungkol sa kung paano nahirapan ang mga Israelita noong panahon ni Moises sa tukso, kahit na nasaksihan nila ang malalaking himala (tingnan sa Exodo 13:21; 14:13–31). Habang binabasa mo ang I Mga Taga Corinto 10:1–13, anong mga babala sa karanasan ng mga Israelita ang tila angkop sa iyo? Anong mga uri ng “pagtakas” mula sa tukso ang inilaan ng Ama sa Langit para sa iyo? (tingnan din sa Alma 13:27–30; 3 Nephi 18:18–19).
I Mga Taga Corinto 10:16–17; 11:16–30.
Pinagkakaisa tayo ng sakramento bilang mga alagad ni Cristo.
Kahit na ang ordenansa ng sakramento ay isang personal na pangako sa pagitan ng isang tao at ng Panginoon, ito ay isa ring karanasan na nararanasan rin ng iba—halos lagi tayong nakikibahagi ng sakramento nang magkakasama, bilang isang grupo ng mga Banal. Basahin ang itinuro ni Pablo tungkol sa sakramento, at isipin kung paano makatutulong ang sagradong ordenansang ito sa “marami” na maging “kaisa” ni Cristo (I Mga Taga Corinto 10:17). Paano ka kaya makahuhugot ng lakas sa pakikibahagi ng sakramento kasama ang iba pang mga nananalig? Paano nito naiimpluwensyahan ang paraan ng paghahanda mo para sa sakramento at kung paano mo sinisikap na tuparin ang iyong mga tipan sa binyag?
Bakit nagsulat si Pablo tungkol sa mga pantakip sa ulo at estilo ng buhok?
Tinukoy ni Pablo ang mga kaugalian sa kultura ukol sa pananamit at pag-aayos sa sarili upang maituro ang tungkol sa relasyon sa pagitan ng mga lalaki, mga babae, at ng Panginoon. Bagama’t hindi na natin sinusunod ang mga kaugaliang ito ngayon, malalaman pa rin natin mula sa sinabi ni Pablo sa I Mga Taga Corinto 11:11 na ang mga lalaki at mga babae ay parehong kailangan sa plano ng Panginoon, kapwa sa kasal at sa Simbahan. Tulad ng itinuro ni Elder David A. Bednar, “Ang lalaki at babae ay nilayong matuto sa isa’t isa, palakasin, pagpalain, at kumpletuhin ang isa’t isa” nang sila ay magkasamang umunlad tungo sa kadakilaan (“Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Ensign o Liahona, Mayo, 2013, 42; tingnan din sa Marcos 10:6–9).
Ang mga espirituwal na kaloob ay ibinigay para sa kapakanan ng lahat ng mga anak ng Ama sa Langit.
Ang listahan ng mga espirituwal na kaloob sa I Mga Taga Corinto 12–13 ay hindi kumpleto. Ngunit dito magandang magsimula habang tinutukoy mo at pinag-iisipan ang mga espirituwal na kaloob na ibinigay sa iyo ng Ama sa Langit. Maaari kang magdagdag sa listahan ni Pablo ng mga kaloob na napansin mo sa iba, sa iyong sarili, o sa mga tao sa mga banal na kasulatan. Kung mayroon kang patriarchal blessing, maaari din nitong banggitin ang ilan sa iyong mga espirituwal na kaloob. Paano nakatutulong sa atin ang mga kaloob na ito sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos? Isipin kung ano ang gagawin mo upang “maningas [mong] naisin, ang lalong dakilang mga kaloob” (I Mga Taga Corinto 12:31).
Tingnan din sa Moroni 10:8–21, 30; Doktrina at mga Tipan 46:8–26; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:7.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ang mga banal na kasulatan kasama ang inyong pamilya, hangarin ang inspirasyon upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Ang sumusunod na mga mungkahi ay maaaring makatulong:
Dahil inihambing ni Pablo ang pamumuhay ng ebanghelyo sa pagtakbo sa isang paligsahan, maaari kayong magkaroon ng isang paligsahan ng pamilya para mailarawan ang kanyang punto. Gantimpalaan ng korona ang lahat ng makakatapos sa paligsahan, at talakayin kung paano mapapanalunan ng lahat ng masigasig na sumusunod kay Jesucristo sa buhay na ito ang premyo na “walang pagkasira” (I Mga Taga Corinto 9:25; tingnan din sa II Timoteo 4:7–8). Ano ang magagawa ng isang kampeon sa takbuhan upang maghanda para sa isang paligsahan? Gayundin, ano ang magagawa natin para mapaghandaan ang pagbalik sa Ama sa Langit?
Pag-isipang bigyan ang lahat ng isang piraso ng papel na may pangalan ng ibang miyembro ng pamilya sa itaas. Hilingin sa lahat na ilista ang mga espirituwal na kaloob na napansin nilang taglay ng taong iyon. Pagkatapos ay maaari mong ipasa ang mga papel nang paikot hanggang sa lahat ay magkaroon ng pagkakataong isulat ang tungkol sa mga kaloob ng bawat kapamilya.
Bakit kailangan ang Espiritu Santo para magkaroon ng patotoo tungkol kay Jesucristo? Ano ang magagawa natin para maanyayahan ang Espiritu Santo na mapalakas ang ating patotoo tungkol sa Kanya?
Ang analohiya ni Pablo tungkol sa katawan ay maaaring maging di-malilimutang paraan para talakayin ang pagkakaisa ng pamilya. Halimbawa, maaaring subukan ng mga miyembro ng pamilya na gumuhit ng isang katawan na puro mata o tainga lamang (tingnan sa talata 17). Ano ang iminumungkahi ng mga talatang ito tungkol sa kung paano natin dapat pakitunguhan ang isa’t isa bilang mga miyembro ng pamilya?
Ang depinisyon ni Pablo tungkol sa pag-ibig sa kapwa ay maaaring makagawa ng nagbibigay-inspirasyong motto para sa inyong pamilya. Maaari mong atasan ang bawat miyembro ng pamilya na pag-aralan ang isang parirala sa mga talata 4–8 at ituro sa iba pang mga miyembro ng pamilya kung ano ang ibig sabihin ng paggamit ng mga kahulugan, halimbawa, at personal na karanasan. Paanong halimbawa ng mga katangiang ito ang Tagapagligtas? Maaari din kayong sama-samang gumawa ng patalastas para sa bawat isa sa mga parirala at idispley ang mga ito sa inyong bahay. Maging malikhain!
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.