Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Setyembre 2–8. I Mga Taga Corinto 14–16: ‘Ang Dios ay Hindi Dios ng Kaguluhan, Kundi ng Kapayapaan’


“Setyembre 2–8. I Mga Taga Corinto 14–16: ‘Ang Dios ay Hindi Dios ng Kaguluhan, Kundi ng Kapayapaan’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Setyembre 2–8. I Mga Taga Corinto 14–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

bautismuhan sa templo

Setyembre 2–8

I Mga Taga Corinto 14–16

“Ang Dios ay Hindi Dios ng Kaguluhan, Kundi ng Kapayapaan”

Itala ang iyong mga impresyon habang binabasa mo ang I Mga Taga Corinto 14–16. Ipagdasal mo ang itinuro sa iyo ng Espiritu, at itanong sa Ama sa Langit kung may gusto pa Siyang matutuhan mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Dahil bago pa lang ang Simbahan at mga doktrina nito sa Corinto, madaling maunawaan na nagkaroon ng kalituhan ang mga Banal sa Corinto. Itinuro ni Pablo noon sa kanila ang pangunahing katotohanan ng ebanghelyo: “Na si Cristo ay namatay dahil sa ating mga kasalanan … at siya’y inilibing, at siya’y muling binuhay nang ikatlong araw” (I Mga Taga Corinto 15:3–4). Ngunit hindi nagtagal ay nagsimula ang ilang miyembro ng pagtuturo na “walang pagkabuhay na maguli ng mga patay” (I Mga Taga Corinto 15:12). Nakiusap si Pablo sa kanila na “ingatan” ang mga katotohanang itinuro sa kanila (I Mga Taga Corinto 15:2). Kapag naharap tayo sa magkakasalungat na opinyon tungkol sa mga katotohanan ng ebanghelyo, makabubuting tandaan na ang “Dios ay hindi Dios ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan” (I Mga Taga Corinto 14:33). Ang pakikinig sa hinirang na mga lingkod ng Panginoon at pagkapit sa mga simpleng katotohanang paulit-ulit nilang itinuro ay makatutulong upang makatagpo tayo ng kapayapaan at “magpakatibay sa pananampalataya” (I Mga Taga Corinto 16:13).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

I Mga Taga Corinto 14

Maaari kong hangarin ang kaloob na propesiya.

Naisip mo na ba kung ano ang kaloob na propesiya? Ito ba ang kakayahan na hulaan ang hinaharap? Maaari bang matanggap ng kahit sino ang kaloob na ito? O para lamang ito sa mga propeta?

Ang Pangulo ng Simbahan ang tanging tao na nakapagpopropesiya at tumatanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan; gayunman, ipinaliwanag sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan ang propesiya bilang “banal na mga salita o isinulat, na tinatanggap ng isang tao sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Espiritu Santo. … Kapag ang isang tao ay nagpopropesiya, siya ay nangungusap o sumusulat ng mga bagay na nais ng Diyos na malaman niya, para sa kanyang sariling kabutihan o sa kabutihan ng iba” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Propesiya, Pagpropesiya,” scriptures.lds.org; tingnan din sa DT 100:5–8.) Inilalarawan din sa Apocalipsis 19:10 ang diwa ng propesiya bilang “patotoo ni Jesus.”

Ano ang natututuhan mo tungkol sa espirituwal na kaloob na ito mula sa I Mga Taga Corinto 14:3, 31, 39–40? Ano ang maaaring ibig sabihin ni Pablo nang anyayahan niya ang mga Taga Corinto na “pakanasain ninyong makapanghula”? (I Mga Taga Corinto 14:39). Paano mo matatanggap ang paanyayang ito?

Tingnan din sa Mga Bilang 11:24–29; Jacob 4:6–7; Alma 17:3; Doktrina at mga Tipan 11:23–28.

I Mga Taga Corinto 14:34–35

Bakit sinabi ni Pablo na dapat manatiling tahimik ang mga babae sa Simbahan?

Ang mga turo ni Pablo sa I Mga Taga Corinto 14:34–35 ay tila nakakalito, dahil sa bandang unahan ng liham na ito ay isinulat niya na ang mga babae ay nanalangin at nagpropesiya (tingnan sa I Mga Taga Corinto 11:5). Pinalitan sa Joseph Smith Translation ang salitang mangagsalita o magsalita sa mga talata 34 at  35 ng salitang mamahala. Ang paglilinaw na ito ay nagpapahiwatig na maaaring ang tinutukoy ni Pablo ay ang mga babae na nagtatangkang magkaroon ng awtoridad sa mga pulong ng Simbahan. (Tingnan din sa I Timoteo 2:11–12.)

.

I Mga Taga Corinto 15:1–34, 53–58

Nagtagumpay si Jesucristo laban sa kamatayan.

Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ay napakahalaga sa Kristiyanismo, maaaring masabi ng isang tao na kung wala nito ay walang Kristiyanismo—ayon sa mga salita ni Pablo, “walang kabuluhan nga ang aming pangangaral, wala rin namang kabuluhan ang inyong pananampalataya” (I Mga Taga Corinto 15:14). Gayunman itinuturo ng ilan sa mga Banal sa Corinto na “walang pagkabuhay na maguli ng mga patay” (I Mga Taga Corinto 15:12). Habang binabasa mo ang tugon ni Pablo sa I Mga Taga Corinto 15, mag-ukol ng ilang sandali para pag-isipang mabuti kung paano maiiba ang buhay mo kung hindi ka naniniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli. Paano ka pinagpala nito? Anong mga pagpapala ang darating sa iyo dahil si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli? (tingnan sa 2 Nephi 9:6–19; Alma 40:19–23; Doktrina at mga Tipan 93:33–34). Ano ang ibig sabihin sa iyo ng katagang “Kung si Cristo ay hindi muling binuhay, ang inyong pananampalataya ay walang kabuluhan”? (talata 17).

I Mga Taga Corinto 15:35–54

Ang nabuhay na mag-uling mga katawan ay naiiba sa mga mortal na katawan.

Naisip mo na ba kung ano ang hitsura ng isang nabuhay na mag-uling katawan? Ayon sa I Mga Taga Corinto 15:35, ganoon din ang naisip ang ilan sa mga Taga Corinto. Basahin ang sagot ni Pablo sa mga talata 36–54, at tandaan ang mga salita at pariralang naglalarawan ng mga pagkakaiba sa pagitan ng mga mortal na katawan at ng mga nabuhay na mag-uling katawan. Halimbawa, itinuturo ng mga talata 40–42 na ang mga katawang nabuhay na mag-uli ay magliliwanag sa iba’t ibang antas, tulad ng araw, buwan, at mga bituin na magkakaiba ang liwanag (tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, I Mga Taga Corinto 15:40; DT 76:50–112).

Tingnan din sa Alma 11:43–45; Lucas 24:39.

pagsikat ng araw

“Iba ang kaluwalhatian ng araw” (I Mga Taga Corinto 15:41).

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

I Mga Taga Corinto 15:29

Nalaman natin mula sa talata 29 na ang mga sinaunang Banal ay lumahok sa mga pagbibinyag para sa mga patay, tulad ng ginagawa natin sa Simbahan ngayon. Kumusta na ang ginagawa ng ating pamilya na paghahanda ng mga pangalan ng ating mga ninuno para sa mga ordenansa sa templo?

I Mga Taga Corinto 15:35–54

Anong mga bagay o larawan ang maipakikita mo para matulungan ang inyong pamilya na maunawaan ang ilan sa mga katagang ginagamit ni Pablo para ilarawan kung paanong ang mga mortal na katawan ay naiiba sa mga nabuhay na mag-uling katawan? Halimbawa, upang ipakita ang pagkakaiba sa pagitan ng may kasiraan at walang kasiraan (tingnan sa mga talata 52–54) maaari mong ipakita ang metal na kinalawang (tulad ng bakal) at metal na hindi kinakalawang (tulad ng stainless steel o asero). O maaari mong ihambing ang isang bagay na mahina sa isang bagay na malakas (tingnan sa talata 43).

I Mga Taga Corinto 15:55–57

Ang isang talakayan tungkol sa mga talatang ito ay makabuluhan lalo na kung may kilala ang inyong pamilya na isang taong namatay. Ang mga miyembro ng pamilya ay maaaring magbigay ng patotoo sa kung paanong inaalis ni Cristo “ang tibo ng kamatayan” (talata 56). Ang mensahe ni Elder Paul V. Johnson na “At Hindi na Magkakaroon ng Kamatayan” (Ensign o Liahona, Mayo 2016, 121–23) ay magandang karagdagan sa inyong talakayan.

I Mga Taga Corinto 16:13

Para matulungan ang mga miyembro ng inyong pamilya na makaugnay sa talatang ito, maaari kang gumuhit ng isang bilog sa lupa at sabihin sa isang miyembro ng pamilya na “magpakatibay” sa loob nito nang nakapiring habang sinisikap siyang alisin ng iba sa bilog. Anong kaibhan ang nagagawa kapag ang miyembro ng pamilya ay hindi nakapiring at “nakakapanood”? Ano ang magagawa natin upang “mangagpakalakas” sa ating buhay kapag natutukso tayong gumawa ng mga maling pasiya?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Hanapin ang mga pattern. Sa mga banal na kasulatan nakikita natin ang mga huwaran na nagpapakita kung paano ginagawa ng Panginoon ang Kanyang gawain. Anong mga huwaran ang nakita ninyo sa I Mga Taga Corinto 14 na makatutulong sa atin na maunawaan kung paano turuan at patatagin ang isa’t isa? Tingnan din sa DT 50:13–23.

nagpakita si Cristo kay Maria sa libingan sa halamanan

Woman, Why Weepest Thou? ni Simon Dewey