“Setyembre 16–22. II Mga Taga Corinto 8–13: ‘Iniibig ng Dios ang Nagbibigay na Masaya’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Setyembre 16–22. II Mga Taga Corinto 8–13,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019
Setyembre 16–22
II Mga Taga Corinto 8–13
“Iniibig ng Dios ang Nagbibigay na Masaya”
Ang pagtatala ng mga espirituwal na impresyon ay makakatulong sa iyo na maalala ang natututuhan mo sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaari kang sumulat sa isang study journal, magtala sa mga margin ng iyong mga banal na kasulatan, magdagdag ng mga tala sa iyong Gospel Library app, o gumawa ng audio recording ng iyong mga ideya.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Ano ang gagawin mo kung narinig mo na naghihirap ang isang kongregasyon ng mga Banal sa ibang lugar? Ito ang sitwasyong inilarawan ni Pablo sa mga Banal sa Corinto sa II Mga Taga Corinto 8–9. Umasa siyang mahikayat ang mga Banal sa Corinto na magbahagi ng ilan sa kanilang kasaganaan sa mga Banal na nangangailangan. Ngunit bukod pa sa paghiling ng mga donasyon, may malalalim na katotohanan din sa mga salita ni Pablo tungkol sa pagbibigay: “Magbigay ang bawa’t isa ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso: huwag mabigat sa loob, o dahil sa kailangan: sapagka’t iniibig ng Dios ang nagbibigay na masaya” (II Mga Taga Corinto 9:7). Sa ating panahon, mayroon pa ring mga Banal sa buong mundo na nangangailangan ng tulong. Kung minsan ang magagawa lang natin para sa kanila ay mag-ayuno at mag-ambag sa fast offering. Sa ibang mga pagkakataon, maaaring mas direkta at personal ang ating pagbibigay. Anumang sakripisyo ang ating gawin, nararapat nating suriin ang ating mga layunin sa pagbibigay. Pagpapakita ba ng pagmamahal ang ating mga sakripisyo? Tutal, pagmamahal ang nagpapasaya sa nagbibigay.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
II Mga Taga Corinto 8:1–15; 9:5–15
Masaya kong maibabahagi ang anumang mayroon ako para mapagpala ang mga maralita at nangangailangan.
Napakaraming taong nangangailangan sa buong mundo. Paano tayo makakagawa ng kaibhan? Narito ang payo ni Elder Jeffrey R. Holland: “Mayaman man o mahirap, kailangan nating ‘gawin ang ating makakaya’ kapag nangangailangan ang iba [tingnan sa Marcos 14:6, 8]. … Tutulungan at gagabayan kayo [ng Diyos] sa mahabaging paglilingkod bilang disipulo kung taimtim kayong maghahangad at magdarasal at hahanap ng mga paraan na masunod ang isang utos na paulit-ulit Niyang ibinigay sa atin” (“Hindi Ba’t Tayong Lahat ay mga Pulubi?” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 41).
Basahin ang II Mga Taga Corinto 8:1–15; 9:6–15, na binibigyang-pansin ang mga alituntuning itinuro ni Pablo tungkol sa pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan. Ano ang nagbibigay-inspirasyon sa iyo tungkol sa payo ni Pablo? Maaari kang humiling ng patnubay sa panalangin kung ano ang magagawa mo para mapagpala ang isang taong nangangailangan. Tiyaking itala ang anumang mga impresyong natatanggap mo at kumilos ayon dito.
Tingnan din sa Mosias 4:16–27; Alma 34:27–29; Henry B. Eyring, “Hindi Baga Ito ang Ayuno na Aking Pinili?” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 22–25; Linda K. Burton, “Ako’y Taga Ibang Bayan,” Ensign o Liahona, Mayo 2016, 13–15.
Ang mga bulaang propeta ay hangad manlinlang.
Maaaring makatulong sa iyo na maunawaan ang kabanatang ito para malaman na nagkaroon ng “mga bulaang apostol” sa mga Banal sa Corinto (II Mga Taga Corinto 11:13). Ano ang natututuhan mo mula sa mga talata 13–15 tungkol sa mga taong nagtuturo ng mga maling doktrina? Ano ang natututuhan mo tungkol sa mga tunay na propeta habang binabasa mo ang mga karanasan ni Pablo bilang ministro ni Cristo? (tingnan sa mga talata 23–33).
II Mga Taga Corinto 11:3; 13:5–8
Dapat kong “suriin” ang katapatan ko sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Dahil ngayo’y maraming naghahangad na ilayo tayo sa “malinis na mga pagiisip na kay Cristo” (II Mga Taga Corinto 11:3), maaari mong tanggapin ang paanyaya ni Pablo na “siyasatin [mo] ang [iyong] sarili, kung [ikaw ay nasa] pananampalataya” (II Mga Taga Corinto 13:5). Halimbawa, maaari mong pagnilayan kung ano ang maaalis mo sa iyong buhay na tutulong sa iyo na magtuon kay Cristo, o maaari mong kumpletuhin ang “Aktibiti Patungkol sa Katangian” sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, pahina 144.
Ano ang “ikatlong langit,” at sino ang lalaking “inagaw hanggang” doon?
Sa mga talatang ito, ikinukuwento ni Pablo ang kanyang sarili, nang hindi deretsahang binabanggit ang kanyang sarili—marahil para hindi niya maipagyabang ang pambihira niyang pangitain. Ang pariralang “ikatlong langit” ay tumutukoy sa kahariang selestiyal (tingnan sa DT 76:96–98).
Ang biyaya ng Tagapagligtas ay sapat na para tulungan akong makasumpong ng lakas sa aking kahinaan.
Hindi natin alam kung ano ang “tinik sa laman” ni Pablo, ngunit madaling makaugnay sa kanyang hangaring ipaalis ito. Lahat tayo ay may mga hamon at problema na hindi minarapat ng Panginoon na alisin sa ating buhay. Pag-isipan ang sarili mong mga pagsubok habang binabasa mo ang II Mga Taga Corinto 12:5–10. Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa kahinaan? Ano ang kahulugan sa iyo ng ang biyaya ng Diyos ay sapat na sa iyo? Paano mo naranasan ang nagpapalakas na kapangyarihan ng Diyos?
Tingnan din sa Mosias 23:21–24; 24:10–15; Eter 12:27; Moroni 10:32–33.
Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang banggitin niya ang “dalawa o tatlong saksi”?
Sa panahon ng Lumang Tipan, kailangang may dalawa o tatlong saksi para makapagparatang laban sa isang tao (tingnan sa Deuteronomio 19:15). Binanggit ni Pablo ang kaugaliang ito nang banggitin niya ang ikatlong pagbisita niya sa Corinto. Kasama sa mga makabagong halimbawa ng alituntuning ito ng maramihang saksi ang Tatlong Saksi sa Aklat ni Mormon, ang mga patotoo kay Jesucristo na nasa Biblia at sa Aklat ni Mormon, at ang pagpapatotoo ng mga missionary, home teacher, at visiting teacher bilang magkompanyon.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:
Ano ang nakikita mo sa mga kabanatang ito na naghihikayat sa inyong pamilya na tulungan ang mga maralita at nangangailangan? Maaaring magandang pagkakataon ito para sa pamilya na magplano ng paglilingkod sa isang taong nangangailangan.
May kilala ba ang inyong pamilya na maaaring ilarawan na “nagbibigay na masaya”? Paano natin mas mapapasaya ang paglilingkod natin sa iba?
Paano mo matuturuan ang inyong pamilya tungkol sa ating “pakikilaban” sa kasamaan? Ikasisiya ba ng inyong pamilya ang pagtatayo ng pader o muog gamit ang mga silya at kumot? Maaari itong humantong sa isang talakayan kung paano aalisin ang mga bagay na naglalayo sa atin sa Diyos at “[bibihagin ang] lahat ng pagiisip sa pagtalima kay Cristo.” Anu-ano ang mga espirituwal na “sandata” na ginagamit natin para kontrolin ang ating mga iniisip? (tingnan sa Mga Taga Efeso 6:11–18).
Ano ang magagawa ng inyong pamilya para mas makatuon sa “malinis na mga pagiisip na kay Cristo”?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.