Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Setyembre 9–15. II Mga Taga Corinto 1–7: ‘Kayo’y Makipagkasundo sa Dios’


“Setyembre 9–15. II Mga Taga Corinto 1–7: ‘Kayo’y Makipagkasundo sa Dios’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Setyembre 9–15. II Mga Taga Corinto 1–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

Jesucristo

Setyembre 9–15

II Mga Taga Corinto 1–7

“Kayo’y Makipagkasundo sa Dios”

Habang pinag-aaralan mo ang mga sulat ni Pablo sa mga taga-Corinto, isulat ang ilan sa mga alituntunin ng ebanghelyo na matutuklasan mo at pagnilayan kung paano mo maiaangkop ang mga ito sa buhay mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Kung minsan, ang ibig sabihin ng pagiging pinuno ng Simbahan ay sabihin ang ilang mahihirap na bagay. Totoo ito noong panahon ni Pablo tulad ngayon. Mukhang kasama sa naunang sulat ni Pablo sa mga Banal sa Corinto ang pagpaparusa at nasaktan sila. Sa liham na naging II Mga Taga Corinto, sinikap niyang ipaliwanag kung ano ang nagganyak sa malulupit niyang salita: “Sa malaking kapighatian at hapis ng puso ay sinulatan ko kayo na may maraming luha; hindi upang kayo’y palumbayin, kundi upang inyong makilala ang pagibig kong napakasagana sa inyo” (II Mga Taga Corinto 2:4). Kapag ikaw ang iwinawasto ng isang pinuno, talagang nakakatulong na malaman na ito ay inspirado ng pag-ibig ni Cristo. At kahit sa mga pagkakataong iyon kung saan, kung handa tayong tingnan ang iba nang may pagmamahal na nadama ni Pablo, mas madaling tumugon nang angkop sa anumang nakakasama ng loob. Tulad ng payo ni Elder Jeffrey R. Holland, “Maging mapagpaumanhin sa kahinaan—sa inyong kahinaan gayundin sa mga kasama ninyong naglilingkod sa Simbahan na pinamumunuan ng boluntaryo at mortal na kalalakihan at kababaihan. Maliban sa Kanyang perpektong Bugtong na Anak, mga taong di-perpekto ang tanging katulong ng Diyos sa gawain noon pa man” (“Panginoon, Nananampalataya Ako,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 94).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

II Mga Taga Corinto 1:3–7; 4:6–10, 17–18; 7:4–7

Ang aking mga pagsubok ay maaaring maging pagpapala.

Dahil sa hirap na dinanas ni Pablo sa kanyang ministeryo, hindi nakakagulat na marami siyang isinulat tungkol sa mga layunin at pagpapala ng paghihirap. Isipin ang mga paraan na maaaring maging pagpapala ang iyong mga pagsubok habang binabasa mo ang II Mga Taga Corinto 1:3–7; 4:6–10, 17–18; at 7:4–7. Halimbawa, maaari mong pagnilayan kung paano ka “[inaaliw ng Diyos] sa lahat ng [iyong] kapighatian” at kapalit nito, paano mo “[inaaliw] ang nangasa anomang kapighatian” (II Mga Taga Corinto 1:4). O maaari kang magtuon sa liwanag ni Jesucristo na “siyang nagningning sa [ating] mga puso,” kahit na ikaw ay “[nababagabag]” at “[natitilihan]” (II Mga Taga Corinto 4:6–10).

II Mga Taga Corinto 2:5–11

Tumatanggap ako ng mga pagpapala at pinagpapala ko ang iba kapag nagpapatawad ako.

Wala tayong gaanong alam tungkol sa taong tinukoy ni Pablo sa II Mga Taga Corinto 2:5–11—kundi na siya ay lumabag (tingnan sa mga talata 5–6) at na gusto ni Pablo na patawarin siya ng mga Banal (tingnan sa mga talata 7–8). Bakit tayo nabibigo kung minsan na “papagtibayin ang [ating] pagibig sa” taong nanakit ng ating damdamin? (talata 8). Paano nakakasakit sa iba at sa atin ang hindi pagpapatawad? (tingnan sa mga talata 7, 10–11). Ano ang ibig sabihin sa iyo ng kapag hindi natin pinatawad ang iba, “[tayo ay nalalamangan] ni Satanas”? (talata 11).

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 64:9–11.

II Mga Taga Corinto 5:14–21

Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari akong makipagkasundo sa Diyos.

Tulad ng sinuman, alam ni Pablo kung ano ang pakiramdam ng maging “bagong nilalang.” Mula sa pagiging tagausig sa mga Kristiyano, naging walang-takot siyang tagapagtanggol ni Cristo. Nalaman niya mismo kung paano naging “walang sala” si Cristo, na makapag-aalis ng ating kasalanan at makapagbibigay sa atin ng Kanyang “katuwiran,” at ipinanunumbalik tayo sa pakikiisa sa Diyos. Habang binabasa mo ang mga talatang ito, pag-isipan kung ano ang ibig sabihin ng makipagkasundo sa ibang tao. Paano nito ipinauunawa sa iyo kung ano ang ibig sabihin ng makipagkasundo sa Diyos? Pagnilayan kung ano ang naghihiwalay sa iyo sa Diyos. Ano ang kailangan mong gawin para mas lubusan kang makipagkasundo sa Kanya?

Tingnan din sa 2 Nephi 10:23–25.

II Mga Taga Corinto 7:8–11

Ang kalumbayang mula sa Diyos ay humahantong sa pagsisisi.

Hindi natin karaniwang iniisip na mabuting bagay ang kalungkutan, ngunit sinabi ni Pablo na ang “kalumbayang mula sa Dios” ay mahalagang bahagi ng pagsisisi. Ano ang natututuhan mo tungkol sa kalumbayang mula sa Diyos sa mga sumusunod? II Mga Taga Corinto 7:8–11; Alma 36:16–21; Mormon 2:11–15. Kailan ka nakadama ng kalumbayang mula sa Diyos, at ano ang naging epekto nito sa buhay mo?

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

II Mga Taga Corinto 3:1–3

Nagpasulat na ba ng rekomendasyon sa ibang tao ang mga miyembro ng inyong pamilya, tulad ng para sa application sa trabaho o paaralan? Ipakuwento sa kanila ang karanasang ito, at kung ano ang nakasaad sa liham tungkol sa kanila. Itinuro ni Pablo na ang buhay ng mga Banal ay parang mga sulat ng rekomendasyon ni Cristo mismo para sa ebanghelyo, “hindi isinulat ng tinta, kundi ng Espiritu, ng Dios na buhay.” Habang sama-sama ninyong binabasa ang II Mga Taga Corinto 3:1–3, talakayin kung paano parang mga sulat ng rekomendasyon para sa ebanghelyo ang ating mga halimbawa na maaaring “nakikilala at nababasa ng lahat ng mga tao.” Marahil ay maaaring sumulat ng isang liham o “sulat” ang bawat miyembro ng pamilya na nagpapaliwanag kung paano naging mabuting halimbawa ng isang disipulo ni Jesucristo ang ibang miyembro ng pamilya. Maaari nilang basahin ang kanilang mga liham sa pamilya nila at ibigay nila ito sa kapamilyang binanggit nila sa sulat. Bakit mahalagang maunawaan na ang ating buhay ay “[mga] sulat ni Cristo”?

II Mga Taga Corinto 5:6–7

Ano ang ibig sabihin ng “nagsisilakad … sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin”? Ano ang ginagawa natin para ipakita na naniniwala tayo sa mga bagay na hindi natin nakikita?

II Mga Taga Corinto 5:17

May maiisip—o mahahanap—ba ang inyong pamilya na mga halimbawa sa kalikasan ng mga bagay na nagdaraan sa kakaibang mga pagbabago at nagiging mga bagong nilalang? (tingnan sa mga larawan na kasama sa outline na ito). Ano ang itinuturo sa atin ng mga halimbawang ito kung paano tayo mababago ng ebanghelyo ni Jesucristo?

II Mga Taga Corinto 6:1–10

Ayon sa mga talatang ito, ano ang ibig sabihin ng maging “mga ministro ng Dios”?

II Mga Taga Corinto 6:14–18

Paano natin masusunod ang payo ni Pablo na, “Magsialis kayo sa [mga hindi matuwid], at magsihiwalay kayo,” habang nagpapakita rin ng mabubuting halimbawa sa mga nasa paligid natin?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magbahagi ng mga object lesson. Ang ilang alituntunin ng ebanghelyo, tulad ng Pagbabayad-sala, ay maaaring mahirap maunawaan. Isiping gumamit ng mga larawan o bagay na magpapaunawa sa inyong pamilya sa mga alituntuning natutuklasan mo sa mga banal na kasulatan.

uod, cocoon, at paruparo

Kapag nagbalik-loob tayo sa ebanghelyo ni Jesucristo, napakatindi ng ating pagbabago kaya inilarawan ito ni Pablo na pagiging “bagong nilalang” (II Mga Taga Corinto 5:17).